Sabado, Hunyo 25, 2022

PAGSUNOD KAY HESUS: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 26, 2022

Paano mo masasabing Kristiyano ka? Ang karaniwang sagot na aking tinatanggap ay ito:  "Kristiyano ako kasi nagsisimba ako tuwing Linggo!" Tama ba o mali? Maari bang gawing sukatan ng isang Kristiyano ang palaging pagsisimba?  Marami sa ating mga Kristiyano ay marahil tapat pa rin sa kanilang tungkulin tulad ng pagsisimba, pagdarasal ng nobena, pagrorosaryo ay iba pang gawaing kinasanayan na nang marami sa atin.  Pero alam ba natin kung bakit natin ginagawa ito?  

May kuwento ng aso na hinahabol ang isang pusa.  Naghabulan sila hanggang sa labas na ng kalsada.  Patuloy sa pagtahol ang aso habang hinahabol niya ang pusa.  Nakuha nito ang atensiyon ng ibang aso sa paligid at maging sila ay nakisama na rin sa paghabol.  Habang tumatagal ang habulan ay parami na ng parami ang mga asong tumatakbo at nakikihabol.  Hanggang sa napakarami na sila at ang mga asong nasa likod na tumatakbo ay nagtanong na sa kanyang kapwa aso sa harapan.  "Pare bakit ba tayo nakikitakbo?  Sino ba ang hinahabol natin sa harapan?"  Sagot ng kausap niya, "hindi ko alam 'tol, kahit ako takbo na lang takbo at nakikikahol!"  

Marahil marami sa atin ay ganyan ang sagot kapag tinanong mo kung bakit ba sila nagsisimba?  Parang silang mga asong takbo ng takbo ngunit hindi nakikita ang kanilang sinusundan.  Ni hindi nga nila masabing "mahal nila si Jesus" na kanilang sinusundan.  Pero sasabihin nilang "Kristiyano ako!" dahil pumapasok naman ako ng simbahan.  Sabi ng isang sikat na mangangaral: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman, mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano.  Marahil ay marami sa ating alam naman na sila ay naging Kristiyano noong sila ay nabinyagan.  Sa katunayan ay marami sa atin ay may maipapakita pang "baptismal certificate".  Ngunit sapat ba ito upang masabing miyembro ka na ng pamilyang "Kristiyano"?  

Ngayon sa ating mga pagbasa ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay,  isang ganap at walang pasubaling pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon,  wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Susunod ako pero sa isang kundisyon..."  Ang mga  pagbasa ngayong Linggo ay nagsasabi sa ating gawin nating "ganap" ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos.  

Sa unang pagbasa ay narinig natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo upang ipakita ang ang ganap na pagsunod kay Propeta Elias, iniwan niya ang kanyang kabuhayan, kinatay niya ang kanyang mga alagang toro at ibinigay sa mga tao at ginamit niya pang panggatong ang kanyang pang-araro.  Sa Ebanghelyo ay narinig naman natin ang sagot ni Jesus sa tatlong nagnanais na sumunod sa kanya: "Susunod po ako sa inyo kahit saan...."  ang sabi ng isang nagnanais na sumunod kay Hesus.  Ang tugon ni Hesus sa kanya ay: "May lungga ang asong gubat at may pugad an ibon, ngunit ang anak ng Tao'y wala man lang matuluyan o mapaghingahan."  May kahilingan naman ang pangalawa sa kanyang pagsunod. “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay," ang tugon ni Jesus sa nagsabing uuwi muna siya upang ipalibing ang kaanyang ama. Hindi winawalang-halaga ng Panginoon ang pagmamahal sa magulang. Nais lang niyang ipahayag na wala sanang tayong pag-aatubili sa pagsunod sa kanya.  Kalimitan kasi ay napipigilan tayo ng maraming bagay sa ating pagtugon sa pagtawag ni Hesus.

Ang ating maraming alalahanin sa buhay ay hindi dapat maging sagabal sa patupad natin sa kalooban ng Diyos. Ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan na handa nating iwanan ang mga makamundong bagay para sa Kanya!  Ang paalala niya sa mga nagnanais na sumunod sa Kanya ay "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos."  Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo ngunti hindi naman maiwanan ang masamang pag-uugali o bisyo. Magkukumpisal ngayon ngunit uulitin ang parehong kasalanan bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo?  Ayaw niya ang Kristiyanong papatay-patay sa buhay. Ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!" Higit sa lahat ay ayaw niya ang KRISTIYANONG URONG-SULONG sa pananampalataya!  

