Biyernes, Abril 18, 2014

LIWANAG SA DILIM (Revised) : Reflection for Easter Vigil - April 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY

"Ang gabi ay itim. Sa labas ay madilim. Tumingin ka man, cguradong madilim. Buksan mo man ang yong mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh?  Parang wala ata sa hulog ang gumawa nito. hehe..  Pero totoo nga... madilim ang itim.  Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!"  Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?"  Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.  Magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman?  May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka.  Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal.  Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog.  Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita.  Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal.  Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki.  Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!"  Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin.  Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamgitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.  HIndi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin?  Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Siya ang ating LIWANAG SA DILIM!

Walang komento: