Miyerkules, Hunyo 16, 2010

ANG ATING AMA: Reflecion for 12th Sunday in Ordinary Time Year C - June 20, 2010

Espesyal na araw ni itay! Gumising siya ng maaga upang maligo at mag-umagahan. Nagtaka siya dahil wala man lang ni isang bumati sa kanya. Abalang naghahanda ng agahan si inay. Ang kanyang mga anak naman ay abalang-abala sa pagpasok sa paaralan. Malungkot siyang pumasok ng opisina. Wala rin ni isang bumati sa kanya. Maging ang sikyo ay wala man lang "good morning". Laking pagadismaya ni itay. Nakalimutan ng lahat ang kanyang birthday! Ngunit may isang taong nakaalala sa kanya. Ang kanyang seksing sekretarya. Binati siya nito na ang wika: "Sir happy birthday, may surpresa ako sa 'yo mamyang gabi sa bahay namin. Pumunta ka!" Malambing ang pagkakasabi nito kaya't kinabahan si itay. Pumunta na rin siya sapagkat siya lamang ang nakaalala sa birthday nito. Pagdating sa bahay ay nagulat siya dahil sa nakahanda na ang sala. May candle light. May bote ng mamahaling alak sa lamesa. May senti music na tugtog. Perfect romantic and lugar! Kaya't lalong kinabahan si itay. Lalo na ng sabihin ng sekretarya na: "Sir, saglit lang ha... magpapalit lang ako ng damit." Napalunok si itay at pinawisan. Pagkatapos ng ilang minuto ay biglang bumukas ang ilaw at isang sorpresang HAPPY BIRTHDAY ang umalingawngaw! Naroroon pala ang lahat: ang kanyang asawa, mga anak, mga ka-opisina! Na-shock ang tatay at ang lahat ng naroroon sapagkat wala na siyang suot na damit! hehehe... Ngayon ay FATHERS' DAY... ang araw ng mga ama! Huwag nating kalimutang batiin sila kung ayaw nating matulad sila sa tatay sa kuwento. Masaklap nga namang malimutan sila sa espesyal na araw na ito. Kung ang mga ina ang tinuturing na "ilaw ng tahanan", ang mga ama naman ang "haligi ng tahanan". Ngunit higit pa d'yan ay sila ang itinalaga ng Diyos na kapalit Niya na mangalaga at magtaguyod sa buong mag-anak. Ang Diyos na ating Ama ay hindi natin nakikita. Ngunit ang ating ama ay nakikita at nakakasama natin. Kaya't siya ang kinatawan ng Diyos sa ating pamilya. Sa Ebanghelyo ay nagtanong si Hesus sa mga alagad kung sino ba siya para sa kanila. Ito rin ay katanungan na para sa ating lahat. Sino ba ang Diyos para sa akin? Iba't iba marahil ang ating pagtingin sa Diyos ngunit sana ay hindi malilingat sa ating pang-unawa na Siya ay ang Ama na lumikha sa atin at patuloy na nangangalaga sa lahat ng ating mga pangangailangan. Totoo na ang ating mga ama ay malayong kopya ng ating Amang nasa langit... Ipanalangin natin sila na sana ay sa kabila ng kanilang kakulangan ay magsikap silang maging katulad Niya sapagkat ito naman talaga ang laging hamon sa atin ni Hesus... be perfect as your Father in heaven is perfect! Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 12, 2010

MAHAL KITA MAGING SINO KA MAN: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year C - June 13, 2010

Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Kaya nga't tama si San Pablo ng ipanaliwanag niya kung ano ang pag-ibig: "Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak..." Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang makasalanang babaeng dumalaw kay Hesus ay nagpakita ng higit na pagmamahal kaysa sa Pariseong nag-anyaya sa kanya. Nagawa ito ng babae sapagkat mas higit niyang naranasan ang pagmamahal ng Diyos. Tandaan natin na sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos para magsisi ay hindi ito sa ganang atin. Hindi tayo ang dahilan kung bakit tayo nagbabalik-loob sa Kanya. Ito ay sapagkat una tayong minahal ng Diyos bago pa natin hingin ang Kanyang pagpapatawad. Ano man ang ating kalagayan, gaano man kalaki ang ating pagiging makasalanan. Ang Diyos ay laging nagsasabi sa ating "Huwag kang matakot... huwag kang mabalisa... Mahal kita maging sino ka man!"

Sabado, Hunyo 5, 2010

SALO-SALO: Reflection for the Solemnity of the Body and Blood of Christ Year C - June 6, 2010

Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Unang Pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay amen! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala tayo na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na ating tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong makilala si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! AMEN!