Sabado, Setyembre 20, 2014

PAGKAINGGIT AT KABUTIHAN NG DIYOS: Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 21, 2015 - YEAR OF THE LAITY - SEASON OF CREATION

May taong bang hindi naiinggit?  Masama bang ikumpara ang ating sarili sa iba?  Ano ba ang Kristiyanong pananaw sa mga pagpapalang ipinagkakait sa atin at nakikita nating tinatanggap ng iba? Isipin mong mayroong apat na bahay sa inyong kalye at sa iyo ang isa. Ang bahay mo ay nagkakahalaga ng Php 10 million. Ang isa ay 5 million, ang isa naman ay 2 at ang panghuli ay 1 million. Tinanong ka ng asawa mo: "Sweetheart, kung mayroong mag-aalok na bilhin ang bahay natin ng 20 million, papayag ka ba?" Siyempre ang sagot mo: "Aba mahal, hindi lang papayag... tatalon pa ako sa tuwa at doon mismo ibebenta ko ang bahay!" Nang biglang tumunog ang telepono at laking pagkagulat mo na ang tumawag ay inaalok na bilhin ang bahay mo ng Php 30 million. Hindi ka na nagdalawang isip pa. Doon mismo sinarado mo ang deal sa 30 million. Tuwang-tuwa ka... ngunit meron kang nabalitaan kinabukasan. Yung parehong buyer ng bahay mo ay binili ang tatlong katabi mong bahay. At ito ang nakakagalit, ang presyo: binili ang bawat isa ng Php 30 million! Ano ang mararamdaman mo? hehe... Marahil, kapareho ng naramdaman ng mga mangagawa sa talihaga ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon... Nadaya kami! Unfair! Hindi makatarungan! Kung tatawagan mo ang nakabili ng bahay mo, ang sasabihin n'ya lang sa 'yo ay: "Anung pakialam mo? E sa mabait ako at gusto kong bayaran ng 5o million ang lahat ng bahay! Inggetero!!!" Isa sa mga ugali nating mga tao na dapat nating bantayan ay ang pagkainggit. Tayo pa namang mga Pilipino ay mga taong ayaw maiisahan! Siguro hindi makatarungan sa ating paghuhusga ang ginawa ng nakabili ng bahay o ng may-ari ng ubasan. Ganito naman talaga ang pag-iisip ng Diyos. Sabi nga sa unang pagbasa: “Ang aking isipa’y di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa’t isip ko’y hindi maaabot ng inyong akala.” Sa halip na mainggit, ang nais ng Diyos sa atin ay maging mapagpasalamat sa lahat na ibinibigay niyang biyaya sa atin. Wag mong isipin na mas mayaman ang kapitbahay mo, mas matalino ang kaklase mo, may guwapo ang kaibigan mo, mas talentado ang kapatid mo... Tingnan mo ang sarili mo at makikita mong may ibinigay din ang Diyos sa iyo na wala sa kanila. Hindi ka lugi. Hindi ka dinaya.Wala kang dapat na kainggitan. Magpasalamat ka. Pagyamanin mo ang regalo niya sa iyo. Higit sa lahat, gamitin mo ito upang makatulong sa kapwa mo.  Ang talinghaga ay nagsasabi rin sa atin na ang ating Diyos ay lubos na mabuti. Hindi mapapantayan ang Kanyang kabutihan. Kahit na tayong mga makasalanan ay maaring gawaran ng kanyang pagpapala. Tayo ang mga "nahuhuling maaring mauna" kung gagamitin natin ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos upang magbagong buhay at mamuhay ng mabuti.  Ngayong Taon ng mga Layko, ay maging matapang tayo sa pagharap sa ating sariling kakulangan at kahinaan.  Huwag tayong matakot na hindi tayo mauunawan ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang umunawa at magpatawad sa atin.  Ang Diyos ay punong-puno ng awa at kagandahang-loob.  

Walang komento: