Sabado, Marso 3, 2018

BUHAY NA TEMPLO (Reposted & Revised): Reflection for 3rd Sunday of Lent Year B - March 4, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Minsan ay may nagtanong sa akin kung puwedeng misahan ang kanilang patay sa bahay.  Sinabi ko na sa ating parokya, ang karaniwang patakaran ay hindi pinapayagan ang misa sa loob ng bahay. Sa halip na misa ay maari itong bigyan ng pari o diakono ng "Funeral Blessing."  Maaari lamang idaos ang Misa kung ang patay ay nasa loob ng punerarya o ipapasok sa loob ng simbahan.  Dalawang dahilan ang ibinigay ko: Una, pag-iingat ito upang hindi makapagmisa sa bahay ang pekeng pari, nagpapanggap o maaring kabilang sa ibang kulto o sekta.  Ikalawa, sapagkat noong minsang nagpunta ako sa isang bahay upang magmisa ay ito ang naratnan ko:  Una, napakarumi ng lugar. Nang tinanong ko ang may patay kung bakit hindi nila nililinis ang kanilang bahay ay sumagot silang "masama daw  maglinis kapag may patay" sabi ng mga matatanda.  Mas pinaniniwalaan pa nila ang pamahiin kaysa kalinisan ng pagdadausan ng Banal na Sakramento.  Pangalawa, may bumibirit sa Videoke na para bagang nagbabalak sumali sa "Tawag ng Tanghalan sa Showtime". At pangatlo, ayaw huminto ng mga nagsusugal at nag-iinuman sa lamay. At sa aking palagay ay tama lang naman dahil hindi nabibigyang rispeto ang pagdiriwang ng Banal na Misa; ibig sabihin ay hindi rin nabibigyan ng tamang paggalang ang Diyos! Walang kaibahan ito sa kawalan ng paggalang ng mga Judio sa loob ng templo na siyang dahilan ng ikinagalit ni Jesus sa mga nangangalakal sa Templo.  Nagalit siya sapagkat hindi nabibigyan ng paggalang ang bahay ng Diyos. Sa katunayan ito ay nagiging lugar pa ng pandaraya at panlalamang sa kapwa. May karapatan siyang magalit sapagkat nilalapastangan ang templo na tahanan ng Diyos. Ngunit higit pa sa gusali ang templong kinakailangan nating igalang ay ang ating katawan. Ang sabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Ang tinutukoy niya ay kanyang katawan. Tayo rin ay naging templo ng Diyos noong tayo ay bininyagan. Nanahan sa atin ang Espirit Santo at ginawa tayong kanyang tahanan. Dapat din nating igalang at alagaan ang ating katawan bilang templo ng Diyos.  Ngayon ay maiintindihan natin kung bakit ganun na lamang ang pagtatanggol ng Simbahan sa buhay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Para sa ating Inang Simbahan, ang buhay ay regalong nagmula sa Diyos na dapat nating ipagpasalamat, pahalagahan at ipagtanggol.  Kaya nga't may tungkulin tayong alagaan ang ating kalusugan, umiwas sa bisyo tulad ng alak, sigarilyo at droga na maaring makasira sa ating katawan.  Katulad ng ating paggalang at pag-aalaga sa ating katawan ay tinatawagan din tayong igalang ang buhay ng iba sapagkat sa kanila rin ay nanahan ang pagiging templo ng Diyos.  Kaya nga't ipanagbabawal ang pagpatay o pagkitil ng buhay "mula sinapupunan hanggang libingan." Paano natin isasagawa ang mga ito? Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin naman, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa. Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga BUHAY N'YANG TEMPLO!

Walang komento: