Sabado, Abril 6, 2019

UMUNAWA... HINDI MANGHUSGA: Reflection for the 5th Sunday of Lent Year C - April 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Ang ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din sa ingles na "Passion Tide."  Kung papasok kayo sa simbahan sa panahong ito ay makakakita kayo ng kakaiba... mga estatwang nababalutan ng telang kulay lila (violet).  Ang mga estatwang ito, maliban sa krusipiho, ay mananatiling nakatakip hanggang bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Bakit dapat silang takpan?  Ginagawa ang pagtatakip sa mga estatwa upang bigyan tayo ng kakaibang pakiramdam sa nalalapit na mahahalagang araw na ating ipagdiriwang.  Hindi lang kakaibang pakiramdam ang ibinibigay nito kundi pati na rin ang pag-aasam na sana ay dumating na agad ang pagdiriwnag ng pagkabuhay ni Jesus upang muli nating masiganan ang mga imahaeng nagtataas ng ating pananampalataya sa Diyos.  Ngunit higit sa lahat ay upang mas higit nating maituon ang ating sarili sa paghihirap ni Jesus lalo na sa mga pagbasang ating maririnig habang lumalapit na ang mga Mahal na Araw.  Katulad na lang ng magandang pagbasa ngayong Linggo. Kung paanong noong nakaraang Linggo ay hinikayat tayong maging maawain katulad ng ating Ama, ngayon naman ay hinihikayat tayong maging "maunawain" sa ating kapwa at iwasan natin ang agad-agad na panghuhusga.  May nakakatuwang kuwento tungkol sa mag-amang lumuwas sa bayan kasama ang kanilang alagang "patpating" kabayo.  Natural na pinasakay ng tatay ang anak sa kabayo dahil may kalayuan ang paglaalkabay.  Ngunit ng makita sila ng mga tao ay agad nakarinig sila ng pagpuna.  "Wala namang utang na loob at paggalang ang batang ito sa kanyang ama.  Nakita na niyang matanda na ang kanyang ama at pinaglalakad niya ito.  Bakit hindi niya pasakayin sa kabayo?"  Nang marinig ito ng dalawa ay agad nagpalit sila ng puwesto.  Ngunit nakarinig uli sila ng pagpuna.  "Tingnan mo ang matandang ito. Walang pagmamalasakit sa anak!  Bakit hindi siya ang maglakad? Kawawa naman ang bata!"  Sa huli, nagdesisyon silang pareho na lang silang sumakay sa kabayo.  Ngunit ng makita ito ng mga tao ay awang-awa nilang sinabing: "Kawawang kabayo... masyadong pinahihirapan ng mag-ama!  Ang payat-payat na nga pareho pa nilang sinasakyan!" At ang sumunod na eksena... buhat-buhat ng mag-ama ang kabayo!  Kung minsan ay napakadali nating pumuna at manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala!  May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology".  Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan.  Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali.  Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran.  Tayong mga tao nga naman!  Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon".  Nais nilang siluin siya upang may maiparatang sila sa kanya.  Hinusgahan na rin nila ang babaeng nakiapid na makasalanan at dapat mamatay.  Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isa ang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!"  Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga.  "Who am I to judge?"  ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis.  Lahat naman tayo ay makasalanan.  Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa.  May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan.  May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala.  Ang Simbahan ay para sa mga taong ito.  Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao.  Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos.  Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus.  Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain.  Magmahal upang tayo rin ay mahalin.  Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa.  

Walang komento: