Sabado, Setyembre 10, 2016

TAYO'NG PABORITO NG DIYOS: Reflection for 24th Sunday in Oridinary Time Year C - September 11, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY

Araw ngayon ng ating mga lolo at lola!  Kung mayroon tayong pagdiriwang ng Mothers' Day para sa ating mga nanay at Fathers' Day naman para sa ating mga tatay, siyempre hindi natin makakalimutan ang ang ating mga Lola Nidora (na asawa Lolo Nidoro!) ngayong Grandparents Day!  Marahil may mga ilan sa inyo na paborito ng kanilang lola.  Isa na ako roon. Naalala ko pa kung paano ako binibigyan ng pera ng aking lola nung bata pa ako. Kukunin n'ya sa kanyang nakabuhol na panyo, na isinisilid niya sa kanyang dibdib, at ibibigay niya ito ng palihim sa akin para hindi ito makita ng aking mga kapatid. Kasi nga ako ang "Lola's Boy" ... ang paborito ng aking lola! Likas siguro talagang may itinatangi o paborito ang mga lolo at lola sa kanilang mga apo.  Pero ganun din ba ang Diyos?  Mayroon din ba siyang itinatangi?  Alam nating ang Diyos ay makatarungan.  Pantay-pantay para sa Kanya ang lahat!  Kung mayroon mang paborito ang Diyos sila ay walang iba kundi ang mga MAKASALANAN na handang magbalik-loob sa Kanya. Ang pagbabalik-loob ng isang taong makasalanan ay kagalakan para sa ating Diyos at dahilan upang magdiwang Siya ng isang tagumpay! Sa Ebanghelyo ay ikinumpara Siya sa isang pastol na naghanap at nakasumpong sa kanyang nawawalang tupa o kaya naman ay sa isang babaeng nakasumpong sa kanyang nawawalang salaping pilak. Lubos ang kanilang kagalakan sapagkat nagbunga ang kanilang ginawang paghahanap. Ito ang isang katotohanan na dapat nating maunawaan: tayong lahat, sa kabila ng ating pagiging makasalanan, ay paborito ng Diyos! At sapagkat paborito Niya tayo ay lagi Niya tayong hinahanap at hinihintay Niya ang araw na tayo ay Kanyang masusumpungan.  Kung ikaw man ay nakakaramdam ng pagkahiya o pagkamaliit dahil sa marami mong kasalanan ay lagi mong isipin na ang Diyos ay mapagtimpi. Sapat lamang na tayo ay magpakumbaba at aminin ang ating kakulangan at pagkakamali tulad ng ginawa ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa. Naunawaan ni San Pablo na "paborito" siya ng Diyos kaya't hindi siya nahiyang aminin ang kanyang pagiging makasalanan: "At ako ang pinakamasama sa lahat. Ngunit kinahabagan ako ng Diyos upang sa nangyari sa akin ay ipakita ni Kristo Hesus kung gaano siya katiyaga..."   Sa mga kaguluhang nangyayari ngayon sa ating bansa ay ito lamang ang epektibong solusyon na ibinibigay sa atin ni Jesus upang manumbalik ang kapayapaan at katahimikan sa ating pamumuhay.   Kung paano siya nagtiyaga at naghanap sa atin upang tayo ay ibalik sa Kanya ay dapat mayroong din tayong pagtitiyaga sa mga taong naligaw ng landas at pagpapatawad sa mga taong nanghahasik ng kaguluhan.  HIndi dahas o armas ang kasagutan sa kapayapaan.  Magkaroon man tayo nito ay panandalian lamang at hindi magtatagal uusbong na naman ang karahasan.  Ang pangmatagalang solusyon sa ating minimithing kapayaan ay ang ating pagtitiyaga na isulong  ito at pag-amin sa ating mga sariling pagkukulang at pagkakamali.  At kung may pagkakamali man ay dapat magtuloy-tuloy ito sa pagpapatawad.  Ito ang ipinakita ni Jesus para sa ating mga makasalanan.  Ito rin ang nais niyang ipakita natin sa mga taong naghahasik ng  karahasan at kaguluhan.  Maging instrumento tayo ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtitiyaga at pagpapatawad.  Ngayong Taon ng Awa nawa ay maipakita rin natin ang habag ng Diyos sa ating awa, unawa at gawa sa ating kapwa.  Hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang pagpatay o pagkitil ng buhay ng iba upang makamit lamang ang katarungan at mapairal ang kapayapaan.  Hindi ito ang pamamaraan ni Kristo.  Tandaan natin, kasama sila sa paborito ng Diyos kung taos puso ang kanilang nais na magbago.  Sino tayo upang ipagkait ito sa kanila?

Walang komento: