Martes, Oktubre 30, 2018

UNDAS:Pag-alala... Paalala - REFLECTION FOR ALL SAINTS DAY & ALL SOULS DAY - November 1 - 2, 2018 - Year B - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe...  Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin!  Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO?  Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin?  May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS!  Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Siyempre, joke lang ito.  Ang UNDAS ay nagmula sa salitang kastilang UNDRAS na ang ibig sabihin ay "respect for the dead" o pagbibigay galang sa mga patay.  Pero bakit ang pagdalaw at "pagbibigay galang" sa mga patay ay November 1 natin ginagawa?  Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro.  Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!"  Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin.  Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa.  Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal".  Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito.  Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon.  Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos:  "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!"  Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian.  Ang araw ng UNDAS ay hindi lang pag-alala kundi ito rin ay isang paalala sa atin.  Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon.  Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya.  Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa.  Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo.  Samahan ka ng mga santo.  Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."

Sabado, Oktubre 20, 2018

MISYONERO NI KRISTO (Reposted and Revised) : Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ngayon ang Linggo ng Misyong Pandaigdig o World Mission Sunday na kung saan ay inaalala natin ang mga kapatid nating nagpapalaganap at nagpapatotoo sa Mabuting Balita ni Kristo sa labas ng ating bansa.  Nagpapasalamat tayo sa kanilang sakripisyo at pag-aalay ng sarili sa "paglilingkod"  lalong-lalo na sa mga dukha at napapabayaan.  Dalawa ang kinikilalang Patron ng Misyon. Una, ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na nagpakita na kakaibang sipag at dedikasyon sa pamamagitan ng paglalakbay sa malalayong lupain.  Nangaral siya at maraming nahikayat sa ating pananampalatayang Katoliko at ginugol niya ang kanyang buhay hanggang sa huli niyang hininga sa pagpapalaganap ng kanyng Mabuting Balita.  Ang pangalawa naman ay Santa Teresita ng Batang Jesus.  Hindi siya kasing sigasig ni San Francisco na naglakbay sa maraming bansa.  Sa katunayan ay nakakulong lamang siya sa apat na sulok ng kanilang kumbento, ngunit sa kanyang pag-iisa ay mas marami pa siyang kaluluwang nakatagpo at naihatid kay Kristo sa pamamagitan ng kanyang sakripisyo at panalangin. Marahil ay sinadya ng Simbahan na ideklara siyang Patron ng Misyon upang ipaalala sa atin na tayong lahat ay MISYONERO!  Katulad nga ng sinabi ng banal na Santo Papa Juan Pablo II, "Ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa ilan, ngunit ang ISABUHAY ang pananampalataya ay pagtawag sa LAHAT!"  Ibig sabihin, kahit sino ay maaring magpatotoo kay Kristo. Kahit sino ay MISYONERO.  Isang hindi ko makakalimutang tagpo bago mamatay ang nanay ko ay noong araw na siya ay nagdedeliryo.  Ikatlong taon na mula noong siya ay lumisan sa mundong ito.  Kapag nagdedeliryo ang isang tao ay kakaiba ang kanyang mga nakikita at sinasabi.  Kung minsan ay nakakakita sila ng ibang pangitain.  May ganoon ding nakita si nanay ngunit nagulat ako ng tinanong ko siya kung ano ang kanyang ginagawa sapagkat parang mayroon siyang hinihimas at hinahawakan.  Ang sabi niya sa akin, "nagluluto ako... nagluluto ako ng bangus!"  Tapos hihilahin niya ang kumot niya at sasabihing "magtitiklop ako ng mga damit.  Maraming dapat itiklop!"  Hanggang sa kanyang pagdidiliryo si nanay ay abala sa gawaing bahay... paglilingkod pa rin ang iniisip!  At ito nga ang ipinapahayag ng ating pagbasa ngayon, na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Walang maipagmamalaki si nanay.  Hindi siya nakatapos ng pag-aaral.  Hindi siya marunong gumamit ng cellphone.  Ni hindi niya nga alam gamitin ang remote control ng telebisyon namin. Sa mata ng mundo ay wala siyang alam.  Ang alam niya lang gawin ay magluto, maglaba, maglinis ng bahay, mag-alaga sa amin... ngunit doon ko nakita ang kanyang kadakilaan.  "Ang sino man sa inyo na ibig maging dakila ay dapat maging lingkod.  At sino mang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat."   Ito ang pagiging misyonero ni nanay.  Ito ang pagiging misyonero na maari nating gawin. Ito ang pagiging misyonero na nais ni Jesus para sa atin.  Siya na naparito "hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod" at nag-alay ng kanyang buhay para sa lahat ay nag-aanyaya sa atin  magsakripisyo rin para sa ating kapwa.  Mas pinatingkad pa ito ngayong pagdiriwang ng Year of the Clergy and Consecrated Persons  na dapat nating pagtuunan ng pansin ang paglilingkod sa mga taong mahihirap at sinasantabi ng ating lipunan.  Ang biyaya ng paglilingkod ay "kadakilaan"  ngunit kadakilaan hindi sa mata ng tao kundi sa mata ng Diyos.  Ang luklukang pinaparangap ng magkapatid na Santiago at Juan ay para sa mga "pinaghandaan."  Ito ay para sa mga taong ang buhay ay inilaan sa paglilingkod.  Katulad ni nanay!  Katulad ng mga taong patuoy na nag-aalay ng kanilang sarili para sa iba.  Katulad ng mga misyonerong ang buhay ay buong-buong inialay para kay Kristo! 

Sabado, Oktubre 13, 2018

GUSTO KO HAPPY KA! : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 14, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Masaya ka ba sa buhay mo ngayon?  Hindi naman siguro masamang tanungin natin ang ating sarili sapagkat dito nakasalalay ang kahulugan at kabuluhan ng ating buhay.  Ito ang ninanais ng marami sa atin, ang maging masaya!  At ito rin ang gusto ng marami sa atin para sa ating mga minamahal sa buhay: "Gusto ko... HAPPY KA!"  Lalo na sa ating mga Pilipino na sadlak sa kahirapan ang buhay, dala ng pagtaas ng inflation rate at dahil d'yan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ay nais nating maging maligaya at makaranas kahit man lang saglit na kaginhawaan!  Kaya nga patok sa atin ang mga "malls" at "shopping centers" kasi kahit paano ay naiibsan ang ating problema sa maikling oras ng paggala kahit wala namang bibilhin.  Pagmasdan mo ang mga nakakasulubong mo, halos lahat nakangiti, parang may mga pera sila; sa totoo lang marami sa kanila palakad-lakad, patingin-tingin, pahawak-hawak sa mga damit, tapos iiwang magulo hindi naman pala bibili.  At kitang-kita rin ito sa haba ng mga taong pumipila upang tumaya sa "ultra lotto" na umabot na ng mahigit isang bilyon ang premyo!  Ikaw, anung gagawin mo kapag nanalo ka ng isang bilyon sa lotto?  May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa ultra-lotto ng isang bilyong piso.  Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na!  Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary.  Hiniling  nila sa pari na s'ya na ang magbukas ng balita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla.  Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng isang bilyon sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng isanf bilyon ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe...  Mahirap din nga naman ang sobrang kasiyahan! Nakamamatay!  "Paano nga ba ako magiging tunay na masaya?" Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito.   "Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan".  Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman.  Malungkot ang katapusan ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya.  Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "masunuring Kristiyano" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga sagabal sa ating pagsunod sa Kanya!  Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang kayamanan.  Ang kanyang nais bigyang diin ay wala dapat maging hadlang sa pagnanais nating sumunod sa kanya.  Hindi lang para sa mayayaman ito sapagkat kahit ang mahirap man ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng maling pagnanasa sa mga ito.  Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa.  Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pinahahalagahan sa lahat.  Sa katunayan, ang ating sarili ang dapat na pinakahuli sa lahat.  "I am third" ang sabi ng isang estudyante ng tanungin siya tungkol sa kanyang motto sa buhay.  "Anung ibig sabihin nun sabi ng kanyang guro.  "Sir, ito po ang nagpapaalala sa 'kin ng dapat kong pahalagahan sa aking buhay: God first, others second, I am third."  Ito ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahan.  Ito ang "Gospel of Joy" ng isang tagasunod ni Kristo.  Dito siya magiging tunay na buhay.  Kahit na sa mga hindi mabuting pangyayari sa buhay ay makikita niyang ito pa rin ay biyaya ng Diyos na "blessing in disguise"  sapagkat alam niyang lahat ay dahil sa malaking pagmamahal Niya.  Nais ng Diyos na masaya tayong lahat sa ating buhay.  Nais niyang maligaya tayong kristiyano.  Pahalagahan natin Siya ng higit sa lahat at magiging masaya tayo sa ating buhay.  Dahil ang gusto niya ay HAPPY tayong lahat!

Linggo, Oktubre 7, 2018

#PrayTogetherStayTogether: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 7, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERONS

Ang buwan ng Oktubre ay buwang ng pandaigdigang Misyon o World Mission na kung saan ay pinaalalahanan tayo na ang bawat isa sa atin "misyonero."  Sa katunayan ay sinimulan natin ito sa Kapistahan ni Santa Teresita ng Batang Jesus na kinilalang Patron ng Misyon bagaman hindi siya nakalabas ng kumbento upang ipahayag ang Mabuting Balita ni Kristo.  Ang pagiging misyonero ay dalawang uri.  May mga tinawag upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa ibang panig ng mundo.  May mga misyonero ring tinawag upang isabuhay ang mensahe ni Kristo sa lugar na kanyang ginagalawan.  Marami sa atin ang nabibilang sa ikalawang uri at tinatawag tayong magpalaganap ng Mabuting Balita ni Kristo sa pamamagitan ng araw-araw na pagsaksi sa ating pananampalataya. At ano ba ang pinakamaliit na institusyon na ating kinabibilangan? Walang iba kundi ang PAMILYA.  Ano nga ba ang misyon natin sa pamilya?  Ang misyong ito ay nakabatay sa huling habilin ni Jesus sa ating lahat bago niya tayo lisanin: "Magmahalan kayo!"  At ano naman ang ugat ng misyon ng pagmamahalan sa loob ng tahanan?  Masasagot natin ang mga katanungang ito kung muli nating babalikan ang orihinal na plano ng Diyos sa pagtatatag ng pamilya.  Sa tuwing ako ay nagkakasal ay lagi kong itinatanong sa mga mag-asawa ang dahilan kung bakit nila pinili ang isa't isa?  Ang karaniwang sagot na aking natatanggap ay sapagkat "mahal namin ang isa't isa!"  Wala naming mali sa kasagutang ito ngunit kung mas malalim nating susuriin ang tanong ay parang may kulang sa mga matatamis na salitang "Dahil mahal ko siya."  Ngunit kung ating tatanungin ang maraming mag-asawang matagal ng nagsasama ay sasabihin nilang hindi sapat ang pagmamahal sa isang matibay na relasyon.  Ang pag-ibig ay maaring magbago.  Ang init ng pagmamahal ay maaring manlamig sa paglipas ng panahon. Ngunit ang katotohanan na forever mananatili ito ay ang paniniwala ng mag-asawa na sila ay itinalaga ng Diyos sa isa't isa!  Ito ang plano ng Diyos para sa mag-asawa, na sila ay pag-isahin sa kanilang pagsasama at walang maaaring makapaghiwalay sa pagsasamang ito.  Ito ang sinabi ni Jesus ng tanungin siya kung maaring hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa: "Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito’y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa, at sila’y magiging isa.’ Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa."  At para tuldukan ang usapin ng paghihiwalay ay nagbigay siya ng paalala sa atin: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”  Kaya nga't matatag ang paninidigan ng Simbahan kapag usapin ng divorce ang pinagtatalunan.  Sapagkat ang Kasal o pagtataling-puso ng lalaki at babae ay imbensiyon ng Diyos at hindi ng tao.  Walang karapatan ang taong baguhin ang isang sagradong bagay na itinatag ng Diyos.  Kaya nga ito ay tinatawag din ng Simbahang sakramento na ibig sabihin ay banal.  Kaya gayon na lamang ang paala-ala ng Simbahan sa mga may nais na pasukin ang Sakramentong ito.  Sa panahon na lahat ay minamadali ay pinapaalalahanan tayong gamitin ang isip talino at oras sa pagpapasiya.  Dapat kilalaning mabuti ng magkasintahan ang isa't isa.  Ano nga ba ang paalala ni Lola Nidora tungkol para sa magsing-ibig ngayon? "Mas maganda ang mga bagay na pinagtitiyagaan at dumarating sa tamang panahon.  Tandaan ninyong lahat, masarap umibig, masarap ang inspirasyon, huwag lang minamadali.  Lahat ng bagay, nasa tamang panahon!"  At para naman sa mga nagsasama nang kasal, laging sanang pakaisipin ng mag-asawa na kung ang Diyos ang nagbuklod sa kanila, ay hindi sila pababayaan ng Diyos sa mga problemang kanilang kinakaharap.  Kaya nga't napakahalga ang pagtitiwala sa Diyos na nagbuklod sa kanila. Ang problema ay kapag nakalimot na ang mag-asawa sa Diyos at hindi na sila nagdarasal ng magkasama. Ang sabi nga ng isang nabasa kong quote ay: "The couple that prays together stays together!"  Maganda sigurong tanungin ng mga mag-asawa kung ang Diyos ba ay kasama pa nila sa kanilang pagsasama?  Tanggapin natin ang masakit na katotohanan na marami sa mga mag-asawa ngayon ay hindi na nagdarasal o nagsisimba ng sabay!  At nawala na rin sa kanilang pag-iisip ang Diyos na nagbuklod sa kanila.  Ipagdasal natin ang Pamilyang Pilipino upang mapanumbalik ang kanilang pananampalataya sa Diyos.  Ang Oktubre rin ay ang buwan ng Santo Rosaryo at ngayong buwan ng Santo Rosaryo ay magandang simulan muli ng mga miyembro ng pamilya ang pagdarasal ng sama-sama.  Ang paalala ng Rosary Family Crusade ay "The family that prays together... pero hindi lang stays together!  Mas malalim pa ang mangyayari... they will love each other!  Para mapaalalahanan tayo gamitin natin ang hashtag  #PraytogetherStayTogether!