Linggo, Setyembre 8, 2019

THE "BER" MONTHS and SELF-GIVING: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year C - YEAR OF THE YOUTH AND SEASON OF CREATION

Pumasok na tayo sa tinagurian nating BER months.  Bakit nga ba BER MONTHS ang tawag sa mga buwang darating.  Ito raw ang dahilan: Sa September daw kasi ay pinagdiriwang natin ang BERtday ni Mama Mary, Ang October naman daw ay ang buwan ng BERhen ng Santo Rosaryo.  Sa November naman daw ay we rememBER the faithful departed. At sa December ang ang BERtday ng Panginoong Jesus!  Astig di ba?  Ngunit marahil, marami sa atin ang iniisip na kapag pumasok na ang BER MONTHS ay malapit na ang Pasko.  Ngayong araw ding ito ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria.  Bagamat hindi natin maipagdiriwang sa liturhiya ng Linggo ang kapistahan ito, sa kadahilanang hindi maaring palitan ng anumang kapistahan ng sinumang mga banal na tao ang "Araw ng Panginoon", maliban na lamang kung ito ay "solemnity" o dakilang kapistahan, ay atin pa ring dapat alalahanin at ipagdiwang ito sapagkat malapit ang ating puso sa Mahal na Birheng Maria.  Ngayon din ay ang araw ng mga lolo at lola natin. Inaalala at ipinagdarasal natin sila ngayong "Grandparents' Day". Sila man ay buhay pa o pumanaw na ay gayun na lamang ang ating pagpupugay sa kanila sa maraming sakripisyong kanilang binata na nagpapakita ng kanilang malaking pagmamahal sa atin.  Ang buwan ng Setyembre ay ang itinalaga rin ng Simbahan na "Panahon ng Paglikha" o Season of CreationAng Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay ang paglalaan ng Simbahan ng panahon sa ating Liturgical Calendar upang parangalan ang ating Diyos na Manlilikha at upang paalalahanan din tayo ng ating kaugnayan sa mga nilikha ng Diyos bilang kanyang mga anak.  Tatagal ang pagdiriwang na ito hanggang sa ika-apat ng Oktubre, na kapistahan ni San Francisco ng Asisi. Ito ang ating kasagutan bilang mga Kristiyano sa mga suliranin na ating kinakaharap sa ating kapaligiran at kalikasan. Ano ba Panahon ng Paglikha? Una sa lahat, ang Panahon ng Paglikha ay pagbibigay pugay at parangal sa Diyos na Manlilikha na patuloy na nangangalaga sa atin.  Ito ang unang pinapahayag natin sa ating Pananampalataya sa tuwing tayo ay nagsisimba pagkatapos ng homiliya ng pari.  Nararapat lang na ibalik natin sa Diyos ang lahat ng pasasalamat at papuri sapagkat nilikha Niya ang lahat ng "mabuti". Ikalawa, ang Panahon ng Paglikha ay nagbibigay sa atin ng pagninilay na dapat tayong maging mapagkumbaba. Tayo ay ginawa lamang ng Diyos na kanyang mga katiwala o "stewards" kaya wala dapat tayong ipagmalaki o ipagyabang.  Kayabangan ang dahilan kung bakit dumaranas tayo ngayon ng pagkasira ng kalikasan at ang masidhing epekto nito sa ating pamumuhay.  Isang "kayabangan" na ating ipinapakita ay ang "throw-away culture!"  Ito ay ang walang hambas na pagtatapon ng basura kung saan-saan.  Huwag nating isisi sa Diyos ang pagbaha sa tuwing bumubuhos ang malakas ng ulan.  Hindi ang Diyos ang nagtatapon ng mga basurang bumabara sa ating mga estero at mga tubig daluyan kundi tayong "mayayabang na tao!"  Isama na natin sa ating kayabangan ang pagdura o pagdumi kung saan-saan!  Tandaan natin na hindi tayo ang may-ari ng kalsada o ng daanan kung kaya wala tayong karapatang dumihan ang mga ito!  Panatilhin nating malinis ang ating paligid bilang pagpaparangal sa ating Diyos na Manlilikha.  Ito ang konkretong katibayan ng pagiging tunay na mga anak ng Diyos at alagad ni Kristo, ang pagiging STEWARDS of the "mysteries of God".  Isa pang katangian ng tunay na alagad ni Jesus ay ang pagiging tapat na lingkod na handang magsakripisyo o "magbuhat ng kanyang krus" para kay Kristo.  Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tumutukoy sa pagiging alagad ni Jesus, na handa niyang iwan ang lahat sa kanyang buhay upang sumunod sa Kanya.  Ito ang paalala sa atin ni Jesus ngayon sa Ebanghelyo: "Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko."  Ibig sabihin ang pagiging alagad ni Jesus ay hindi madali, walang "short cut"... pinaghihirapan!  Isang tatay ang umuwi ng bahat at bigla niyang binuhat ang kanyang asawang nagluluto.  Nagulat si misis at sinabi sa asawa:"Ano ba ang nakain mo at binubuhat mo ako?  Kung natatandaan ko ay huling ginawa mo yan ay pagkatapos ng tayo ay ikinasal ten years ago!"  Ang sagot ni mister: "Wala lang, napagdaan kasi ako sa Simbahan at narinig ko sa paring nagmimisa na dapat daw nating "buhatin ang ating mga krus" kung nais nating sumunod kay Kristo!"  Yun naman pala!  Ano ba o sino ba ang mga itinuturing kung krus sa aking buhay?  Maari itong mga tao, o mga sitwasyon sa buhay tulad ng mga problema sa trabaho, pamilya, pag-aaral. At bakit hindi? Maari ring ito ang mga obligasyon at responibilidad natin na sa pag-aalaga ng ating kapaligiran!  Ang mga krus na ito ay mabubuhat natin kung lalagyan natin ng pagmamahal ang ating ginagawa.  Ang sabi muli ni St. Mother Theresa ng Calcutta: Not of all us can do great things, but we can do small things with great LOVE!"  Maglingkod tayo sa Diyos bilang kanyang mga tapat na alagad na may pagmamahal.  Tandaan natin na ang tunay na pagmamahal ay may kasamang sakripisyo.  "This is the meaning of truelove, "  ang sabi ni St. Theresa, "to give until it hurts!"  May kasamang paghihirap ang pagbibigay sapagkat may nawawala dapat sa ating sarili kapag nagbabahagi ng tayo. Ibig sabihin ay masasaktan tayo kapag tayo ay nagbigay bilang mga alagad ni Kristo!  True love hurts!

Walang komento: