Biyernes, Nobyembre 26, 2010

BAGONG TAON... BAGONG BUHAY: Reflection for the First Sunday of Advent Year A - November 28, 2010

"Happy New Year sa inyong lahat!" Pambungad na bati ko sa misa. Nakatulala ang mga tao, hindi alam ang isasagot... "Merry Christmas" ba o "Happy New Year?" Totoo nga naman, papasok pa lang ang buwan ng Disyembre. Inilalatag pa lang ang mga bibingka at puto bungbong sa labas ng simbahan. Isinasabit pa lang ang mga parol sa bintana. Nagpraparaktis pa lang mag-carolling ang mga bata... happy new year na? Oo... NEW YEAR NA! Ang Unang Linggo ng Adbiyento ang BAGONG TAON NG SIMBAHAN! Ang "Adbiyento", na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nilalaan nating panahon para "paghandaan" ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoong Jesus. Pero kalimitan ang ating paghahanda ay panay "panlabas": paglalagay ng dekorasyon, pagbili ng regalo, pagpaplano ng Christmas party... Siguro kailangan ang mga ito upang madama natin ang nalalapit na pagdiriwang ngunit hindi lang ito ang paghahanda para sa isang masaya at makahulugang Pasko. Ang mga pagbasa sa Unang Linggong ito ng Adbiyento ay nagpapaalala sa atin kung anung mabisang paghahanda ang maari nating gawin: Si Propeta Isaias ay nag-aanyaya: "Halina kayo... at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon!" Gayun din si San Pablo: "Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti." Ang mga ito'y pagpapaalala sa atin na ang pinakamabisang paghahanda ay nasa loob at wala sa labas: Tanggalin ang masasamang pag-uugali at linisin ang ating mga puso! Kung papansinin ay walang kasamang ingay ang pagpasok ng New Year na ito. Di tulad ng January 1 na maingay ang paghahanda at pagsalubong. Dapat lang... sapagkat ang Diyos ay nakakatagpo natin sa "katahimikan". Masyado ng maingay ang mundo. Masyado ng na-commercialized ang pagdiriwang ng Pasko! Bigyan natin ng katahimikan ang ating mga puso sa paghahandang ito. Apat na linggo ang ibinibigay sa atin ng Simbahan upang itahimik ang ating mga puso. Apat na linggo nating pagninilayan ang paghahanda sa pagsilang ni Jesus. Apat na kandila ng Adbiyento ang isa-isang sisindihan. Hindi lang sana maging palamuti ang mga ito sa ating tahanan o simbahan bagkus magsilbing paalala na maging gising at laging handa sa kanyang pagdating. Bagong taon... bagong buhay! Bagong pag-asa ang ibinibigay sa atin sa pagdating ni Jesus! Halina, Emmanuel... manatili ka sa aming piling!

Biyernes, Nobyembre 19, 2010

THE LORD OF THE RINGS... THE RETURN (again!) OF THE KING: Reflection for the Solemnity of Christ the King Year C - November 21, 2010

Bumalik na namang matagumpay ang ating Pambansang Kamaong si Manny Paquiao! Parang wala pang isang taon nang pinarangalan natin siya at ibinigay pa ang titulong "Order of Sikatuna". Naaalala ko rin na noong isang taon ay inihambing ko siya sa pagbabalik ng isang hari hango sa isang sikat na palabas: "Lord of the Rings: The Return of the King!" Tunay nga namang siya ang kaisa-isahang Lord of the Rings (Hari ng Boxing Ring! 8 World Titles sa iba't ibang division). Kaya nga't bilang pagpaparangal ay ginawa pang PACMANIAN WEEKEND ng Kapuso Network ang araw na ito! Ngunit sa ating Simbahan, ang araw na ito ay talagang nakalaan sa pagpaparangal sa ATING NAG-IISANG HARI! Ngayon ang Kapistahan ni Jesus na Kristong Hari na siyang hudyat din ng pagtatapos ng taong liturhiko. Ano ba ang uri ng paghaharing ito? Ang isang hari ay pinagpipitagan at iginagalang ng mga tao kapalit ng paniniwalang pamumunuan sila nito ng may katarungan at pag-aaruga. Ang isang hari sa wikang ingles ay dapat na maging isang "gracious king!" Doon lamang siya makakakuha ng rispeto at pagsunod sa kanyang mga nasasakupan. Ito marahil ang nakita at nadama ng magnanakaw na nasa kanyang tabi kaya't nassabi nitong: "Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na!" Tunay ngang si Jesus na ating hari ay puno ng kagandahang-loob! Jesus is a gracious king! Kung kaya't wala rin tayong dapat katakutan kung tatawagin na Niya tayong tumayo sa Kanyang harapan at magsulit ng ating buhay. Manginig tayo sa takot kung tayo ay nagpabaya at natagpuan niyang hindi handa! Kaya nga't sa muling pagbabalik ni Kristong hari ay inaasahan tayong paghandaan ng mabuti ang kanyang pagdating. Paghandaan natin ito sa pamamagitan ng isang mabuting pamumuhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Si Kristong Hari ay hari sapagkat bukas palad ang kanyang pagilingkod. Paglilingkod na walang itinatangi at pinipili. Paglilingkod na nakatuon sa ikabubuti ng iba at hindi ng sarili. Paglilingkod ng ng isang tunay na SERVANT-LEADER! Hinihintay nating lahat ang kanyang muling pagbabalik. Darating muli ang ating hari. Paghandaan natin ang araw na ito... THE RETURN OF THE KING! Mabuhay si KRISTONG HARI!



Lunes, Nobyembre 15, 2010

TAKOT AT PANANABIK: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year C - November 14, 2010

Pansamantala na namang tumigil ang pag-ikot ng mundo nitong nakaraang Linggo, ika-14 ng Nobyembre. Nagmistulang "ghost town" ang mga kalsada. Nagpahinga ang mga snatchets at holdapers sa kanto. Lahat ng trabaho ay tumigil. Lahat ay tumutok sa laban ni Pacquiao at Margarito. Ano ba ang naramdaman mo habang ikaw ay nanonood? Natatakot ka ba o nananabik ka ba? Para sa akin ay magkahalong takot at pananabik. Takot sapagkat mas malaki at mas mabigat ang kanyang kalaban. Pananabik sapagkat kung saka-sakaling manalo si Pacman ay ito na ang pangwalo niyang korona sa boxing na galing sa iba't ibang division, bagay na hindi mapapantayan ninuman. Takot at pananabik... parehong damdamin na ipanadadama sa atin ng mga pagbasa sa Liturhiya ng linggong ito. Takot sa maaaring mangyari sa muling pagbabalik ni Jesus na hindi natin alam kung kailan. Pananabik sapagkat ito ang magiging simula ng isang masayang buhay para sa lahat ng naging tapat sa Kanya. Ang araw ng paghuhukom ay hindi dapat katakutan ng ating mga Krisityano kung naging tapat lamang tayo sa pagsasakatuparan ng Kanyang utos bago Siya umakyat sa langit: "Mag-ibigan kayo tulad ng pag-ibig ko sa inyo!" Hahatulan tayo ng Panginoon ayon sa batas ng pag-ibig. Kaya wala tayong dapat ipangamba kung tayo ay marunong magmahal. Susulitin lamang natin sa Panginoon kung paanong minahal natin ang ating kapwa. Pinatawad ko ba ang aking kaaway? Naging mapag-aruga ba ako sa aking mga mahal sa buhay? Naging magalang at masunurin ba ako sa aking mga magulang? Kung hindi natin nagawang magmahal ay mayroon nga tayong dapat katakutan! Patapos na ang taong Liturhiko. Ang bawat pagtatapos ay dapat na magdala sa atin ng pagninilay na may katapusan ang lahat maging ang ating buhay. Habang hinihintay natin ang kanyang muling pagbabalik ay maging masigasig tayo sa ating pagiging Kristiyano. Nawa ang ating pagkaabalahan ay ang paggawa ng kabutihan at hindi kapabayaan!

Biyernes, Nobyembre 5, 2010

Death: THE MAGNIFICENT LOVER : Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year C - November 7, 2010

"Death is a magnificent lover!" Ito ang sabi ni Scottpeck sa kanyang sequel book na "Further along the Road Less Travelled." Mukhang mahirap atang tanggapin ang pangungusap na ito. Sino nga ba sa atin ang gustong mamatay? Ni ayaw nga nating pag-isipan ang ating sariling kamatayan! Nasubukan mo na bang mag-canvass at magpasukat ng sarili mong kabaong? O kaya naman ay pumili ng sarili mong bulaklak para sa iyong libing? O maghanap ng sementeryong paglilibingan? Baliw lang siguro ang gagawa nun! hehehe. Minsan may nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako, marami na po akong napatay na tao. Galit po kasi ako sa kanila dahil naniniwala sila sa Diyos. Ikaw Padre, naniniwala ka ba sa Diyos?" Sagot ang pari: "Naku, anak... hindi... pagtrip-trip lang!"hehehe... Mahirap nga namang lumagay sa kinatatayuan ng pari. Ayaw nating mamatay! Ngunit ang Ebanghelyo ngayon ay nagpapa-alala sa atin na hindi ang kamatayan ang katapusan ng ating buhay; na may buhay sa kabila na naiiba sa buhay natin ngayon dito sa mundo. Sapagkat ang ating Diyos ay "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay." (Lk 20:38) Ito ang dahilan kung bakit, pinagdarasal natin at inaalala ang ating mga namatay tuwing buwan ng Nobyembre. Naniniwala tayo na may "buhay sa kabila". Pinagdarasal natin sila upang madali nilang makamtan ang kaligayahan sa "kabilang-buhay". Kaya't wag tayong matakot sa ating kamatayan. Ito ay parang kasintahan na dapat mahalin at hindi katakutan. Ang alok niyang pagmamahal ay ang makapiling ang Diyos magpakailanman! Makakatanggi ka ba sa alok ng isang nagmamahal sa iyo? Kung ang kamatayan ay isang "magnificent lover" mas maganda na kung ngayon pa lang ay pinaghahandaan na natin ito. Hindi ang pagcanvass ng kabaong, o pagpili ng bulaklak o pagkakaroon ng memorial plan ang dapat nating paghandaan ngunit ang paggawa ng maraming kabutihan na siyang magiging susi sa pagpasok natin sa pintuan na ang tawag ay "kamatayan". Let us all embrace our own death. After all... "death is a magnificent lover!"