Sabado, Pebrero 27, 2016

AWA-UNAWA-GAWA : Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - February 28, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Isa sa mga gawain na maaring isakatuparan ng isang Kristiyano ngayong panahon ng Kuwaresma ay ay ang pagkakawanggawa.  Ang ating buhay panalangin at pagsasakripisyo ay mas nagiging makahulagan kung ito ay sinasamahan natin ng paggawa ng kabutihan sa ating kapwa.  Sa bawat parokya ng ating Arkediyosesis ay hiniling na magkaroon ng tinatawag na "Door of Charity"  upang maging paalala sa atin na ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa ay isang paraan upang tayo'y mamunga bilang mga Kristiyano habang ipinapadama natin sa kanila ang awa at habag ng Diyos.  May isang mayamang nadismaya dahil ang tingin sa kanya ng mga tao ay sakim, ganid at walang pagpapahalaga sa mga mahihirap.  Ang sabi niya, "bakit hindi ako maintindihan ng mga tao na sa kahuli-hulihan, sa aking kamatayan, ay ipamimigay ko ang aking kayamanan para sa kanila."  Ang sagot ng kanyang kaibigan ay isang kuwento.  "Minsan ay lumapit ang isang baboy sa kanyang kaibigang baka at nagbuhos ng sama ng loob kung bakit parang hindi nasusuklian ng pagpapahalaga ng mga tao ang ginagawa nilang mga baboy.  Halos buong parte daw ng kanilang katawan ay pinapakinabangan ng mga tao.  Ngunit bakit daw mas kinagigiliwan ng mga tao ang pagbibigay ng mga baka ng sariwang gatas sa araw-araw.  Para sa mga tao, sila raw ay mga hamak na baboy lamang. "Life is unfair!" ang sabi nila.  Sandaling nag-isip-isp ang baka at sinabing "Siguro,  kaya ganyan ang nangyayari ay sapagkat nagbibigay kami habang kami'y buhay pa!"  Kung minsan, gumagawa tayo ng kabutihan sa iba kung kailan huli na!  Ang pagkakawangga ay isang pangkasalukuyang gawain na hindi dapat ipagpaliban. Sabi ng kasabihan: "Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo!'   Para sa ating mga Kristiyano, ang pagkakawanggawa ay pagpapakita ng ating malasakit at pag-aaruga sa ating kapwa lalong-lalo na sa higit na nangangailangan.  Ngayong "Extraordinary Jubilee Year of Mercy"  ay hinahamon tayong "bigyang-laman"  ang AWA na nagmumula sa ating Panginoong Diyos.  Kahit sa ating kulturang Pilipino ang AWA ay higit pa sa isang konsepto. Ito ay karanasang bumubukal sa ating puso.  Karaniwan itong ibinibigay sa mga taong nangangailangan ng pagkalinga dahil napagkaitan sila ng pagmamahal o katarungan.  Ito rin ang pagpapakita ng tiwala sa Maykapal, "may awa ang Diyos" at nagpapahayag ng kanyang pagkalinga sa atin... "Kaawaan ka ng Diyos".  Itong pagkalinga ng Diyos ay Kanyang ipinakita sa pag-UNAWA sa atin.  Nagawa niyang UMUNAWA sa atin sapagkat may malasakit siya sa ating lahat.  Katulad ng ipinakita sa talinhaga sa Ebanghelyo ngayon na ang Diyos ay handang magbigay sa atin ng pangalawang pagkakataon. "Huwag po muna nating putulin... huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin."  Nais ng Diyos na tayo ay mamunga sa kabila ng ating kahinaanat kakulangan.  Ang pamumungang ito ay naipapakita naman natin sa pamamagitan ng GAWA.  Ang awa ay walang saysay kung hindi naman natin ito mapapatunayan sa ating mga gawa.  Nagbibigay saksi o patunay ang GAWA na ang ating AWA ay makatotohanan at hindi gawa-gawa lamang.  Kaya nga't itong "Door of Charity"  na itinalaga sa mga simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma ay dapat magpaalala sa atin nito.  Hindi lang biyaya ng "indulgence" ang dapat na maging layunin natin sa pagpasok sa pintuang ito.  Layon din dapat natin na maging mas maunawain at matulungin sa ating kapwang nangangailangan. Kaya nga ang pagkakawanggawa ay isa sa mga gawaing ipinatutupad nito.  May mga panalangin kang sasambitin ngunti pagkatapos ng iyong pagdarasal ay gumawa ka ng isang simpleng ACT OF CHARITY sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa kawanggawa.  Mas makahulugan kung ang ibibigay mo ay bunga ng iyong pagtitiis at sakrispisyo ngayong panahon ng Kuwaresma.  Ang ating GAWA ay nagpapakita ng ating pamumunga bilang mga anak ng Diyos.  Tulad ng puno ng igos sa ubasan, nais ng Diyos na mamunga tayo ng maraming kabutihan na maari nating ibahagi sa ating kapwa.  Kaya nga't isang malaking biyaya sa atin itong JUBILEE YEAR OF MERCY.  Hayaan nating punuin tayo nito ng "siksik, liglig at nag-uumapaw" para sa ating kapwa.  Magpakita tayo ng AWA, ipadama sa ating pag-UNAWA, at ipahayag sa ating GAWA ang awa at pagmamahal ng ating Diyos.  

