Sabado, Agosto 28, 2021

TOTOONG KATOLIKO: Reflection for 22nd Sunday In Ordinary Time Year B - August 29, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Paano ba nasusukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ang isang katoliko ay maituturing na siyang relihiyoso? Ngayong tayo nasa panahon ng pandemya at napipilitan tayong magsara ng mga simbahan at gawing "on-line" na lamang ang ating pakikibahagi sa Misa, masasabi ba nating relihiyoso pa rin  ba tayong mga Katoliko?  Kung pagbabasihan ang bilang ng mga viewers ng ating mga on-line masses ay siguradong mapapailing ka na lang.  May ilan-ilan sa ating may pinanghahwakang debosyon o panata katulad ng pagsisimba tuwing Miyerkules sa Baclaran o Biyernes naman sa Quiapo, ngunit sapat ba ang mga ito para tawagin tayong mga tapat a na Katoliko?

May nakakatuwang kuwento ang makasasagot nito.  Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... 

Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Ibig sabihin, ang tunay na relihiyon ay hindi lang ang mga pandebosyong panalangin, pagsisimba tuwing Linggo, pagbisita sa simbahan, o maging ang ating relihiyong kinabibilangan.  

Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon.  Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi.  Halimbawa, ako ay kabilang sa relihiyong Kristiyano Katoliko.  Siya ay kabilang sa relihiyong Muslim. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (Ang ibig sabihin ng "re" ay muli, at ang "ligare" naman ay itali. Kung pagdurugtungin ay "italing muli". )  Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos.  

Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang ang pagpapakita na tayo ay mga taong maka-Diyos.  Hindi lamang ito natatali sa mga ritwal o panlabas na pagpapahayag ng ating pananampalataya.  Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “ Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." 

Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga?  Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo.  Mahalaga ang mga ito, lalo na ang pagsisimba sapagkat ito dapat ang magbigay sa atin ng motibasyon upang lumago sa ating pananampalataya.  Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon.  May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin.  Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano."  Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na!  Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba.  Sapagkat kung ang mga ito lamang ang ating pagtutuunan ng pansin ay tunay na para sa atin ang sinabi ng Panginoon sa mga pariseo:  "Pagpuri't pagsambang ginagawa nila  ay walang kabuluhan!" (Marcos 7:6)  

Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti. Ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi.  Ang pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya.  Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos.  Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili."  Kaya huwag tayong maging mga Kristiyanong Doble-kara! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya tulad ng mga Pariseo.  Mag-ingat tayo sa huwad na pagsasabuhay ng relihiyon.  Upang sa sandali mang may magtanong sa iyo kung ano ang relihiyon mo ay masasabi mong: Ako ay KATOLIKO na nagsasabuhay ng aking pananampalataya!  I am a Catholic and I am proud of it!  ITO ANG TOTOONG KATOLIKO!

Walang komento: