Sabado, Mayo 19, 2018

BANAL NA KULASISI : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 20, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon ano kaya? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa). Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e.. dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga! " Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! At batid din naman natin na ang "kulasisi" ay dahilan ng pagkasira ng pamilya at relasyon.  Ang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito."  Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan.  Ang hatid ng Banal na Espiritu ay KATOTOHANAN at hindi kalituhan!  At ito ang napapanahong pangangailangan ng ating mundo, ang mabuhay sa katotohanan at hindi kasinungalingan.  Ang ating mahal na Cardinal ay nagpapaalala sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag sapagkat nakararanas tayo ngayon ng "krisis ng katotohanan" dahil sa mga nagdaang pangyayari sa ating lipunan.  Kung babasahin natin ang mga kasalukuyang pangyayari gamit ang mata ng pananampalataya ay sasang-ayon tayo na talagang may krisis tayo sa katotohanan.  Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu!  Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.  "Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking lipunan?  Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa.  At higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo ay KABANALAN.  Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan.  Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak.  Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang mapuspos tayo ng pagkakaisa, katotohanan at kabanalan.

1 komento:

Unknown ayon kay ...

Panginoon sa tulong at biyaya ng iyong Banal na Espiritu nawa ay pagkalooban mo kami ng pusong
maunawain, may kababaang loob , pagmamalasakit, pag-ibig sa aming kapwa at isip na puno sa kapayapaan. Amen.