May kuwento ng isang batang laging nananaginip at nagkakatotoo ang kanyang mga panaginip sa loob lamang ng dalawampu't apat na oras pagkatapos niyang magising. Alam ito ng kanyang mga magulang at sa kanilang palagay ay isa itong "extraordinary gift" sa kanilang anak. Minsan nanaginip ang bata at sumisigaw ng "Lolo... lolo...." Narinig ito ng kanyang ama kaya't natakot sya sa maaring mangyari. Kinabukasan ay nakatanggap sila ng tawag sa telepono... patay na si Lolo. Pagkatapos ng isang linggo ay muling nanaginip ang bata at sumigaw uli: "Lola... lola!" Kinabukasan ay muli silang nakatanggap ng tawag na pumanaw na ang kanilang lola. Wala pang isang linggo ay muling nanaginip ang bata: "Daddy! Daddy!" Kinilabutan ang tatay! Kinabukasan ay kabadong-kabado siya sa puwedeng mangyari sa kanya. Ngunit lumipas ang dalawampu't apat na oras ay wala namang nangyari sa kanya kaya't masaya niya itong ibinalita sa kanyang misis! "Dear, magsaya tayo! Wag kang malungkot! Buhay pa ako!" Ngunti malungkot na sinabi ng babae na: "Mahal, namatay ang driver natin kagabi! Wala na tayong driver!"
O di ba? Kung minsan ay totoo ang panaginip. Ito ang nangyari kay Jose ng managinip siya isang gabi pagkatapos niyang magdesisyon na hiwalayan ng tahimik si Maria sapagkat nagdadalantao na ito ng kanyang naratnan. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa s'yang taong matuwid ay ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria kayat nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Ang parusa kasi sa babeng nahuling nakikiapid ay kamatayan! Katulad ng sino mang lalaki, si Jose ay may pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos.
Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari. Maraming pagsubok tayo sa buhay na hinaharap at kalimitan ay hindi ito naayon sa ating plano. Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabaho, nasunugan ka ng bahay, namatayan ka ng mahal sa buhay ay mga halimbawa ng kakaibang plano ng Diyos na totoong mahirap unawain at tanggapin. Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose. "Believe in God who believes in you!"
Tatlong tulog na lang at Pasko na! Sa katunayan ay nasindihan na ang pang-apat na kandila sa ating Korona ng Adbiyento. Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!" May dahilan upang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo" na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin. Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya kaya't may dahilan kung bakit dapat tayong magsaya.
Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso. Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan laong-lalo na sa mga pagkakataong hindi nasusunod ang mga plano natin. Gayahin natin si San Jose na nanatiling tapat sa Diyos sa kabila ng maraming katanungan sa mga mahiwagang pangyayari ng kanyang buhay. Tunay nga na ang Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos. Ngunit hindi ito mangyayari kung hindi bukas ang ating puso sa pagtanggap sa kalooban at plano ng Diyos sa ating buhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento