Sabado, Setyembre 28, 2013

PAKIALAMERONG KRISTIYANO: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year C - september 29, 2013 - YEAR OF FAITH

"Wala kang pakialam!" Madalas nating marinig ang mga salitang ito kapag pinupuna natin ang ibang tao.  Isa ito sa masama nating pag-uugali bilang mga Pilipino.  Ayaw na ayaw nating pinakikialaman ang ating buhay. Sabi nga ng ilang postings sa Facebook na nakita ko: "Alam mo, napapabayaan mo na ang sarili mo.  Wala ka kasing ibang inintindi kundi ang PAKIALAMAN ANG BUHAY NG IBANG TAO!"  At ito pa ang isa: "Dear PAKIALAMERA, may sarili buhay ka naman di ba? Bakit pati sa buhay ko nakikisawsaw ka?"  Kaya nga marahil ay napipigilan tayo sa pakikialam sa iba.  Ang pakikialam agad-agad ay nagiging masama!  Totoo, dapat nating respetuhin ang "privacy" ng ating kapwa. May mga bagay na hindi natin dapat panghimasukan. Ngunit kung ang nakasalalay ay ang ikasasama nila at naroroon lamang tayong nakatayo na walang ginagawa, ay may malaki tayong pagkukulang at pananagutan. Kalimitan sa kumpisal ang sinasabi natin ay mga nagawang kasalanan o "sins of commission". Ngunit kung ating iisipin, may mga kasalanan din na ang tawag ay "sins of omission", mga kabutihan na dapat ay nagawa natin ngunit hindi natin ginawa. Dito natin makikita ang pagkakamali ng mayaman sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Marahil, mabuti siyang tao: Hindi nagnanakaw. Hindi nangangalunya. Hindi naninira ng kapwa. Pero meron sya'ng nakaligtaan... yung taong nasa labas lang ng kanyang pinto na namamatay sa gutom. Maaari n'yang ibsan ang paghihirap ni Lazaro ngunit mas pinili n'ya ang magwalang bahala... "wag makialam." Sayang! Nakagawa sana s'ya ng mabuti! Sa kahuli-hulihan ay nabaliktad ang kanilang kapalaran pagdating sa kabilang buhay. Nabulid ang mayaman sa "apoy ng kapahamakan." Magsilbi sana itong babala sa ating lahat! Maging pakialemero tayo sa ating kapwa kapag ang nakasalalay ay ang kanilang kabutihan at kapakanan. Sapagkat ang Diyos mismo ay nakialam sa ating kalagayan noong siya ay nagkatawang-tao upang iligtas tayo sa kasalanan. Sa katunayan ay wala namang obligayson ang Diyos na "maging tao at makipamayan sa atin!" Lalo nang wala siyang obligasyong dumanas at mamatay para sa atin. Ngunit, dahil sa kanyang walang kapantay na kabutihan ay niloob niyang pakialaaman ang ating abang kalagayan upang ibalik ang naputol nating kaugnayan sa Diyos. Tayo ay magkakapatid sa pananampalataya.  Ang kabutihan ng isa ay kabutihan ng lahat at ang kapahamakan ng isa ay kapahamakan ng lahat.  Paano tayo makikialam bilang mga Kristiyano? Una, ay ang ating pakikisa sa mga naghihirap.  Ang kahirapan ay bunga ng pagkamakasarili ng ilang tao na tanging kapakanan nila ang inuuna at iniisip.  Makiisa tayo sa paghihirap ng iba at limutin ang ating sarili.  Ikalawa ay huwag tayong matakot na itama ang pagkakamali ng iba! Ang kasamaan ay lumalaganap sapagkat may mga taong ayaw manindigan sa tama.  At pangatlo ay ang pagpapalaganap ng kabutihan. Kapag tayo ay nagpapalaganap ng kabutihan ay siguradong hindi tayo magkakamali.   Makialam tayo para kay Kristo! Ang tunay na Kristiyano ay PAKIALAMERO!

Walang komento: