Mahigpit daw na ipatutupad ang pagbabawal sa mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon. Pero bakit ganoon? Kapag pinagbabawal ay mas lalo pang ginagawa! Bawal magsinungaling, bawal mangopya, bawal maleyt, bawal mag-absent, bawal magboyfriend (o girlfriend), bawal magmura, bawal magpaputok! Ang daming pagbabawal pero bakit marami pa rin ang gumagawa? Ang sabi ng iba ay masarap daw kasi ang bawal... tulad ng bawal na pag-ibig! Sa pagsalubong sa isang manigong bagong taon ay marami ring pagbabawal upang hindi malasin. Sabi ng isang text na aking natanggap: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Dinapuan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating kinabukasan. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." tayo ay pagpapalain ng Panginoon at tatawagin Niyang mapalad. Ito ang susi kung nais nating maalis ang malas at pumasok ang buenas sa taong ito.
PS: Baka makatulong din ito: 3 Mabuting bisyo sa Taong 2018: ALAK, SUGAL, BABAE:
ALAK: Alalahanin Lagi Ang Kapwa, SUGAL: Sa Umaga Gunitain Ang Lumikha, BABAE: Basahin Ang Biblia At Ebanghelyo. Simulan ang "bisyo" ngayong bagong taon! ALAK, SUGAL at BABAE PA MORE!!!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 31, 2017
Sabado, Disyembre 30, 2017
SUSMARYOSEP... PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - Year B - December 31, 2017 - YEAR F THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko. Siya ay ang "Emmanuel", ang Diyos na sumasaatin Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay. "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya. At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE.
Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!
Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!
Lunes, Disyembre 25, 2017
ANG SURPRESA NG DIYOS: Reflection for Christmas Day Year B - December 25, 2019 - Year of the Clergy and Consecrated Life
Nakatangap ka na ba ng regalo ngayong Pasko? Binuksan mo na ba? Ako, mamaya pa magbubukas ng mga regalo ko bago mag-alas dose kasi gusto ko ng may "element of surprise" sa pagbubukas ng aking mga Christmas gifts! Hindi ba nakakasurpresa ang magbukas ka ng gift na pagkaganda-ganda ng pagkakabalot at pagkatapos ang tatambad sa 'yo ay isang dosenang "Good Morning Towel?" Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis ka sa nagbigay! Yan ang napapala ng mahilig sa "surprise". Ngunit kahit ano pa man, gusto pa rin natin ang nasosorpresa tayo sa ating ginagawa at ito ay walang pinipiling katayuan sa buhay May kuwento ng isang tatay na may sakit na kanser ang tinanong ng kanyang anak: "Ita'y anong gusto mong gawin sa 'yo pag namatay ka na? Gusto mo bang ilibing sa lupa o i-cremate ka na lang?" sumagot ang matanda, "Bahala ka na anak? I-surprise mo na na lang ako!" hehehe... Ang lupet di ba? Mamamatay na lang "surprise" pa rin ang gusto! Minsa na rin tayong sinurpresa ng Diyos. Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan n,g surpresahin Niya tayo sa pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. "For God so love the world that He gave His only begotten Son..." At ang dahilan ay sapagkat minahal Niya ang mundo. Minahal Niya tayong lahat. Isa itong malaking surpresa sapagkat sinong mag-aakalang ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan upang muling itali ang napatid Niyang relasyon sa tao. Ang Pasko ay ang pagbibigay ng malaking surpresa ng Diyos sa tao! At ito nga ang ipinahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo: "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin." Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao. Mahirap maunawaan ang katotohanang ito! Mahirap matarok ng ating karaniwang pag-iisip ang ginawang ito ng Diyos. May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy. Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan. Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!" Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal: "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy? Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop. Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya! Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na "magkatawang-baboy. Ngunit ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip. Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha? Tanging Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng ganyan. Tayo rin ay ninanais ng Diyos na maging "surpresa" sa ating kapwa ngayong panahon ng Kapaskuhan. Bakit hindi mo subukang kausapin ang mga miyembro ng iyong pamilya na matagal mo ng hindi kinikibo? Sorpresa yan! Bakit hindi mo subukang magpatawad kahit na hindi ikaw ang mali. Masusurpresa ang kagalit mo! Bakit hindi mo tanggalin ang pag-iinom, pagsusugal, o ang anumang bisyong taglay mo? Sigurado ako, masusurpresa ang pamilya mo sa iyo! Nawa ang Paskong ito ang maging daan upang matularan natin ang surpresang ibinigay ng Diyos sa atin. Gawin nating makatotohanan ang pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano at magugulat na lang tayo na wala tayong kamalay-malay na nasurpresa na pala tayo ni Kristo!
Linggo, Disyembre 10, 2017
BAGONG SARILI: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year B - December 10, 2017 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE
Marahil ay nakadalo na kayo sa mga pagtitipon na kung saan ay may panauhing pandangal na naanyayahang magbigay ng pananalita. Karaniwan ay may mga taong naatasan na magpapakilala sa kanila bago sila tumayo at magbigay ng kanilang mensahe. Ginagawa ito upang mas madaling matanggap ng mga tao ang sasabihin ng naanyayahang panauhin. Sapagkat kung agad-agad siyang tatayo at magsasalita sa harap ng mga tao ay lalabas siyang estranghero at hindi sila maniniwala sa mga sasabihin niya. Kaya nga't mahalaga ang papel ng tagapagpakilala. Kung dakila at mahalaga ang panauhun ay dapat gayun din, dakila at kagalang-galang din ang tagapagpakilala. Kung isang congressman o senador ang magsasalita hindi maaring kagawad lang ng baranggay ang magpapakilala. O kaya naman ay kung obispo ang inimbitahang panauhin, hindi naman ata tama na sakristan lang ang magpapakilala sa kanya. Noong isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak ay nagpadala Siya ng mga tagapagpakilala. Sa kasaysayan ng Lumang Tipan ay nariyan ang mga propeta katulad ni Propeta Isaias na nagbigay ng mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sa Bagong Tipan naman lumabas ang katauhan ni Juan Baustista. Siya ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang "tinig na sumisigaw sa ilang." Kakaiba ang pagkatao ni Juan sapagkat ang kanyang pananamit at kinakain ay naiiba sa karaniwang tao. Nakadamit siya na hinabing balahibo ng kamelyo at balang at pulot pukyutan ang kanyang pagkain. Ngunit ang talagang nagpadakila sa kanya ay ang kanyang mensahe sa mga tao. “Pagsisihan ninyo’t
talikdan ang inyong mga kasalanan," May mga nakinig sa kanyang pangagaral ngunit may mga ilan ding nag-alinlangan at hindi pinakinggan ang kanyang panawagan. Ito rin ng panawagan sa panahon ng Adbiyento: Magpanibago at magbalik-loob sa Diyos! Ang kulay violet ay dapat magpaalala sa atin ng tunay na diwa ng ating paghahanda sa Adbiyento, ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kailan ba ang huling beses kang lumapit sa Sakramento ng Kumpisal? Baka naman masyado na nating pinatagal ang ating mga kasalanan at mistulang nagkakakalyo na ang ating budhi. Kaya nga't ang unang panawagan sa atin ay tapat na pagsusuri ng ating sarili. Pagkatapos nito ay ang tapat na pag-amin sa ating pagkukulang at mga pagkakamali. Kung kailangang magkumpisal ay dapat nating gawin ito. Ang pagkukumpisal ay ang panlabas na pagpapakita ng ating pagpapapkumbaba at pagsisisi sa ating mga pagkakamali. Higit sa lahat ito ay nagpapahayag na nais nating baguhin ang ating sarili at huwag na muling balikan ang dait nating masamang pamumuhay. Huwag tayong matakot lumapit sa Sakramentong ito na nagpapadama sa atin ng malaking pagmamahal ng Diyos. Kapag lumalapit na ang Pasko nais nating magkaroon ng bagong damit, bagong sapatos, kagamitan at iba pa. Hindi ba maaring ang hilingin naman natin ay ang isang "BAGONG SARILI?"
Sabado, Disyembre 2, 2017
KRISTIYANONG MAY AIDS: Reflection for First Sunday of Advent Year B - December 3, 2017 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Isang maligayang Bagong Taon sa inyong lahat! Ngayon ang unang araw sa Bagong Taon ng ating Simbahan. Ang Unang Linggo ng Adbiyento ay hudyat na tayo ay nagsisimulang muli ng ating Taong Liturhiko pagkatapos nating ipagdiwang ang Kapistahan ni Kristong Hari noong nakaraang Linggo. May kaibahan ang pagdiriwang ng bagong taon ng Simbahan sa nakagawiang pagsalubong natin sa pagpapalit ng taon. Kapansin-pansin dito ang kawalan ng ingay na dala ng mga paputok! Na nais ding pairalin ng pamahalaan sa pagpapalit ng taon. Magagawa kaya ito? Isang malaking goodluck sa pagpapatupad nito lalo na dito sa Tondo! Ang salitang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na ADVENTUS na ang ibig sabihin ay "pagdating." Dahil may darating kaya tayo ay naghahanda. Ngunit ito ay paghahanda na may ginagawa! Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy lang! May kuwento na may dalawang katulong na pinagbilinan ng kanilang amo na magtrabaho at huwag tatamad-tamad. May lakad siya sa umaga at sa kanyang pagdating sa gabi ay ayaw niyang makikita na wala silang ginagawa. Nagtrabaho naman ang dalawa ng buong araw at marahil dala na rin ng pagod ay kinuha ng isa ang remote control ng TV at nanood ng kanyang pinakaabangang teleserye sa kapamilya channel. Nagsisimula na ang Probinsiyano. Kapana-panabik ang mga eksenang tinutugis sina Leon at Agila ng kanilang mga kalabang sina Alakdan, Hipolito at Silva. Akala ng kanyang kasamang katulong ay Probinsiyano lang kanyang papanoorin. Aba, pagkatapos ng Probinsiyano ay itinuloy pa niya sa La Luna Sangre! At pagkatapos ay tinuloy nya pa rin ang panonood ng "The Good Son" at "Hwarang" . Itutuloy pa sana niya a Tonight with Boy Abunda ng tinawag na ang kanyang pansin ng kanyang kasamang katulong. "Inday! Ihinto mo na yan! Baka dumating na si Mam at malilintikan ka pag naabutan ka niyang nanonood ng TV!" "Bakit naman ako malalagot?" sagot ni Inday. "Hindi ba ang sabi niya na dapat ay hindi niya tayo dapat makitang walang ginagawa?" May punto nga naman si Inday. Mayroon siyang ginagawa. Ngunit ang ginagawa niya ay hindi tama. Hindi tama sapagkat hindi ito ang inaasahan ng kanyang among gagawin. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda sa muling pagdating ni Jesus na may ginagawa! At ito ay mangyayari sa araw at oras na hindi natin inaasahan.
“Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-unting tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ng Pagsilang ang pinaghahandaan natin kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo! Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet. Nangangahulugan ito ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito dapat ang diwa na mamayani sa atin sa buong Panahon ng Adbiyento. Ito ang tamang paghahanda na may ginagawa. Sa araw ding ito ay pinapaalala sa atin ang kamalayan at pagbibigay pansin sa mga nabiktima ng sakit na HIV-AIDS. Alam mo bang tayong mga Kristiyano ay maari ring mahawaan ng sakit na AIDS? Kapag ginagawa natin ang hindi dapat natin ginagawa o nagkukunwari tayong gumagawa ng mga kabutihan para sa iba, tayo ay may sakit nang AIDS. Marami sa atin ay "As If Doing Something" pero sa totoo lang ay wala naman ang tunay na diwa ng paglilingkod. Sa taong ito ay pinagdiriwang natin ang YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS. Tinatawagan nito ang mga hinirang ng Diyos na panibaguhin ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng temang: RENEWED SERVANTS LEADER FOR THE NEW EVANGELIZATION. Ngunit ito rin ay maaring pagtawag sa ating lahat upang gampanan ang ating mga tungkulin bilang mga itinalaga para kay Kristo. Sa Sakramento ng Binyag ay nabahaginan tayo ng pagka-hari ni Jesus, ang haring naglingkod sa halip na paglingkuran. Ihanda rin natin ang ating mga sarili sa Kanyang muling pagdating sa pamamgitan ng paglilingkod na may pagpapakumbaba at katapatan sa ating kapwa.
“Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-unting tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ng Pagsilang ang pinaghahandaan natin kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo! Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet. Nangangahulugan ito ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito dapat ang diwa na mamayani sa atin sa buong Panahon ng Adbiyento. Ito ang tamang paghahanda na may ginagawa. Sa araw ding ito ay pinapaalala sa atin ang kamalayan at pagbibigay pansin sa mga nabiktima ng sakit na HIV-AIDS. Alam mo bang tayong mga Kristiyano ay maari ring mahawaan ng sakit na AIDS? Kapag ginagawa natin ang hindi dapat natin ginagawa o nagkukunwari tayong gumagawa ng mga kabutihan para sa iba, tayo ay may sakit nang AIDS. Marami sa atin ay "As If Doing Something" pero sa totoo lang ay wala naman ang tunay na diwa ng paglilingkod. Sa taong ito ay pinagdiriwang natin ang YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS. Tinatawagan nito ang mga hinirang ng Diyos na panibaguhin ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng temang: RENEWED SERVANTS LEADER FOR THE NEW EVANGELIZATION. Ngunit ito rin ay maaring pagtawag sa ating lahat upang gampanan ang ating mga tungkulin bilang mga itinalaga para kay Kristo. Sa Sakramento ng Binyag ay nabahaginan tayo ng pagka-hari ni Jesus, ang haring naglingkod sa halip na paglingkuran. Ihanda rin natin ang ating mga sarili sa Kanyang muling pagdating sa pamamgitan ng paglilingkod na may pagpapakumbaba at katapatan sa ating kapwa.
Linggo, Nobyembre 26, 2017
KRISTONG HARI SA ATING KAPWA: Reflecion for the Solemnity of Christ the King Year A - November 26, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang Kapistahan ni Kristong Hari ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon o ang "Araw ng Paghuhukom". Ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos" at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo. Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo. Siya ay muling darating upang sulitin ang buhay na ipinagkaloob Niya sa atin at ang pananampalatayang ipinunla sa atin noong tayo ay bininyagan. Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon. Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda. Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan? Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo. Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan. Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila? Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba, ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi! Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw? Bakit natatakot akong tulungan sila? Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan. Hinihimok tayo ni Jesus na gamitin natin ang mata ng pananampalataya at hanapin natin siya sa mukha ng ating kapwa. At ito ang mahirap gawin. Si St. Mother Theresa ng Calcutta ay inihayag ang kanyang sikreto dito. Para sa kanya, ang matagal na pananatili sa harap ng Banal na Sakramento araw-araw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang makita ang mukha ni Jesus sa mga maysakit at mahihirap. Kaya nga hindi rin maaring isantabi ang pagsisimba at pagdarasal at sabihing tumulong na lang tayo sa ating kapwa. Mas nagiging tama ang ating intensiyon sa pagtulong kung alam natin ang dahilan kung bakit natin ginagawa ito. Sikapin nating ugaliin ang pagtulong at pagbibigay sa mga nangangaiangan. Tandaan natin na walang nagiging mahirap sa pagbibigay. Kung lubos-lubos ang biyayang ating tinatanggap sa Diyos ay dapat na lubos-lubos din ang ating pagbibigay. Kapag tayo ay nagbibigay ay napaparangalan natin si Jesus bilang ating Hari... ang Hari ng Awa at Pag-ibig! Mabuhay si Kristong Hari!
Sabado, Nobyembre 18, 2017
ARAW NG PAGSUSULIT: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 19, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Habang papalapit ang pagtatapos ng buwan ng Nobyembre, na kung saan ay ating inaalala at ipinagdarasal ang ating mga kapatid na yumao, tayo rin ay papalapit sa pagtatapos ng ating "liturgical year." Sa katunayan, sa susunod na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang dakilang kapistahan ni Kristong Hari na nagpapaalala naman sa atin ng pagsapit ng ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6) Pinapaalalahanan tayo nito na may sandaling haharap tayo sa Panginoon at magsusulit ng ating buhay. Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensaheng sinasabi sa atin ng mga paalalang ito at iyon ay ang ating pagiging handa. Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin sa araw na hindi natin inaasahan. Ang pagsusulit na ito ay ang magsasabi kung nagamit ba natin ng mabuti ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon. Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa. May nabasa ako minsan na ganito ang sinasabi: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas!" Inspiring ba? Ito ang motto ng mga taong tamad! Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali. Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad. Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga sa talinhagang isinalaysay ni Jesus? May ginawa ba s'yang masama? Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo. Ano ang pagkakamaling nagawa niya? Wala! Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa! At ito ang ipinagkaiba ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon ang salapi sa lupa; akala niya ata ay tutubo ito na parang isang halaman. Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo; iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang lamang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin. Wag na wag nating idadahilan na kaunti lang ang ibinigay sa akin ng Panginoong biyaya. Kaunti na nga at wala pa tayong ginawa! Nalulungkot ako sa mga kabataang mahina na nga sa pag-aaral ay nakukuha pang mag-"cutting" o mag-"one day" at magbabad sa computer shop kasama ang barkada. O kaya naman ay isang mahirap na ama ng tahanan na wala na ngang makain ang pamilya ay nakukuha pang magsugal at uminom. Kakaunti na nga ang biyaya ay wala pang ginagawa! Naniniwala ako na wala namang taong gustong maging mahirap, mayroon lang mga taong tamad magtrabaho. Wala namang batang bobo, mayroon lang tamad sa pag-aaral. Tatapusin ko sa isang kuwento: May isang batang may kahinaan sa pandinig ang minsang umuwi pagkatapos ng kanyang klase at may dala-dalang sulat mula sa kanyang guro. Ayaw na nitong pabalikin si Tom sa klase sapagkat hirap daw mag-aral at hindi makaintindi ng aralin. Ngunit hindi naniwala ang kanyang ina na bobo ang kanyang anak na si Tom. Pinagtiyagan niya itong turuan at ipinaunawa sa kanyang anak na hindi siya mangmang at kaya niyang matuto. Pagkalipas ng maraming taon, karamihan sa mga tao sa buong mundo ay nagbigay ng pagpupugay kay Tom noong siya ay mamatay sa pamamagitan ng pagpatay ng kanilang ilaw sa loob ng isang minuto. Si Tom ay walang iba kundi si Thomas Edison na syang nag-imbento ng bombilya na ating ginagamit ngayon. Lahat tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng buhay. Ito ay regalo Niya sa atin at kung paano natin ito ginamit ay ang magiging regalo namang ibabalik natin sa Kanya!
Sabado, Nobyembre 11, 2017
CHECKMATE: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year A - November 12 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Isa sa maraming kinahihiligan nating laro ay ang larong CHESS. Mapabata man o matanda, babae o lalaki, mayaman o mahirap, ay maaring maglaro nito. Ginagamit natin dito ang ating malikhaing pag-iisip upang matalo natin ang ating kalaban. Kaya nga ang larong ay sinasabi para lamang sa mga nag-iisip. Kaya nga kung minsan ay inaasar natin ang mga ating mga kaibigan kapag nakikita nating naglalaro ng chess na: "Uy, pangmatalino yan ah! Marunong ka palang mag-isip!" Upang manalo sa larong ito ay kinakailangan mong paghandaan ang galaw ng iyong kalaban. Pangalawa, 'wag kang sugod ng sugod sa paggalaw ng iyong mga piyesa, At higit sa lahat ay protektahan mo ang iyong "hari". Hindi ba't ang larong ito ay para ring nagsasalamin sa ating buhay? Kung minsan ay pabigla-bigla tayo sa ating mga desisyon sa buhay. Sugod tayo ng sugod. Hindi natin pinag-iisipang mabuti ang susunod nating galaw. Hindi natin pinoprotektahan ang ating "Hari." Kaya ang kinalalabasan ng ating laro... CHECKMATE! Sa laro ng ating buhay ay kinakailangan nating gamitin ang ating isip. Gamitin natin ang karunungang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Paghandaan natin ang mga mangyayari sa ating buhay lalo na ang mga suliranin at pagsubok. Ang Ebanghelyo sa linggo ay nagbibigay sa atin ng isang magandang aral: Maging matalino tayo. Paghandaan ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Protektahan ang ating "Hari." Ang talinhagang isinalaysay ni Jesus ay patungkol niya unang-una sa mga Hudyo na hindi pinaghandaan ang kanyang pagdating kaya't hindi rin sila naging bukas sa kanilang pagtanggap sa Kanya. Ngunit ito rin ay patungkol ng Diyos sa atin. Una, maging matalino tayong mga Kristiyano. Gamitin natin ang ating "karunungan" upang mabuhay sa biyaya ng Diyoa at ayon sa kanyang kaloooban. Maging tuwid ang ating pagpapasya lalo na kung ang hinihingi nito ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Batid natin na masama ang kahahantungan ng isang maling desisyon ngunit bakit pa natin ito ipinagpapatuloy? Alam nating mali ang isang relasyon na ating pinasok ngunit bakit ayaw nating kumalas? Alam nating ang pagsuway sa utos ng mga magulang ay hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos ngunit bakit matigas pa rin ang ating ulo at patuloy ang ating paglabag sa kanilang pinag-uutos> Pangalawa, maghanda tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay. Ang malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo ay ang marami pa tayong oras at mahaba pa ang ating buhay. Ang katotohan ay hindi natin hawak ang oras ng ating buhay. Maari tayong tawagin ng Panginoon at ngayon ay babagsak ka sa iyong kinatatayan at hihinto ang iyong paghinga. Kaya nga mahalaga ay lagi tayong handa. Ang buong buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin nito. Ang mga nauna na sa ating namatay, (UN-DAS) silang mga unang natodas, ay nagsasabi sa ating mabuhay tayo para sa Panginoon. Isabuhay ang ating mga pangako sa binyag at gumawa ng maraming kabutihan na siyang babaunin natin pagharap sa Diyos Ama. Panghuli ay protektahan natin ang ating "hari." Alagaan natin ang biyaya ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa atin. Huwag nating hayaang kainin ng ating pang-araw-araw na alalahanin at suliranin ang ating pananampalataya sa Kanya. Mas madali ang maging hangal kaysa maging mabuti. Mas madali ang magpabaya kaysa maging responsable sa buhay. Mas maluwag ang daan patunging impiyerno kaysa langit. Ngunit sa huli, ang gantimpala ay mapupunta sa mga nagsikap at nagtiyaga, sa mga naging matalino at matuwid ang pamumuhay. Huwag nating hayaang sa huli ay ma-CHECKMATE tayo ng "kalaban."
Sabado, Nobyembre 4, 2017
PETMALUNG GAWA: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - November 5, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
May isang malaking barko, isang inter-continental ship ang papalubog sa gitna ng dagat. Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit. Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay. Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu. Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!" sabay talon sa dagat. Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump, at sumigaw siya ng "Long live America!" at sabay talon sa dagat. At siyempre, papahuli ba naman ang ating presidente Digong? Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa mo... PETMALU!!!" May mga tao ngang namang iba ang ang salita sa kanilang gawa. Katulad din ito ng pag-ibig na nasusukat hindi sa tamis ng pananalita kundi sa ipinakikitang sakripisyo ng isang tunay na nagmamahal. Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa ang sa kinalaunan ng kanilang pagsasama ay naghihiwalay pagkatapos ng kanilang matamis na sumpaan sa harap ng altar. Nakalimutan nilang sila ang gumagawa ng kanilang kasal. Tapat na gawa at hindi lang matatamis na salita ang sukatan ng isang matatag na pagsasama. Ang pagtutugma ng salita at gawa ay makikita rin sa ating mga namumuno. Ang isang tunay na pamumuno ay "leadership by action." Tapat siya sa kanyang mga salitang binitawan at ipinangako. Mayroon siyang isang salita at pinatotohanan ito ng kanyang tapat na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ni Jesus na pakitang-tao ang mga Pariseo sa kanyang kapanahunan. Ang sabi niya sa kanila bilang tagapagturo ng batas: "....gawin ninyo ang
itinuturo nila at sundin ang kanilang
iniuutos. Ngunit huwag ninyong
tularan ang kanilang gawa, sapagkat
hindi nila isinasagawa ang kanilang
ipinangangaral." Ito rin ang konteksto kung bakit pinagbawalan ni Jesus na gamitin nila ang katagang "guro" o "ama" sapagkat hindi sila karapat-dapat sa ganitong mga taguri. Ito rin ang mensahe ni Jesus sa ating pangkasalukuyang panahon. Unang-una ay para sa ating mga hinirang na pinuno, mapalipunan man o simbahan, nararapat lang na dapat isabuhay nila ang kanilang mga itinuturo at binibitawang pananalita. Maging mapagkumbaba kung sakaling hindi matupad ang mga ipinangako at magsumikap na ito ay maisakutuparan sa tamang paraan. Ikalawa, ito rin ay para sa ating lahat na mga binyagan; maging tapat tayo sa ating mga pangako sa binyag. Totoo, hindi tayo ang gumawa ng mga pangakong ito, ngunit ito dapat ay inangkin natin noong tayo nagkaroon na ng sapat na kamalayan at kalayaang magtalaga ng ating sarili sa ating Panginoong Jesukristo. Panghuli, sinimulan natin ang buwang ito ng Nobyembre sa pagdiriwang ng "todos los Santos" o ang kapistahan ng "lahat ng mga Banal." Sila ang ating inspirasyon na maari pa lang pagtugmain ang salita at ang gawa! Pinatunayang ng kanilang pamumuhay na hindi imposible ang magpahayag ng ating pananamapalataya kay Kristo at mabuhay ng marangal sa mundong itong nababalot ng kultura ng kamatayan at materyalismo. Pangatawanan natin ang ating pagiging Kristiyano. Magparaya tayo para sa ating mga kapatid ngunit huwag nating itulak ang iba upang masabi lang na tayo ay "petmalu" sapagkat hindi ito nagpapakita ng totoong "werpa!" Ang tunay na Kristiyano ay hindi baligtad magsalita. Tuwid ang kanyang salita sapagkat sinasamahan niya ito ng "petmalung" gawa!
Miyerkules, Nobyembre 1, 2017
UNDAS: Reflection for ALL SOULS DAY - YEAR A - November 2, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS? Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text. Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo! hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe... Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin! Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO? Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin? May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS! Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Siyempre, joke lang ito. Ang UNDAS ay nagmula sa salitang kastilang UNDRAS na ang ibig sabihin ay "respect for the dead" o pagbibigay galang sa mga patay. Pero bakit ang pagdalaw at "pagbibigay galang" sa mga patay ay November 1 natin ginagawa? Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro. Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!" Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin. Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa. Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal". Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito. Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon. Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos: "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!" Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian. Ang pagdiriwang din ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon. Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya. Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa. Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo. Samahan ka ng mga santo. Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."
Martes, Oktubre 31, 2017
TODOS LOS SANTOS: Reflection for All Saints Day Year A - November 1, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala ng buhok. "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka? tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan. Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun! Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun! Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!" sagot ni Pedro. "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay. "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko! Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal." Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit. Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na titnatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa. Bagamat wala man ang kanilang pangalan sa hanay ng mga banal ay alam naman natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan. Balang araw ay kasma na rin tayo sa tinagurinag TODOS LOS SANTOS!
Linggo, Oktubre 29, 2017
TANDA NG PAG-IBIG: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 29, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Mahalaga sa ating mga Katoliko ang "tanda ng krus." Sa katunayan, lahat ng ating mga panalangin ay pinangungunahan nito. Sa mahahalagang ritwal ito ay itinatanda natin sa ating mga sarili. May mga ibang Katoliko pa nga na ginagamit ito sa walang kabuluhang bagay tulad ng sa paglalaro ng basketball, volleyball at kahit na boksing. May iba naman na ginagamit ang tanda ng krus kapag nagugulat o kapag natatakot. Gaano ba kahalaga sa atin ito. Ito ang unang tanda na ating tinaggap noong tayo ay bininyagan. Ito ang tatak ng ating pananampalataya. Ang tatak ay mahalaga sapagkat ipinapakita nito ang halaga ng isang bagay. Halimbawa ay ang mga branded t-shirts na adidas o nike. Kung ang mga ito ay "orig" ay mahal ang mga ito. Ngunit kung ang mga ito ay nabii lamang sa divisoria, maaring peke ang mga ito at dahil d'yan ay mumurahin! Ang tatak ng krus ay tunay na pagpapakita ng kadakilaan ng pagmamamahal ng Diyos sa atin. Dito siya nag-alay ng kanyang buhay upang tuparin ang kalooban ng Ama at ibalik sa atin ang ating kaligtasan. Dito niya ipinakita sa atin ang kahalagahan ng dakilang utos ng pag-ibig na ipinapahayag ng "vertical" at "horizontal dimension" ng ating pananampalataya. Nang si Jesus ay tanungin kung ano ba ang pinakamahalaga sa kautusan ay ibinigay niya ang buod ng 613 na batas na kanilang sinusunod. May katwiran ang katanungan ng dalubhasa sa batas kung ibabatay natin ito sa napakaraming detalyadong kautusan na pilit nilang isinasabuhay. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang matuwid dahil literal nilang tinutupad ang sinasabi ng batas ngunit kulang naman sa pagsasabuhay ng diwa nito ay ang mga taong mapagpaimbabaw at ang pagsamba nila ay nasa salita lamang. Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili at baka naman nagiging katulad na tayo nila. Ang dalawang dakilang utos na ito ay dapat parang mga sapatos na suot suot natin sa ating mga paa. Hindi naman tayo nagsusuot ng sapatos na isang paa lang ang gamit. Dapat dalawa! Ganun din sa pagsunod sa batas ng pag-ibig. Hindi maaring Diyos lang ating mahal at hindi ang ating kapwa. Ganun din naman hindi mo masasabing mahal mo ang kapwa mo kung hindi ka kumikilala sa Diyos. Ngayong Taon ng Parokya sikapin natin maging ganap ang ating pagmamahal upang maisabuhay natin ang dakilang utos ni Jesus. Ang "communion of communities" ay maisasakatuparan natin kung pinaghaharian tayo ng tunay na pagmamahal... pag-ibig sa Diyos... pag-ibig sa kapwa!
Sabado, Oktubre 21, 2017
KATOLIKONG PINOY: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 22, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Sino ba ang Katolikong Pinoy? Kapag nahaharap ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman sa pamamalakad ng gobyerno ay agad-agad na ipinapasok ng kanyang mga kritiko ang usapin ng "separation of Church and State" na para bagang sinasabing walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan. Meron ba talaga? Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya ito na hindi lamang magsalita kundi rin kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang kanan at kaliwang paa?" sabay lapit sa ibon na tila hahawakan na ang dalawang paa nito. Biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! Huwag subukan gawin yan! Malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Saligang Batas para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa aral ni Kristo at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Maging matapang sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino. Ang namayapa na Santo Papang si Pope Paul VI na ngayon ay isa ng "Blessed", na bumisita dito sa atin noong 1970, ay nagmistulang propeta sa pagsasabi sa tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa mga darating na taon na kung saan ang Simbahan ay haharap sa maraming pagsalungat. Pagkatapos ng limampung taon ay tila nagkakatotoo nga ang kanyang ipinahayag kung ano dapat ang "identity" ng Simbahan sa ating kasalukuyang panahon. Una, ay ang pagiging Simbahang Makatarungan. Ang sabi ng Santo Papa, "If you want peace, work for justice." Ito ay totoong totoo sa atin ngayon. Kung bakit hindi natin makamit ang kapayapaang ating minimithi ay sapagkat hindi pa rin maibigay sa lahat ang katarungang nakalaan para sa lahat. Isa na d'yan ang pagyurak sa ating "human rights". Hindi ba't nagkaroon pa nga ng panukula na gawing Php 1,000 lang ang budget ng Human Rights Commission? Ito ba ang pagpapahalaga natin sa ating pansariling katarungan? Kasama din dito ang hindi makatarungang mga pagpatay o "extra juducial killing" na hanggang ngayon ay hindi pa rin makilala at mahuli ang mga gumagawa nito. Pangalawa ay ang pagiging Simbahang Maawain. Pinagnilayan natin ito noong Year of Mercy. Sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon ay nakikita ng ibang mas madaling paraan ang pagpatay sa mga taong masasama. Mas madali ang maghusga kaysa umunawa. Kaya nga ang paanyaya sa atin ni Pope Francis ay ibahagi natin ang awa at malasakit ng Panginoon lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig at nakakaligtaang kalingain ng lipunan. At ang pangatlo ay ang pagiging Simbahang Misyonero. Ang sabi ng Santo Papa, "the Church exist in order to evangelize!" Ibig sabihin ay mawawalan ng saysay ang Simbahan kapag hindi niya magampanan ang tungkuling magpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Sa ating kasalukuyang panahon ay ginagawa ito ng Simbahan sa walang takot na paninindigan at pagtuturo ng aral ni Kristo sa mga usapin tulad ng death penalty, extra juducial killing, abortion at contraception, divorce at same sex marriage, at marami pang iba. Kalimitan ay natutuligsa ang Simbahan at tila baga nagiging kalaban ng makabagong isipan at pag-unlad. Ngunit nananatiling matatag ang paninindigan ng Simbahan sa mga paniniwala nito kahit ito pa man ay hindi popular sa mas nakararaming tao. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon ng Parokya, bilang "Communion of Communities" ay maipapakita natin ang pagiging iisang Simbahan sa pagiging mabuting anak ng Diyos at pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan. Be good Christians and honest citizens! Ito ang pagiging Katolikong Pinoy!
Sabado, Oktubre 14, 2017
MAKALANGIT NA PIGING : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang sarap maimbitahan sa isang salo-salo! Masarap kumain lalo na't libre! Lalo na tayong mga Pilipino, mahilig magpakain kapag may okasyon. Mahilig tayong maghanda kapag may pagdiriwang. May pakain tayo kapag may bininyagang bata. May pakain din sa araw ng kaarawan, sa araw ng pagtatapos, sa kasal, at kahit maging sa patay, wala tayong pinatatawad basta't paghahanda ng salo-salo. At dahil ito ay "salo-salo" ay nag-iimbita tayo ng mga bisita. Mas marami mas masaya! Dito ay walang pagkakaiba ang mahirap sa mayaman. Nais nating mapasaya ang maraming tao sa ating pagsasaluhang handaan. Naalala ko noong ako ay isang bagong pari pa lamang at nagmisa sa kapistahan ng isang barrio. Pagkatapos ng Misa ay kaliwa't kanan ang nag-imbita sa akin na kumain sa kanilang bahay. Ako naman, upang mapasaya ang mga taong iyon, ay nangakong pupunta sa kanilang mga bahay. Nakakalimang bahay pa lang ako ay parang sumusuko na ang aking sikmura! Paano ba naman, sa limang bahay na pinuntahan ko ay pare-pareho ang handa, parepareho ang luto ng ulam: menudo, kaldereta, dinuguan, pansit. Ikaw kaya ang kumain sa limang bahay na pare-pareho ang lasa ng pagkain? Pero gayun pa man ay hindi ko sila binigo! Tinikman ko lahat ang kanilang inihanda. Masama ang loob ng hari na naghanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki sapagkat sa huling sandali ay umatras ang kanyang mga inimbitahan sa salo-salo. Paano nga naman itong tatawing salo-salo kung walang kasalo? Magiging SOLO-SOLO sa halip na SALO-SALO ang kainan. Kaya't napalitan siyang tawagin ang mga tao sa lansangan upang maipagpatuloy pa rin ang dapat na masayang piging! Ang talinhangang ito ay unang patungkol ni Jesus sa mga Hudyo na unang nabiyayaan ng imbitasyon na makibahagi sa piging ng kaharian ng Diyos, ngunit hindi nila tinanggap ang kanyang paghahari noong isinugo niya nag kanyang Anak. Kaya't ibinaling ng Diyos ang kanyang paanyaya sa kanyang bagong bayang hinirang! Tayo ang bayang iyon na tumanggap kay Jesus bilang ating Diyos at tagapagligtas. Ang paanyayang ito ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang salo-salo na ating ginagawa sa tuwing tayo ay nagsisimba at dumadalo sa Santa Misa ay nagpapahayag ng ating pakikiisa at pagtugon sa paanyaya ng Diyos na makibahagi ng masaya sa Kanyang inihandang piging. Ito ay sumasalamin sa tunay na piging na kung saan ay makakapiling nating Siya magpakailanman at magpasawalang hanggan. Kaya't ang Banal na Eukaristiya ay tinatawag din nating "heavenly banquet", isang makalangit na pagsasalo na kung saan ay tinatanggap natin ang biyaya ng kaligtasan. Ugaliin sana natin ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon kung wala namang sagabal o hadlang sa ating mga sarili. Mas nagiging ganap ang ating pakikiisa sa Misa kung nakikisalo tayo sa iisang Katawan ni Kristo. Ngunit tandaan natin na ang Katawan ni Kristo ay hindi lang naman ang Banal na Ostiang ating tinatanggap. Ito rin ay ang Katawan ni Kristong nananahan sa ating kapwa. Kaya nga kung nagpahayag tayo ng "amen" sa ating pagtanggap kay Jesus, na nangangahulugan ng ating pagsang-ayon, dapat lang na tanggapin din natin ang ating kapwa anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Marahil madaling tanggapin ang mga kaaya-aya sa atin subalit ang hamon sa atin ay mahalin din ang mga "unlovables" kung tawagin. Kasama na rito ang mga taong may sama tayo ng loob at ang ating mga kaaway. Kaya din ba natin silang tanggapin? Magiging masaya ang pagsasalo-salo sa Banal na Piging kung tatanggapin natin ang lahat tulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos. Ngayong Taon ng Parokya ay ipakita natin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nalalayo sa ating Simbahan at sa mga taong naisasantabi ng lipunan. Ang Banal na Piging ay para sa lahat. Wala itong itinatangi sapagkat tayo ay iisang Simbahang nagsasalo-salo sa PIGING NI KRISTO!
Sabado, Oktubre 7, 2017
LIFE IS UNFAIR: Reflection for 27th Sunday in Ordinary TimeYear A - October 8, 2017 - SEASON OF CREATION
"Life is not perfect!" Kung paanong walang perpektong tao ay gayun din naman, wala ring perpektong buhay! May isang lalaking pilit na hinahananp ang perpektong babae para sa kanya. May nakilala siyang magandang babae sa FB. Pero ng maka-eyeble nya ay di naman pala ganun kakinis ang mukha. Naduktor lang pala ng apps na pampaganda. May nakilala uli siyang maganda na at seksi pa! Akala niya ay siya na ang perfect girl para sa kanya. Nang lapitan niya ay ang angas naman ng pag-uugali. Sa huli ay nakilala niya ang isang babaeng "nasa kanya na ang lahat", maganda, seksi, mahinhin kumilos at magsalita. Siya na nga ang perfect gitrl na hinahanap niya! Ngunit laking pagkalungkot niya ng pagkatapos lamang ng ilang araw na pagpapakilala sa isa't isa ay bigla na lamang umalis at hindi na nagpakita sa kanya ang kanyang "perfect girl", Ang dahilan? Hindi daw siya ang perfect boy na hinahanap n'ya! Totoong walang perpektong tao sa mundo. Wala ring perpektong buhay! May mga taong ginagawa ang lahat para maging perpekto ang kanilang anyo. May mga "Xander Ford" na gusto ng iwan ang pagiging "Marlou" sa ngalan ng katanyagan at kasikatan. Ang sabi ng mga natural na guwapo "Life is unfair! Paano naman kaming ipinanganak na gwapo o maganda?" Pero dapat nating tandaan: "Life doesn't have to be perfect to be wonderful." Posible talaga ang pagiging "UNFAIR" ng buhay! Sa unang pagbasa at ebanghelyo ay ipinapakita sa atin ang pagiging unfair ng tao sa kanyang pagsagot sa kagandahang loob ng Diyos. Sa aklat ni Propeta Isaias ay narinig natin na ginawa ng lahat ng may-ari ng ubasan upang magkaroon ng magandang bunga ang kanyang mga tanim na ubas ngunit ang ibinunga nito ay maaasim na prutas . Sa Ebanghelyo naman ay narinig natin ang hindi patas na trato ng mga kasama ng may-ari ng ubasan sa mga isinugo ng may-ari upang kunin ang parte niya sa inani. Pagkatapos ng kanyang mga ginawa para mapaganda ang ani ng ubasan ay karahasan sa mga isinugo at pagpatay sa kanyang sariling anak ang kanilang isinukli. Talaga nga namang hindi pantay ang nangyayari sa buhay. Ang sabi ni Bill Gates: "Life is unfair; get used to it!" Bagamat hinahangaan ko si Bill Gates ay hindi naman ako sang-ayon sa sinabi niya. Ang pagkakawalang bahala sa mga maling nangyayari sa ating lipunan ay lumilikha ng "Culture of impunity", na kung saan ay pinababayaan na lang nating maghari ang kasamaan sa ating paligid at nagiging katanggap-tanggap sa atin ito. Nariyan na ang mga di makatarugang pagpatay na dala ng War on Drugs. Bakit nga ba ang karamihan sa mga pinapatay ay mahihiirap? Pareho din sa kasalanan laban sa kapaligrian. May mga taong kayang sumira ng kalikasan at kabuhayan ng tao sa ngalan ng pag-unlad at personal na interes tulad ng makasariling pagpapayaman. Ang mga taong ito ay walang kaalam-alam na sila ay nagkakagaw ng "ECOCIDE" o ecologial suicide na kung saan ay ikapapahamak ng ating mundo. Ang panawagan ng Santo Papa Francisco sa kanyang sulat na "Laudato Si" ay sikapin nating magkaroon ng ECOLOGICAL EDUCATION at ECO-SPIRITUALITY upang magkaroon tayo ng kaalaman sa pagsolusyon sa ating dinaranas na ECOLOGICAL CRISIS. Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay hinahamon tayong huwag balewalain ang pagdaing ng ating Inang Kalikasann. "Life is not always fair, but God is always faithful." Sikapin nating huwag magwalang bahala sa harap ng maraming kamalian sa ating paligid. Isabuhay natin ang pagiging RESPONSIBLE STEWARDS na naatasan ng Diyos na alagaan at pagyamanin ang kanyang mga nilikha.
