Sabado, Agosto 28, 2021

TOTOONG KATOLIKO: Reflection for 22nd Sunday In Ordinary Time Year B - August 29, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Paano ba nasusukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ang isang katoliko ay maituturing na siyang relihiyoso? Ngayong tayo nasa panahon ng pandemya at napipilitan tayong magsara ng mga simbahan at gawing "on-line" na lamang ang ating pakikibahagi sa Misa, masasabi ba nating relihiyoso pa rin  ba tayong mga Katoliko?  Kung pagbabasihan ang bilang ng mga viewers ng ating mga on-line masses ay siguradong mapapailing ka na lang.  May ilan-ilan sa ating may pinanghahwakang debosyon o panata katulad ng pagsisimba tuwing Miyerkules sa Baclaran o Biyernes naman sa Quiapo, ngunit sapat ba ang mga ito para tawagin tayong mga tapat a na Katoliko?

May nakakatuwang kuwento ang makasasagot nito.  Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... 

Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Ibig sabihin, ang tunay na relihiyon ay hindi lang ang mga pandebosyong panalangin, pagsisimba tuwing Linggo, pagbisita sa simbahan, o maging ang ating relihiyong kinabibilangan.  

Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon.  Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi.  Halimbawa, ako ay kabilang sa relihiyong Kristiyano Katoliko.  Siya ay kabilang sa relihiyong Muslim. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (Ang ibig sabihin ng "re" ay muli, at ang "ligare" naman ay itali. Kung pagdurugtungin ay "italing muli". )  Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos.  

Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang ang pagpapakita na tayo ay mga taong maka-Diyos.  Hindi lamang ito natatali sa mga ritwal o panlabas na pagpapahayag ng ating pananampalataya.  Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “ Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." 

Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga?  Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo.  Mahalaga ang mga ito, lalo na ang pagsisimba sapagkat ito dapat ang magbigay sa atin ng motibasyon upang lumago sa ating pananampalataya.  Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon.  May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin.  Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano."  Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na!  Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba.  Sapagkat kung ang mga ito lamang ang ating pagtutuunan ng pansin ay tunay na para sa atin ang sinabi ng Panginoon sa mga pariseo:  "Pagpuri't pagsambang ginagawa nila  ay walang kabuluhan!" (Marcos 7:6)  

Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti. Ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi.  Ang pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya.  Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos.  Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili."  Kaya huwag tayong maging mga Kristiyanong Doble-kara! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya tulad ng mga Pariseo.  Mag-ingat tayo sa huwad na pagsasabuhay ng relihiyon.  Upang sa sandali mang may magtanong sa iyo kung ano ang relihiyon mo ay masasabi mong: Ako ay KATOLIKO na nagsasabuhay ng aking pananampalataya!  I am a Catholic and I am proud of it!  ITO ANG TOTOONG KATOLIKO!

Sabado, Agosto 21, 2021

FIAT VOLUNTAS TUA: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 22, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Bakit nga ba ganito tayong mga Katoliko? Bakit parang pinipili lang natin ang gusto nating pakinggan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating marinig?  Marami sa atin na ang pakikinig ay "selective listening."  Parang may switch ang ating tenga kung ano ang dapat nating pakinggan at kung ano ang hindi dapat nating pansinin. Bakit maraming Katoliko ang sumasalungat sa aral ng Simbahan tungkol sa usapin ng divorce, same sex marriage, death penalty, contraception at marami pang mga usapin na may kinalaman sa moralidad?  Bakit may mga Katolikong  hindi sumasang-ayon kapag ipinaglalaban ng Simbahan ang karapatang pantao para sa mga taong mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto! Ito ay salungat sa kanilang baluktot na paniniwala. Para sa kanila isa itong panghihimasok sa kanilang personal na pamumuhay! 

May kuwento ng isang pari na nagbibigay ng homiliya at nangangaral siya tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!"  

Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos. At kung mahirap maintindihan ang Kanyang pag-iisip ay mas lalong mahirap isabuhay ang Kanyang kalooban.  Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?"  Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita.  At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?"  Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" 

Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang divorce, same sex marriage o kahit death penalty ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" At tanging ang katotohanan lamang ang maaring magpalaya na magpapasaya sa atin.    

Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan.  Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!"   

Ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay nasaksihan ng marami at marahil ay personal na naranasan ng iilan ang sakit ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay ay mas higit nating kinakailangan ang ganitong pag-iisip.  Marahil ay mahirap para sa atin na maunawaan ang kalooban ng Panginoon at mas madali ang magduda at mag-alinlangan sa kanyang karunungan at pagmamahal.  Dito sinusukat ng Panginoon ang katatagan ng ating pananalig sa kanya.  Katulad ng Mahal na Birheng Maria na nagpakita ng katatagan sa paanan ng krus at minamasdan ang kanyang nag-aagaw buhay na anak ay maipahayag nawa natin ang kanyang "fiat voluntas tua!"  "Mangyari nawa ang iyong kalooban Panginoon."  Lagi lamang nating tandaan na ang Diyos ay kasama natin sa mga madilim na pahina ng ating buhay.  Hindi niya tayo iniiwan at pinababayaan. 

Ang taong tunay na malaya ay ang taong sumusunod sa Kanyang kalooban!  Ang pagpapahayag ng AMEN ay pagpapahayag ng ating paninindigan sa ating sinasampalatayan.  "Oo, naniniwala ako. Oo nananalig ako!"  Nawa ay maisapuso natin ang pagsasabi nito sa tuwing humaharap tayo sa pag-aalinlangan at sa tuwing sumasalungat ang ating pag-iisip sa kalooban ng Diyos na pinapahayag sa atin ng ating Inang Simbahan.

Sabado, Agosto 14, 2021

ANG MAGAANG TUMATAAS (Revised) : Reflection for the Solemnity of the Assumption Year B - August 15, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa.  Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari.  Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan?  Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?

"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa mga batang kanyang tinuturuan. Nagtaas ng kamay ang isang bata at sumagot:  "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"  

Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa."  Unawain nating mabuti ang itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan na si Maria ay hindi umakyat sa langit.  Sa ganang kanya, bilang isang tao, ay wala siyang kapangyarihan upang gawin iyon.  Ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ay INIAKYAT SIYA SA LANGIT, KATAWAN at KALULUWA.

Mayroon ngang isang nakakatuwang kuwento tungkol dito.  Alam natid na kapag tayo ay namatay at inilibing, ang ating katawan ay uuurin.  Noong namatay daw ang Mahal na Birhen ay may kababalaghang nangyari sa kaharian ng mga uod.  Kumalat ang balita na meron daw nakalibing sa sementeryo na isang babae na ang pangalan ay Maria.  "Tara, anupang hinihintay natin... uurin na natin siya!"  Excited na nagpuntahan sila sa sementeryo.  Ngunit laking pagkagulat nila ng makita nilang wala silang nakitang katawan ng babae sa pinaglibingan nito. "Napurnada! Walang katawan dito! Naglaho ang kanyang katawan!"  Sigaw nila.  Ang sabi ng kanilang pinuno: "Isa itong himala... paglabag ito sa batas nating mga uod!"  

Tunay nga naman na kapag tayo ay namatay ay dapat na mabubulok ang ating katawan.  Noong nagkasala ang ating mga unang magulang, ayon sa Banal na Kasulatan ay pinalayas sila sa Hardin ng Eden at nabigyan ng taning ang kanilang mga buhay.  Ibig sabihin ay pumasok ang "kamatayan" sa sangkatauhan.  Ang tao ngayon ay nakararanas na ng pagkabulok ng katawan! Ang kamatayan ang kinahantungan ng kanilang paggawa ng kasalanan.  Bagama't ang  lahat ay napasailalim sa batas na ito, sa biyaya at kalooban ng Diyos, ay hindi niya hinayaang mabulok ang katawan ng isang nilalang.  Isang espesyal na prebelihiyo ang ibinigay niya sa isang babae na inihanda Niya upang maging tagapagdala sa sinapupunan ng Kanyang Anak.  Ibig sabihin, walang kasalanan... walang pagkabulok ng katawan!  Walang pagkabulok ng katawan... walang kamatayan.  Kaya nga ang ginamit na kataga sa pagkamatay ng Mahal na Birhen sa ating tradisyon ay DORMITION.  Ang pakahulugan ng salitang ito ay "pagtulog".  Animo'y "natulog" lamang ang Mahal na Birhen sa kanyang paghimlay.  Ayon sa isang kuwentong "Apokripal" ng mga naunang Kristiyano ay ng dumalaw si Tomas upang bigyan ng huling pagsulyap sa labi ng Mahal na Ina, ay bumagsak mula sa langit ang isang "girdle" o balabal na pagmamay-ari niya.  Nasalo ito ni Tomas at sa kasalukuyang panahon ay nakapreseba sa isang simbahan sa Tuscany, na ayon sa ma taga-roon ay pinagdadaluyan ng maraming himala.

Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birheng Maria?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang bahid na kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception".  Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan!  Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! 

Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  

Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti.  Bawasan natin ang pagiging makasarali na siyang ugat ng kasalanan.  Ang gitna titik ng salitang kasalanan sa ingles ay letrang "I".  Ang ibig sabihin ng "I" sa Filipino ay "ako."  Tunay nga naman na kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan ay inuuna natin ang ating sarili kaysa sa pagmamahal natin sa Diyos, inuuna rin natin ang ating sarili kaysa kapakanan ng ating kapwa.  Subukan mong tanggalina ng malaking-malaking "I" na iyong sarili at makikita mong maiiwasan mo ang maraming kasalanan.

Maging mapagbigay tayo sa halip na maging makasarili.  Wala ng ibang paraan pa kung nais talaga nating tanggalin ang kasalanan sa ating buhay.  Ngayong panahon ng pandemya ay marami tayong maaring gawin upang maging mapagbigay.  Marami ang naghihikahos ngayon sa buhay, walang makain, walang trabaho.  Ang pagsulpot ng maraming community pantries, malaki man o maliit, at ang iba't ibang uri ng pagkakawang-gawa ay nagpapakita na kaya nating kalabanin ang ating pagiging makasarili.  Matuto sana tayong magbahagi ng ating sarili sa iba lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan.  

Hindi madali ang magbigay.  Ang buhay ng Mahal na Birheng Maria ay taos pusong pagbibigay sa Diyos.  Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 7, 2021

PAGKAIN SA PAGLALAKBAY: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa pagkakauso ng "selfie"  ay nauso rin ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera.  Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture.  Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kuhaan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan?  Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang.  Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan.  Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain?  

May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!"  

Ang pinakaunang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan.  Ngunit hindi lang naman ito ang dahilan.  Sa kuwento, bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nararamdaman! Ang pagkagutom pala ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos."

Totoo namang kinakailangan nating kumain para mabuhay.  "We eat to live!"  Kaya nga sa unang pagbasa ay sinabihan ng anghel ng Diyos si Propeta Elias na halos ayaw ng magpatuloy mabuhay at nahiga na lang para mamatay: "Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.”  At ng kainin nya ang pagkaing ibinigay sa kanya ay nakapagpatuloy s'ya sa kanyang paglalakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang marating niya ang bundok ng Horeb, ang bundok ng Diyos.  

Sa ebanghelyo ay batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”   Marami sa mga nakarinig sa kanya ang naguluhan at hindi matanggap ang kanyang pananalita.  Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?"  Hindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! 

Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya.  Lalo ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay nararanasan natin hindi lang ang pagkagutom o kahirapan ng buhay ngunit maging ang pagkawala ng ating mga mahal sa buhay. Nitong nakaraang mga araw lang ay tatlong paring Salesyano ang namatay dahil sa Covid19.  Kilala ko sila at naging bahagi ng aking buhay at tila baga isang masamang panaginip ang kanilang pagkamatay.  Sa mga sandali ngayon na kung saan ay naka-lockdown ang maraming lugar sa ating bansa ay dama ng marami ang pagkalam ng sikmura at ang pangangailangan ng makakain.  Sa ganitong mga pagkakataon ay kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan.  

Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa.  "The family that eats together... stays together!"   Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.

Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa.  Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap.  Damayan natin ang kanilang pangangailan lalo na ngayong panahon ng pandemya.  Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. 

Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo."  Hindi natin kinakailangang  mag"food-selfie"  upang mapaalalahan tayo nito.  Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa habang tayo ay naglalakbay sa mundong ibabaw.