Biyernes, Hunyo 26, 2020

MAKATAO AT MAKA-KRISTO: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year A - June 28, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Isang tatak ng ating pagiging Pilipino ang pagiging MAKA-TAO.  Karaniwan nating naririnig kapag may kumakataok sa ating pintuan ang ang mga katagang: "Tao po... may tao po ba?"  Hindi ko alam kung may nakarinig na sa inyo ng "Hayop po..."  o kaya naman, "Multo po..."  Nais kasi natin na iparating sa kanila na dapat ay maayos at bukas-palad ang kanilang pagtanggap dahil "tao" ang nakatayo sa kanilang harapan.  Kaya nga't kung tao kang tinanggap sa isang bahay ay dapat asal tao rin ang isusukli mo sa kanila.  

Sa Lumang Tipan ay may mas malalim pang dahilan ang kanilang pagtanggap bukod sa pagiging maka-tao.  Ang kanilang paniniwala ay may mga pagkakataong ang mga sugo o alagad ng Diyos, tulad ng mga anghel, ay nag-aanyong tao kaya dapat ay laging malugod at bukas-palad ang kanilang pagtanggap kung may dumarating na bisita sa kanilang tahanan.  Tulad na lamang ng panahon ni Abraham na s'ya ay bisitahin ng mga anghel upang iparating sa kanya na gugunawin na ang mga lungsod ng Sodom at Gomorra.  Sa ating Unang Pagbasa, ay malugod na tinaggap si propeta Eliseo ng mag-asawang taga-Sunem sapagkat naniniwala silang siya ay lingkod ng Diyos.  Dahil dito sila ay pinangakuaan ni Eliseo ng anak sa kabila ng kanilang katandaan.

Ngunit para sa ating mga Kristiyano, may mas malalim na dahilan kung bakit dapat ay bukas-loob ang ating pagtanggap sa mga taong kumakatok sa ating puso.  Hindi lang sapagkat maka-tao tayo.  Hindi lang sapagkat naniniwala tayong lingkod ng Diyos ang nasa pintuan ng ating tahanan.  Bukas-palad ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat nakikita natin si Jesus sa mukha ng bawat isa sa kanila.  Ang pagiging Kristiyano ay MAKA-KRISTO! 

Noong si St. Mother Theresa ng Calcutta ay tinanong ng isang mamamahayag kung paano niya nagagawang yakapin at halikan ang mga taong may sakit at namamatay sa lansangan ay isa lang ang kanyang tugon: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Jesus sa kanila!"  Nagawang akuin ni Fr. Damien ng Molokai ang pagiging isang ketongin sapagkat natagpuan niya si Jesus sa bawat taong may ketong na kanyang tinulungan.

Sa ating Ebanghelyo ay ito ang ipinapaalala sa atin ni Jesus: "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay  tumatanggap sa nagsugo sa akin... At sinumang magbigay ng kahit isang baosng tubig na malamig sa isa sa maliit na ito dahil sa ito'y alagad ko - tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala."  Isa lang sinasabi sa atin ng mga pahayag na ito, na buhay si Kristo sa ating kapwa!  Sa panahon ngayon na tila baga naghahari ang karahasan sa ating paligid, na kung minsan ay hindi nabibigyang halaga ang paggalang sa karapatan at dignidad ng tao dahil sa pang-aabuso at pagkitil ng buhay ng iba, ay mas kinakailangan nating isabuhay ang turo ni Kristo.  May kasabihan tayong mga Pilipino na "kapag binato ka ng bato ay batuhin mo naman siya ng tinapay!"  May mga iba na literal na gumagawa nito.  Yun lang nga ang tinapay na pambato ay nakalagay pa sa loob ng garapon!  Sapagkat hindi naman talaga madaling suklian ng kabutihan ang kasamaan.  Kapag minura ka, ang natural na reaksyon ay murahin mo rin ang ang nagmura sa sa iyo.  Hindi ko alam kong mayroong sa inyong pagkatapos siyang murahin ay nakangiti pa at nagsasabi ng "thank you!" Ngunit ito ang aral ni Kristo.  Suklian mo ng kabutihan ang anumang kasamaang ibinayad sa iyo.  Ang sukatan ng ating pagiging Kristiyano ay si Kristo na nagmahal at nagpatawad sa ating mga pagkkukulang at pagkakasala.

Kaya't nararapat lang na sikapin nating makita ang mukha ni Kristo sa ating kapwa lalong -lalo na sa ating mga kaaway at mga taong may kaamaan tayo ng loob.  Ito ang susi kung nais nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa.  Hindi armas ang makapagtatahimik sa mga terorista o mga rebelde.  Hindi sapat na magkaroon ng anti-terror bill kung patuloy naman ang paglabag sa karapatang pantao at baluktot na pagpapairal ng batas.  Sa panahong ito ng pandemiang dulot ng COVID 19 ay sikapin nating higitan ang ang ating pagiging makatao.  Itaas natin ang antas ng ating pakikitungo sa ating kapwa, pakikitungong pinaghaharian ng pagmamahal, paggalang, pag-unawa sa ating mga kakulangan at pagpapatawad.  Ito ay magagawa lamang ng isang taong nakikita ang mukha ni Jesus sa iba.  Tayo ay hindi lamang dapat maging maka-tao,  tayo ay dapat maging MAKA-KRISTO!

Sabado, Hunyo 13, 2020

YOU ARE WHAT YOU EAT - Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 14, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

"Life is difficult!"  Ito ang sabi ng isang sikat na manunulat sa kanyang librong pinamagatang "The Road Less Travelled."  Ito rin ang saloobin ng maraming tao ngayon dahil sa kahirapang dala ng COVID 19.  Mas maraming tao ang nasadlak sa hirap at patuloy na bumabangon upang maisalba ang kanilang kabuhayan.  Hindi ito maipagkakaila sa marami sa atin, lalong lalo sa aming mga mahilig kumain ngayong umiiral pa rin ang GCQ o General Community Quarantine! Limitado ang mga restaurant na puwedeng kainan.  Di tulad ng dati, masayang kumain kasama ang mga kaibigan lalo na kapag ang kainan ay "Eat All You Can!"   

Alam nyo bang ngayon ay araw ng Kapistahan ng Pagkain? Kaya para sa mga katulad kong masarap kumain... HAPPY FEAST DAY sa inyong lahat! hehehe.  Simple lang naman ang prinsipyong isinasabuhay ng mga mahilig kumain:  "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die, just the same SO WHY NOT EAT AND DIE!"  Dumarami ngayon ang mga restaurant na "Eat All You Can".  Sa ganitong mga lugar ang "The Biggest Looser" ay ang mga nagda-diet. Sayang ang pera mo kung hindi mo lulubusin ang pagkain. Kaya't kumain ka hanggang kaya mo! Puwedeng bumalik kahit ilang ulit, 'wag ka lang magtitira sa plato. Bawal ang magtira! "No left-overs." Kapag nagtira ka ay babayaran mo uli ang presyo ng buong pagkain mo. "No sharing!" Bawal ang magbigay ng pagkain sa iba. Medyo makasarili ang patakaran ngunit ang layunin ay para ma-enjoy mo ng sarilinan ang pagkain mo! Kaya nga't kapag "Eat All You Can" ang kainan ay isang araw ko itong pinaghahandaan. Hindi ako kakain ng marami. Mag-aayuno ako. Ihahanda ko ang aking sarili, mentally, emotionally at physically, upang sa oras na ng kainan ay maibuhos ko ang aking buong pag-iisip, diwa at lakas! (Di naman ako seryoso n'yan! hehe) 

Pero ang ipinagtataka ko eh bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain. Parang kulang pa... kaya kain ng kain ng kain hanggang wala akong kamalay-malay na tumataas na pala ang aking bilbil! Dumadami ang palapag sa aking tiyan! hehehe... Ngunit bakit nga ba ganoon?  Gaano man kasarap at karami ang iyong kinain ay ilalabas mo rin?  Ganun lang ba ang proseso ng pagkain: In and Out? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan kapag tayo ay kumakain, nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. 

We become what we eat...! Kaya nga ingat-ingat lang. Kapag puro baboy ang kinakain mo ay magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang magiging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat!  Ngayon ko naintindihan kung bakit inialay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo!  In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya!  Kaya nga ngayon mas mauunawan natin kung bakit sinabi ni Jesus na S'ya ang pagkaing nagbibigay buhay.  Nais n'yang tayong lahat ay mabahaginan ng buhay na walang hanggan!  "I am the living bread that came down from heaven; whoever eats this bread will live forever; and the bread I will give is my flesh for the life of the world!" 

Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos?  Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo.  Sana kapag tinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo, maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba.  Become what you eat... become like Christ!

Sabado, Hunyo 6, 2020

MISTERYONG NAGMAMAHAL: Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year A - June 7, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

May isang batang nasa ika-tatlong baitang ang nagtanong sa akin habang ako ay nagtuturo ng katesismo tungkol sa kabutihan at kadakilaan ng Diyos: "Father, bakit isa lang ang Diyos at hindi tatlo? Di ba Siya ay Ama, Anak, at Espritu Santo? Di ba 1+1+1=3? " Ito ang sagot ko sa kanya: "Iho, ang Diyos ay lubhang napakadakila kaya't hindi Siya puwedeng gamitan ng mathematics! Kasi puede rin na 1x1x1= 1 di ba?  Napakamot siya ng ulo kaya’t sinabi ko na lang na... hindi mo talaga maiintindhihan ang Diyos dahil Siya ay isang malaking misteryo!

Ano nga ba ang ibig sabihin ng misteryo? Anung pinagkaiba niya sa milagro?  May nagsabi sa akin:  Kapag ang isang matandang babaeng edad sixty ay nanganak ang tawag diyan ay milagro.  Ngunit kapag ang dalagang sixteen years old ay nabuntis... ang tawag d'yan ay MISTERYO... isang katotohanan na mahirap ipaliwanag lalo na sa kanyang mga magulang! hehehe... 

Ang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ng ating pananampalataya.  At alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito ang malaki nating pagkakamali... isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.

Lubos ang kadakilaan ng Diyos kung kaya't hindi Siya maaring bilangin ng ating mga daliri sa kamay. Lubos ang Kanyang kadakilaan na hindi Siya maaring pagkasyahin sa ating maliit na isipan. Siya ang Manlilikha... Siya ang walang simula at  walang katapusan... Siya ang hari ng sanlibutan! Ang problema marahil ay pilit nating inuunawa kung sino ba talaga Siya. Ang napakatalinong taong si Santo Tomas Aquino, na nagsulat ng maraming aklat tungkol sa Diyos (halimbawa ang Summa Theologia), pagkatapos ng kanyang mahabang pagsusulat at pagtuturo ay nagsabing ang lahat ng kanyang inilahad tungkol sa Diyos ay maituturing na basura lamang kung dadalhin sa Kanyang harapan. Ibig sabihin ni Santo Tomas ay hindi natin lubos na mauunawan ang Diyos!  Kahit ang taong pinakamatalino ay kapos sa kaalaman kung ang "misteryo ng Diyos" ang pag-uusapan.

Bagamat walang sino mang tao ang lubos na makakaunawa sa Kanya ay pinili Niya pa ring magpahayag sa atin. Ang pagpapahayag ng Diyos ay lubos na mahiwaga sapagkat inihayag niya ang katotohanan ng kanyang sarili hindi sa mga palalo ang pag-iisip kundi sa mga taong payak at mapagkumbaba.  Kaya't ang mga salitang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay mauunawan lamang ng mga taong may kababang-loob at payak na pag-iisip:  "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."  

Ipinahayag ng Diyos na Siya ay pag-ibig. Kaya nga't masasabi natin na ang Diyos ay mauunawaan lamang ng taong marunong magmahal!  Ang Banal na Santatlo ay pagmamahalan!  Dahil dito masasabi nating ang Banal na Santatlo ay isang komunidad na pinaghaharian ng pagmamahalan.  The Holy Trinity is a community persons that is governed by love!  At ang pag-ibig na ito ay nagbabahagi,  Hindi makasarili.  Kaya nga't nagawang ibigay ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak upang makamit natin ang buhay na walang-hanggan!  At ang pag-ibig na ito ay nag-aanyaya rin sa ating magbahagi ng pagmamahal kung paanong ang Diyos ay pagmamahal at patuloy na nagmamahal.

Kaya nga't maari mong "maunawaan" ang Diyos kung marunong kang magpatawad. Nauunawaan mo ang Diyos kung matulungin ka sa mga nangangailangan. Nauunawaan mo ang Diyos kung ang hanap mo ay ang kabutihan ng iyong kapwa!  Subukan nating magmahal at makikita natin na ang kakulangang ng ating pag-iisip ay mapupuno ng isang payak at malinis na puso.

May isa akong kaibigan na ang motto sa buhay ay: "I am number three!" Ipinaliwanag niya sa akin: "I am number three" sapagkat nais ko laging ipaalala sa aking sarili na ang Diyos dapat ang mumber one sa buhay ko. Ang aking kapwa naman ang number two. Ang aking sarili ay pangatlo lamang!"  Totoo nga naman na dapat din nating mahalin ang ating mga sarili.  Ngunit ang labis na pagmamahal sa sarili na nakakalimot na na may Diyos at kapwa na dapat ko ring mahalin ay mapanganib.

Ngayong panahon ng pandemic ay sikapin nating unahin ang kapakanan ng iba bago ang ating mga sarili.  Hindi ito madali sapagkat lalabanan natin ang ating pagkamakasarili at magsasakripisyo tayo para sa iba katulad ng patuloy na ginagawa ng maraming taong nagsasakripisyo upang  mapagtagumpayan ang malaking pagsubok na ito.  Ngunit ito naman talaga ang kahulugan ng tunay na pag-ibig... handang mag-alay ng buhay para sa kanyang kaibigan!

Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang aking Diyos na Santatlo ay aking papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng aking isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso kong marunong magmahal!