Sabado, Setyembre 30, 2017
THE GOOD SON: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - October 1, 2017 - SEASON OF CREATION
Linggo, Setyembre 24, 2017
ANG KABUTIHAN NG DIYOS AT ANG KABUUANG EKOLOHIYA (INTEGRAL ECOLOGY) : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2017 : SEASON OF CREATION
Isa sa mga ritwal na ating ginagawa sa pagdiriwang ng Misa ay ang pagbibigayan ng tanda ng KAPAYAPAAN bago ang pagtanggap ng komunyon. Noong ako ay bata pa, ito ang aking pinakaaabangang bahagi ng Misa sapagkat pagkakataon ito upang makaalis sa aking lugar na kinalalagyan at lumapit sa mga taong nais kung lapitan upang sabihan ng malakas na "Peace be with you!" Ngunit ngayong ako ay matanda na, sapat na sa akin ang lumingon sa kanan, kaliwa, likuran at iyuko ang aking ulo ng bahagya habang pabulong na sinasabi ang "Peace be with you!" Anyare? Ganun ka rin ba? Tila baga nagiging mekaniko na ang bahaging ito ng Misa at nawawala na ang tunay na kahulugan ng pagbibigay ng mahalagang tandang ito. Sa Hebreo ang kapayapaan ay ang salitang SHALOM. Karaniwang itong sinasabi ng isang Hudyo kapag may nakakasalabong siya sa kayang paglalakad o kaya naman ay kapag magbibigay siya ng kanyang paunang pagbati sa isang kalipunan. Ngunit ang "shalom" ay hindi lang simpleng pagbati ng "Peace be with you!" Ang salitang "shalom" ay nangangahulugan ng kaganapan, wholeness, completeness. Ito ang sitwasyon na kung saan ay nangyayari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Ibig sabihin ang kapayapaan ay nakakamit natin kung mabuti ang ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at maging sa ating kapaligiran dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa ating lahat! Ang lahat ay magkakaugnay at ito ang nagpapakita ng kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang Diyos ay lubos na mabuti at kailanman ay hindi matatanto ng tao ang kanyang kabutihan. Hindi natin maiintindihan ang Kanyang pag-iisip. Hindi natin mauunawaan kung bakit patuloy Niyang pinasisikat ang kanyang araw sa mga taong mabubuti at masasama. Ito ay sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao: "For my thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways." (Isaiah 55:6) At sa ganitong konteksto dapat intindihin ang Talinhaga ng mga Manggagawa sa ubusan. Ang dapat bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa. Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod. "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15) ang tanong niya sa mga umaangal sa kanilang sahod na tinanggap. Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay. He is a generous God! Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya. Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw, at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan. Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin. Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay. Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain. Huwag aksayahin ang ating pagkain. Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin. Ito ang pagpapakita natin ng pasasalamat sa kabutihan ng ating Diyos. Ingatan natin ang ating mundo na marupok: "Fragile, handle with care!" Ang "Integral Ecology" ay nangangahulugan ng "integral approach" upang matugunan ang krisis na unti-unting sumisira sa ating iisang tahanan na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.
Sabado, Setyembre 16, 2017
UGAT NG PANG-EKOLOHIKAL NA KRISIS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 17, 2017 - SEASON OF CREATION
Sa unang linggo ng Panahon ng Paglikha ay pinagnilayan natin ang biyaya ng pagkakaroon ng "iisang tahanan" o "common home" na ang tawag natin ay mundo. Sa ikalawang linggo naman ay ang responsibilidad na kaagapay ng biayayang "iisang tahanan" na ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Ngayon namang ikatlong linggo ng Panahon ng Paglikha ay nais ng ating Simbahan na pagnilayan natin ang "ugat ng krisis na pang-ekolohikal" o "roots of ecological crisis." Tunay ngang isang malaking krisis ang ating kinakaharap ngayon. Isang krisis na kapag hindi natugunan ay maaring magbunga ng pagkasira nating lahat! Ano ba ang pinagmulang nito? Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya ay tila kasabay naman ang pagbagsak ng ating pagpapahalagang pan-tao na makikita natin sa unti-unting pagsira sa ating kapalagiran. May kuwento ng isang minero na ang kanyang trabaho ay ang pagtatapyas ng bato. Isang araw, habang siya ay nagtatapyas ng bato ay napansin niyang lubhang napakainit ng sikat ng araw. Sobrang init na halos ikahimatay niya! Dahil dito, nasabi niya sa kanyang sarili: "Sana naging araw na lang ako upang hindi ko nagdurusa sa init na ito!" Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sariling nasa itaas at nagbibigay ng init sa ibaba. Tuwang-tuwa siya sapagkat naging araw siya! Ngunit panandalian lang pala ang ganitong pakirmdam. Bigla na lamang may makapal na ulap na tumabing sa kanya. Naharang ang kanyang init sa lupa kaya't nasabi nya sa kanyang sarili: "Sana, naging ulap na lang ako! May malakas pa pala sa araw!" At muli nakita niya ang ang kanyang sarili bilang ulap na tumatabing sa araw. Nang bigla na lang umihip ang malakas na hangin. Itinaboy siya sa malayo at wala syang magawa para labanan ito kaya't muli niyang sinabi sa kanyang sarili: "Sana naging hangin na lang ako!" At gayun nga ang nangyari. Napakalaka niya bilang hangin. Lahat ay yumuyuko sa kanya sa tuwing siya ay dadaan ngunit may isang hindi natinag sa kanyang lakas. Isang bundok ang humarang sa kanya at hindi niya ito mapagalaw man lang. Kaya't muli niyang sinabi: "Sana, naging bundok na lang ako!" Nang maging bundok siya ay natuwa siya sapagkat di makapanaig sa kanya ang hangin. Ngunit laking pagkalungkot niya ng may maramdaman siyang tila may tumatapyas sa kanyang paanan. At nakita niya ang isang minero na unti-unting inuubos ang kanyang paanan. Nasaan kaya ang problema ng taong iyon? Wala sa araw, ulap, hangin at maging bundok. Ang problema ay nasa kanyang sarili. Hindi siya masaya sa kanyang sarili kaya't hindi niya rin magawang magpasalamat kung anung mayroon siya at kaya n'yang gawin! Balikan natin ang tanong na kung ano ba ang ugat ng tinatawag nating "Ecological Crisis". Walang kasalanan ang kalikasan sa mga kahirapang nararanasan natin ngayon. Ang ugat ng pagkakasala ay ang tao mismo. Matigas ang kanyang ulo. May kayabangan siya. Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ipinagkatiwala ng Diyos. At dahil dayan ay hindi siya naging MABUTING KATIWALA! Sa talinhaga ng Ebanghelyo, ano marahil ang dahilan kung bakit hindi nagawang magpatawad ng aliping pinatawad ng kanyang hari? Wala siyang pusong marunong magpasalamat! Sa laki ng pagkakautang na pinatawad sa kanya ay dapat nagkaroon siya ng making pagtanaw ng utang na loob sa kanyang panginoon at dahil diyan ay magagawa niya ring magpatawad sa iba. Ang ugat ng Ecological Crisis na kinasasangkutan ng mundo natin ngayon ay ang tao rin na hindi marunong magpasalamat sa Diyos. Ito ay nagdadala sa atin ng kawalan ng utang na loob at dahil dito ay hindi natin magampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa Kanyang mga nilikha. Ito ang nagdadala sa atin upang maging makasarili at mawalan ng pananagutan sa Kanya. Kaya nga't nawika ni San Pablo sa mga taga-Roma na "Walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang..." Ang ugat ng Ecological Crisis ay ang kawalan ng pananagutan ng tao sa mga ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya. Sa ikatlong linggo ng ating Panahon ng Paglika ay magbalik-loob tayo sa Diyos. Baguhin natin ang ating puso at pag-iisip upang matugunan natin ang krisis ng pagwawalang bahala at matupad natin ang hinihingi ng ating pagiging mabuting katiwala ng Diyos.
Sabado, Setyembre 9, 2017
PAKIKIALAM PARA SA KALIKASAN: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 10, 2017 - SEASON OF CREATION & YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ikalawang Linggo na ngayon ng PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation. Sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng "pakikialam" sa ating kapaligiran at kalikasan. Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan. Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay huwag na huwag naming babanggitin ang "Salesian blasphemy". Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas ang mga salitang ito sa aming bibig. Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito at lalo na't nagiging kabahagi na ito ng aming pagkatao. Ano ba ang "blasphemy" na ito? Simple lang. Ito ay ang kataga sa wikang ingles na "It's none of my bussiness!" Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission". Anong ibig sabihin nito? Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataong gawin ito. Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin! Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan." May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero." Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan sa mga panahon ngayon ay "nakikialam" sa mga nangyayari sa ating lipunan. May kaibigan akong nagpahayag sa Facebook ng kanyang pagkadismaya sa Simbahang Katoliko sapagkat patuloy daw ang pagbatikos sa programa ng pamahalaan laban sa droga o "War of Drugs". Sinabi ko sa kanya na ito ay kasama sa tungkulin ng Simbahan. Ang Simbahan ay isang propeta, katulad ng mga propeta sa Lumang Tipan nagpapahayag ng kanilang mensahe mula kay Yahweh, kapag ang isang hari o namumuno ay hindi na gumaganap sa kanyang tungkulin at tumatalikod na sa Diyos. Dahil dito ang propeta ay hindi tanggap sa kanyang sariling bayan sapagkat hindi tangap ng mga tao ang mapait na katotohan. At ang Simbahan ay hindi kailanman tatalikod sa tungkuling ito na iniatang sa kanyan ni Kristo lalo na't ang niyuyurakan ay ang tungkol sa mabuting pamumuhay at pananampalataya. Kaya nga wag nating batikusin ang ating mga namumuno sa Simbahan kapag nagpapahayag sila ng paninindigan laban sa pagpatay, death penalty, korapsiyon sa pamumuno, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao. Ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin! Hindi ito pangingi-alam sa pamahalaan. Ito ay mabuting pangingialam upang maituwid ang kamalian. Magalit tayo kapag ang Simbahan ay piniling manahimik na lamang sa mga kamaliang nangyayari sa ating lipunan! Ngunit ang ating pakikialam bilang mga Kristiyano ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin: pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa. Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent." At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran. Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan. Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.) Nangangailangan ito ng pagbuhay ng ating "social conscience" na mangyayari lamang kung ang bawat isa sa atin ay may "informed conscience". Kaya nga ang pakikipaglaban para sa kalikasan ay dapat magsimula muna sa ating lahat, Ngayong Taon ng mga Praokya ay sama-samang ipakita natin na may buong tapang na may pakialam tayo sa isa't isa para sa kapakanan ng ating kalikasan. Ang tema ng Season of Creation ngayong taong ito ay naakma: "Let us celebrate and care for the earth as our "common home" as communion of communities!"
Sabado, Setyembre 2, 2017
MANLILIKHA O MANINIRA? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - September 3, 2017 - SEASON OF CREATION
Pumasok na ang "ber months" at ito ay naghuhudyat sa atin na papalapt na ang Panahon ng Kapaskuhan. Sa katunayan ay may mga maririnig ka ng Christmas carols na pinatutugtog sa mga radyo o kaya naman ay makakikita ka na ng mga Christmas decors sa mga shopping malls. Ngunit huwag tayong magmadali sapagkat bago ang Panahon ng Kapaskuhan ay mayroon muna tayong Panahon ng Adbiyento o Paghahanda. At bago ang Panahon ng Adbiyento, sa ating arkediyosesis ay may sinimulan na "bagong panahon" sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan. Ito ang PANAHON NG PAGLIKHA o ang SEASON OF CREATION. Nagsisimula ito sa unang araw ng Setyembre at magtatapos sa kapistahan ni San Fransisco ng Asisi sa ika-apat ng Oktubre. Ang Panahon ng Paglikha ay apat na linggong pagdiriwang, pagninilay at panalangin na nakatuon sa pagpapahalaga sa inang kalikasan na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Ang Diyos bilang Manlilikha ay ginawa ang mundo at ibinigay sa atin bilang ating "common home" na dapat nating ingatan, pangalagaan at pagyamanin. Dahil dito ay ginawaran N'ya rin tayo ng kapangyarihan maging manlilikha ngunit sa kasawiang palad ay hindi natin ito nagagampanan ng mabuti. Sa halip na maging "manlilikha" ay mas nangigibabaw ang ating pagiging "maninira" ng ating kapaligiran at ng ating kalikasan. Sa Encyclical Letter ng ating Santo Papa Francisco na pinamagatang "Laudato Si" ay tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung ano na ang nangyayari sa "tahanang" ipinagkatiwa ng Diyos sa atin: What is happening to our common home?" Kitang-kita naman natin at ramdam na ramdam ang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligran. Ang pabago-bagong panahon at klima, ang sobrang init at malakas na ulan, ang malawakang pagbaha at pagdumi ng mga ilog at karagatan, ang nagbibigay sa atin ng signos o hudyat na unti-unti ng nasisira ang ating "common home". Kailan kaya tayo matututo? Tuloy pa rin kasi ang masasamang gawain tulad ng iresponsableng pagmimina at pagsira ng natural na eco-system sa ngalan daw ng pag-unlad. Laganap pa rin ang "throw-away culture" sa bawat isa sa atin na kitang-kita sa pagsasayang ng pagkain at pagtatapon ng mga basura sa ating paligid. Wala pa rin tayong pakialam sa pagkasira ng ating "tahanan". Oras na marahil upang baguhin natin ang ating pananaw sa mga nangyayari sa ating paligid. Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip..." At ano ba ang takbo ng makamundong pag-iisip? Ito ang ipinakita ni Pedro ng pinagsabihan niya si Jesus na huwag nawang itulot ng Diyos na siya ay maghirap. Ano ang sagot ni Jesus kay Pedro? "Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao." Ang makamundong pag-iisip ay ang pag-iwas sa paghihirap at sakripisyo. Ang pag-aalaga sa ating tahanan o common home, ay nangangailangan ng malaking sakripisyo sa ating mga sarili. Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay pagdidisiplina sa ating sarili. Ang pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig ay hindi madaling gawin at nangangailangan ng pakikiisa at pagtutulungan nating mga mamamayan. Tandaan natin na tayo ang nakatira sa mundong ito. Nasa ating mga kamay ang pag-aalaga at pag-iingat sa mga biyaya ng kalikasan na ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoong Diyos. Nawa ay magising na tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat. Sa unang Linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay maging mabubuti tayong katiwala ng ating iisang tahanan o common home! Sa ating pangangalaga sa inang kalikasan ang Diyos ang ating pinapupurihan. "Laudato Si!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)