Biyernes, Pebrero 3, 2012

ORAS PARA SA DIYOS: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year B - February 5, 2012


Isang madre superiora ang palakad-lakad sa loob ng kumbento ang nakapansin sa isang madre na subsob sa pagdarasal sa kanilang maliit na kapilya. Sapagkat gabi na noon at may kadiliman sa loob ng kapilya ay patago niyang pinakinggan ang baguhang madreng nanalangin. "mahal na Birheng Maria, aking ina", paiyak na sabi ng batang madre, "hindi ko na kaya ang krus na pinapasan ko! Aalis na ako sa kumbento!" Nahabag ang superiora ng marinig ito kaya't patago siyang lumapit sa gawing dambana at nagtago sa madalim na bahagi nito. "Mahal kong ina, lalabas na po ako ng kumbento!" Ang sabi ng madreng patuloy sa pag-iyak. Sinagot siya ng superiora na nagtinig lalaki: "Anak, tingnan mo ang aking anak na nakapako sa krus. Damhin mo ang sakit ng mga sugat sa kanyang mga kamay at paa. Tiniis n'yang lahat yan para sa 'yo! Pasanin mo ang krus mo sa iyong buhay tulad ng ginawa n'yang pagpasan sa kanyang krus!" "Mahal na Birhen, ikaw ba yan? Alam mong matagal ko na yang ginagawa. Pero talagang di ko na makayanan ang krus sa buhay ko!" Sa puntong ito ay nagtanong na ang tinig: "Ano ba ang krus na tinutukoy mo?" Sagot ng madre: "Ang demonyo po naming superiora! Arogante siya! Di marunong umintindi! Laging kaming kinagagalitan! Ano po ang dapat kong gawin?" Ang sabi ng tinig: "Iha... lumabas ka na! gooo!" hehe... Marami tayong krus na pinapasan sa buhay. May mga krus na dala ng mabibigat na suliranin. Mayroon din namang dala ng pang-araw-araw nating mga alalahanin sa buhay. Kalimitan ang mga ito'y nagiging pabigat sa atin. Sa unang pagbasa ay pinapaalala sa atin na ang buhay ay puno ng hirap. “Ang buhay ng tao’y sagana sa hirap, batbat ng tiisin at lungkot na dinaranas. Siya’y tulad ng alipin, pahinga ang hinahangad, para siyang manggagawa, naghihintay ng kanyang bayad." Kung minsan pa nga ay nagiging dahilan ito upang mawalan tayo ng pag-asa at bumigay sa buhay... nakakapagod... nakakapanghina! Ano ang dapat nating gawin? Ang Panginoong Jesus sa Ebanghelyo natin ngayon ay may mahalagang itinuturo sa atin. Bakit di natin subukang tumigil sandali, tumahimik at magdasal. Ito ang palaging ginagawa Niya pagkatapos nang kanyang buong araw na pangangaral, pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng demonyo. Sa kabila ng napaka-abalang araw ni Jesus ay nakukuha niya pa ring magdasal. Batid niya ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa Ama na kanyang pinagkukunan ng lakas upang maisakatuparan ang kanyang misyon. Ito rin dapat nating ginagawa sa mga sandaling natatambakan tayo ng ating mga alalahanin sa buhay. Subukan nating kumukuha ng lakas sa Diyos! Siya ang nagpapagaling. Siya ang nagpapalakas. Siya ang nagsisilbing ilaw sa kawalang ng pag-asa. Gaano ba ako kadalas magdasal? Ang pakikipag-usap ba sa Diyos ay bahagi na ng aking buhay o nagdarasal lang ako pag may kailangan ako sa Kanya? Suriin natin ang ating buhay-panalalangin. Sa loob ng 168 na oras sa isang linggo, ilang oras ba ang inilaan ko sa pananalangin? Baka naman binabarat natin Siya! Huwag tayong sakim sa mga biyayang tinatanggap natin sa Kanya. Kung nakapaglalaan tayo ng oras sa mga makamundong bagay ay kaya rin dapat nating maglaan ng panahon para sa ating buhay espirituwal. Maglaan tayo ng sandali sa pananalangin. Ipadama natin sa kanyang pinahahalagahan natin Siya! Ang Kristiyanong hindi nagdarasal ay isang huwad na kristiyano! Peke! Walang kuwenta! Huwag natin hayaang maging ganito. Maglaan tayo ng sandali upang tumigil, manahimik at manalangin

Walang mga komento: