Sabado, Disyembre 17, 2016

KATAPATAN SA PAG-AALINLANGAN: Reflection for 4th Sunday of Advent Year A - December 18, 2016 - YEAR OF THE PARISH

Pitong tulog na lang at Pasko na!  Sa katunayan ay nasindihan na ang lahat ng kandila sa ating Korona ng Adbiyento.  Tunay ngang malapit na ang Pasko at nararapat lang na maging "Merry" ang ating "Christmas!"  May dahilan ipang tayo ay magsaya sapagkat una ay tinanggap natin noong unang Pasko ang pinakamahalagang "regalo"  na walang iba kundi si Jesus mismo, ang Diyos na sumasaatin.  Pangalawa, ang dala ni Jesus sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon ay "kaligtasan" para sa mga nanatiling tapat sa kanya!  Habang hinihintay natin ang pagdating na ito "sa wakas ng panahon" ay tinatawagan tayong tanggapin siya sa araw-araw na pagdating niya sa ating puso.  Kung paanong naging tapat ang Diyos sa tao ay gayundin naman, inaasahan niya ang ating matiyagang katapatan. Tunay nga na ang  Pasko ay pagdiriwang ng katapatan ng Diyos sa tao at ang sagot na katapatan ng tao sa Diyos. May isang Diyos na naging tapat sa atin sa kabila ng ating pagiging salawahan.  Isinugo niya ang Kanyang bugtong ng Anak dala ng Kanyang malaking pagmamahal sa sangkatauhan.  Ngunit paano ba natin sinasagot ito bilang mga tao?  Isang mister ang malapit na sa bingit ng kamatayan. Ipinatawag niya ang kanyang asawa at sinabi: "Alam mong bilang na ang mga sandali ko. Nais ko sanang mapayapa ang aking sarili bago ako mamatay. Tapatin mo nga ako, ako ba ang ama ng ating bunso? Napansin kong magkamukha ang panganay at kasunod ngunit napakalayo ang itsura ng ating bunso. " Sumagot ang babae: "Ano ka ba naman? Pinagdududahan mo ba ako? Tunay na anak mo yan no? Pero sigurado ako... Yung dalawa, kay kumpare 'yun!" Inatake sa puso ang mister! May karapatang magduda ang lalaki kung papaanong si Jose rin ay may karapatang magduda sa kanyang asawang si Maria. Bago sila magsama ay naratnan niyang nagdadalang-tao ito. Ano ang kanyang gagawin? Sapagkat isa syang taong matuwid at ayaw niyang ipahiya at ipahamak si Maria ay nagdesisyon na lang na iwanan niya ito ng tahimik. Katulad ng sino mang tao, si Jose ay pangarap sa buhay. Pangarap niya marahil ang magtayo ng pamilya. Isa siyang taong matuwid at alam ang kanyang gusto sa buhay. Nakita ng Diyos ang kabutihan ng puso ni Jose kaya't binigyan niya ito ng mas mabigat na responsibilidad: Ang maging ama-amahan ni Jesus at tagapag-alaga ng mag-ina! Hindi nabigo ang Diyos kay Jose. Tinanggap niya ng bukal sa loob ang bagong plano ng Diyos. Ganito rin ba ang aking reaksiyon kapag hindi nangyayari ang gusto ko? May plano ang Diyos sa atin na kung minsan ay taliwas sa ating gustong mangyari: Bumagsak ka sa board exam, nawalan ka ng trabho. Nasunugan ka ng bahay. Namatayan ka ng mahal sa buhay.... Mas madali ang magduda at mag-alinlangan... Pero katulad ni San Jose ay tinatawagan tayong manalig sa Diyos at sumunod. Ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya. Tandaan mo, ang Diyos ay lubos na nagtitiwala sa iyo tulad ng pagtitiwalang ipinamalas Niya kay Jose.  Bilang isang kumunidad, ito rin ang nais ng Diyos na gawin natin.  Sa kasalukuyang mga nangyayari ngayon sa ating lipunan ay mas nakikita ang pangagaliangang maging tapat tayo sa Diyos.  Maraming isyung kinakaharap ang ating bayan tulad ng death penalty, divorce, same sex marriage, extra-judicial killing, drugs at kriminalidad, corruption, etc.  Masasabi ba nating tapat tayo sa Diyos?  Ang Simbahan ay nananatiling tinig ng propeta na nagsasabing mali ang pagpatay, mali ang ilagay sa kamay ang pagpapatupad ng batas, mali ang korupsiyon, mali ang divorce at same sex marriage.  Nasaan ngayon ang ating paninindigan?  Tulad ni Jose, tinatawagan tayong maging tapat sa kalooban ng Diyos.  Ang pagpanig sa katotohanan kung minsan ay magdadala ng maraming pagsalungat ngunit tayo ay tinatawagang maging tapat.  Ang pagiging Kristiyano ay hindi naman popularity contest.  Ang sukatan ay ang ating katapatan kay Kristo!

Walang komento: