Sabado, Enero 20, 2018

MATULAD SA ISANG BATA: Reflection for the Feast of the Sto. Nino - Year B - January 21, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!"  Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño."  Kaya nga't kung pag-iisipang mabuti ay hindi lang para sa mga bata ang kapistahang ito kundi para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood.  Kaya't batiin natin ang bawat isa ng "Happy Feastday!"  Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata."  Bakit? Ano bang meron sa isang bata?  May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos.  Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord,  bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike.  Pero wala pa rin siyang natanggap.  Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary.  Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar.  Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!"  Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme.  Direct to the point!  Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili.  Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..."  Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito.  Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata.  Una ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan.  Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano.. ang pagtitiwala.  Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.  Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay.  Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos!  At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan.  Pangalawa ay ang pagiging tapat at totoo sa ating sarili.  Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali.  Ang matatanda ay laging "denial" sa kanilang mga pagkukulang.  Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili.  Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo.  Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa.  Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas.  Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at magbigay saksi sa Kanya.  Tandaan nating lahat tayo ay minsan ng dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga katangiang ito.  Ang sabi nga ng isa pang kanta: "Matanda ngunit bata pa rin ang bawat tao sa ating mundo."  Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos.  Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga.  Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!

Walang komento: