Sabado, Setyembre 29, 2018

KATOK NA LIKO PA: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - October 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? May mga ilan-ilan sa atin na nagsasasabing sila ay "Katoliko-sarado," ano ang ibig sabihin n'yon?  Maraming Katoliko ang binansagang KBL sapagkat makikita mo lang sila sa simbahan sa tatlong sandali ng kanilang buhay: sa kasal, binyag at libing.  Ano ba ang kahulugan ng ating pagiging "katoliko?"   Isang mayamang matandang biyuda ang lumapit sa pari at hiniling na misahan ang kanyang namatay na alagang pusa sapagkat mahal na mahal niya ito at itinuturing na tunay n'yang anak.  Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang iaalay kong donasyon para sa Misa . Di bale, d'yan na lang sa kabilang simbahan ng Aglipay ko siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Misis... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko rin dapat ang pusa mo!  Tara na! Misahan na natin siya!  hehehe...  Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi!  Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat!  Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinigay ni Kristo ay para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi.  Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Bagamat hindi tahasang makikita sa Bibliya ang salitang Katoliko, makikita naman natin ang "pangkalahatang" pananaw na walang pinipili ang gawaing mabuti at kalugod-lugod sa Diyos.  Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus nang ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal at pang-unawa.  Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili!  Para sa lahat! "KATOLIKO!"  Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!

Sabado, Setyembre 22, 2018

KADAKILAAN SA PAGLILINGKOD: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year B - September 23, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS - NATIONAL LAITY WEEK

Sino ba ang masasabi nating taong dakila?  Saan ba nakasalalay ang kadakilaan ng isang tao?  Sa mga nag-aakalang sa kagandahan o kasikatan nakasalalay ang kadakilaan, pakinggan ninyo ang kuwentong ito: May isang ligaw na bulaklak sa kabukiran na masyadong mataas ang pagtingin sa kanyang sarili.  Lagi niyang nilalait ang mga damong nakapaligid sa kanya. "Kayong mga nagpapangitang mga damo, bakit hindi kayo tumulad sa akin? Maganda, makulay, at higit sa lahat... mabango!"  Napapailing lamang ang mga damo na nagsasabing, "Wag kang masyadong mayabang! Darating ang araw na iisa lang ang ating patutunguhan.  Lilipas din ang kagandahan mo!"  At dumating nga ang araw na iyon.  Isang pulutong ng mga baka nanginain sa bukid t sinuyod ang malawak na damuhan.  Walang pintawad ang mga gutom na hayop maging ang mga ligaw na bulaklak ay pinatulan.  Naramdaman ng palalong bulaklak na siya ay nginunguya ng dahan-dahan. Pumasok siya sa isang madilim na lagusan, at ramdam niya ang unti-unti niyang pagdaloy sa madilim na "tunnel" na tinatawag nating esophagus.  Bigla niyang naramdam ang kanyang pagkalagkit at unti-unting pagkatunaw.  Nagpatuloy siya sa paglalakbay hanggang mabanaagan niya ang isang animoy ilaw na na nagmumula sa isang lagusan.  Unti-unti siyang dinadala dito at habang unti-unti siyang lumalabas sa butas ay napansin niyang umaalingasaw ang kanyang amoy.  Hanggang bigla na lamang siyang bumagsak sa lupa bilang isang tumpok na tae.  Naglapitan ang mga langaw at pinagpiyestahan siya narinig niya sa kanyang mga katabing tae na, "Kita mo na na, sabi ko naman sa 'yo... iisa lang ang ating patutunguhan!"  Totoo nga namang walang katuturan ang lahat, maging ito man ay kagandahan, katalinunan, angking kakayahan, kapangyarihan o maging kayamanan. "Vanity of vanities, everything is vanity!" sabi nga sa aklat ng Eclesiastes (Ec 1:1)  Kaya nga ang sukatan ng mundo sa pagiging dakila ay isang malaking kasinungalingan!  Mayaman man tayo o mahirap, may kapangyarihan o mahina, may angking kagandahan man o wala, iisa lang ang ating patutunguhan!  Kung gayon ay saan ngayon nakasalalay ang tunay na kadakilaan?  Maliwanag ang paalala sa atin ng Panginoon: “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.”  (Mk 9:35)  Hindi pa rin matanggap ng mga alagad na si Jesus, ang kanilang kinikilalang dakilang pinuno ay maghihirap at mamamatay sa kamay ng mga matatanda ng bayan.  Hindi pa rin nila matanggal sa kanilang isipan ang isang Mesiyas na marangya!  Upang mas lubos nilang maunawaan ay ginamit ni Jesus ang imahe ng isang bata na sa kanilang kultura noong panahong iyon ay mababa ang katayuan sa lipunan. Larawan ang isang bata ng kababang-loob at kapayakan ng pamumuhay.  At ito ang nais ni Jesus na matutunan ng kanyang mga alagad: Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod ng may pagpapakumbaba! Kaya nga ito rin ay paalaa para sa ating lahat na iwaksi ang kayabangan at kapalaluan.  Kapag tayo ay puno ng kayabangan ay mas lalo tayong nagiging makasarili at mapanlait sa kapwa. At dahil dito ay hindi natin nakikita ang kabutihan ng iba at sa halip na makatulong ay nakasisira pa tayo ng buhay nila.  Ang mga taong mapagkumbaba ay maraming bunga samantalang ang taong mayabang ay wala!  Masdan ninyo ang uhay ng mga palay sa bukid.  Ang mga uhay na may palay ay nakayuko at mababa samantalang ang mga walang palay ay nakatayo at matayog.  Mag-ingat tayo at baka katulad tayo ng mga uhay na nakatayo at matuwid  ang tingin sa sarili.  Ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod.  Ang tunay na kasikatan ay nasa pagpapakumbaba!  Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons  ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay "paglilingkod at hindi paglingkuran."  Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado.  Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan.  Sa katunayan ay ipinagdiriwang natin ngayong Linggo ang Pambansang Araw ng mga Layko o "National Laity Week."  Paigtingin natin ang responsibilidad ng bawat isa upang ang bawat Layko ay maging magigiting na misyonero sa kasalukuyang panahon na kung saan ang Simbahan ay dumaraan sa matinding krisis at paninira ng mga taong hindi nakakaunawa sa tunay na misyon nito.  Ang pagtugon sa panawagan ni Jesus sa paglilingkod ay ang sukatan sa kadakilaan ng isang Kristiyano.  Nawa ay maging kapwa lingkod tayo sa isa't isa!


Sabado, Setyembre 15, 2018

ANG BIDA NG BUHAY KO: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 16, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa panonood ng pelikula ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naaargabyado, kinakawawa at mamatay. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!" Isipin mo na lang ang ending ng "ANG PROBINSIYANO" kung mamamatay si Cardo?  KILL JOY hindi ba?  Kaya nga siguro magtatagal pa ito ng mahigit sampung taon, hanggang uugod-ugod na ang mga tauhan ng tele-serye at buhay pa rin si Cardo! Kasi ang bida ay hindi nasasaktan, hindi naghihirap at hindi-mamataymatay!  Kaya nga isang alamat para sa atin si FPJ sa ating pelikulang Plipino sapagkat sa lahat ng pelikula niya ay siya ang panalo. Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY! Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!"  Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!" Meganun??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong laging naninigaw at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..." Sa ganitong paraan, kapag nagtanong si Jesus sa atin ng "Sino ako para sa iyo?" ay masasagot natin Siya ng "Panginoon, ikaw ang Kristo! Ikaw ang BIDA NG BUHAY KO!"

Biyernes, Setyembre 7, 2018

LISTENING HEART: Reflection for 23rd Sunday on Ordinary Time Year B - September 9, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa free throw line at kapag nagmintis magmumura ng malutong pa sa Lapid's Chicharon!  O kaya naman ay isang deboto ng Poong Nazareno na hindi mawawala sa Traslacion ngunit patuloy pa rin sa pagsusugal at paglalasing. O isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! May isang kuwento para sa mga taong ang pananampalataya ay natatali lamang sa panlabas na pagpapakita nito. "Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod."  Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Habang pakrus na iwinasiwas ang kamay!  hehehe.  Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam tapos hindi naman nag-aral ng mabuti.  Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit.  Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya.  Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag!  Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan.  Isabuhay nating ang tunay na "Effata!"  Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons  ang panawagan ng ating Inang Simbahan ay "paglilingkod at hindi paglingkuran."  Hindi lang ito para sa aming mga pari at mga taong konsegrado.  Ito rin ay para sa lahat sapagkat tayo'y nakibahagi sa pagkapari ni Kristo noong tayo ay bininyagan.  Ibig sabihin tayo rin ay dapat magpakita ng paglilingkod lalong-lalo na sa mga kapatid nating mga dukha at lubos na nangangailangan. Hilingin din natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap.  Kung ating titingnan ay hugis puso ang ating tainga.  Kapag piangkabit mo ang kanan at kaliwang tainga mo ay magkakaroon ka ng hugis puso.  Sa katunayan sa gitna ng salitang HEART ay mayroong EAR.  Kaya pala mayroong salitang LISTENING HEART sapagkat ang ginagamit natin sa tunay na pakikinig ay ang ating puso!  Gamitin natin ang ating puso sa pkikinig sa mga hinanaing ng ating mga kapatid na mahihirap.  Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing.  Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin.  Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang magaling, kahit na maliit, kapag ginagawa ng malimit ay patungong langit!"  Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan. Hilingin din natin ang biyayang maging bukas ang tainga ng ating puso sa at ang ating panalangin ay matulad din sa panalangin ni Jesus upang buksan ito...  EFFATA!

Huwebes, Setyembre 6, 2018

KAPANGANAKAN NG INA, KATAPATAN NG AMA: Reflection for the Feast of the Birth of the Blessed Virgin Mary - September 8, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay hindi natin maisasantabi ang pagdiriwang na ito. Nakababatid na ang tunay na debosyon kay Maria ay dapat maghatid sa atin kay Jesus,  naglalaan pa rin tayo ng pagkakataon upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan.  Paano nga ba naging September 8 ang kanyang kaarawan? Simple lang. Daanin ko sa isang kuwento ang sagot: "May isang turistang Amerikano ang sumakay ng bus papuntang Macabebe, Pampanga. Medyo nainip siya sa haba ng biyahe kaya tinanong ang kundoktor: "Hey Dude, how long to Makebaybe?" Ang pagkaintindi ng kundoktor ay "how long to make a baby", kaya tinawanan niya ang Amerikano. Natural, napikon ang Kano at sinigawan ang kundoktor: "Hey! You don't laugh at me! I'm asking you a serious question: "how long to Makebaybe?" Pagalit na sumagot ang kundoktor: "Ahhhh... don't you shouting at me ha? I'm no ignorant. Ok, I will tell you... it's nine months to "make a baby!" Napatalon sa kinauupuan ang kano, "Nine months??? Gosh... it's too far!" hehehe... Ang sagot sa tanong ko kanina kung bakit Sept. 8 natin ipinagdiriwang ang birthday ni Mama Mary ay ito... wala sa historical o theological explanation ang kasagutan. Ang sagot ko lang ay katulad ng sagot ng kundoktor: "Nine months to make a baby." Bilangin mo mula Dec. 8, ang araw ng kalinislinisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon! Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos. Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit sa gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. Pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali.  Ang  kapistahan ngayon ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo.  Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano.   Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin,  may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating bautismo.  Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos.  Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo.  O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!

Sabado, Setyembre 1, 2018

PROUD TO BE CATHOLIC: Reflection for the 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - September 2, 2018 - YER OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Paano ba nasusukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ang isang katoliko -ay maituturing na siyang relihiyoso? May nakakatuwang kuwento ang makasasagot nito.  Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon.  Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi na ito na ang ating simbahang kinabibilangan.  Halimbawa, ako ay kabilang sa relihiyong Kristiyano Katoliko.  Siya ay kabilang sa relihiyong Muslim. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (Ang ibig sabihin ng "re" ay muli, at ang "ligare" naman ay itali. Kung pagdurugtungin ay "italing muli". )  Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos.  Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang pagsisimba o pagdarasal.  Hindi lamang ito natatali sa mga ritwal o panlabas na pagpapahyag ng ating pananampalataya.  Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “ Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga?  Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo.  Mahalaga ang mga ito, lalo na ang pagsisimba sapagkat ito dapat ang magbigay sa atin ng motibasyon upang lumago sa ating pananampalataya.  Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon.  May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na!  Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba.  Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti. Ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi.  Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos. Pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya.  Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili."  Kaya wag tayong maging mga Kristiyanong Doble-kara! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya tulad ng mga Pariseo.  Mag-ingat tayo sa huwad na pagsasabuhay ng relihiyon.  Upang sa sandali mang may magtanong sa iyo kung ano ang relihiyon mo ay masasabi mong: Ako ay KATOLIKO na nagsasabuhay ng aking pananampalataya!  I am a Catholic and I am proud of it!