Sabado, Pebrero 20, 2016

BAGONG ANYO TULAD NI kRISTO: Reflection for the 2nd Sunday of Lent Year C - February 21, 2016 - Jubilee Year of Mercy

Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbago... magbagong-anyo.  Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo.  May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan.  Matanda na siya.  Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala.  Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan!  Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay.  Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro.  "Hindi ito makatarungan San Pedro.  Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!"  Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon.  At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!" Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo!  Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang.  Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano.  Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo.  Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang. Ngunit hindi ito ang daang ipinakita sa atin ng ating Panginoon. Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo.   Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay dapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Sa kahuli-hulihan ay dapat nating makamit ang pagbabagong-anyong nagtutulad sa atin kay Jesus, ang maging mahabagin tulad Niya.  Ngayong Jubilee Year of Mercy ay sikapin nating maging katulad ni Jesus... tagapaghatid ng awa at habag ng Diyos sa ating kapwa.

Sabado, Pebrero 13, 2016

MAY FOREVER SA PAG-IBIG NG DIYOS: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year C - February 14,2016 - Valentines Day - Jubilee Year of Mercy

Ngayon ay araw ng mga puso, naniniwala ka ba na may forever?  Nabasa ko sa Inquirer Newspaper kahapon na ayon sa isinagawang survey ng SWS na 7 out of 10 Filipino ay naniniwala na may forever!  Sa mga taong bitter siguro ay walang forever!  Pero para sa ating mga Kristiyano, dapat tayong maniwala na may forever.  May forever sapagkat may Diyos na ang pag-ibig ay walang hanggan.  God's love is Forever!  Ang buhay nating mga tao ay may hangganan ngunit hindi ang Diyos. Ang pagmamahal nating mga tao ay may katapusan ngunit hindi ang sa Diyos.  God is Forever!  At ito rin ang ipinararating ng panahon ng Kuwaresma.  Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi nagtapos sa kamatayan bagkus ito ay nagpatuloy sa Kanyang muling pagkabuhay.  Kaya nga ang Kuwaresma ay hindi lamang paghahanda ngunit pagdiriwang din ng pag-ibig at awa at Diyos na ipinahayag ng Kanyang Muling Pagkabuhay!  Apatnapung araw ang ating iginugugol upang paghandaan ito sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno at pagkakawang-gawa. Ito ay mga gawain upang ating madisiplina ang ating katawan at mapalakas ang ating kaluluwa sapagkat aminin natin na tayong mga tao ay likas na mahina. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang kahinaan ng ating katawan: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya.  Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay ang pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki, simpleng pagpapaliban sa mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo ay maari nating isakripisyo para kay Kristo.  Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa.  Ngunit ang mga ito ay ginagawa natin sapagkat mayroon tayong layunin.  May patutunguhan ang ating pagpapahirap sa ating katawan at pagdisiplina rito.  Ito rin ay pagkakataon upang makatulong tayo sa ating mga kapatid na nangangailan.  Kaya nga't tuwing Kuwaresma ay hinihikayat tayo na mag-abuloy sa ALAY-KAPWA.  Ang mga bunga ng ating pagtitimpi at pagsasakripisyo ay magiging mas mkahulugan kung ito ay may patutunguhan.  Bakit hindi natin ibigay sa kawang-gawa ang mga ito? Hindi mahalaga ang laki ng halaga sapagkat ang sukatan ng tunay na pagbibigay ay ang laki ng pusong nag-aalay nito.  Panalangin. Pag-aayuno. Pagkakawanggawa.  Tatlong gawaing magpapakita sa atin na ang pagmamahal ng Diyos ay walanghanggan... na ang Kanyang pagtatangkilik ay may forever!