Maganda ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Galacia.  Marahil ay marami sa kanila ang nagsasabing may kalayaan silang gawin kung ano ang gusto nila sa buhay.  Marahil ay nagiging pabigat sa kanila ang pagsunod kay Kristo.  Ito ang tugon niya: "Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya... huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa dahil sa pag-ibig."  Tinatawag tayo ng ating Panginoonb sa isang buhay na marangal at banal.  Sa Misang ito ay hingin natin sa Panginoon ang biyayang maging tapat at masunurin sa Kanyang pagtawag sa atin.  Sundan natin si Hesus sa kabanalan!

Sabado, Hunyo 18, 2022

PAGKAKAISA SA PAGBABAHAGINAN: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 19, 2022 - SYNODALITY

Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! At ang exiting part ay masarap kumain kapag may manlilibre sa 'yo!  Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo" at hindi solo-solo.  Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka!  Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong tinatawag na sharing! 

Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan  sapagkat ito ay isang pagsasalo.  Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! At ang Diyos mismo ang nagbabahagi ng kanyang sarili sa atin bilang atin  pagkain.  Ang ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa pagpaparami ni Hesus ng tinapay upang makakain ang napakaraming taong nagtiyagang sumunod sa kanya upang makinig sa kanyang mga aral. Paano ba nangyari ang himala?  May nag-alay ng kanyang baon na limang tinapay at isang isda.  Hindi binanggit sa Ebanghelyo kung kanino nanggaling ito, ngunit sa ibang sipi ng eganghelyo ay may nagsasabing ito ay nagmula sa baong dala-dala ng isang bata.  Hindi nahiya ang taong ito na ibigay kung ano ang mayroon siya at dahil doon ay naisagawa ni Hesus ang himalang pagpaparami ng tinapay.  May mga tagapagpaliwag ng Banal na Kasulatan na nagsasabing maari ring ang mga taong sumunod kay Hesus ay may dala-dala naman talagang baon at ng makita nila ang ginawa ng bata ay naglabas na rin sila ng kanilang mga itinatagong pagkain.  May katotohanan man ito ay maituturing pa ring isang himala ang nangyari... ang himala ng pagbabahaginan... the miracle of sharing!  Mula sa pagiging makasarili ng mga taong itro ay nabuksan ang kanilang puso sa pangangailangan ng iba at nagawa nilang ibahagi kung ano ang mayroon sila. 

Kapag tayo ay tumatanggap ng katawan ni Kristo sa komunyon ay ipinapakita sa atin ng pari o ng ministro ang Banal na Ostia at naririnig natin ang mga salitang: "Ang katawan ni Kristo!"  at ang sagot naman natin ay "Amen!" na ang ibig sabihin ay naniniwala ako!  Ano kaya kung mamaya kapag kayo ay lumapit upang tumanggap sa komunyon ay hindi ko ipakita ang tangan-tangan kung Banal na Ostia at itago ito sa aking likod, ano kaya ang isasagot ninyo?  Amen pa rin ba?  O sasagot ba kayo?   Dapat lang na AMEN pa rin ang ating sagot sapagkat tayo ay bahagi ng katawan ni Kristo.  Kung naniniwala tayong tinatanggap natin sa Sakramento ng Komunyon si Hesus sa ating puso dapat maniwala rin tayo na tinatanggap din natin si Hesus sa ating kapwa!              

Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa!  Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. 

Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito at nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Dahil dito, ang bawat isa sa atin ay nagiging instrumento ng pagbabahaginan at ng pagkakaisa.  Sa pamamagitan ng hindi makasariling pagbibigay ay ipinapakita nating tunay ngang ang Banal na Eukarisitya at sakramento ng pagbabahaginan.

Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang magbahagi. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!"  Lahat tayo ay maaaring magbahagi.  At ang una nating dapat ibahagi ay si Hesus.  Ngunit alam nating hindi mo maaring ibigay kung ano ang wala ka.  We cannot give what we do not have.  Ibig sabihin ay nararapat na nasa puso natin si Hesus upang maibagi natin Siya sa iba.  Ito ba ang nangyayari kapag tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Sakramento?  

Sa Banal na Eukaristiya ay naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso.  Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa na nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! 

Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! Isabuhay natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO.  Iisa ang ating pinagsasaluhan.  Iisa ang biyayang ating tinatanggap.  Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi.  

Kung naniniwala tayo sa kasabihang "every gising is a blessing". ay dapat din sigurong maniwala tayong EVERY NGUYA IS BIYAYAHindi lang sapagkat mahalaga sa atin ang biyayang ibinibigay ng pagkain ngunit sapagkat ang pagkain ay nagsisilbing pamamaraan upang makamit natin ang pagkakaisa sa pagbabahaginan.  Halina't tanggapin at ibahagi natin si Kristo sa iba!

Sabado, Hunyo 11, 2022

LOVE IN UNITY: Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year C - June 12, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Kapistahan ngayon ng Santisima Trinidad o mas kilala rin sa tawag na Banal na Santatlo: ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA.  
Ang kapistahang pinagdiriwang natin ngayon ay katotohanang mahirap bigyan ng paliwanag.  Hindi ito katulad ng kapistahan ng mga pangyayari sa buhay ni Jesus tulad ng kanyang pagsilang o muling pagkabuhay.  Hindi rin ito kapistahan ng pagkatao ng mga banal tulad ng mga santo at santa.  Ang kapistahang ito ay isang "doktrina" na ating sinasampalatayanan. 

Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ngg ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Kaya naman nagpahayag sa atin ang Banal na Santatlo ng mga pangyayari sa kasaysayang pangkaligtasan, mga propeta, at lalung-lalo na kay Hesukristo. Sa kanya natin nakilala ang pagiibigan ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo.  Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso.  Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo.  Tandaan natin na ang misteryo ng Diyos ay napakalawak upag magkasya sa ating maliit na pag-iisip.

May isang lumang kuwento na may isang pari na pilit niyang iniintindi ang misteryo ng Banal na Santatlo kung paano ba ito maipaliliwanag gamit ang ating payak na pag-iisip bilang tao.  Halos mawalan na siya ng bait kaya't naisip niyang magpalamig muna ng isipan at nagpunta siya sa isang dalampasigan.  Nagkataong nakita niya ang isang bata na pabalik-balik na pumupunta sa dagat na may dala-dalang maliit na timba na puno ng tubig at pilit na pinupuno ang isang butas sa dalampasigan na kanyang ginawa.  Tinanong siya ng pari kung ano ang kanyang ginagawa.  Ang sagot ng bata ay: "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito!"  "Imposible yang nais mong gawin!  Nagsasayang ka lang ng pagod.  Hindi mo maaring gawin yan sapagkat lubhang napakalawak ng tubig ng dagat para pagkasyahin mo sa maliit na butas na yan!" tugon ng pari.  Sumagot ang bata: "Padre, yan din ang ginagawa mo ngayon.  Pilit mong pinagkakasya ang kadakilaan ng Diyos sa maliit mong pag-iisip. "  At biglang naglaho ang bata sa kanyang harapan.

Kung ganooon ang tanong natin ay paano natin mauunawaan ang Diyos?  Ang simpleng sagot ay: hindi natin dapat maunawaan kundi dapat ay maranasan natin ang kanyang presensiya sa ating buhay.  Katulad ng sinabi ko kanina na ang Diyos ay napakadakila para unawain ng ating payak na isipan.  Ngunit ang Diyos din sobrang liit para magkasya sa puso nating mga tao.  Sa madaling salita, ang Diyos ay hindi dapat unawain kundi dapat natin siyang mahalin!  Sapagkat ang Diyos ay nararanasan lamang ng taong marunong magmahal.  Ang pagmamahal na ito ay nagdadala sa atin ng pagkakaisa.

Hindi ba't ito ang nararanasan natin sa ating pamilya?  Kapag tayo ay nakikitungo sa bawat miyembro ng may pagmamahal ay mas nakakakitaan tayo ng pagkakaisa.  Ang pamilyang nagmamahal ng sama-sama nananatiling magkakasama.  Kaya nga ang pamilya ay masasabing repleksiyon ng Banal na Santatlo kung kinakakakitaan ito ng pagkakaisa dala ng pagmamahalan nila sa isa't isa.  

Taong 2017 ay dineklara rin ng ating mga obispo, sa pamamagitan ng CBCP,  na ang Kapistahan ng Banal na Santatlo ay tatawaging Basic Ecclesial Community Sunday.  Ang BEC ay mga munting pamayanang kristiyano na binubuo ng ilang pamilya sa isang lugar na nagsasama-sama upang manalangin, magbahagi ng Salita ng Diyos, at mag-usap upang bigyan ng solusyon ang mga suliranin sa kanilang lugar.  Sila ay maliit na komunidad na nagmimistulan maliit na Simbahan na tumutugon sa misyon ni Hesukristo.  Ang kanilang pagkakaisa at pakikitungo sa bawat isa ay hango sa inspirasyon na binibigay sa kanila ng Banal na Santatlo.  

May pagkakaisa sa pagmamahal.  Kaya nga ang hamon sa bawat isa sa atin ay mabuhay tayo sa pag-ibig.  Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal.  Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig.  Kaya nararapat lang na ang ating Diyos na Santatlo ay ating papurihan at mahalin.  Hindi man Siya maintindihan ng ating isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso nating marunong umibig!