Sabado, Nobyembre 26, 2016

MAKAHULUGANG BAGONG TAON: Reflection for 1st Sunday of Advent Year A - November 20, 2016 - YEAR OF THE PARISH as Communion of Communities

Sinisimulan natin ngayon ang bagong panahon sa taon ng Simbahan sa pagdiriwang ng PANAHON NG ADBIYENTO.  Dahil bagong panahon, ito rin ang itinuturing na BAGONG TAON ng Simbahan. Marahil ay hindi kasing ingay ng nakagawian na nating pagdiriwang sa pagpapalit ng taon na punong-puno ng paputok, ngunit ito naman ay punong-puno ng aral na nagbibigay kahulugan sa ating pananampalataya.  Mas pinaigting pa ito ng pagdiriwang ngayong Taon ng Parokya bilang "Communion of Communities" na kasama sa siyam na taong paghahanda bago natin ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng ating pananampalatayang katoliko.  Muli muna nating balikan ang ibig sabihin ng Adbiyento.  Ang ADBIYENTO ang siyang unang panahon ng bawat taong liturhiko.  Ito ay apat na linggong paghahanda sa pagsapit ng Araw ng pagsilang ng ating tagapagligatas na si Jesus.  Ito ay hango sa salitang latin na "adventus" na ang ibig sabihin'y kapwa "pagdating" at "inaasahan."  Ibig sabihin ito ay nangangahulugan ng paghihintay.  Naaakma ito sa ating panahon ngayon na ang kulturang umiiral ay pagmamadali.  Lahat ay nagmamadali, lahati minamadali. Insatant cofee, instant noodles, instant friendship, instant cuture!  Kaya nga't hindi nakapagtataka na kahit ang pagdiriwang ng Pasko ay minamadali.  September pa lang ay Pasko na!  May Christmas carols ng maririnig sa radio, may mga advance Christmas sale na sa mga malls, may Christmas decors na sa mga bahay at gusali.  Ang Simbahan ay nagpapaalala sa atin na huwag madaliin ang Pasko.  Mayroon pa tayong tinatawag na ADBIYENTO!  Para sa ating mga Kristiyano, ito ay ang ating paghihintay kay Kristo na punong-puno ng pag-asa. Tulad ito ng isang ina na hinihintay ang kanyang pagluwal ng kanyang sanggol, ng isang magsasaka sa araw ng pag-ani ng kanyang mga pananim, ng isang mangingisda na magkakaroon ng isang masaganang huli.  Ngunit ito ay paghihintay na mayroong ginagawa at hindi nagpapabaya. Sa mga salitang iniwan ni San Pablo sa mga taga Roma "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti... Mamuhay tayo ng marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan."  Ang nais lang sabihin ni San Pablo sa atin ay isapuso natin ang isang makahulugang paghahanda!  Sa pagpasok ng bagong taong ito ng ating inang Simbahan, nawa ay maipasok din natin sa ating puso at diwa ang isang makahulugang paghahanda sa pagdating ni Jesus sa ating buhay!  ISANG MAKAHULUGANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!

Linggo, Nobyembre 20, 2016

HARI NG AWA AT HABAG: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 20, 2016

Ngayon ay tinatapos natin ang huling linggo sa kalendaryo ng ating Simbahan sa pagdiriwang ng dakilang kapistahan ni Kristong Hari ng sanlibutan.  Ngayon din ang pagtatapos ng Yubileyo ng Taon ng Awa at para sa ating bansa, ang Taon ng Banal na Eukaristiya at Pamilya. May pagtatapos na nagdadala ng kalungkutan.  Ngunit may pagtatapos din na nagdadala ng kasiyahan at pananabik! Hindi ba't ganito ang ating nararamdaman kapag nakatapos tayo ng pag-aaral?  Nalulungkot tayo sapagkat iiwan natin ang ating masasayang karanasan kasama ang ating mga kamag-aral at kaibigan.  Ngunit masaya at nananabk din tayo sapagkat may bagong karanasan na naghihintay sa atin. Masaya tayo sapagkat may bagong pagkakataong maaari nating harapin at maging daan sa ating pagbabago.  Ganito rin dapat ang ating pakiramdam sa pagharap natin kay Jesus na ating hari. Hindi natin  kinatatakutan bagkus kinapapanabikan natin ang kanyang muling pagbabalik sapagkat naniniwala tayong Siya ay Hari ng AWA at HABAG.  Ito ang ating pinagnilayan sa buong taon na ito ng Yubileyo ng Awa.  Siya ang haring nagpakita ng habag sa atin sa pamamagitan ng kanyang AWA, UNAWA at GAWA!  Ang paghahari ni Jesus ay napakalki upang magkasya sa buong sanlibutan, ngunit lubha ding napakaliit upang magkasya sa ating puso.  Kaya nga ang paghahari ng Diyos ay hindi lang sumasakop sa kasalukuyang buhay na ito.  Ito rin ay nagpapatuloy sa kabila sapagkat ang paghahari Niya ay nasa bawat isa sa atin.  Ito ang nakita ni Jesus sa puso ng magnanakaw na nakapako sa kanyang tabi.  "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!"  Naroon pa rin ang butil ng kabutihan sa taong iyon.  Sa kabila ng panlabas na kasamaan ay nakita ni Jesus ang paghahari Niya sa kanyang puso!  Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay hindi sumasanga-ayon sa death penalty, summary execution, extra-judicial killing sapagkat naniniwala siya na ang bawat tao ay maaring pagharian ng Diyos at mabago niya ang kanyang buhay.  Ang tugon ni Jesus sa saraling iyon ang nagpapatunay dito: "Sinasabi ko sa yo, ngayon di'y isasama kita sa Paraiso."  Hayaan natin pagharian tayo ng Diyos upang maibahagi rin natin ang kanyang habag.  Marahil matatapos na ang Taon ng Awa ngunit hindi nito tinatapos ang pagbabahagi natin ng kanyang habag.  Patuloy tayong maging tulay ng kanyang awa, unawa at mabubuting gawa sa ating kapwa.  Halina Jesus, MAGHARI KA SA AMIN!

Sabado, Nobyembre 5, 2016

UNDAS: PAG-ALALA AT PAALALA - Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 6, 2016 - JUBILEE YEAR OF MECY

Ang buwan ng Nobyembre ay buwan na inilaan natin upang ipagdasal at alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw.  Sinimulan natin ito sa pagdiriwang ng UNDAS,  na ang ibig sabihin ay "paggalang sa mga patay", at bumisita ang marami sa atin sa sementeryo, nag-alay ng bulaklak at panalangin at may mga ilan naman ang nagtirik na lang ng kandila sa tapat ng kanilang mga bahay. Ngunit ang UNDAS ay hindi lamang pag-alala sa mga patay. Ito rin ay "paala-ala" sa mga buhay.  Kaya nga may pakahulugan din ang UNDAS na "silang UNang natoDAS!"  Sila na nauna na sa atin ay nag-iiwan sa atin ng mahalagang paalala: na totoong may buhay sa kabila at tayong lahat pupunta doon.  Nauna laang silang "natodas!"  May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng basketball.  Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa basketball kaysa sa kanilang mga gf. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila  ay ibalita kung may basketball din ba sa kabilang buhay.  Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapo niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo!  May goodnews at badnews ako sa 'yo!"  Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig.  "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may basketball sa kabilang buhay!"  Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Ano naman ang badnews?"  Sagot ni Juan: "May laro tayo bukas, kasama ka sa line-up!" ehehehe...  Kung ikaw kaya yun, hindi ka ba matatakot?  Siguro wala namang basketball sa kabilang buhay pero nakasisiguro tayong mayroong "kabilang buhay!"  Ito ang binanggit sa unang pagbasa sa Aklat ng mga Maccabeo: "Ako’y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako’y muling bubuhayin ng Diyos."  Sa Ebanghelyo naman ay pinatahimik ni Jesus ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay ng mga patay sa paglilinaw na iba ang ang katayuan ng mga tao sa "buhay sa kabila".  Kaya nga't para sa ating mga Kristiyano, ang buwan ng Nobyembre ay hindi lang pagdarasal para sa mga patay kundi bagkus ito rin ay paalala sa ating mga buhay na may "buhay a kabila."  Kaya nga't walang masama kung ating pag-iisipan at pagninilayan ang araw ng ating kamatayan.  Ang sabi ni Steven Covey sa kanyang aklat na 7 Habits for Highly Effective People" ay "always BEGIN with the END in mind".  At ano ba ang katapusan nating mga kristiyano? Hindi kamatayan bagkus ang makapiling ang Diyos sa kabilang buhay!  Ang kamatayan ay pintuan na dapat pasukan ng lahat upang makarating sa kabilang buhay.  Ngunit ang "makapiling ng Diyos" ay laan lamang sa mga taong naging tapat sa pagtupad ng kanyang kalooban noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupang ibabaw.  Hindi lahat ng namatay ay nakakarating dito.  Kaya nga't ang paalala sa atin ay habang may buhay pa tayo ay sikapin nating mabuhay ng mabuti.  Gamitin natin ang ang oras, kakayahan at kayamanan (time, talents, treasures) upang mabuhay ng tama at makatulong sa ating kapwang nangangailangan.  Pag-isipan natin ang huling hantungan, ang makapiling ang Diyos, at hindi tayo magkakamali.  Magkaroon tayo ng "foresight" at hindi "poorsight" sa ating buhay Kristiyano.  Ang UNDAS ay pagkakataon upang gamitin natin ang ating talino sa pagpili ng tama at mabuti.  Matuto tayo sa mga "unang natodas" sa atin. Tandaan natin na ito ay PAG-ALALA at PAALA-ALA... pag-alala sa mga patay at paalala sa ating mga buhay!

Lunes, Oktubre 31, 2016

ANG ARAW NG MGA BANAL (Reposted) : Reflection for ALL SAINTS' DAY - November 1, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Kapistahan ngayon ng lahat ng mga banal sa langit. Bagama't hindi natin kilala ang marami sa kanila, nakaukit naman sa ating ala-ala ang kabanalan na kanilang ipinakita noong sila ay nabubuhay pa dito sa lupa. Ano nga ba ang kanilang nagawa at itinuturing natin silang " MGA BANAL?" Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil marami sa kanila ay hindi natin kilalaa. Sila ang mga "unsung heroes" ng ating Simbahan na naging tapat at nag-alay ng kanilang buhay para kay Kristo.  Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal!  Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila.  Sa katunayan, ito ay para sa atin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin.  Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal.  Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa.  Piliin natin ang maging matapang ngayong Taon ng mga Layko.  Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat.  Akuin natin ang pagiging banal.  Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo.  Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan.  Sana balang araw ay masabitan din tayo ng karatulang katulad ng nasa duktor na nagsasabing tayo ay "NASA ITAAS!"

Sabado, Oktubre 29, 2016

PAGKAPANDAK (Revised & Reposted): Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year C - October 30, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

"Sa hirap ng buhay ngayon... pandak lang ang hindi tumataas!" Totoo nga naman. Mapa-kuryente, tubig, upa sa bahay, tuition fee sa eskwela, pamasahe sa sasakyan... halos lahat ata tumataas - pandak lang ang napag-iiwanan! Bakit nga ba maliit ang mga pandak?  Minsan, tinanong si Dagul: "Dagul... bakit ka pandak?" Sagot si Dagul: "Kasi, naulila ako ng maaga." Sagot sa kanya: "Teka... anung koneksyon nung pagiging ulila mo sa pagiging pandak mo?" Sagot ni Dagul: "Tanga ka ba? Ulila nga ako kaya WALANG NAGPALAKI SA AKIN!" Talagang kawawa ang mga taong pandak... karamihan sa kanila ay "walang nagpapalaki." Sa katunayan, mas lalo pa nga silang "pinapaliit" ng lipunan. Ito ang sitwasyon ni Zacheo sa Ebanghelyo: maliit na s'ya... minamaliit pa siya ng kanyang mga kababayan. Marahil dahil na rin sa kanyang trabaho na taga-kolekta ng buwis. Isang traidor sa kanilang bayan ang turing sa kanya sapagkat kinukuhaan n'ya ng pera ang kanyang mga kababayan upang ibigay lamang sa mga dayuhan (mga Romano) na sumakop sa kanila. Kasama na rin siguro ang maraming "kickbacks" sa kanyang mga nakolekta. Dahil dito sinadya ng mga taong hindi pasingitin si Zacheo sa kanilang hanay. Mas lalong naging pandak sapagkat walang nais tumanggap sa kanya... walang "nagpapalaki." Ngunit nagbago ang lahat ng matagpuan s'ya ni Hesus. Take note: Si Hesus ang nakakita sa kanyang nasaa itaas ng puno. Laking tuwa ni Zacheo ng sabihin ni Hesus na tutuloy s'ya sa Kanyang bahay. At iyon na ang naging simula ng kanyang pagbabagong buhay. Ang dating pandak ay tumangkad! Naging mataas, siguro hindi sa pagtinging ng tao... ngunit sa paningin ng Diyos. Tayo rin ay maypagkapandak kung atin lamang susuriin ang ating sarili. Mabuti na lang ay may Diyos na laging handang tumanggap sa atin at palakihin tayo sa Kanyang paningin. Anuman ang ating mga nagawang pagkakamali at pagkukulang ay wag sana tayong masiraan ng loob... may Diyos na nagmamahal sa atin at nakakaunawa sa ating kahinaan. Kaya't magsumikap tayo na umahon sa ating "pagkapandak". Matangkad tayo sa mata ng Diyos dahil mahal Niya tayo! "  Kaya nga ito ang nais ipahiwatig ng Diyos sa atin: Una,  may pag-asa tayo bilang mga taong makasalanan na bumangon at magbagong-buhay.  May Diyos na laging handang tumanggap sa atin sa ating "pagkapandak" dala ng ating mga kasalanan.  Ikalawa, na dapat din nating pataasin ang mababang pagtingin ng iba sa kanilang sarili.  Magagawa natin ito sa pagtanggap sa kanila at huwag silang pandirihan o isantabi.  Tinutukoy ko ang mga taong nasa laylayan ng lipunan tulad ng mga bilanggo at naging biktima ng droga.  Ngayong "Linggo ng Kamulatan para sa mga nasa Bilangguan" ay bigyan natin ng pag-asa ang mga taong ito na nais magbago at magtuwid ng kanilang nalihis na landas.  Kung ang Diyos ay nakapagbibigay sa kanila ng ikalawang pagkakataon, paano pa kaya tayong mga taong nabiyayaan din ng kanyang habag? Huwag natin silang pandirihan o ituring na mga taong wala ng pagkakataong magbago.  Hindi kasagutan ang paglipol sa kanila na parang "kanser" na dapat tanggalin sa lipunan.  Ang mga taong ito ay minsan ng nagkamali at huwag na sanang dagdagan pa natin ang pagkakamaling nagawa nila.  Sila rin ay mga anak ng Diyos, minahal at iniligtas Niya.  Tanggapin natin silang muli at tulungang magbagong-buhay.  Tandaan natin na walang taong "pandak" sa mata ng Diyos!

Sabado, Oktubre 22, 2016

DASAL EPAL: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year C - October 23, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Lahat ba ng panalangin ay kinalulugdan ng Diyos? Ang sagot ay hindi! Ayaw Niya ng dasal ng mayayabang. Ayaw Niya sa mga taong ma-epal! Hindi Niya lubos na kinalulugdan ang DASAL-EPAL!  Minsan may taong nagdarasal na palaging ibinibida ang kanyang sarili. Ganito parati ang laman ng kanyang panalangin: "Panginoon, maraming salamat po at ginawa mo akong mabuting Kristiyano hindi katulad ng iba d'yan na maraming bisyo at hindi nagsisimba, tapat ako sa asawa ko at hindi ako katulad ng kapitbahay namin na maraming kabit, nag-aabuloy ako sa Simbahan, tumutulong ako sa kawang-gawa di tulad ng iba d'yan na madamot at walang pakialam sa iba at higit sa lahat nagkukumpisal ako ng isang beses sa isang buwan di tulad ng ibang mahigit isang taon ng hindi nagkukumpisal..." Laking gulat n'ya ng sumagot ang Diyos: "Mapalad ka anak... mapalad ka!" " Tuwang-tuwa siyang tumingala sa malaking krusipihiyo na kung saan ay pinanggalingan ng mahiwagang tinig. "Talaga po Panginoon? Pero anung ibig mong sabihin Panginoon na mapalad ako?" Sagot ng mahiwagang tinig: "Mapalad ka at nakapako ang mga paa ko, kung hindi ay tinadyakan na kita!"hehehe... Kuwento lang naman ngunit may sinasabing malaki sa ating paraan ng pananalangin. Hindi naman nananadyak ang Diyos! Ayaw Niya lang talga sa panalangin ng mga palalo at mayayabang. Bakit? Sapagkat ang panalangin ng mga palalo ay hindi kumikilala sa kapangyarihan at kabutihan ng Diyos. Hindi bida ang Diyos sa kanilang panalangin bagkus ang sarili ang itinataas! Ang pagpapakumbaba ay mahalagang kundisyon sa tunay na pagdarasal. Tanging ang mga taong katulad ng publikano sa talinhaga, na handang umamin ng kanyang pagkakamali ang kinalulugdan ng Diyos sa kanilang panalangin. Kaya nga ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang kundisyon sa tuwing tayo ay lumalapit sa Diyos. Pansinin ninyo ang gawi ng publikano: "Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalan!" Ang mapagkumbabang panalangin ay nagpapakita ng ating pangangailangan sa awa ng Diyos at nagpapahayag ng Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Sino ba ang bida sa panalangin mo? Baka naman puro "Ako" ang laman ng ating panalangin at nakakalimutan natin "Siya" (ang Diyos) at "sila" (ang ating kapwa). Ang panalanging kinalulugdan ng Diyos ay ang panalanging nagbubunga ng paggalang at pagmamahal sa ating kapwa.  Ang Santo Rosaryo ay ang panalangin ng mga taong mapagkumbaba.  Ang mahal na birheng Maria ang ating huwaran sa pagiging mapagkumbaba sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Kaya nga sa pagninilay ng mga misteryo ng Santo Rosaryo ay dapat nagiging katulad tayo ni Maria: mapagkumbaba sa ating panalangin.  Maging mapagkumbaba sa pagdarasal.  Tandaan natin na ang kahinaan ng Diyos ay ang panalangin ng taong mapagkumbaba. Kaya't wag maging epal sa pagdarasal!

Sabado, Oktubre 15, 2016

NAGMAHAL, NASAKTAN, NAGDASAL: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year C - October 16, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

May kuwento ng isang batang nagdarasal na sana ay bigyan s'ya ng bisikleta ng Diyos para sa kanyang birthday.  Halos araw-araw ay dumaraan siya sa Simbahan at sa isang sulok na kung saan ay may nakaluklok na maliit na estatwa ng Mahal na Birhen ay lagi niyang ipinagdarasal ang kanyang kahilingan.  Papalapit na ang araw ng kanyang kaarawan ngunit tila baga ayaw ibigay ng Diyos ang kanyang kahilingan.  Isang umaga ay nagkagulo sa loob ng Simbahan. Nawawala ang maliit na estatwa ng Mahal na Birhen.  Napansin ng pari ang isang maliit na papel na nakaipit sa patungan ng estatwa.  Ganito ang nasulat: "Dear Papa Jesus,  mukha atang ayaw mong ibigay ang hinihingi kong bike.  Bahala ka! Kapag hindi mo ibinigay bukas ang hinihingi ko para sa aking birthday... hindi ko ibabalik ang nanay mo?"  Nakakapressure ang panalangin niya hindi ba?  Bata pa lang kidnaper na!  Ngunit kung titingnan natin ay ito naman talaga ang nais ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal.  Nais niyang kulitin natin Siya.  Nais niyang tayo ay magpumilit.  Nais niyang huwag tayong manghinawa sa ating paghingi.  Ito mensaheng nilalaman ng kanyang talinghaga: may naghihintay sa mga taong nagtitiyaga at nagpupuimilit na ipagkaloob ang kanilang kahilingan. Totoong ayaw ng Diyos ng mga panalanging walang kabuluhan na inuulit-ulit.  Ngunit ang ipinapahayag ng talinhaga ay hindi ang pag-uulit na walang kabuluhan.  Ang pag-uulit ng ating paghingi sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal ay may kaakibat na paniniwala at pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.  Ibig sabihin ay isang panalanging may malalim na pananampalataya!  Hindi ba't ganito ang pagdarasal dapat ng rosaryo?  Pinipilit at kinukulit natin ang Diyos sa pamamagitan ng pag-uulit ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.  Huwag nating kalimutan ang pagninilay sa mga Misteryo na ating dinarasal at pag-uugnay nito sa ating buhay.  Ngayong buwan ng Oktubre, ang buwan ng Santo Rosaryo, ay nagpapa-alala sa atin ang Simbahang dasalin ang makapangyarihang panalanging ito sa paraang nararapat.  Magdasal tayo ng may pagkumbaba sapagkat kinalulugan ng Diyos ang mga may mababang kalooban at manalangin din tayo na taglay ang pusong mapagpasalamat sapagkat nagpapakita ito na tayo ay katiwala lamang ng Diyos sa lahat ng pagpapalang ibinigay niya sa ating buhay.  Ang sabi nga ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo: "Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagamat tila nagtatagal iyon."  Ngayong lumalapit na tayo sa pagtatapos ng Taon ng Awa o Jubilee Year of Mercy ay mas palalimin pa natin ang ating buhay espirituwal na laging ipinapakita natin sa uri ng ating panalangin. Lumalalim ang ating buhay panalangin kung nagagawa pa rin nating magtiwala sa Diyos sa kabila ng maraming kabiguan sa buhay.  Katulad nga nang sinasabi ng sikat na mga katagang... NAGMAHAL... NASAKTAN... NAGDASAL!

Sabado, Oktubre 8, 2016

PUSONG MAPAGPASALAMAT: Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year C - October 9, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

May puso ka bang marunong magpasalamat?  Kung minsan, hindi natin napapansin na marami pala dapat tayong ipagpasalamat sa ating buhay.   Si Juan ay isang batang masipag at maasahan sa gawaing bahay. May roon lang nga siyang masamang ugaling maningil sa lahat ng kanyang ginagawa. Minsan ay may pinuntahan ang kanyang nanay at iniwan sa kanya ang gawaing bahay. Katulad ng inaasahan ay malugod namang tinanggap ni Juan. Pag-uwi ng kanyang ina ay may nakita itong papel na nakapatong sa lamesa. Nakasulat: Naglinis ng bahay - sampung piso, naglaba ng damit - sampung piso, nagdilig ng mga halaman - sampung piso, nag-alaga kay junior - sampung piso... kabuuan: singkuwenta pesos. Ps. Yung sampung pisong karagdagan ay VAT. Ang masipag mong anak, Juan. Napangiti ang nanay, kumuha ng papel at nagsulat din: siyam na buwan kitang inalagaan sa aking tiyan - libre! Ipinanganak kita - libre! Pinakain at pinag-aral - libre! At ngayon mahal kong anak may lakas ng loob kang singilin ako? Patawarin mo ako anak, walang pera ang nanay, wala akong maibibigay sa iyo. Ang nagmamahal mong ina - Juana. Kinabukasan ay nagising si Juan at nakita ang sulat sa kanyang kama. Binuksan iyon at ng nabasa niya ay natulala siya. Kumuha ng isang papel at muling nagsulat. Dear inay... pinapatawad ko na po kayo! hehehe... Hindi ba't nakasasama ng loob kapag may mga taong katulad ni Juan na hindi nakikitang may mga tao pala tayong dapat pasalamatan sa ating buhay?  Katulad ng kuwento sa Ebanghelyo, nakakalungkot na hindi naisip ng siyam na ketonging bumalik kay Jesus at pasalamatan siya sa pagpapagaling na ginawa niya para sa kanila. Mula sa sampung ketonging pinagaling ni Hesus, ay iisa lamang ang naglakas-loob na magpalasalamat! At ang higit na nakalulungkot ay isang Samaritano, na mortal na kaaway ng mga Hudyo, ang tanging nakaalalang magbigay ng pasasalamat. Bakit kaya ganyang tayong mga tao? Kay bilis nating makalimot! Ang Diyos, kung magpadala sa atin ng biyaya ay "siksik, liglig, at nag-uumapaw," ngunit bakit kung minsan ay nakakalimot tayong magpasalamat? Tingnan natin ang laman ng ating mga panalangin, magugulat tayo na ang karaniwang uri ng ating pagdarasal ay "paghingi". Kadalasan ang lagi nating sinasambit ay "PENGINOON... PENGINOON!" Sa halip na PANGINOON, PANGINOON!" Ang lakas nating humingi sa Diyos, ang hina naman nating magpasalamat. Hindi ako naniniwalang wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos. Sapagkat lahat ay biyaya na nagmumula sa Kanya! "Everything is grace!" ayon kay San Pablo. Kahit nga ang masasamang nangyayari sa atin ay maari nating tawaging "blessing in disguise" sapagkat ang "Diyos ay nakapagsusulat ng diretso sa baku-bakong linya." Ibig sabihin ay laging may mabuting dahilan ang Diyos sa masasamang pangyayari sa ating buhay. "Gratitude is the language of the heart" sabi nga sa Ingles. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng kalikasan.  Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "pamilya". Pasalamatan natin Siya sa biyaya ng "buhay". Mamayang gabi, bago ka matulog, bilangin mo ang mga biyaya mo... magpasalamat ka sa kanya.  Kapag araw ng Linggo magsimba ka sapagkat ang Santa Misa ang pinakamataas na pasasalamat na maari nating ibigay sa Kanya. Kapag may pagpapala ka ay ibahagi mo. Isang paraan yan ng pagsasabing ang iyong biyayang natanggap ay hindi sa iyo kundi ito ay kaloob ng Diyos. Magpasalamat ka tuwina! Walang mawawala sa 'yo, bagkus ay magkakamit ka pa nga ng biyaya sapagkat kinalulugdan ng Diyos ang taong marunong magpasalamat! 

Sabado, Oktubre 1, 2016

MAPAGKUMBABANG PANANAMPALATAYA: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year C - October 2, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Malimit nating naririnig ang salitang "pananampalataya".  Sa katunayan ay malimit nating ginagamit ito sa ating pang-araw-araw na buhay na marahil ay hindi natin namamalayan. Halimbawa, sa tuwing tayo ay kumakain sa isang fastfood restaurant o kaya naman sumasakay ng pampublikong sasakyan ay ipinagkakatiwala natin ang ating buhay sa mga taong hindi naman natin kilala.  Paano tayo nakasisigurong malinis ang ating pagkaing kinakain o kaya naman ay ligtas magmaneho ang driver na ating sinakyan?  Pero naniniwala tayo at nagtitiwala sa kanila.  Kung minsan ay maririnig din natin sa mga mag-aaral: "Malapit na exams... bahala na!"  O kaya naman kapag hindi nakapag-aral: "Sige na nga... bahala na si Batman!"  Ang ganitong uri ng pag-uugali ay maari nating maiugnay sa ating pananampalatayang espirituwal.  Sa katunayan ang salitang "bahala na" ay nanggaling sa salitang "Bathala na!"  Kung kaya't masasabi natin na ang ating "tadhana" ay nakaugnay sa ating pagkilala kay "Bathala", na ang salitang "fate" ay hindi natin mahihiwalay sa ating "faith".  Itinanim sa atin ang butil ng pananampalataya noong tayo a bininyagan ngunit nakakalungkot na ang pananampalatayang ito ay marami sa atin ang hindi inalagaan at dahil dito ay napabayaan.  Kaya nga ang panalangin ng mga alagad ay atin ding panalangin: "Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos!"  Ang kasagutang ibinigay ni Jesus ay ang "talinghaga ng butil ng mustasa", pananampalatayang maliit sa ating paningin ngunit malaki naman sa paningin ng Diyos.  Ang tawag natin dito ay "mapagkumbabang pananampalataya."   Ito ay pananampalatayang katulad ng isang aliping handang maglingkod sa kanyang panginoon o "Servant's Heart".  Sa ating Ebanghelyo, ito ay katulad ng winika ng alipin sa kanyang amo: "kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.’ ”  Ang pananampalatayang ito ay nangangahulugan ng ating paniniwala, pagtitiwala at pagsunod.  Katulad din ito ng AWA, UNAWA at GAWA na patuloy nating pinagninilayan ngayong Taon ng Awa.  May kasabihan tayong "nasa Diyos ang AWA nasa tao ang GAWA."  Hindi masamang umasa sa awa ng Diyos.  Ngunit mahalaga rin na sa ating pagpapasa-Diyos ng ating hinaharap ay kumilos naman tayo sa kasalukuyan!  Ang ating unang pagbasa sa Aklat ni Habakuk ay paglalarawan sa mga nangyayari sa atin ngayon sa kasalukuyan: " Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan? Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang hidwaan at pagtatalo."  Dito ay talagang nangangailangan tayo ng mapagkumbabang pananampalataya.  Hindi sagot ang panghuhusga at karahasan upang malutas natin ang suliranin ng ating lipunan.  Bilang isang Kristiyano ang kasagutan natin ay ang pagbabahagi ng pag-ibig at habag ng Diyos sa ating kapwa sa pamamagitan ng awa, unawa at gawa!  At ang unang hakbang na dapat nating gawin ay magkaroon ng mapagkumbabang pananampalataya.  Ito ang ating pagtugon sa Diyos na lumalapit sa atin at nag-aalok ng Kanyang pagmamahal. Ito ay ang ating pagtanggap sa Kanya. Mapagkumbaba ba ang pananampalataya mo?   




Sabado, Setyembre 24, 2016

PAGKABAGABAG AT PAKIKIALAM: Reflecton for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - September 25, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Madalas tayong makakita ng sign boards sa mga daanan.  Ngunit kakaiba itong nakita ko minsang ako ay tumawid sa isang kalsada.  Ganito ang nakasulat:  BAWAL ANG MAKIALAM, NAKAMAMATAY!  Ayaw natin sa mga pakialamero at pakialamera di ba?  Ayaw nating may nanghihimasok sa ating buhay!  May kuwento ng isang pari na masyadong passionate sa kanyang pagbibigay ng homiliya.  Minsan ay ipinapaliwanag niya ang sampung utos.  Ang sabi niya: "Mga kapatid, sinasabi sa ika-limang utos, "huwag kang papatay!"  Kaya't masama ang pumatay!"  Biglang sigaw ang isa sa mga nagsisimba? "Amen! Father! Amen!"  Itinuloy ng pari: "Sinasabi ng ika-pitong utos, huwag kang magnanakaw!  Masama ang kumuha ng pag-aari ng iba!"  "Amen! Father! Amen!" sigaw muli ng lalaki.  Ginanahan tuloy ang pari at sinabing: "Huwag kang makikiapid!  Kaya bawal, ang magkaroon ng relasyon sa hindi mo asawa! Bawal ang may-kabit!"  Biglang sigaw ang lalaki: "Aba, padre! Hini ata tama yan! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ko! Wag mo kong pakiaalaman!"  Para mga mahilig makialam sa buhay ng iba eto ang masasabi ko inyo: "Dear PAKIALAMERA, May sarili kang buhay di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka? - Nagtataka, ME!"  Eto pang isa; "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo. Wala ka kasing ibang inintindi kung ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  Kung ganun, masama ba ang pakikialam?  Hindi lahat ng pakikialam ay masama o kaya naman hindi lahat ng hindi nakikialam ay mabuti!  Sa katunayan ay ito ang kasalanan ng mayaman sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayong Linggo.  Walang sinabi sa Ebanghelyo na masamang tao ang mayaman. Ang kanyang kasalanan ay ang kanyang pagwawalang-bahala kay Lazaro na nasa labas lamang ng kanyang bahay at namamatay sa gutom samantalang siya ay sagana sa damit at pagkain sa hapag kainan.  Walang pakialam ang mayaman sa kalunos-lunos na kalagayan ni Lazaro.  Kaya nga't hindi lahat ng hindi pakikialam ay mabuti.  Tayong mga Kristiyano ay tinawag ni Jesus na makialam sapagkat ang Diyos mismo ang unang nakialam sa atin.  Ipinamalas niya ang kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagliligtas sa pagbibigay sa atin ng kanyang bugtong na Anak.  Nakialam Siya sa ating abang kalagayan sapagkat mahal Niya tayo at ayaw Niya tayong mapahamak. Ang sabi ni San Juan:  "Gayon na lamang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak..." (Jn 3:16)  Ngunit ang ganitong pakikialam ay posible lamang kung mayroong kasamang PAGKABAGABAG! Nagpakita ng habag ng Diyos sa atin sapagkat nabagabag siya sa ating abang kalagayan.  Ang tawag natin sa ganitong uri ng panghihimasok ay MABUTING PAKIKIALAM!  Ano ang hinihingi nito sa atin?  Una, ito ay nangangahulugan ng pagtatama sa mali! Ang mabuting pakikialam ay may lakas ng loob upang ituwid ang kanyang kapatid na napapariwara. Ang kanyang layunin ay kabutihan at hindi kasiraan ng kanyang kapwa.  Ang tawag din dito ay fraternal corretion. Ang isang Kristiyano ay dapat nababagabag kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nagkakasala o hindi gumagawa ng tama.  Ngayon marahil ay maiintindihan natin kung bakit ang Simbahan ay kailangang makialam kapag may nakikita siyang mali sa ating lipunan.  Hindi siya maaring manahimik kapag may paglabag sa kalooban ng Diyos at paglapastangan sa Kanyang mga utos.  Ikalawa, ang mabuting pakikialam ay ang atin ding pakikiisa sa mga mahihirap.  Hindi kinakailangang gumawa ng malalaking bagay para sa kanila.  Ang sabi nga ni St. Theresa ng Calcutta: "Not all of us can do great things.  But we can do small things with great love."  Kung minsan ay sinisisi natin ang Diyos sa mga kahirapang nangyayari sa ating paligid, ngunit sino ba ang may kagagawan nito?  Ang sabi niya uli: "Poverty is not made by God, it is created by you and me when we don't share what we have."  Nawa, sa pagdiriwang ng Taon ng Awa ay mas lalo pa nating maipadama ang habag ng Diyos sa pamamagitan ng ating MABUTING PAKIKIALAM sa ating kapwa, pakikialam na dala ng ating pagkabagabag sa tuwing tayo ay makakatagpo ng ating mga kapatid na naghihikahos at lubos na nangangailangan.