Biyernes, Setyembre 9, 2011

FORGIVE AND BE FORGIVEN: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 11, 2011

Forgive and forget. Gaano ba ito katotoo? Sa pelikula lang ata nangyayari ito. Ngunit ako mismo ay nakasaksi na posible pala ang magpatawad kahit sa kasukdulan ng galit at sama ng loob. Madami na akong narinig na sermon tungkol sa pagpapatawad ngunit ang pangyayaring ito ang talagang hindi ko malilimutan. Isang balita ang aming natanggap na may nangyaring "freak accident" sa aming seminaryo. Isang high school seminarian ang aksidenteng tinamaan ng " air gun" na naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw. Katatapos lamang noon ng isang malakas na ulan at ang mga seminarista, kasama ang kanilang paring tagabantay ay nagdesisyong mamaril ng mga palaka o bubuwit sa aming football field. Sa di inaasahang pagkakataon ay nadulas ang paring may hawak ng baril. Natumba at nakalabit ang gatilyo na nakatutok ang baril sa isang seminarista. Tinamaan ito at bumulagta at hindi na nakayaang umabaot pa sa ospital. Punong-puno ng tensyon ang mga sumunod na tagpo lalo na sa lamay ng namatay. Nakakapanliit lalo na kapag humarahap sa amin ang kaanak ng mga namatay. Ang ama ng bata ay hindi nagsalita ng buong lamay. Tahimik. Malalim na nag-iisip. Bakas mo ang galit at sama ng loob sa kanyang mga mata. Ngunit ng idinaos na ang funeral mass ay pinutol niya rin ang kanyang katahimikan. Sa katapusan ng misa ay nagsalita siya at hindi ko malilimutan ang kanyang mga binitiwang salita. "Alam ng Diyos na ako ay isang taong mainipin. Ayaw ko ng naghihintay. Gusto ko agad makuha ang nais ko! Masyadong matagal ang pagpapari. Labing apat na taon pa ang hihintayin ko upang maging pari ang aking anak. Kaya siguro, ngayon pa lang ay ibinigay na ng Diyos ang aking gusto. Binigyan na Niya ako ng isang anak na pari." At sabay tawag doon sa pari na nakabaril sa kanyang anak. Sa harap ng mga tao ay niyakap niya iyon at tinawag niya ang kanyang pamilya at doon ay nasaksihan namin ang makabagbag-damdaming tagpo ng pagpapatawad. Mahabang palakpakan ang sumunod. Napakahaba. Palakpalakan na nagsasabing POSIBLE PALA ANG MAGPATAWAD! May kasabihan na "to err is human, to forgive is divine!" Hindi siya ganon katotoo sapagkat kaya rin pala ng taong magpatawad. Totoo na ang Diyos ang nagpakita ng dakilang habag nang pinatawad Niya tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. At ang Anak Niyang ito ay nag-alay ng Kanyang buhay sa krus upang matubos tayo sa ating pagkakasala. Dahil tayo ay napatawad na, dapat din naman tayong magpatawad sa ating kapwa. Sa unang pagbasa ay pinaalalahanan tayo sa Aklat ni Sirach: "Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman." At ito nga ang ipinakita rin sa talinhaga ng ating Ebanghelyo. Hindi madali ang magpatawad sapagkat ang magpatawad ay wala sa damdamin kundi nasa kalooban o kagustuhan. Nagpapatawad ka sapagkat ginusto mo at hindi sapagkat "feel" mo. Ibig sabihin ay nangangahulugan ito ng lakas ng loob at pagpapakumbaba. Isang paraan upang maibsan ang ating sama ng loob ay ang ipagdasal ang gumawa ng masama sa atin. Kapag nagawa natin ito ay nasimulan mo na ang unang hakbang ng pagpapatawad. Darating din ang paghilom, marahil hindi agad-agad ngunit dapat mo itong simulan. Forgive and be forgiven!

Walang komento: