Sabado, Agosto 30, 2014

CROSS-BAKIT? CHALLENGE: Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - August 31, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Nauuso ngayon ang tinatawag nating ICE BUCKET CHALLENGE!  Ito ay ang nakikita nating ginagawa ng ilang mga kilalang celebreties na hinahayaan nilang sila ay mabuhusan ng isang baldeng ice-water at pagkatapos ay magnonominate ng mga taong gustong humarap sa challenge na ito. Ang gawaing ito ay hindi lang basta-bastang pagbubuhos ng tubig sa sarili. Ang mga nagbubuhos ng tubig ay dapat magbigay ng donasyon para sa kamulatan at matugunan ang research ng sakit na ALS o Amyothropic Lateral Sclerosis.  At sabi nga ng isang sikat na komedyante, hindi ito para lang maging sikat ka sa Youtube o social media... "Don't nominate if you don't donate!"  Ang Simbahan, sa pamamagitan ng ating mga obispo, ay mayroon ding "warning" sa atin sa pagtanggap sa "fad-challenge" na ito. Kailangan ba nating dumaan sa ganitong challenge?  Ang buhay-Kristiyano ay nagbibigay sa atin ng isang challenge na higit pa ang hirap na dala kaysa ice bucket!  Ang challenge ni Jesus: "Kung ibig ninunmang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin!"  Ang tawag ko rin dito ay CROSS-BAKIT?CHALLENGE!  Bakit ganito ang paghamon ni Jesus sa atin?  May dalawang magkaibigan, isang Kristiyano at isang Intsik ang nag-uusap tungkol sa kanilang Relihiyon at pinagyayabang ang kanilang sinasambang Diyos.  Ang sabi ng intsik: "Halika, punta tayo sa aming templo at ipapakita ko sa iyo ang aming diyos na sinasamba." Pagdating sa templo ay namangha ang batang Kristiyano sa kanyang nakita. Napakaganda ng loob ng templo. Nababalutan ng mga malagintong dekorasyon at sa harapan ng altar ay tumambad sa kanya ang napakaraming estatwa ng ng mga buddha na iba-iba ang itsura at napapalibutan ng maraming kandilang insenso. Pagkatapos ay sinabi ng Instik: "Dalhin mo naman ako sa inyong templo para makita ko ang Diyos ninyo." Nag-aalangang dinala niya ang kaibigan sa isang simbahan. Laking pagkagulat ng Intsik ng makita ang isang malaking krus sa dambana ng altar. "Ano yan?" sabi niya. "Bakit may taong nakapako sa krus? Nasaan na ang Diyos n'yo?" Ang sagot ng Kristiyano: "Siya ang aming Diyos. Nakapako Siya sapagkat naghirap at namatay Siya para sa amin. Ganyan kami kamahal ng aming Diyos. Kaya ba yan ng diyos n'yo?"   Marahil, sa lahat ng relihiyon sa buong mundo ay tayo lamang mga Kristiyano ang makapagsasabi na mayroon tayong Diyos na naghirap at namatay para sa atin.  Tayo lamang ang may Diyos na nagpasan at ipinako sa krus!  Hindi ito sangayon sa pananaw ng mundo. Kaya't gayun na lamang ang pagtutol ni Pedro ng marinig mismo kay Jesus na siya bilang kanilang kinikilalang panginoon ay magdaranas ng hirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda at pinuno ng bayan. Ayaw ni Pedro ng Diyos na mahina!  Ngunit hindi batid ni Pedro na ito ang kalakasan ng Diyos: Ang maghirap Siya para sa tao! Bakit? Sapagkat ito ang paraan ng pagpapakita ng Kanyang pagmamahal. Mapalad tayo sapagkat mayroon tayong Diyos na lubos na nagmahal sa atin. Kaya nga ang simbolo ng krus ay mahalaga para sa atin. Ito dapat ay mag-paalala sa atin na kung papaanong ang ating Diyos ay naghirap, dapat tayo rin bilang mga Kristiyano ay handang magbata ng anumang hirap sa buhay. Dapat tayo rin ay matutong magbuhat ng ating mga krus at pasanin sa buhay! Ano ba ang mga krus na pinapasan ko ngayon: problema sa bahay? Sa trabaho? Sa pag-aaral? Sa asawa? Sa mga anak? Napakarami marahil. Hindi yan tatanggalin ni Jesus. Ang nais niya ay pasanin natin ang mga ito ng may pagmamahal katulad ng pagpasan niya sa ating mga kasalan noong Siya ay nag-alay ng Kanyang buhay. Sabi ng isang text na aking natanggap: "No pain no gain! No guts no glory! NO, ID NO ENTRY!" Anung koneksyon? Ang ID nating mga Kristiyano ay ang ID ni Kristo. Ang ID na ginamit ng Panginoon ay ang ID ng KRUS!  NO ENTRY ka sa langit kung wala kang ganitong suot na ID. NO ENTRY ka sa langit kung hindi ka dumanas ng hirap at sakit sa iyong buhay. Ito ang challenge sa ating mga kristiyano.  Hindi ba't di hamak na mas mahirap ito kaysa ang maligo ka sa yelo?   Ngayong Taon ng Mga Layko ay piliin natin ang maging matapang sa harap ng maraming problema at pagsubok sa buhay. "Choose to be brave!"  Ang panalangin ng isang matapang na Kristiyano ay dapat ganito: "Panginoon, hindi ko inaasahang tatanggalin mo ang mga problema ko sa buhay.  Ngunit ang hiling ko lang sana ay bigyan mo ako ng lakas at tapang upang makaya at malagpasan ko ang mga ito...Amen!"

Huwebes, Agosto 21, 2014

ALIAS KRISTIYANO (Reposted & Revised): Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 24, 2014 - YEAR OF THE LAITY

What's in a name? Ano ba ang mayroon sa iyong pangalan? Alam mo ba ang sinasabi ng pangalan mo tungkol sa iyo? Kung minsan mahilig tayong magbigay ng "alias" sa ibang tao. Kapag panot at nauubos na ang buhok ay ay tinatawag nating  "HIV positive" ang isang tao (Hair Is Vanishing ), kapag payat ang tawag natin ay "Palito", kapag mataba ang tawag natin ay "Baboy", kapag bading ay "Paminta" at marami pang ibang pang-asar na "alias" ang ginagamit natin para gawing katatawanan ang pangalan ng iba. Napakagaling din nating mag-coin ng pangalan. Ito naman yung pagsasama ng dalawang pangalan sa iisang pangalan lamang. Halimbawa kapag ang pangalan ng tatay ay Jose at ang nanay naman ay Maria ang magiging pangalan ng bata ay JOMAR. Mag-ingat lang sapagkat hindi ito maaring gawin sa lahat ng pagkakataon. Halimbawa kasi na kung ang pangalan ng tatay ay Conrado at ang nanay naman ay Domingga, siguradong ang kakalabasang pangalan ng bata ay CONDOM!  Kawawa naman ang bata pag nagkataon! hehehe. Ang pagbibigay ng ALIAS o tawag sa isang tao ay ugali rin noon pang panahon ng Lumang Tipan sa Biblia at maging sa Bagong Tipan din.  Si  Abram ay pinangalanang Abraham na ang ibig sabihin ay "ama ng maraming lahi",  si Jacob ay pinangalanang "Israel". Sa Ebanghelyo ngayon ay nagbigay din ng alias si Jesus sa isa sa kanyang mga alagad upang magbigay ng bagong pagkatao at isang misyon. Tinawag niyang "Pedro" si Simon. Ang Pedro sa wikang Latin ay "Petrus" na ang ibig sabihin ay "bato"... matigas, matatag, di natitinag. "Ikaw ay Pedro, at ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking Iglesia!" (Simbahan). Ano ba ang nakita ni Jesus kay Pedro? Alam ni Jesus na ang taong ito ay mahina at mapusok. Iiwan siya ni Pedro sa hardin ng Getsemani upan mahuli ng mga Judio. Itatatwa siya ni Pedro ng tatlong beses sa harap ng ibang tao. Alam itong lahat ni Jesus ngunit sa kabila nito ay pinili niya si Simon Pedro upang pamunuan ang kanyang Iglesia at ibinigay pa sa kanya ang "susi" ng kaharian ng langit, simbolo ng kapangyarihang mamuno. Anung nakita ni Jesus kay Pedro? Ang sagot ay "kahinaan", kahinaan na nagbigay daan upang manaig sa kanya ang kalakasan ng Diyos!  Maganda ang sabi ni San Pablo tungkol dito: "I'm willing to boast of my weakness because in my weakness.. God is strong!" Ito nga marahil ang nais ding makita sa atin ni Jesus, ang masabing  "ang Diyos ang ating lakas sa kabila ng ating kahinaan!" Kalimitan ay madali tayong panghinaan ng loob kapag lagi tayong tinatalo ng ating kahinaan: paulit-ulit na kasalanan, masamang pag-uugali, masamang hilig. Tandaan natin na tayong lahat ay maaring maging "Pedro" kung taos puso nating aaminin ang ating pagkakamali at tatanggapin natin ang Diyos bilang ating lakas! Sa tuwing tayo ay humihingi ng tawad sa ating mga pagkakasala dapat ay hinihingi din natin ang Grasya ng Diyos upang tulungan tayo sa ating pagbabago. Tandaan natin na sa lakas ng Diyos para tayong "nakasandal sa bato". Sa lakas ng Diyos ay walang imposible! Sa lakas ng Diyos ang kahinaan ay maaring maging kalakasan ng tao! Ngayong Taon ng mga Layko ay piliin nating maging matapang, matapang na pangatawanan ang hinihining ng ating pangalan.   Sa binyag, binigyan tayo ng "alias" ng Panginoon. Ang alias natin ay ang pangalang KRISTIYANO. Ikinabit Niya sa atin ang Kanyang pangalang KRISTO! Ibig sabihin, taglay natin sa ating kahinaan ang kalakasang dala ng kanyang banal na pangalan. Kaya nga't nararapat lamang na pangatawanan natin ang pangalang ito. Ipakita natin sa ating pag-iisip, pananalita at pagkilos na tayo ay KRISTIYANO! Tandaan... ALIAS natin ito!

Sabado, Agosto 16, 2014

ANG KILITI-NG-DIYOS (Reposted & Revised) : 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 17, 2015 - YEAR OF THE LAITY

Iba't iba ang ating kiliti! Kapag nakuha mo raw ang kiliti ng isang tao ay madali mong makukuha ang kanyang kalooban. May katotohanan ito. Sa iba ang kiliti ay pagkain. Pakainin mo lang ng kanyang paborito at solve ka na! Sa iba naman ay "pride" o kayabangan. Purihin mo ang kanyang anyo o ugali at friendship ever na kayo! Kung ito ay totoo sa tao, ito rin ba kaya ay totoo sa Diyos? Mayroon ba Siyang kiliti? Ano ba ang kiliti ng Diyos? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay makikita nating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong may malalim na pananampalataya! At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging may malalim na pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehe... Pero ito naman talaga ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Una, nais Niya na "kinukulit" natin siya"Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!"Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "aso" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging may pananampalataya ang kalakasan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pananalig.  Ito ang kanyang KILITI!

Huwebes, Agosto 14, 2014

ANG MAGAANG TUMATAAS! (Reposted) : Solemnity of the Assumption Year A - August 15, 2014

"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan."Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 9, 2014

MULTO SA IBABAW NG TUBIG (Reposted & Revised) : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - August 10, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Totoo bang may "multo?" Iba't iba ang pananaw dito... ngunit nakakapagtaka na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa "computer age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga espiritu o tinatawag nating multo. May kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa! "Ano itong isinasabit mo padre? Dekorasyon? Hindi ako natatakot d'yan!"  Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan ang bawat sulok ng kwarto ng banal na tubig. Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Sa kahuli-hulihan ay inilabass ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa. Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik!  Lesson: Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe... Napagkamalang multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig. Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot... ako ito!"  Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa hinaharap... masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili at sa ibang tao.  "Huwag kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin "sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Pakawalan na natin sila! "Let it go! Let is go!" ang sabi nga ng kanta.  Ang mga multo ng nakaraan ang pumipigil sa atin upang makabangon at mabigyan ng bagong direksyon ang ating buhay!  Ngunit hindi lang sapat ang mag "let go!"  Dapat ay marunong din tayong mag "Let God!"  Let go and let God! Huwag na nating hayaang multuhin nila tayo at sa halip ay hayaan nating ang Diyos ang maghari sa ating buhay. Dito kinakailangan ang ating malalim na pananampalataya.  Sa Ebanghelyo ay nakita natin ang kakulangan ng pananampalataya ni Pedro kaya't siya ay lumubog sa tubig! Tayo rin lulubog sa tubig ng kawalan ng pag-asa kung hindi natin kakapitan ang Diyos sa ating buhay.  Ang pananampalataya ay ang ating buong buhay na pagtaya sa Diyos anuman ang mangyari sa ating buhay!  Huwag nating hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang ating pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula na tayong maglakad sa tubig ng pag-aalinlangan. Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan, problema at mga pagsubok sa ating buhay. Hindi crucifix, holy water o collection basket ang mabisang pangontra sa multo kundi isang malalim at buhay na PANANAMPALATAYA!

Sabado, Agosto 2, 2014

BANAL NA PASTOL, BANAL NA KAWAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - August 3, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Bukas, ika-apat ng Agosto ay ang Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang kinikilalang patron ng mga pari lalo't higit ng mga Kura Paroko.  Kaya nga ang araw na ito ng Linggo ay tinatawag ding "Linggo ng Kura Paroko."  May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan.  Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan.  Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan.  "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LCD TV para sa ating simbahan."  Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili.  "Tanga di ba? "  Sabi ng unang pari.  Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan.  Luma na kasi ang service natin sa parokya!"  Agad ding sumunod ito at umalis.  "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko...   Hoy, halika nga.  Pakitingin nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?"  Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! hehehe"   Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas?  Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LCD TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..."  Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga kura kaysa kanilang mga sakristtan!  Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon?  Gaano ba kahalaga ang kanilang misyon sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos? Ang misyon ni Jesus na pagliligtas ay isinakatuparan Niya sa tulong ng mga kanyang mga alagad na hinirang... ang mga apostol. Si Pedro na hinirang at kinilalang pinuno ng mga apostol ay nagtalaga naman ng kanyang mga kahalili na ang tawag natin ngayon ay mga "obispo" na nangangasiwa sa malalaking "kawan" ng sambayanan na ang tawag ay "diyosesis."  Sa lawak at dami ng kanilang nasasakupan, ang mga obispo naman ay nagtalaga ng mga pari na hahawak sa mas maliliit na "kawan" na ang tawag natin ay "parokya".  At dito ngayon pumapasok ang kahalagahann ng mga pari, lalo na ang mga kura paroko sa pangangasiwa sa kawan ng Diyos.  Sa Ebanghelyo ay sinabi ni Jesus na sila mismo (ang mga alagad) ang "magpakain" sa mga gutom na taong sumunod sa kanila sa ilang. "Hindi na sila kailangang, umalis pa.  Kayo ang magbigay sa kanila ng pagkain!"  Ang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda ay sumasagisag sa Banal na Eukaristiya na kung saan tinutugunan ng Sakramento ang espirituwal na pagkagutom ng mga tao; at ang mga alagad ang naatasang maging instrumento upang maisakatuparan ang gawaing ito.  Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya.  Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo.  Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian.  Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan.. Ngayong Taon ng mga Layko ay binibigyang pansin natin ang  mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno. Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan.  Maraming salamat po sa inyong mga panalangin!