Biyernes, Setyembre 25, 2020

ANG IKATLONG ANAK: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - September 27, 2020 - 4th SUNDAY IN SEASON OF CREATION - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Actions speak louder than voice!
  Isa ito sa mga kasabihang natutunan ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang. At habang tumatanda ako ay mas nauunawan ko ang kahulugan nito! Lalo na sa aking pagmiministeryo bilang pari, lagi kong naiisip ang mga katagang ito sa tuwing ako ay nangangaral o nagbibigay ng homiliya sa Misa. Baka naman kasi ang mga sinasabi ko ay hindi tugma sa aking ginagawa... tatawanan lang ako ng mga nakikinig sa akin. Hindi ko sila mapapaniwala!

Katulad ng kuwento ng isang negosyanteng nagbebenta ng "ballpen" sa isang paaralan. Kinausap niya ang administrator at masigasig na prinomote ang kanyang produkto. Halos isang oras siyang nagsalita at nagpaliwanag tungkol sa galing at ganda ng kanyang paninda. Buo na ang loob ng administrator ng school na kumuha ng 1,000 pirasong ballpen. Kaya lang nang isinusulat na ng negosyante ang order sa kanyang kuwaderno ay biglang napasigaw ang bumibili: "Teka, wag na lang! Ayaw ko na! Hindi na ako oorder!" Laking pagkagulat ng negosyante at tinanong niya kung bakit. "Alam mo, isang oras mo akong nililigawan para bilhin ang produkto ninyong ballpen. Ang dami mong magagandang sinabi. Napaniwala mo ako. Pero nang isinusulat mo na ang order ko... e nakita kong ibang brand ng ballpen ang ginamit mo! Ang ikinilos mo ay hindi tugma sa iyong panagsasabi!  

Ang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay isang mensahe ng babala at pag-asa para sa ating lahat.  Una ito ay BABALA na huwag tayong maging kumpiyansa sa pagsasabing "Ako'y Kristiyano!" Tandaan natin na "Ang tunay na Kristiyno ay nakikilala sa kanyang gawa hindi sa kanyang salita!" Pansinin ninyo ang ikalawang anak na nagsabi ng Opo at hindi naman sumunod sa utos ng kanyang ama.  Bakit kaya hindi siya summunod?  Marahil ay hindi malinaw sa kanya ang dapat niyang gawin.  Marahil ay maraming "distractions" sa daan at nalihis ang kanyang landas sa kanyang layunin.  Marahil ay nagkulang siya sa "focus"  o kaya naman ay talagang wala sa loob ang kanyang pagsasabi ng opo!  Bagamat ang talinhaga ay itinukoy ni Jesus sa mga Hudyo na hindi tumanggap sa panawagan ni Juan Bautistang magsisi sa kanilang mga kasalanan, ito rin ay ipinatutukoy niya sa atin na minsan nang nagsabi ng OPO sa ating pagsunod kay Kristo ngunit patuloy tayo sa pagsuway sa pagtupad sa kalooban ng ating Ama.   

Kaya nga ang ikalawang mensahe para sa ating mga makasalanan ay PAGA-ASA, na may pagkakataon tayong itama ang ating mga pagkakamali dala marahil ng ating kahinaan. Siguro ay katulad tayo ng nakatatandang kapatid na nagsabi ng "ayoko po!" Sa tuwing nilalabag natin ang mga utos ng Diyos ay ito ang ating sinasabi. Ngunit sa ating pagbasa, ipinakita sa atin na maaring baguhin ang pagtangging ito. Sa kahuli-hulihan ay nagawang sumunod ng nakatatandang kapatid. Tayo rin, ay laging may pag-asa na itama ang ating mga maling desisyon sa buhay!  Hindi tayo alipin ng kasalanan. Tinubos na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo. Kaya nga may pag-asa tayong magbagong buhay.  

Kung bibigyan ako ng kalayaang dugtungan ang talinhaga ay maglalagay ako ng ikatlong anak. Siya ang nagsabi ng "opo" at pagkatapos ay sumunod sa utos ng kanyang ama! At sino ang anak na ito? Walang iba kundi si Jesus. Siya ang pangatlong anak sa talinhaga.  At gusto N'ya na sana ay tayo rin ay maging ikatlong anak! Sumagot na tayo ng "opo" noong tayo ay nangako sa binyag at kumpil. Nangako na tayong tatalikuran ang kasalanan at sasampalataya sa Diyos.  Ang kinakailangan na lamang ay ang pagsunod. Saan mo nakikita ang iyong sarili sa talinhaga?  Baka naman Kristiyanong laban o bawi tayo? Baka naman mahilig tayong magsabi ng OPO ngunit ito naman ay madalas napapako?  Mabuti pa ang UMAAYAW ngunit pagkatapos naman ay GUMAGALAW! Kapag inilaban mo na ang iyong OPO ay wag mo ng bawiin. Ang tunay na Kristiyano ay may isang salita. 'Pag nangako kang magpapakabait, gawin mo! 'Pag nagkamali ka uli, ituwid mo! Ang Diyos naman ay laging handang umunawa sa kahinaan mo.  

Sa kabila ng ating kahinaan ay nais ni Jesus na maging mga "kapatid" niya tayong handang magsabi ng OPO at handang patunayan ito sa ating tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos.  Dito ngayon sumasaloob ang ating commitment o tapat na pagtatalaga ng sarili bilang mga Kristiyano.  Nasa ika-apat na Linggo na tayo ng Panahon ng Paglikha at ngayong papalapit na ang pagtatapos nito ay hinihingi naman ang ating "Ecological Commitment" na tayo ay magiging Kanyang mga masunuring anak na handang maging mga mabuting katiwala ng Kanyang mga nilikha.  Kailangan nating ipagtanggol ang pag-aalaga sa kalikasan sapagkat ito ay "buhay" na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Ang paalala nga ng ating Santo Papa Francisco:  "The destruction of human environment is extremely serious, not only because God has entrusted the world to us, but because human life itself is a gift which must be defended."   Nawa'y maging mabubuti Niya tayong mga anak!  "Laudato Si!"


Walang komento: