Miyerkules, Disyembre 30, 2009

Reflection: New Year - Solemnity of Mary the Mother of God - January 1, 2010: ANG AMOY NG BAGONG TAON

Amoy Bagong Taon na! Marami sa ating ang mag-aamoy usok ng paputok! Ang iba naman... amoy putok! hehehe... Kaya nga't magandang maligo bago pumasok ang bagong taon at sundin ang pamantayan sa paggamit ng pabango ayon sa isang text na aking natanggap:"The essence of smell in life: lotion for the babies, cologne for the twenties, Eau d Toilet for the thirties, perfume for the fourties, Efficacent Oil for the fifties, bawang at Luya for the sixties, insenso for the seventies and above! hahaha! Anuman ang amoy mo... isa lang ang sinasabi nito: Salubungin mo ang bagong taon na may "bagong amoy" para pumasok ang suwerte! Ang dami nating ginawa upang papasukin ang suwerte sa bagong taon. Naririyan na ang pagbili ng mga bilog na prutas.Suwerte raw kasi yung bilog... magkakapera ka. Uso rin ang kasuotang kulay pula o polkadots... suwerte rin daw sabi nila. Maraming nagbubukas ng bahay kahit mausok ang mga paputok... para raw pumasok ang swerte! Yung iba magnanakaw ang nakakakuha ng swerte! hehe... Naniniwala ka ba sa mga pamihiing ito? Saan ba nakasasalalay ang suwerte natin? Kung titingnan natin ang kapistahang pinagdiriwang ngayon ay malalaman natin kung saan nagmumula ang swerte! Kapistahan ngayon ni Maria bilang "Ina ng Diyos!" Pinapaalala sa atin na ang kasuwertehan niya ay di niya isinaalang-alang sa mga pamahiin subalit sa matapat na pagtupad sa kalooban ng Diyos. Nang pinili ng Diyos si Maria upang maging Kanyang ina ay hindi siya nagdalawang isip na sumunod sa Diyos bagamat hindi niya alam ang plano ng Diyos para sa kanya. Sa pagpasok ng bagong taon... maraming plano ng Diyos para sa atin! Ang suwerte natin ay nakasalalay sa matapat na pagsang-ayon sa Kanyang kalooban. Kaya kahit hikahos ang ating buhay sa pagpasok ng taon, kahit santambak ang problemang sasalubong sa atin, kahit baon tayo sa maraming pagkakautang ay kaya nating salubungin ang bagong taon na may ngiti sa ating mga labi. Ito ang tamang amoy sa pagpasok ng bagong taon: "AMOY GRASYA!" Si Maria ay "puspos ng Grasya" kaya't nagawa niyang tuparin ang plano ng Diyos para sa kanya. Nawa katulad ng Mahal na Birheng Maria ang atin ding masambit ang mga katagang..."Narito ang alipin ng Panginoon... maganap nawa sa kin ayon sa wika mo..." ISANG MAPAYAPA AT MAPAGPALANG BAGONG TAON SA INYONG LAHAT!

Biyernes, Disyembre 25, 2009

Reflection: Feast of the Holy Family - December 27, 2009: ANG BANAL NA PAMILYA

Nagkaroon ng survey nitong nakaraang mga taon tungkol sa phenomenon ng mga isinisilang na "kambal". Nagtataka sila kasi kung bakit marami ang ipinapanganak na kambal. "Bakit kaya?" ang kanilang tanong. Maraming theorya nang lumabas ngunit kakaiba ang isang sagot na ibinigay: "Dahil takot ang batang isilang na mag-isa sa mundo!" Marahil ay hindi siyentipiko ang kasagutan ngunit kung pag-iisipan ay may katwiran at malalim na kahulugan... sa dami ng problemang bumabagabag sa bawat pamilya ngayon ay parang nakakatakot nang isilang sa mundo na mag-isa! Tingnan na lamang natin kung anung uring mundo mayroon tayo. Mahirap mang tanggapin ang katotohanan ngunit tama ang sinabi ng ating namayapang butihing Santo Papa Juan Pablo II na laganap na sa ang ating mundo ang "kultura ng kamatayan". Nariyan na ang abortion at contraception, idagdag pa natin ang divorce, disfunctional families, kahirapan ng pamumuhay, pagsasamantala sa karapatan ng mga bata, at marami pang ibang sulirin na direktang tinatamaan ang buhay-pamilya. Parang nakakatakot talaga na isilang sa mundo ngayon! Tinatapos natin ang taong ito sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose. Pinapaalala sa atin kung "ano dapat maging" ang isang pamilya. Ginawang banal ng Diyos ang bawat pamilya noong siya ay magkatawang tao... at pinabanal pa niya ito nang pinili niyang mabuhay sa loob ng isang pamilya. Hindi sapagkat "holy family" ay perpekto na! Kahit ang Banal na Pamilya ay nakaranas ng sakit at pagkukulang. Sa ebanghelyo ngayon ay makikita natin ang paghihirap na dinanas ng banal na pamilya sa pag-aalaga nila sa sanggol na Hesus upang mailayo ito sa kapahamakan. Kahanga-hanga ang papel na ginampanan ni Jose bilang "ama" ng banal na pamilya. At mayroon ding tagpo sa ebanghelyo na minsang naging pasaway ang batang Hesus noong minsan silang nagpunta sa templo ng Jerusalem. At take note: marunong sumagot sa magulang! Ngunit ang isang katangian ng banal na pamilya ay ang marunong itong magmahal sa kabila ng maraming pagkukulang ng bawat isa. Ito ang maaari nating mapulot sa Banal na Mag-anak. Sila ay Banal sapagkat sila ay nagmamahalan sa kabila ng kanilang pagkukulang. Minamahal ko rin ba ang pamilyang kinabibilangan ko? Ano ang magagawa ko pa upang maitaguyod ang aking sariling pamilya? Paano ko mapupunuan ang pagkukulang ng bawat isa sa amin? Tularan natin ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose!

Huwebes, Disyembre 24, 2009

Reflection: Solemnity of Christmas - December 25, 2009 - ANG BELEN SA PUSO MO! (Reposted & Revised)

Alam n'yo ba na sa America ay di puwede ang Belen? Wala kasing WISE MEN doon! Sa Japan na napakayaman ay di rin puwede ang Belen! Bakit? Kasi walang POOR SHEPHERDS! Sa Amsterdam na kilala bilang 'prostitution capital' ay wala ring Belen! Kasi walang VIRGIN! Pero sa PILIPINAS... puwedeng-puwede ang Belen! Bakit??? Kasi... maraming HAYOP! hahaha! Marami mang "hayop" na maituturing sa atin, una na d'yan ang mga naglipanang mga buwaya mula kalsada hanggang kongreso, ay tuloy pa rin ang Pasko sa atin! Puwedeng puwede pa rin ang Belen at dapat talagang magkaroon ng Belen! Ito na lang kasi ang nakikita kong kasagutan sa naparaming "masasama at mababangis" na hayop sa ating lipunan. Dapat ibalik ang BELEN.. dapat ibalik si KRISTO sa ating Pasko. Maraming mahihirap sa 'ting paligid sapagkat pinaghaharian pa rin tayo ng ating pagiging makasarili! Sariling interes, sariling pagpapakayaman, sariling kapakanan ang inuuna. Wala tayong pinagkaiba sa mga hayop sa kagubatan... survival of the fittest! Kaya nga marami ang nagugutom, walang matirhan, walang makain sapagkat wala ring nagbabahagi, walang gustong magbigay. Marami rin sa atin ang hindi ang hindi WISE sa buhay! Kulang sa pananaw sa buhay. Gusto lang ay ang pangkasalukuyang kaligayahan. Hindi iniisip ang masamang epekto ng maling desisyon sa buhay. Hindi taglay ang pag-iisip ni Kristo! Kaya nariyan na ang mga ilan na pera ang inuuna bago ang pamilya, handang isakripisyo ang katotohanan sa ngalan ng pakikisama, nagpapakasasa sa pita ng laman sa kadahilanan ng pansariling kaligayahan, nagpapakalunod sa bisyo sa ngalan ng kalayaan! Marami sa atin ang hindi POOR kasi nga nga naman sa kabila ng kahirapan ay maka-materyal pa rin ang uri ng ating pamumuhay at napapabayaan natin ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Marami sa atin ang hindi VIRGIN sapagkat balot pa rin ng karumihan ang ating pag-iisip na pinalalala ng kultura ng kahalayan na hayag-hayagan kung i-promote ng mass media. Kailan kaya natin maibabalik si Kristo sa ating mga puso? Ayusin muna natin ang "belen sa ating mga puso." Ipaghanda natin si Jesus ng matitirhan. Linisin natin ang lahat ng masasamang pag-uugali. Tanggalin ang nagiging mga sagabal sa pagdiriwang ng isang MAPAYAPANG PASKO! Handa na ba ang Belen sa puso mo? Sa Paskong ito, isa lang ang dalangin ko... nawa'y maisilang si Jesus sa puso ng bawat tao... ISANG MAKAHULUGANG PASKO SA INYONG LAHAT!

Sabado, Disyembre 12, 2009

MAGALAK KAY KRISTO! : Reflection for the 3rd Sunday of Advent Year C - December 13, 2009

Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pina-aaralan naming mga pari kung paano mabigay ng homily) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon!" hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang. Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ang dahilan dapat ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Hesus sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!"

Lunes, Disyembre 7, 2009

KALINISAN... POSIBLE! (Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Immaculate Conception - December 8, 2009

Minsang pumasyal ako sa Bicol at pinuntahan ko ang matayog at magandang Mayon volcano. Swerte ako at maganda ang panahon. Maaliwalas ang kalangitan kitang-kita ang "perfect cone" ng bulkan. Ang sabi ng ilang tagaroon: "May paniniwala na tanging ang mga birhen lang ang nakakakita ng perfect cone ng bulkan." Nang sumunod na araw ay naroroon uli ako at napansin kong may grupo ng mga madreng tinatanaw ang bulkan at ang sabi nila: "Ay sayang! Maulap di natin makita ang perfect cone ng bulkang Mayon!" hehehe! Uso pa ba ang pagiging birhen ngayon? Sa ibang progresibong pag-iisip ay makaluma na ang kahinhinan at kalinisan. Ngunit ang kapistahang ipinagdiriwang ngayon ay nagsasabing posible pa rin ang kalinisan! May ilan pa ring nalilito sa kapistahang ito: ang "Immaculate Coneception". Akala ng iba, ito ay ang mahimalang paglilihi ni Maria kay Jesus o ang tinatawag nating "virgin birth" ni Jesus. Sino ba talaga ang ipinaglihi? Si Jesus o si Maria? Ang Immaculate Conception ay ang "kalinis-linisang paglilihi kay Maria" na pinaniniwalaan nating totoo bilang mga Kristiyano. Paano nangyari na ang isang tao ay ipinaglihing walang kasalanan gayung lahat ng taong isinisilang sa mundo ay nababahiran ng "original sin?" Marahil imposible para sa ating mga tao, ngunit hindi sa Diyos! Kung hihiramin ko ang slogan ng Globe telecom: "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!" Isang natatanging pribelihiyo ang ibinigay ng Diyos kay Maria na ipinaglihi siyang walang kasalanang mana sapagkat siya ang magdadala sa Anak ng Diyos sa kanyang sinapupunan. Hindi ata tama ang maglagay ng maputing bigas sa maruming kaldero! Dapat malinis muna ang paglalagyan! Ang sinapupunan ng Mahal na Birhen ay ihinihanda na ng Diyos sapul pa nung ipaglihi siya ng kanyang mga magulang. At ang kalinisang ito ay kanyang pinanatili! Kaya nga ang tawag natin din sa kanya ay "Ever-virgin!" Isang magandang paalala sa ating lahat. Marahil ay hindi natin mapapantayan ang kalinisan ng Mahal na Birhen. Ngunit inaanyayahan tayong mabuhay ng may malinis na puso! Nakakalungkot sapagkat kalat na sa mundo ang kalaswaan at sinisira ang murang pag-iisip ng ating mga kabataan. Hingin natin na sana ay protektahan ng Mahal na Birhen ang bawat isa sa atin. Wag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat kaya din nating maging malinis tulad niya. Tandaan natin... "Sa lakas ng Diyos... POSIBLE!"

Sabado, Disyembre 5, 2009

IHANDA ANG DAAN: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 6, 2009

Tayo raw mga Katoliko ay may "katok" na, "liko" pa! Marahil ay isang biro ngunit may katotohanan kung ating pag-iisipan. Marami kasi sa atin ang may "katok" sapagkat may sumpong tayo sa pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Nasa Simbahan ngayon, nasa pasugalan bukas! Madasalin ngayon, palamura pag-uwi! Maka-Diyos kung tingnan, mapanlait at mapanira naman sa kapwa! Marami pa rin sa atin ang hindi seryoso sa pagiging Kristiyano. "Liko" sapagkat marami pa rin sa atin ang patuloy sa masamang pamumuhay. Ang tama na dapat gawin ay hindi ginagawa. Ang masama na dapat iniiwasan ay pinagbibigyan! Ang Ebanghelyo ngayong ikalawang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin na ayusin natin ang ating buhay. Ang sigaw ni Propera Isaias ay: “Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas! Tatambakan ang bawat lambak, at titibagin ang bawat burol at bundok. Tutuwirin ang daang liku-liko, at papatagin ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos! '” Maaaring ang mga mga lambak ay ang kakulangan natin sa ating pagiging mabuting Kristiyano. Ang mga burol at bundok naman ay ang ating kayabangan na nagiging sanhi ng ating pagkakasala. And daang bako-bako ay ang maraming makamundong alalahanin na nagiging sagabal upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap ng Diyos. Ang liko-likong landas ay ang mga maling pagdedesisyon na kalimitan ay pansariling kapakanan ang inuuna. Marami tayong dapat ayusin sa ating sarili kung nais nating maging masaya at makahulugan ang ating paghahanda sa darating na Pasko. Katoliko ka ba? Baka naman katok pa rin at liko ang buhay mo? Simulan mo nang ayusin habang may panahon pang ibinibigay sa iyo ang Diyos.

Sabado, Nobyembre 28, 2009

BAGONG TAON: Reflection for 1st Sunday of Advent Year C - November 29, 2009

"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Napansin kong nakatulala ang mga tao at mukhang lito kung ano ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin. Si San Pablo ay nagpapaalala sa atin: "Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesus." Sa Ebanghelyo naman ay pinapaalalahanan tayo ni Hesus: "Mag-ingat kayo na huwag magumon sa katakawan at paglalasing at mabuhos ang inyong isip sa mga intindihin sa buhay na ito; baka abutan kayo ng Araw na yaon na hindi handa. Sapagkat darating iyon nang di inaasahan ng tao sa buong daigdig. Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loo b at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Hindi tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Halina Hesus! Manatili ka sa aming piling!

Sabado, Nobyembre 21, 2009

THE RETURN OF THE KING: Reflection for Christ the King Year B - November 22, 2009

Masyado ng sikat ang ating pambansang kamao... Manny Pacquiao! Sa katunayan sa kanyang muling pagbalik bilang kampeon ay pinarangalan pa siyang "Datu" in the Order of Sikatuna ng ating Pangulo. Ito'y isang parangal na iginagawad sa mga taong nagbigay ng kakaibang karangalan sa ating bansa. Sa kanyang muling pagbabalik ay akmang-akma ang isang poster na aking nakita sa internet: Manny Pacquaio as "Lord of the Rings: The Return of the King!" (tingnan ang imahe). Totoo nga naman siya ang Lord of the Rings (boxing ring nga lang!) at sa kanyang pagbabalik ay siya ang itinanghal na hari!(ng boxing) Ang hari ay hinahangaan, iginagalang, sinusunod, pinagpipitagan ng kanyang mga nasasakupan. Sa Ebanghelyo, nang si Hesus ay kinausap ni Pilato, ang itinanong sa kanya ay: "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Hindi nagpatumpik-tumpik si Hesus at nilinaw pa niya ang kanyang uri ng pagiging hari: “Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” Malinaw na hindi ang makamundong uri ang paghahari ni Hesus. Kung susuriin pa nga nating mabuti ay masasabi nating ang paghahari ni Hesus ay paghahari ng isang pinunong-lingkod O "servant-leader" sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Sa mundo ang hari ay pinaglilingkuran. Si Hesus bilang hari ay naglilingkod! Sa mundo ang hari ay iginagalang at pinagpipitagan. Si Hesus bilang hari ay nilapastangan at pinahirapan. Sa mundo ang hari ay sinusunod. Si Hesus bilang hari ay winalang bahala ng kanyang mga kababayan. Kapag pinararangalan natin si Hesus bilang Kristong Hari ay sinasabi nating tayo rin bilang kanyang nasasakupan ay dapat maging "servant-leader na kung saan ang kadikalaan ay wala sa bigat ng ating posisyon o pag-aari ngunit nasa kadakilaan ng isang tunay na paglilingkod. Huwag tayong masiraan ng loob kung ang ating pagpapakabuti ay hindi umaani ng papuri o "recognition". Huwang ring sasama ang ating loob kung palaging tayo na lamang ang naglilingkod samantalang ang karamihan ay nagpapakarasap sa kanilang buhay! Huwag tayong magagalit kung ang ating mga nasasakupan ay ayaw sumunod sa atin. Sapat lang na ipagpatuloy natin ang pagiging mabuting Kristiyano sa pagbibigay ng mabuting halimbawa at paggawa ng kabutihan sa lahat. At sa pagbabalik ng tunay na Hari sa katapusan ng sanlibutan, (the return of the King) ay mabibigyan tayo ng gantimpala dahil sa ating katapatan sa Haring ating pinaglilingkuran. Mabuhay si Kristong Hari!

Sabado, Nobyembre 14, 2009

DOOMSDAY: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year B - November 15, 2009

Isang baguhang miyembro ng Lector and Commentators Ministry ang naatasang magbasa ng First Reading sa isang Sunday English Mass. Dahil marahil sa "first time" n'yang magbasa ay naunahan s'ya ng kaba at takot. Nanginginig niyang sinumulan ang pagbasa at nang matapos ito ay nakalimutan n'ya ang dapat sabihin. Nag-improvised na lang ang bagitong lector at sinabing: "This is the end of the world (na dapat ay Word)"... sagot naman ang mga tao: "Thanks be to God!" Mukha nga namang katawa-tawa na sabihin mong "Thanks be to God!" kung magugunaw na ang mundo. Sa ating Ebanghelyong narinig para sa Linggong ito ay parang tinatakot tayo ni Hesus: “Sa mga araw na iyon, pagkatapos ng mga napakalaking kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. At makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako." Paano mo nga naman sasabihing "thanks be to God" yun? Ngunit ito ay isang katotohanan na hindi natin matatakasan. Ang tawag ng iba dito ay DOOMSDAY. Nakakatakot na araw! Ang araw ng paggunaw ng mundo! Ang katapusan ng sanlibutan! Sa katunayan ay may hula pa nga na ito ay mangyayari sa December 21, 2012. Ngunit iba dapat ang pag-intindi dito ng isang Kristiyano. Alam natin na ang buhay natin sa mundo ay may katapusan. Ngunit ang katapusang ito ay simula lamang ng ating magiging tunay na buhay. Ito ang tinatawag nating "Araw ng Paghuhukom", the time of reckoning, the day of justice... na kung saan ay gagantimpalaan ng Panginoon ang mga taong nanatiling tapat sa Kanya at paparusahan ang mga namuhay na masama. Kaya wag tayong masiraan ng loob kung nakikita nating parang baliktad ata ang takbo ng mundo: na ang nagpapakabuti ay naghihirap at ang mga nagpapakasama ay gumiginhawa ang buhay! May katapusan ang lahat ng pagpapakasarap sa mundo. Hindi naman ata makaratarungan sa mga nagpapakabuti kung pareho lang ng mga masasama ang kanilang gantimpalang tatanggapin sa "huling araw". Ang hinihingi ng Panginoon ay ang ating pagtitiyaga kung paanong pinagtitiyagaan n'ya ang ating pagiging makasalanan. Wala tayong dapat ikatakot kung mabuti naman tayong namumuhay bilang mga Kristiyano. May isang batang naglalaro ng basketball at ng tanungin siya kung ano ang kanyang gagawin kung sa mga sandaling yaon ay magugunawa na ang mundo, ang kanyan sagot ay ito: "Ipagpapatuloy ko po ang paglalaro ko ng Basketball!" Nais lang sabihin ng bata na wala siyang dapat ikatakot sapagkat handa siya anumang oras siyang matagpuan ng oras ng paghuhukom. Kaya nga't wala tayong dapat katakutan sa araw at oras na iyon na kung saan ay susulitin ng Diyos ang ating buhay. Hindi Niya gawain ang manakot bagkus ang lagi niyang ginagawa ay magpaalala sa atin sa mga bagay na dapat nating pinaghahandaan at pinahahalagahan. Mahalaga ang ating buhay sa mundo. Mahalaga rin ang ating buhay na naghihintay sa kabila. Pareho natin silang bigyan ng pagpapahalaga sa pamamagitan ng pamumuhay ng mabuti. Kung magsimba ka man at marinig mong magkamali ang tagabasa ng Salita ng Diyos at sabihing: "This is the end of the world..." ay masasabi mo pa rin ng walang pagkatakot: "Thanks be to God!" At me pahabol pang: "Alelluia!" sapagkat handang-handa ka!

Sabado, Nobyembre 7, 2009

ANG TUNAY NA DIWA NG PAGBIBIGAY: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year B - November 8, 2009

Minsan daw ay nag-usap-usap ang mga pera sa bangko sentral. Pinagkukuwentuhan nila ang mga lugar na kanilang narating. Sabi ng isang libo: "Ako, parating nasa malls, nasa mamahaling mga botique at tindahan sa Greenbelt 5!" Sabi ng limang daan at isang daan: "Kami, parating nasa supermarket at department stores. Papalit-palit kami sa kamay ng mga tao! Napansin nilang malungkot ang mga baryang piso at limang piso sa isang tabi. "Ba't kayo malungkot? Saan naman kayo nakakarating?" Sagot nila: "Yun nga eh! nakakaboring ang buhay namin. Lagi na lang kaming nasa simbahan... simbahan... simbahaaan!" Bakit nga ba ganoon? Ang daling maglabas ng pera kapag pinagagastusan ay ang sarili. Pero kapag para sa iba na ang pinaggagastusan ay parang ang hirap-hirap dumukot sa bulsa ng kahit isang kusing! Itong nagdaang kalamidad ay may sinasabi rin tungkol sa ating pag-uugali sa pagbibigay. Maraming tao ang nasalanta ng mga bagyong nagdaan at marami rin ang lumabas sa kanilang sarili upang tumulong. May mga taong lubos at bukal sa kalooban ang pagtulong sa kapwa. May mga iba rin naman na mababaw ang motibo sa pagtulong. Ano nga ba diwa ng tunay na pagbibigay? May kasagutan ang Ebanghelyo ngayong Linggo. Pinuri ni Hesus ang babaeng balo sa pagbibigay niya ng abuloy. Hindi sapagkat malaki ang halaga ng kanyang ibinigay, ngunit dahil sa ibinigay niya ang lahat! “Sinasabi ko sa inyo: ang dukhang balong iyon ay naghulog ng higit sa kanilang lahat. Sapagkat ang iba’y nagkaloob ng bahagi lamang ng hindi na nila kailangan, ngunit ibinigay ng balong ito na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.” Ang tunay na pagbibigay ay may kasamang sakripisyo, may paghihirap kang dapat na mararamdaman kapag tunay kang nagbigay! Nakakatawang isipin na parang hirap na hirap pakawalan ang isang "LV bag", bracelet, sapatos... para sa mga kababayan nating naghihirap. Gaano ba kahalaga ang mga ito sa laki ng kanilang kinikita? Mumo lang 'yon ng kanilang kayamanan! Kung nais nating matutunan ang tunay na pagbibigay ay sapat lamang na tumingin tayo sa krus. Doon ay makikita natin ang tunay na diwa ng pagbibigay. Pagbibigay na walang hinihintay na kapalit. Pagbibigay na katumbas ay buhay. Pagbibigay na tanda ng pagmamahal. Kailan ka huling nagbigay na nasaktan ka dahil may ibinahagi ka na nagmumula sa iyong sarili? Magandang pag-isipan natin ito. Baka mababaw pa rin ang ating motibo sa pagtulong. Baka kailangan pa ring salain ang ating motibasyon at intensiyon kapag tayo'y nagbibigay. Ang sabi nga ni Mother Teresa ng Calcutta: "We love and love until it hurts... until we realize and feel that there is no more hurt but love..."

Biyernes, Oktubre 30, 2009

ANG MGA NASA-ITAAS: Reflection for All Saints Day - November 1, 2009

Isang matandang duktor na nagretiro na sa kanyang propesyon at nag-iisa na sa kanyang buhay ang nagdesisyong gugulin ang nalalabing taon ng kanyang buhay upang pagsilbihan ang mga mahihirap. Nagpunta siya sa isang liblib na pook na kung saan ay walang nakakakilala sa kanya. Naghanap s'ya ng lugar na maari n'yang gawing klinika ngunit sa kahirapan ng lugar ay isang maliit na kwarto lamang na nsa itaas pa ng isang apartment ang kanyang nakuha. Dahil nasa itaas, ang nakasulat sa ibaba ng bahay ay "The doctor is up!" sa halip na "the doctor is in." Di naglaon ay marami ng dumalaw sa klinika at lahat ng bumababa sa apartment ay masaya at nakangiti sapagkat hindi sumisingil ang duktor ng bayad at nagbibigay pa ng libreng gamot. Sa kasamaang palad ay hindi tumagal ang buhay ng duktor. Ang mas masama pa ay wala ni isa sa kanyang mga natulungan ang nakakilala sa kanya. Kaya't sila-sila na lamang ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng magandang libing ang mabuting duktor. May nagbigay ng lupa, ataol, bulaklak... ngunit may isang problema ng ililibing na s'ya: Ano ang ilalagay nila sa lapida ng duktor? May isang nakaisip ng paraan. Bumalik s'ya sa klinika, kinuha ang sign board sa labas ng bahay at inilagay sa lapida. Ang lahat ng dumadaan sa sementeryo ay napapangiti kapag nababasa ang nakasulat: "The doctor is up!" Tunay ngang nasa itaas ang duktor dahil sa kanyang kabutihan. Katulad ng duktor na di kilala at walang pangalan ay ipinagdiriwang din natin ang maraming santo at santa na nasa "itaas" na marahil ay hindi natin kilala. Hindi natin matatagpuan sa "official list" ng mga banal ang kanilang mga pangalan ngunit alam natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Marahil, isa rin ito sa kadahilanan kung bakit itinatapat natin ang pag-alala sa ating mga yumao sa November 1 na Kapistahan ng mga Banal. Nais natin na ang ating mga mahal sa buhay na pumanaw ay nasa piling na ng ating Panginoon at nagtatamasa na ng Kanyang gantimpala! Kayat 'wag lang nating ipagdasal sila bagkus magdasal tayo sa kanila! Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Ngayon sila ang "mapapalad"... bukas tayo naman! Ngunit sana ay wag na nating hintayin pa ang matawag na mapalad "bukas" kung kaya naman nating maging mapalad ngayon. Kaya nga ang Ebanghelyo ngayon ay patungkol sa ating nabubuhay pa: "Mapalad ang mga aba... mapalad ang mga nahahapis... ang mga mapagkumbaba... sapagkat sasakanila ang paghahari ng Diyos. Maging mapalad ka ngayon at makikita mo na balang araw ay sasabitan ka rin ng karatulang nagsasabing " Fr. Dudz (ilagay mo rin ang pangalan mo) is up!"

Sabado, Oktubre 24, 2009

NAGBUBULAG-BULAGAN: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year B - October 25, 2009

Mapalad daw ang mga taong duling.. kasi DOBLE ang kanilang KITA! Pinakamalas naman daw ang mga BULAG... kasi WALA silang KITA! Pero pinakasuwerte daw ang mga sexy stars... LAHAT KITA! hehe... Ipinanganak na malas nga ba ang mga bulag? Ang sabi ni Ka Freddie sa kanyang kanta: "Madillim ang 'yong paligid hating-gabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa 'yo'y pinagkaitan. Wag mabahala kaibigan isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan... ligtas ka sa kasalanan." Siguro nga ay malas ang mga bulag. Ngunit mayroon pang mas malas sa kanila! Ang mga taong NAGBUBULAG-BULAGAN! Mga taong walang malay sa mga pangyayari sa kanilang paligid o talagang ayaw lang malaman ang mahirap na katotohanan ng buhay. May mga taong hindi alam kung saan sila patungo. Nabubuhay na walang kabuluhan. Walang saysay na sinasayang ang mga pagkakataong ipinagkaloob ng Diyos sa kanila! Kaya nga't tayo rin ay mga "Bartimeo" kung atin lamang susuriin ang ating sarili. May kanya-kanya tayong pagkabulag na dapat nating harapin. Marahil ay pagkabulag sa masasamang pag-uugali na ayaw nating baguhin. Pagkabulag sa bisyo. Pagkabulag sa ambisyon na masama na ang kinahihinatnan sa labis nating pagnanasang maabot ito. Pagkabulag sa pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit kung "Bartimeo" man tayong naturingan ay dapat magawa rin natin ang nagawa niya. Naglakas loob siyang lumapit kay Hesus. Hindi naging hadlang ang mga tao sa kanyang paligid. Hindi naging hadlang ang kanyang kapansanan. Pansinin ninyo ang sigaw ni Bartimeo: "Hesus, Anak ni David! Maawa ka sa akin!" Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya. Ang Anak ni David ang tawag nila sa pangakong Mesias! Iwinaksi ni Bartimeo ang kanyang balabal, ang kahuli-hulihang gamit ng isang pulubi na panlaban niya sa lamig ng gabi. Alam niyang pagagalingin siya ni Hesus! At ito nga ang nangyari. Nakita ni Hesus ang kanyang malaking pananampalataya at pinanumbalik ang kanyang paningin. Tanging pananampalataya ang makapagpapagaling sa ating pagkabulag. Sana maging atin din ang mga salitang binitiwan ni Bartimeo: "Guro, gusto kong makakita!" Gusto kong magkaroon ng katuturan ang buhay ko. Gusto kong makita kung saan ako papunta. Gusto kong makita kung ano ang ibig sabihin ng mga hindi magagandang pangyayari sa aking buhay... tanging si Hesus ang makapagbibigay sa atin ng liwanag! Bulag man tayong naturingan ay mapalad pa rin tayo sapagkat may Diyos na gumagabay sa atin at handang hanguin tayo sa kadiliman ng buhay! Sapat lang na handa tayong lumapit sa Kanya...

Sabado, Oktubre 17, 2009

BUKAS SA PAGTANGGAP... BUKAS SA PAGBIBIGAY: Refledtion for 29th Sunday in Ordinary Time Year B - October 18, 2009 - World Mission Sunday

Ngayon ay World Mission Sunday at muli nating pinagdarasal ang ating mga misyonero at ang gawain ng misyon. Dalawa ang itinanghal na Patron ng misyon. Una ay si San Francisco Xavier, isang paring Heswita na iginugol ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa paglalakbay upang maipalaganap ang Mabuting Balita ni Jesukristo. Dahil sa kanyang kasipagan at dedikasyon bilang isang misyonero ay itinalaga siya ng Simbahan bilang modelo sa lahat ng nagnanais na tularan siya bilang tagapaghatid ng pananampalataya. Ang ikalawa ay si Santa Teresita ng Batang Jesus. Ang malaking pagkakaiba niya kay San Francisco ay ni minsan ay hindi siya lumabas ng kanilang monasteryo. Isa siyang mongha ng Carmelite Orders na mas pinili ang mamuhay sa loob ng kumbento. Bakit siya itinanghal na patron ng misyon gayong hindi man siya nakapaglakbay ng malayo? Iyon ay sapagkat itinalaga ni Santa Teresita ang kanyang buhay sa pag-aalay ng dasal at sakripisyo para sa misyon at sa mga misyonero. Ibig sabihin ay hindi pala kinakailangang makapaglakbay sa ibang bansa para maging misyonero! Sa pagtatanghal kay Sta. Teresita bilang pangalawang Patron ng misyon ay sinasabi sa atin ng Simbahan na ang bawat Kristiyano ay misyonero at may magagawa para sa misyon. Sa Ebanghelyo ngayon ay pinapaalalahan muli tayo na ang tunay na kadakilaan ay nasa paglilingkod. Bilang misyonero, ito marahil ang ating magagawa, ang maglingkod sa ating kapwa. Nitong nagdaang mga araw ay maraming tao ang nasalanta ng bagyo. May nagawa na ba akong paglilingkod para sa kanila? Naglaan na ba ako ng panalangin, oras at kakayahan para sa mga nangangailangan? Hindi dapat maging hadlang ang kahirapan sa pagtulong sa iba. Kung bukas ang ating palad sa pagtanggap ng mga biyaya mula sa Panginoon, dapat ay bukas din ito sa pagbibigay!

Biyernes, Oktubre 9, 2009

DEAL OR NO DEAL : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year B - October 11, 2009

"Paano ba ako magiging tunay na masaya?" Siguro isa rin ito sa mga tanong mo... Tanong din ito ng marami. Magbabad ka sa National Bookstore at makikita mong napakaraming librong naisulat tungkol dito. Tanong din ito ng binatang mayaman sa ating Ebanghelyo ngayong Linggong ito. “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Ang pakahulugan ng "buhay na walang hanggan" kung isasalin sa ating modernong pananalita ay "kaligayahan". Mabuting tao ang lalaki. Sa katunayan sinabi sa Ebanghelyo na siya ay masunurin sa batas at walang inaargabyadong tao. Nalugod si Hesus sa kanya. Tiningnan siya ng magiliw at may paghanga. Ngunit may nakita pang kulang si Jesus sa kanya. "Gusto mong lumigaya, ipagbili mo lahat ng ari-arian mo, ibigay mo sa mahihirap at sumunod ka sa akin..." Nagulat ang lalaki sa kundisyon ni Jesus sapagkat sya'y mayaman. Pero hindi nagbago ng sagot ni Jesus... para sa Kanya ito ay "deal or no deal! Malungkot ang katapusang ng pagtatagpong iyon. Tumalikod na malungkot ang binata at wala ng narinig pa tungkol sa kanya. Saan ba nakasalalay ang ating kaligayahan? Sa kayamanan ba? Sa pagiging masunurin ba sa batas ng Diyos? Sa pagiging "goody-goody Christian" ba? Ang sagot ni Hesus: pagtalikod sa lahat ng mga "attachments" natin sa buhay at pagsunod sa Kanya... deal or no deal! Hindi Niya sinasabing kawawa ang mayayaman dahil marami silang hindi kayang iwanan sapagkat kahit ang mahirap ay maari ring matali sa mga materyal na bagay sa simpleng pagnanasa sa mga ito. Ang nais niyang sabihin ay alam dapat natin ang ating pinahahalagahan sa buhay. Ang kayamanan o ari-arian ay hindi dapat inuuna sa ating pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ang Diyos pa rin dapat ang una sa ating buhay. Ang pagtupad sa Kanyang kalooban ang dapat nating pahalagahan sa lahat... deal or no deal!

Sabado, Oktubre 3, 2009

KATIGASAN NG ULO: Reflection for 27th Sunday in Ordinary Time Year B - October 4, 2009

Maraming nangyari nitong nakaraang linggo na marahil na dapat nating balikan at pagnilayan. May kasabihang "experience is the best teacher" pero ako ay hindi sang-ayon dito. Siguro mas tamang sabihin na "reflected experience is the best teacher!" Sapagkat marami sa atin ang "matigas ang ulo" na patuloy pa rin sa masasamang gawa kahit batid nating hindi na ito makabubuti sa atin o sa ating kapwa. Batid natin ang pinsalang dulot ng bagyong Ondoy. Maraming kabuhayan ang nasalanta. Maraming buhay ang nasawi. At hanggang ngayon, marami ang naghihirap at naghihikahos. Totoong maraming tubig ulan itong ibinuhos. Ngunit kung titingnan mo ang mga daan pagkatapos humupa ng tubig baha ay makikita mo ang mga nagkalat na basura sa kalsada at nakabara sa mga estero. Matigas kasi ang ulo ng marami sa atin. Ginagawa nating basurahan ang lansangan. Wala tayong pakundangan sa paglapastangan sa kapaligiran. Sa kahuli-hulihan tayo rin ang umaani ng ating itinanim! Hindi na tayo natuto! Katigasan ng ulo... Ito rin ang sinabing dahilan ni Hesus sa mga Pariseo kung bakit pinayagan ni Moises ang batas ng diborsiyo. Upang bigyang diin ang di mapaghihiwalay na pagsasama ng mag-asawa ay sinabi n'yang: "Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Ngunit bakit ngayon ay marami pa rin ang nagsusulong ng diborsiyo? Bakit marami pa ring mag-asawa na pagkatapos ikasal ay paghihiwalay agad ang kasagutan kapag hindi na sila masaya sa kanilang pagsasamahan? Ang sagot: katigasan ng ulo! Kaya siguro ginawang halimbawa ni Hesus ang isang maliit na bata upang ipabatid sa ating mga tao na nasa kapayakan ng pag-iisip at hindi katigasan nakasalalay ang ating pagiging mabubuting anak ng Diyos. Ang bata ay natuturuan pa. Ang matanda ay mahirap na! Parang isang baluktot na puno na puwede pang ituwid habang bata pa ito. Sana ay maging mulat tayo sa maraming pangyayari sa ating buhay at sa mga aral nito. Huwag sanang maging matigas ang ating ulo. Matuto tayo sa ating pagkakamali.

Huwebes, Setyembre 24, 2009

KATOLIKO: katok na liko pa! : Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year B - September 27, 2009

Isang mayamang matanda ang lumapit sa pari at hiniling na Misahan ang kanyang namatay na alagang aso. Tumanggi ang pari at sinabing hindi maaaring alayan ng misa ang isang hayop. "Ganoon po ba Father, sayang... Sampung libo pa naman ang ibabayad ko. Di bale, sa simbahan ng aglipay ko na lang siya pamimisahan." Biglang napasigaw ang pari: "Ginang... hindi puwede yan!!! Isa kang Katoliko kaya't Katoliko ang aso mo!" hehe... Ano nga ba ang ibig sabihin pag sinabing Katoliko ka? Sabi raw nila... tayong mga Katoliko ay may "katok" na "liko" pa! Papayag ka ba? Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang "Katoliko" na nakakabit sa ating pangalang Kristiyano? Makikita ba ito sa Bibiliya? Kung si Bro. Eli ang tatanungin, ang sagot ay hindi! Hindi naman kasi tagalog ang salitang Katoliko. Ito ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay "universal" o para sa lahat! Sapagkat malakas ang ating paninindigan na ang kaligtasan ay ibinibigay ni Kristo para sa lahat... Kristiyano ka man o hindi. Ang langit ay hindi lamang para sa ilang grupo katulad ng pag-aangking ginagawa ng ibang sekta na sila lamang ang maliligtas. Sa unang pagbasa at Ebanghelyo makikita natin ang tema na ang biyaya ng Diyos ay malaya niyang ibinibigay kahit kanino. Ang sabi ni Moises ng may nagprotestang mayroong nangangaral na hindi naman nila kasama sa grupo: "Mas gusto ko ngang maging propeta ang lahat ng Israelita at mapuspos sila ng espiritu ng Panginoon.” Sa Ebanghelyo ay ganito rin ang winika ni Hesus ng ibalita ni Juan na may gumagamit ng kanyang pangalan sa pagpapalayas ng demonyo: “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong matapos gumawa ng kababalaghan sa pangalan ko ang agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin." Hindi ba't napakabuti ng Diyos? Napakalawak ng Kanyang pagmamahal. Ang kanyang kaligtasang handog ay walang pinipili! Para sa lahat! "KATOLIKO!" Kaya nga't kasalanan na natin kung tatanggihan natin ang Kanyang alok. Sana ganito rin tayo sa ating pagpapakita ng pagmamahal sa iba... walang pinipili! Ang magmahal ay para sa lahat! Hindi lang para sa mga kaibig-ibig pero sa mga kapos sa pag-ibig! Hindi lang para sa mga kaibigan pero para rin sa mga kaaway. Nawa maging bukas ang ating isipan at puso sa pagtanggap sa iba at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa kanila. May pinipili ba ang pag-ibig mo? Kung gayon isang kang certified na "katok na liko pa!" Magmahal ka ng walang kinikilingan at hinihintay na kapalit at magiging karapat-dapat ka sa pangalan mo... KATOLIKO!

Sabado, Setyembre 12, 2009

BUHATIN ANG ATING KRUS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 13, 2009

Sa pelikulang pilipino ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli! Ayaw natin ang bidang naargabyado at kinakawawa. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... malungkot sapagkat "namatay ang bida!" Isipin mo na lang ang ending ng "Darna" na napatay siya ni "Valentina o ng babaeng impakta"... KILL JOY hindi ba? Ayaw nating ang bida ay nasasaktan. Hindi tayo sanay na siya'y maghihirap at mamatay. Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit ng marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay mamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!" Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito?" Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang dapat daw na alagad ni Hesus ay matutong magbuhat ng kanyang krus!" MEGANON??? Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggero, sugarol at babaero. Siguro ang anak kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang magtsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at manghuhuthot! Siguro ang teacher kong walang gana at hindi marunong magturo... napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay. Sana ay ganito ang ating maging panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..."

Biyernes, Setyembre 4, 2009

TOUCHING LIVES: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year B - September 4, 2009

Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod." Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang banal talaga ni Father! Binasbasan lanng ang bata... solve na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinabi ko sa bata... Hoy bata! Ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" hehehe... Ang hirap talagang kausapin ng taong may ganitong kapansanan. Para kang nakikipag-usap sa pader! Kung mas mahirap para sa atin ay marahil mas mahirap din ang buhay para sa kanila. Ang malaking bahagi ng buhay natin ay ginagamit natin sa pakikipagtalastasan, sa pakikipag-usap. Kaya nga ang taong bingi na kahit ang sarili niyang tinig ay di niya naririnig ay tuluyan na ring na-uutal at ang lagi niyang pangamba ay kung paano siya maiintindihan ng kanyang kausap. Marami sa kanila ay nakakadama ng pagkahiwalay sa karamihan, natatakot na pagtawanan, alipustain at hindi mapabilang sa mga "normal" na karamihan. Kaya't mas gusto pa nilang mapag-isa na lamang at kung minsan ay maawa ka na lang sa kanilang abang kalagayan. Ngunit may isa pang pagkabingi at pagkautal na mas masahol pa sa pisikal na kapansanan at ito ang nais ni Hesus na ating tugunan. Sa ebanghelyo, narinig natin kung paano pinagaling ni Hesus ang lalaking bingi at utal. "... isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” Hinipo ni Hesus ang tainga at dila ng taong iyon at siya ay gumaling. Ang paghipo ni Hesus ay nagbibigay ng kagalingan sapagkat ito ay paghipo ng "pagmamahal ng Diyos!" Tayo rin ay tinatawagan Niyang hipuin ang puso ng ating kapwa na nakararanas ng kabingihang espirituwal. Kapag nakikiramay ka sa isang taong nagdadalamhati, kapag pinatatawa mo ang kaibigan mong malungkot, kapag pinapatawad mo ang mga nagkakamali sa yo... hinihipo mo ang puso nila... You are bringing healing in their hearts... you are touching them with God's love... Ito naman talaga ang pagtawag ng bawat alagad ni Kristo, ang maging instrumento ng kanyang pagmamahal. Pinagkalooban niya ng tayo ng puso upang madama natin ang puso ng iba. Ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay simple lang... "touching lives!"

Biyernes, Agosto 28, 2009

MAPALAD KA! - Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year B - August 30, 2009

Nakagawian na ni "Mandong Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Mando... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Mando... mapalad ka!" Nagulumihanan si Mando at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Mando at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at pagsasabuhay nito. Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga? Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo. Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon. May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin. Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano." Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na! Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba... Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Ang tunay na "mapalad" ay ang mga nakikinig sa Panginoon at nagsasabuhay ng Kanyang Salita. Ang sarap marinig sa Panginoon ang mga katagang: "Mapalad ka (pangalan mo)... MAPALAD KA!"

Biyernes, Agosto 21, 2009

Reflection: 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 23, 2009 - KRISTIYANONG BALIMBING!

Minsan may tatlong magkakaibigan, isang Muslim, isang Buddhist, at isang Katolikong pari ang nagpayabangan kung sino sa kanila ang may pinaka-makapangyarihang Diyos. Umakyat sila sa isang mataas na gusali at nagskasundong tatalon habang tumatawag ng tulong sa kanilang Diyos. Naunang tumalon ang Muslim, sumigaw s'ya ng "Allah, iligtas mo ako!" Ngunit tuloy-tuloy siyang lumagpak sa lupa na parang isang sakong bigas! Sumunod ang Buddhist. Hanggang nasa gitna siya ng pagbagsak ay sumigaw: "Buddha, iligtas mo ako!" At nakapagtatakang bigla siyang huminto sa ere at parang pakpak ng manok na dahan-dahang lumagpak sa lupa. Ngayon naman ay ang Katolikong pari ang tumalon. Lakas loob niyang isinigaw ang: "Panginoong Hesukristo, iligtas mo ako!" Pabulusok siyang bumagsak na parang kidlat at ng mapansin niyang walang nangyayari ay sumigaw siya ng: "Buddha, Buddha... iligtas mo ako!" Bakit kaya ganoon? Ang daling magbago ng ating isip kapag hindi natin makuha ang ating gusto. Madali natin iwanan at ipagpalit ang Diyos kapag hindi napagbibigyan ang ating kahilingan. Ang tawag sa ganitong mga tao ay "Kristiyanong balimbing!" Sa Ebanghelyo, narinig natin kung paano siya tinalikuran ng mga taong kanyang pinakain ng tinapay. Nakita nila at naranasan ang mahimalang pagpapakain. Saksi sila sa kanyang kapangyarihan. Sa katunayan ay nagbabalak na silang gawin siyang kanilang hari! Ngunit nang marinig nila ang pananalitang nagsasabing siya ang "Tinapay ng Buhay" ay biglang nagbago ang kanilang pagtingin sa kanya. “Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?” Mahirap sa kanila na tanggapin ang mga salita ni Hesus na ang Kanyang laman ay tunay na pagkain at ang Kanyang Dugo ay tunay na inumin. Hindi nila matanggap ito. Hindi ba kung minsan ganito rin tayo? Kapag hindi sang-ayon sa ating gusto ang turo ni Hesus o ng Simbahan ay madali nating itatwa ang ating pananampalataya. Bakit maraming Katoliko ang lumalaban sa aral ng Simbahan tungkol sa abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos at mas mahirap isabuhay ito. Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo’y natitiyak naming kayo ang Banal ng Diyos.”

Linggo, Agosto 16, 2009

Reflection: 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 16, 2009: MAGIC SA PAGKAIN

Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, pataba tayo ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. May parang "magic" na nangyayari sa tuwing tayo'y kumakain. Nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo. Nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo... maniwala tayo na ang ating tintanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO!

Biyernes, Agosto 14, 2009

Reflection: Solemnity of the Assumption - August 15, 2009: ANG MAGAANG TUMATAAS! (Reposted)

"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo." Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Kapistahan ngayon ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII , "si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad ng kalooban ng Diyos at di nabahiran ang kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Ito ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang 15 taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanyan sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Iaakyat din tayo sa itaas...

Sabado, Agosto 8, 2009

Reflection: 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 8, 2009: PAGKAGUTOM

"Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nadarama! Ang pagkagutom ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Mapalad tayo dahil maari natng tanggapin ang pagkaing ito linggo-linggo... araw-araw! Bilangin mo ang mga komunyong tinanggap mo... madami na di ba? Anung epekto nito sa 'yo? Nagbabago na ba ang pag-uugali mo? Nagiging mas mapagmahal ka ba sa yong kapwa? Mapagpatawad sa yong mga kaaway? Namumuhay na matuwid? Tanong lang naman...

Miyerkules, Agosto 5, 2009

from CORY MAGIC... to CORY MIRACLE! Short Reflection and Tribute to Pres. Cory Aquino: August 5, 2009

May malaking pustahan daw na nangyayari ngayon sa langit... Nagpupustahan ang mga anghel at mga banal na naroon kung kaninong libing ang mas maraming tao... ang kay Ninoy ba o kay Cory! Totoo nga naman. Magdamag akong tumutok sa telebisyon upang panoorin ang libing ng ating minamahal na Pangulong Corazon Aquino. Nasa loob ako ng aming community room. Ligtas sa lakas ng ulan. Kumportableng nakaharap sa aking laptop computer. Ngunit damang-dama ko ang kakaibang init ng maraming taong nakalinya at matiyagang naghihintay upang masumpungan sa huling pagkakataon ang labi ng kanilang mahal na Pangulo. Dama ko ang ngalay nilang paa. Dama ko ang kumakalam nilang sikmura. Dama ko ang lamig ng ulan sa katawan ng mga taong walang dalang payong. Dama ko ang kanilang pananampalataya sa taong nagbalik sa kanila demokrasya at kalayaan! Ang tawag daw dito: "Cory Magic!" Ang tawag ko naman... "Cory Miracle!" Isang milagrong bunga ng pananampalataya ng isang taong napakalakas ang kapit sa Diyos sa mga napakahirap na taon ng kanyang pamumuno bilang Presidente. Napakaraming nagduda noon sa kanyang kakayahanng mamuno. Hindi siya pulitiko! Hindi ekonomista! Walang alam sa pagpapatakbo ng bayan. Ang maraming pagtatangka ng ilang militar upang agawin ang kanyang pamumuno ay isang malinaw na halimbawa. Ngunit nalagpasan niya ang lahat ng ito. Ang kanyang sandata... malakas na pananampalataya sa Diyos! Ngayong siya ay inihahatid sa huling hantungan, walang pagdududang isang malaking himala ang kanyang ginagawa at gagawin sa puso ng bawat Pilipino. Ngayong nahaharap tayo sa "krisis ng kredibilidad" ng ating mga pinuno, at ito nga ay nararamdaman na natin sa nalalapit ng halalan, siguradong gagawa siya ng himala sa puso ng mga tao! Nawa ang "Cory Magic" ay magtuloy sa isang "Cory Miracle", na sana ay hipuin ang matitigas na puso ng ating mga lider at matuto sa pagpapakumbaba, pagiging tunay na tao at pagkamaka-Diyos ng ating mahal na Pangulong Corazon Aquino! Maraming Salamat minamahal naming Pangulo!

Biyernes, Hulyo 31, 2009

Reflection: 18th Sunday in Ordinary Time Year B - Aug. 2, 2009: MGA BUTIHING PASTOL

Mayroong kuwento na minsan daw sa labas ng pintuan ng langit ay naghihintay na tawagin ang isang pari kasama ang kanyang mga parokyano. Asang-asa ang pari na siya ang unang tatawagin sapagkat siya "daw" ang pinakabanal sa lahat. Unang tinawag ang babaeng nagtitinda ng sampaguita sa labas ng gate ng Simbahan. Tahimik lang ang pari. "Di bale, siguro naman, ako na ang susunod!" Laking pagkagulat niya nang ang sunod na tinawag ay ang matandang manang na laging nagtitirik ng kandila sa estatwa ng Mahal na Birhen. "Aba, di na ata makatarungan ito. Nalagpasan na naman ako!" At lalong nag-init ang pari nang biglang tinawag ang kanyang sakristan! Bigla siyang sumingit sa pila at sinabi: "San Pedro, hindi ata tama ang ginagawa ninyo! Bakit ako nauunahan ng mga parokyano ko? Ano ba ang ginawa nila at dapat silang mauna sa akin?" "Simple lang", sagot ni San Pedro... "Pinagdasal ka nila!" hehe... Ngayon ang araw ng mga Kura Paroko. Sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Maria Vianney ay inaalala natin sila. Ipinagdarasal natin na sana sila ay matulad sa ating Mabuting Pastol na si Jesus. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." May mga sandali din ba sa aking buhay na hinahanap ko rin ang Panginoon? O baka naman sa sobrang kaabalahan ko sa makamundong bagay ay di ko na pansin ang pangangailangan sa Kanya? Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng mahalagang responsibilad na gabayan at ihatid ang kanyang kawan sa "pastulang mainam." Hindi mangyayari ito kung walang pakikiisa ng bawat tupang kanyang ginagabayan. Tungkulin nilang ihatid tayo kay Kristo bilang mga nakababatang pastol. Ngunit tungkulin di nating ipagdasal sila upang sila ay mahubog ayon sa puso ng ating butihing Pastol na si Jesus.

Biyernes, Hulyo 24, 2009

Reflection: 17th Sunday in Ordinary Time Year - July 26, 2009: WALANG KUWENTA!

Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe.. "Limang tinapay... dalawang isda... galing sa isang bata." Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman... mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila... kahit marahil nagtataka kung ano ang gagawin niya. At nangyari ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa... Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw mga taong biktima ng karahasan ng digmaan. Minsan naman, mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan... maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Iwasan mo ang pagiging makasarili sa halip pairalin mo ang pagiging mapagbigay... Tandaan mo tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda… Walang kuwenta ngunit may malaking magagawa!

Sabado, Hulyo 18, 2009

Reflection: 16th Sunday in Ordinary Time Year B - Jully 19, 2009: REST WITH THE LORD

"Pare, Linggo ngayon... magsimba ka naman!" Sabi ng kumpare nya sa kanya. "Hmmp...! Dami kong gagawin, mga anak at misis ko na lang!" Sinabihan din sya ng kanyang mga kasama sa trabaho: "Simba tayo bukas ha?" Ang kanyang sagot: "Hmmmp...! Ang misis at ang mga anak ko na lang! Me pupuntahan pa ako." Pinaalalahanan din sya ng kanyang kura paroko: "Anak, Linggo bukas. Magsimba ka." Sagot n'ya: "Padre, wala naman mawawala sa parokya kung di ako pupunta. Hmmmp! Ang misis at ang mga anak ko na lang!" Nagkataong namasyal minsan ang pamilya. Sa kasamaang palad ay nadisrasya ang kanilang sinasakyan. Nakita na lamang nila ang kanilang sarili sa harapan ng pintuan ng langit. Sabi ni San Pedro: "Pamilya Dimagiba... pasok sa loob!" Nang s'ya na ang papasok ay hinarang sya ni San Pedro. "Oooops... san ang punta mo?" "Sa loob! Kasama ng pamilya ko!" Sagot n'ya. Sabi ni San Pedro" "Hmmmp... ang misis at anak mo na lang!" Marahil isang kwento lamang ngunit kapupulutan ng mahalagang aral: Walang oras ang Diyos para sa mga taong walang oras sa kanya! Marami tayong ginagawa araw-araw. Kinakailangan nating magtrabaho para kumita. Kinakailangan nating mag-aral. Kinakailangan nating gawin ang mga gawain sa bahay. Ngunit hindi naman tayo parang mga makina sa pabrika na 24 na oras kung magtrabaho. Hindi naman tayo katulad ng 7-11 store na walang pahinga. Kailangan din nating pahingahin ang katawan... ang pag-iisip ang kaluluwa. Naramdaman ito ni Hesus para sa kanyang mga alagad. Nakita niya ang kanilang kapaguran sa walang humpay na pagtratrabaho kaya nga sinabi niya sa kanila na “Magtungo kayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Ang araw ng Linggo ay Araw ng Pamamahinga. Ngunit ito ay hidi nangangahulugan ng pagtulog buong araw o kaya naman ay pagasasayang ng oras sa Mall o mga lugar pasyalan. Bilang isang Kristiyano na nagpapahalaga sa araw na ito bilang Araw ng Muling Pagkabuhay ki Kristo, ang Linggo ay araw ng pamamahinga kasama ang Panginoon. Ito ay "day of rest with the Lord. Kaya nga tayo ay nagsisimba. Tayo ay sama-samang nagdarasal, nagpupuri, nagpapasalamat at sumasamba sa Kanya sa araw na ito. Sana ay hindi dahilan ang "nawalan tayo ng oras" para sa Kanya. Hindi naman nawawala ang oras! Bagkus nagpapatuloy pa nga ito... 24 hours a day, 7 days a week. Ibig sabihin 168 hours sa isang Linggo ay mayroon tayo. Ang 167 bigay ng Diyos para sa iyo! Bahala ka kung paano gamitin ito. Ngunit ang isang oras ay nais niyang ilaan natin sa pamamahinga kasama Siya! Naibibigay mo ba ito ng buo sa kanya?

Sabado, Hulyo 11, 2009

Reflection: 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 12, 2009: TRAVEL LIGHT!

Ang sobrang pagnanasa sa mga materyal na bagay ay delikado! Minsan may paring ang tanging masamang hilig ay magkamal ng salapi, pera at datung! Kahit ano ay gagawin niya basta lamang magkaroon ng pera. Minsan ay sumali siya sa isang "promo" o palaro ng mga advertising companies. May pacontest noon ang isang sikat na "softdrink: simple lang... bumili ka lang ng softdrink, tanggalin mo ang tansan (takip) at buuin mo ang number 1,2,3! Presto! Panalo ka ng limpak-limpak na salapi! Mukahang tinamaan siya ng suwerte sapagkat sa unang bili pa lamang niya ng softdrink e nakuha niya ang number 3. Bumili uli siya at nakuha naman niya ang number 1. Isa na lang... ngunit iyon na ata ang katapusan ng kanyang swerte: ayaw lumabas ng number 2. Nakaubos na sya ng maraming softdrinks. Umabot na ng isang case ang nabili niya... wala pa rin ang number 2. Umuwi sya sa parokyang dismaya. May lumapit na isang lalaki at sinabi sa kanya: "Father puwede po bang magkumpisal..." Ang pari, kahit na medyo dismaya ay sumagot: "Ano yon anak... sabihin mo..." "Father, meron po akong number 2!" Nanlaki ang mata ng pari at sinabi: "Ha??? Talaga? Akin na lang!" Delikado ang sobarang pagnanasa sa mga bagay na makamundo! Isa sa mga malaking tukso ng ating panahon ay ang magnasa at magkamal ng mga materyal na bagay... salapi, gadgets, ari-arian at marami pang iba. Ang ebanghelyo ngayon ay nagsasabi sa atin kung paano tayo dapat mamuhay bilang mga tagasunod ni Kristo: "Travel light!" Isang prinsipyong sinusundan ng mga mahilig maglakbay. Hindi mo kailangan ang maraming dala-dalahin! Ang buhay ay sinasabi nating isa ring paglalakbay. Lahat tayo ay patungo sa kaharian ng Diyos. At ito ang habilin sa atin ni Hesus: “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak.” Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin na mabuhay na simple o payak! Hindi ko sinasalungat ang progresso ng makabagong panahon. Kailangan natin ng pag-unlad! Salamat sa Diyos at naimbento ang computers, cellphones, at iba bang hi-tech na gadgets na nagpapadali sa ating buhay. Ngunit kung ang "cellphone" ay nagiging kapalit ng ating "physical presence" sa ating pamilya ay may mali ata! Kung ang computer ay ginagamit upang magpakalat ng kalaswaan... hindi ata tama! Kung ang pera ay nagiging dahilan upang mapabayaan ang pamilya... dapat nating pag-isipan muli ang ating ginagawa. Ang mga materyal na bagay ay dapat mapabuti ang ating pamumuhay at hindi makasira nito. Masyado nang kumplikado ang buhay natin ngayon kaya't huwang na nating paguluhin pa. Maraming nang nagiging pabigat at sagabal sa ating paglalakbay. Iwanan natin ito at sa halip ay pairalin natin ang ating pananalig sa Diyos! Ito ang "kabanalan sa makabagong panahon"... ang mabuhay na maka-Diyos sa maka-mundong paligid na ating ginagalawan!

Sabado, Hulyo 4, 2009

Reflection: 14th Sunday in Ordinary Time Year B - July 5, 2009: PAGKILALA KAY KRISTO

Lumang joke na natanggap ko sa isang text: May magtxtmate na nagdesisyong mag-eyeball. Excited na excited ang dalawa sa gagawing pagkikita sa unang pagkakataon. Nagtext si lalaki: "Hi! xited n me na mkita k. Suot k ng green shirt at me naman red. ktakits tau sa jolibee tondo bukas ng 8pm!" Sagot ng babae: "cge, ktakits. xited n rin me." Kinabukasan, alas otso ng gabi sa jolibee, dumating ang lalaki na naka-blue na shirt at nakita n'ya ang isang pangit na babaeng naka-green. Nilapitan siya ng babae at nagtanong: "Excuse me, ikaw ba ang katextmate ko?" Sagot si lalaki: "Haller...! Naka-red ba ako? ha?!!" hehe... Anung feeling mo kung ikaw 'yun? Masakit ang ma-reject! Mas masakit kung ang gumagawa nito ay mga taong kilala mo. Ito mismo ang naranasan ni Hesus nang sinubukan n'yang mangaral sa kanyang bayan. Tandaan natin na si Hesus ay tanyag na bago pa siya mangaral sa kanyang bayang pinanggalingan. Marami na ang humahanga sa kanyang katalinuhan at galing. Kaya't marahil ay inaasahan niyang mainit din siyang tatanggapin ng kanyang mga kababayan. Ngunit nagkamali siya. Nang marinig siyang mangaral ng kanyang kababayan ay hindi sila makapaniwala sa kanyang katalinuhan. Ang tanong pa nga nila ay: "Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At hindi nila siya tinanggap. Kaya't malungkot din ang naging sagot ni Hesus sa kanila. "Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon... Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya." Kung minsan tayo rin ay nahaharap sa ganitong sitwasyon. Mahilig nating ipahiya si Hesus. Sa mga pagkakataong hindi natin pinangangatawanan ang pagiging Kristiyano at kung minsan ay ikinakahiya pa nga natin ito ay ipinapadama natin ang ating hindi pagtanggap sa kanya. Dyahe ba para sa iyo ang mag-antanda ng krus sa jolibee, o kaya naman ay sa loob ng jeep? Nahihiya ka bang pagsabihan ang kaklase mong nandaraya sa exam? O kaya naman ay ang katrabaho mong patulog-tulog sa oras ng trabaho? Nahihiya ka bang yayain ang mga kasama mo sa bahay para magsimba? Mag-isip-isip ka... baka katulad ka rin nila na hindi nakakakilala sa Kanya. Baka isa ka rin na ayaw kumilala sa Kanya bilang Panginoon...

Sabado, Hunyo 27, 2009

Reflection: Ika-13 Linggo sa Karaninwang Panahon Taon B - June 28, 2009: MABUHAY NA BUHAY!

Gusto mo na bang mamatay? Meganun??? hehe... Walang taong nasa matinong pag-iisip ang magsasabing gusto niyang mamatay! Sa katunayan lahat tayo ay takot sa kamatayan. May isang paring nagpakumpisal. "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala." "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala talagang may gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Para sa mga taong may pananalig ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananalig kung tayo ay nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang pagsunod kay Hesus ay bahagi ng ating pananalig sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Sa dalawang gawaing ito nakasalalay ang ating kaligayahan. Ito ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Tandaan natin ang kasabihang ito: "Our life is a gift from God. How we live our life will be our gift to God!"

Sabado, Hunyo 20, 2009

Reflection: Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon Taon B - June 21, 2009: GOD IS IN-CHARGE!

Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig Light... Mapagdisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa! Kahit ang kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal. Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge! Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa ating buhay! Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", sana ay makita at maramdaman din natin ang Diyos bilang tatay na dapat nating pagtiwalaan at mahalin. Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Sapagkat ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Happy Fathers' Day sa inyong lahat!

Sabado, Hunyo 13, 2009

Reflection: KAPISTAHAN NG KABANAL-BANALANG KATAWAN AT DUGO NG PANGINOON - June 14, 2009 - YOU ARE WHAT YOU EAT! (Revised)

Ang sarap talagang kumain! Lalo na kapag "eat all you can!" Pero ang ipinagtataka ko ay bakit hindi ako makuntento sa aking kinakain? Parang kulang pa... parang laging bitin! Kaya nga marami sa atin ay kain ng kain hanggang wala tayong kamalay-malay na dumodoble na ang ating leeg, lumalapad na ang ating braso, kumakapal na ang ating bilbil! hehehe... May pilisopiyang pinanghahawakan ang ganitong mga tao: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same. So why not eat and die!" Pansinin mo ang iyong pagkain. May nangyayari bang kakaiba bukod sa pinabibigat nito ang iyong timbang? Baka naman nguya ka lang ng nguya at lunok ng lunok na wala kang pakialam sa ginagawa ng pagkain sa 'yo? Merong nangyayari na hindi natin namamalayan... nagiging kabahagi ng ating katawan ang ating kinakain. We become what we eat...! Kaya nga ingat...! Kapag puro baboy ang kinakain mo e magmumukha ka ring baboy! Kapag kambing naman ay malamang maging amoy kambing ka! Kapag puro junk foods naman ay magiging junk din ang katawan mo... You become what you eat! Ngayon ko naintindihan kung bakit inalay ni Hesus ang kanyang sarili sa atin upang ating maging pagkain... gusto niyang maging katulad Niya tayo! In the Eucharist... we become like Christ!... Nagiging katulad natin S'ya! Ganito ba talaga ang nangyayari pagkatapos nating magkomunyon? Nagiging katulad ba ni Kristo ang ating pag-iisip? Ang ating pananalita? Ang ating pagkilos? Kaya naman pala kahit "eat all you can" ang ating pagtanggap ng Komunyon ay parang no effect sa atin ay sapagkat hindi natin ipinapakitang nagiging katulad Niya tayo. Sana pagtinanggap natin Siya sa Banal na Komunyon ay maging mas maunawain tayo. Maging mas mapagpatawad, mapag-aruga, magpagpakumbaba... Become what you eat... become like Christ!

Biyernes, Hunyo 5, 2009

Reflection: KAPISTAHAN NG BANAL NA SANTATLO (Holy Trinity) Taon B - June 7, 2009: ANG AKING DIYOS NA 3 IN 1

Alam n'yo bang ang kape palang may gatas ay mas lalong nakapagpapalakas ng kaba? Totoo!!! Ang kape, walang duda ay nakapagbibigay ng kaba (nakagpapabilis ng palpitation ng puso!). Ang gatas naman ay pampalakas. Resulta: ang kapeng may gatas ay pampalakas ng kaba! hehe... Ganun pa man, ako ay isang certified coffe addict! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi kapag hindi ako umiinom ng kape. Marami na rin akong kapeng natikman... from brewed o barakong kape ng batanggas to fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! PhP 170 ba naman sa isang maliit na expresso cofee! hehehe... sabi ko sa sarili ko... doon na lang ako sa aking 3 in 1 na Nescafe! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Kalimitan ay ginagawa nating kumplikado ang ating buhay. Kung iisipin ay simple lang naman ito tulad ng kape. Parang Diyos... ginagawa natin Siyang kumplikado sa ating isipan. Pilit nating siyang "pinagkakasya" sa ating isipan ngunit hindi naman maari. Pilit natin inuunawa ang kanyang "misteryo" upang sa kahuli-hulihan ay maunawaan nating "puso" at hindi "utak" ang ginagamit upang maintindihan ang Diyos. Ibig sabihin,ang mga taong marunong lang magmahal ang nakakaunawa sa Diyos! Minsan daw ay naglalakad si San Agustin sa tabing dagat. Pilit niyang iniisip kung papaanong nagkaroon ng "Isang Diyos ngunit may tatlong Persona". Habang siya ay nagmumuni-muni ay nakita niya ang isang batang pabalik-balik na sumasalok ng tubig sa dagat at pilit na pinupuno ang maliit na hukay na kanyang ginawa. "Anong ginagawa mo?" tanong niya sa bata. "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito." sagot ng bata. "Hindi mo maaring gawin yan, napakalawak ng dagat!" tugon niya. "Ganyan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang Diyos sa maliit mong isipan!" At biglang naglaho ang bata. Noong si Mother Theresa, ay buhay pa, siya ay naimbitahang magsalita sa harap ng maraming "Theologians". Isa lang ang sinabi niya sa matatalinong taong iyon na nakikinig sa kanya: "Love Jesus..." "Mahalin ninyo si Jesus!" Tama nga naman sapagkat ang Diyos ay pag-ibig at mauunawan lamang Siya ng mga taong marunong magmahal. Kaya nga ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1. Ang Diyos Ama na sapagkat labis na nagmahal sa akin ay nagbigay ng Kanyang bugtong na Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Hindi ko man S'ya lubos na maintindihan, kung bakit 3 in 1, ay alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Nais Niyang Siya'y aking mahalin sa halip na unawain. Ang tanong: "Masasabi ko ba na sa aking buhay ay minahal ko kahit na isang sandali ang Diyos?" Baka naman malimit ko Siyang ipinagpapalit sa mga makamundong bagay tulad ng barkada, trabaho, pera, kagamitan at nagiging "optional" na lamang Siya sa aking buhay! Sa tuwing sisipsip ka ng kape... kape ng starbucks man, alamid cofee, o simpleng Nescafe, dapat ay lagi mong maalaa ang Diyos na 3 in 1 na nagmahal sa iyo ng lubos. Coffee... anybody???