Huwebes, Enero 31, 2013

SAN JUAN BOSCO, AMA AT GURO NG MGA KABATAAN: Reflection for the Feast of St. John Bosco - January 31, 2013 - Year of Faith

Masusing proseso ang pinagdaraanan ng isang tao upang tanghaling santo.  Dumaraan sa butas ng karayom ang isang kandidato bago niya makamit ang korona ng kabanalan. Kasama na rito ang mga pagharang ng mga "devil's advocates" (mga piniling obispo o mga experto) na hahanapan ng kakulangan at kamalian ang kandidato at maghahayag ng kanilang pagtutol.  Isa sa mga inilatag na pagtutol kay Don Bosco ay ito:  "Kailan nagdasal si Don Bosco?  Masyado siyang abala sa kanyang mga kabataan kaya't marahil ay wala na siyang oras para magdasal!"  Ang katanungang ito ay sinagot din ng isang katanungan: "Kailan hindi nagdasal si Don Bosco?"  Tama nga naman sapagkat para kay Don Bosco ang lahat ng kanyang gawain para sa mga kabataan ay isang malaking panalangin na bawat sandali ay iniaalay niya sa Diyos!  Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay hindi lamang niya ipinakita sa dami at haba ng kanyang mga panalangin ngunit higit sa lahat ito ay ipinhayag niya sa matapat at masusing pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Sa pagdiriwang ng Taon ng Pananampalataya ay inaanyayahan tayong panibaguhin, palalimin at isabuhay ang ating pananampalataya.  Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala at pagtitiwala.  Higit sa lahat ito ay PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos.  Hindi lang ito paniniwala na may Diyos na makapangyarihan na kayang gawin ang lahat para sa atin.  Hindi lang ito pagtitiwala o sentimiyentong pang-unawa na tayo ay mahal ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan.  Ito ay pagsunod na sa kabila ng kakulangan ng ating pang-unawa ay sinasabi nating "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo!"  Ito ang pananampalatayang buhay na ipinakita ni San Juan Bosco sapul pa sa kanyang pagkabata nang una niyang matanggapa ang kanyang misyon na maging Ama at Guro ng mga Kabataan sa pamamagitan ng isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang.  Ito'y isang buhay na pananampalatayang nagtulak sa kanya na sa kabila ng kahirapan ay maari siyang maging pari at magsimula ng kamangha-manghang gawain para sa mga kabataan. Ito ang buhay na pananampalatayang nagbigay daan upang itatag niya ang Kongregasyon ng mga Salesianong Pari at Madre at mga samahang laiko upang maging kanyang katuwang sa pag-aaruga sa mga kabataan.  Ganito rin ba katatag ang aking pananampalataya?  Baka naman mababaw ang aking pananampalataya na katulad ng mga "Katoliko-Sarado" na sara na ang isipan dahil sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at mga ritwal na nakasanayan at hindi na matanggap ang anumang pagbabago upang mas lalo pang mapalalim ang kanilang papanalig sa Diyos?  "O San Juan Bosco, guro at ama ng mga kabataan, bigyan mo kami ng bukas na isipan.  Bigyan mo kami ng pananampalatayang buhay na laging handang sumunod sa kalooban mo. At pagkatapos ng aming paglalakbay dito sa lupa kami'y hintayin mo sa kalangitan.."

Walang komento: