Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 6, 2019
ANG HIWAGA NG KAMBAT: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year C - July 7, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ano ba ang ibig sabihin ng NEW EVANGELIZATION? Para kanino ba ito at ano ang kinalaman ko dito bilang isang ordinaryong Kristiyano? May kuwento ng tungkol sa HIWAGA NG KAMBAT... ang mga KATOLIKONG PANIKI. Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!" Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking bininyagan! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang, sila ay ang mga "Sacramentalized but not evangelized." KAMBAT ang tawag sa ganitong uri ng mga Kristiyano. Akala nila na dahil pumasok sila ng Simbahan ay nagiging Kristiyano na sila. Akala nila na dahil nagsisimba sila ay mga tapat na silang tagasunod ni Kristo. Nakaligtaan nila na ang pagiging Kristiyano ay may kasamang "pagsusugo" katalad ng ginawa ni Jesus sa kanyang mga alagad. Ang pagsusugo sa pitumpu't dalawang alagad ay upang maipalaganap nila ang paghahari ng Diyos. "Humayo kayo, sinusugo ko kayong parang parang mga kordero..." ang sabi ni Jesus. Sapagkat "marami ang aanihin at kakaunti ang mga mag-aani!" Tinanggap nating lahat utos na ito noong tayo ay nabinyagan. Tinawag din tayo ni Jesus na itayo ang Kanyang paghahari dito sa mundo sa kasalukuyang panahon. Ang tawag dito ni St. Pope John Paul II ay "NEW EVANGELIZATION." Huwag tayong magkakamaling isipin na ito ay para lamang sa iilang pinili ni Jesus. Hindi lamang ito gawaing iniatas sa mga obispo, pari o mga relihiyoso. Sa ating Ebanghelyo ay narinig natin ang pagsusugo ni Jesus sa pitumpu't dalawang alagad upang tulungan Siya sa pagpapalagananp ng Mabuting Balita. Tayong lahat din, sa bisa ng ating Binyag ay isinusugo rin ni Jesus. Hindi natin kinakailangang lumayo sapagkat sa ating mga tahanan ay maari na nating siumulan ang gawaing ito. Isinusugo tayo ni Jesus na ilapit sa Kanya ang ating mga magulang, anak, kapartid, kapitbahay at ang ating mga kaibigan. Ibahagi natin si Jesus sa paraang kakaiba. Ipakilala natin si Jesus sa paraang naangkop sa makabagong takbo ng panahon. Mula sa paggamit ng cellphone hanggang sa internet, social networking sites at iba pang hi-tech na pamamaraan ay maaari nating ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo. Tingnan mo ang nilalaman ng mga pakikipagtalakayan ninyo lalo na sa social media kapag kayo'y nagchachat. Pasok ba si Kristo sa mga pinag-uusapan ninyo? May lakas ng loob ka bang magbanggit ng mga espirituwal na bagay sa mga kasama mo sa bahay o sa iyong mga kaibaigan? O baka naman ikinahihiya mo ang iyong pagiging Kristiyano? Mangako tayo na magdadala tayo ng kaibigan kay Kristo lalo na ang mga "kristiyanong-paniki" na patuloy pa rin sa paglipad-lipad sa labas ng simbahan. Ang pagsusubuhay ng ating pananampalataya ay ang epektibong paraan upang masunod natin ang utos ng Panginoon. Ito ang ibig sabihin ng pagiging MGA SAKSI ng Panginoong Jesus sa ating kasalukuyang panahon. Paano ko ba pinatutunayang ng pagiging saksi ni Kristo? Nakikita ba ito ng malinaw sa aking pagkatao? Ang akin bang pag-isip, pagsasalita at pagkilos ay kinakikitaan ng katulad ng kay Jesus? At anung mga hakbang ang maari kong gawin upang maipahayag ang Mabuting Balita ni Jesus? Tumahimik tayo sandali at magnilay.
Sabado, Hunyo 29, 2019
PAGSUNOD: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 30, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Sabado, Hunyo 22, 2019
EVERY NGUYA IS BIYAYA! : Reflection of the Solemnity of Corpus Christi Year C - JUne 23, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay AMEN! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala ako na ang nasa aking harapan ay hindi lamang isang tinapay. Naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso. Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! ISABUHAY natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO. Iisa ang ating pinagsasaluhan. Iisa ang biyayang ating tinatanggap. Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi. Sa Eukaristiya, ang tinatanggap at ang ibinabahagi natin ay si KRISTO. Kaya nga masasabi nating EVERY NGUYA IS BIYAYA sapagkat ang bawat pagtanggap ay nangangahulugan ng pagbabahagi kay Kristo!
Linggo, Hunyo 16, 2019
BUTIHING AMA: Reflection for the Solemnity of the Most Blessed Trinity Year C - June 16, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-beer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer Pale Pilsen! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Sa katunayan, ang mga tatay ay ang "Salamin ng Diyos" sa pamilya... they should reflect the goodness of God! Sino ba ang Diyos na ito na dapat nilang isalamin? Sa ating pananamalatayang Katoliko ay tinatawag natin Siyang DIYOS AMA. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay at sa pamamgitan Niya ang lahat ay napapanatili. Ngunit sa kasaysayan ng kaligtasan, Siya rin ay tinawag nating DIYOS ANAK. Isinugo Siya ng Ama upang iligtas tayo sa kasalanan. Nagkatawang-tao Siya katulad natin, ngunit pinanatili Niya ang Kanyang pagka-Diyos. Bago Niya linisan ang mundong ito ay ipinangako Niya BANAL NA ESPIRITU upang gabayan tayo sa ating paglalakabay at pabanalin ang bawat isa sa atin sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo... ang ating Diyos ay pinag-isang tatlo o Banal na Santatlo... The Most Holy Trinity! Si Jesus na Diyos Anak ang nagturo sa ating tawagin ang ating Ama na "Abba" ibig sabihin ay tatay, dad, erpat! Inilapit Niya tayo sa ating Amang nasa langit at sinabi niyang wala tayong dapat ipangamba at ikatakot sapagkat Siya ang nangangalaga sa atin. Sa kabila ng maraming kahirapan at karahasan sa mundong ating ginagalawan ay may Ama tayong hindi natutulog at nagpapabaya sa atin! Ang Amang ito ang nagkakaloob ng ating pangangailangan at sumasagot sa lahat ng ating panalangin. Manalig tayo na lahat ng ating dasal ay Kanyang tinutugon. Kung minsan ay matagal. Kung minsan ay iba ang pagtugon. Kung minsan paran hindi tayo napapakinggan. Tandaan natin: Kapag ipinagkaloob ng Ama ang ating ipinalangin ay sapagkat sinubukan Niya ang ating pananampalataya. Kung tumagal naman ang Kanyang pagtugon ay marahil, sinusukukan Niya ang ating pagtitiyaga. Kung sa palagay natin ay hindi Niya naibigay ang ating gusto ay sapagkat mayroon Siyang mas magandang plano para sa atin. Ang lahat ay biyayang nagmumula sa Diyos. Ang lagi ko ngang sinasabi "Every nguya is biyaya!" Pasalamatan natin siya! Ibahagi natin ang kabutihan ng Diyos! Tandaan natin na hindi tayo nalulugi sa paggawa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Tandaan natin na mayroong Diyos na Ama na lubos ang kabutihan! GOD IS GOOD ALL THE TIME and ALL THE TIME GOD IS GOD!
Sabado, Hunyo 8, 2019
ANG BANAL NA ESPIRITU SA AKING BUHAY: Reflection for Solemnity of Pentecost Year C - June 9, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Kapistahan ngayon ng Pentekostes. Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan. 1986 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo. Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu. Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy. Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan? Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pinananatili Niya itong banal sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang Simbahan ay sapagkat pinananatili ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon?Lagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo. Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin. Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin. Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin. Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga. Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon. Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!
Sabado, Hunyo 1, 2019
LANGIT NA ATING HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year C - June 2, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Totoo bang may langit? Saan ba ito matatagpuan? Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko. Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito. Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng walang saysay na pagpatay sa Virginia, mga Kristiyanong inuusig sa iba't ibang panig ng mundo tulad ng nangyaring pambobomba sa mga simbahan ng Sri Lanka, ay ilan lamang sa mga pangyayaring pilit na kumakatok sa ating pag-iisip at dahil dito ay napagdududahan natin ang katotohanan ng kalangitan. Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan!
Sabado, Mayo 25, 2019
KAGANAPAN NG KAPAYAPAAN: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - May 26, 2019 - YEAR OF THE YOUTH and EASTER SEASON
Sa panahon ngayon na laganap ang karahasan tulad ng terorismo, pagpatay sa ngalan ng idolohiya at paniniwala, pagpaslang na hindi makatarungan tulad ng nagpapatuloy na mga "extra-judicial killings", paglaspatangan sa mga karapatang pantao at pagyurak sa dignidad nito, ay maitatanong natin ang mga katanungang: Saan nga ba matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano ba natin ito makukuha? Posible ba natin itong makamit? Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon. Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan. Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan. Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili. At pinakawalan niya ang kalapati. Nagpalipad-lipad ito. Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa. Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan. Hanggang sa makalabas ang kalapati. Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan." Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na "kalapati ng kapayapaan" upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili. KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo! Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan." Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito. Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo. Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos. Kaya nga ang kapayapaan ay "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili. Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay. Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan" ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran. Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo: “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya." Ibig sabihin, mananatili ang Diyos sa atin kung mananatili tayo sa kanya sa pamamgitan ng masusing pagtupad sa kanyang mga pinag-uutos. At ano ba ang ipinag-uutos niya sa atin? Ito ang pangalawa, ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin. Ang pag-ibig ni Jesus ay pag-ibig na walang pinipili. Ibig sabihin, mahalin natin hindi lang ang kaibig-ibig sa atin ngunit maging ang taong may sama tayo ng loob o hindi natin mapatawad. Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang. Ingatan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ito ay regalo galing sa kanya kaya't pahalagahan natin. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makakasira sa ating katawan tulag ng pagkakalulong sa mga bisyo at mga gawaing bumababoy sa dignidad ng ating pagkatao. At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Ito marahil madali nating makaligtaan. Masyado kasi tayong "entitled" sa mga ibinibigay sa atin ng Diyos tulad mga biyaya ng kalikasan kaya't binabale wala natin ito. Kung pakikinggan natin ay maririnig natin ang pag-angal ng kalikasan sa maraming pagsasamantala at pagsira ng tao sa mga ito. Pahalagahan, alagaan, at pagyamanin natin ang kayamanang ipanagkaloob sa atin ng Diyos! Natapos na ang eleksiyon. May mga naiproklama ng kandidato. Ipagdasal natin na sana ay makamit natin ang kaganapan ng kapayapaan sa mga taong naihalal natin sa pamumuno sa gobyerno. Na sana sila rin ay maging mga taong MAKA-DIYOS na nanatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos. Na sana sila rin ay maging MAKATAO may pagmamahal sa iba at paggalang sa sarili. At huli sa lahat, na sila ay MAKAKALIKASAN na marungong magpahalaga, mag-alaga, at magpayaman sa mga biyaya ng nilikhang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ang kaganapan ng kapayapaang handog ni Kristo! Mangyayari ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay sa kanya at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay.
Sabado, Mayo 18, 2019
PAGBABAGONG DALA NG KATARUNGAN AT PAGMAMAHAL: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - EASTER SEASON AND YEAR OF THE YOUTH
Natapos na ang halalan. May mga pinalad at hindi pinalad. May mga masaya na sa resulta. May mga ilan na hindi pa rin kuntento at humihingi ng pagpapaliwanag sa mga aberyang nangyari. Pero sabi ko nga sa isang post ko sa FB: "Hindi man nanalo ang mga binoto ko, masaya pa rin ako dahi sa puso tama ang ginawa ko!" Kaya nga anuman ang kalalabasan ng final canvassing, matutulog akong masaya at mapayapa dahil sinasabi ng konsiyensiya ko na ginawa ko ang tama! Sana kayo rin! Makakatulog kayo ng mahimbing dahil alam ninyo na ang ibinoto ninyo ay tama at sila ang magiging daan sa tunay na PAGBABAGO. Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan. Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin? Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao. Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa pagdaraos ng Halalan Mayo 13. Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na LP at HNP. Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng HNP at LP. Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, at PDP." Lalong naguluhan si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan. Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang napagtanungan. Sagot ng binata: 'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang na hanggang ngayon ay hindi matapos ang bangayana at away!" At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated." Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang, pandaraya ang nangyayari sa ating halalan. Ang mga partido ay walang pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters. Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal. Kapag may katarungan ay walang pandaraya, pamimilit at pagyapak sa dignidad ng kapwa. Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang. Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may pagmamahal. Ang pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano. Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos. "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin. Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba. Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag: "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21:5) Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin? Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik. Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili. Sabi nga ng isang post sa Facebook: "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!" Ibig sabihin hindi ang ating iniidolo ibinoto ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex. Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina! Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan, naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili. Kahit sinong Avengers o Abangers pa ang ilgay mo sa puwesto ng pamumuno... walang pagbabagong magaganap. Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!" Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato. Hayaan nating pagharian tayo ng katarungan at pagmamahal sa ating pakikitungo sa iba. Ito ang maka-Kristiyanong sagot natin sa mundong magulo at marahas. Nangana ang alaga kong pusa. Natuwa ako sa kuting nung makita ko syang nakapikit pa at nakalabas ang ulo sa kanyang munting cat-house. Tila baga sinasabi niyang: "One day I will open my eyes and see the beauty of God's creation!" Totoo naman talaga, ang mundong ibingay ng Diyos sa atin ay maganda at mabuti. Tayo lang talaga ang nagpapasama dito! Ibalik natin ang kagandahan at kabutihan ng mundo sa harap ng maraming kasamaaan. Kaya naman pala ito ang huling habilin ni Jesus para sa ating lahat bago niya tayo lisanin sa mundo: "I give you a new commandment: love one another. As
I have loved you, so you also
should love one another."
Linggo, Mayo 12, 2019
TAYONG LAHAT AY MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday of Easter Year C - May 12, 2019 - EASTER SEASON & YEAR OF THE YOUTH
Ngayong Linggong ito ay may tatlong tayong ipagdarasal sa Misa. Una, dahil ang Linggong ito ay tinatawag na "Good Shepherd Sunday" ipagdarasal natin ang bokason sa pagpapari o pagiging isang relihiyoso. Pangalawa, dahil ngayon ay araw ng mga ina ay ating aalalahanin ang lahat ng mga nanay, buhay man sila nasa sumakabilang buhay na, at aalayan natin sila ng pasasalamat dahil pinili nila ang buhayin tayo at dahil diyan ay utang na loob natin sa kanila ang ating buhay. Pangatlo ay ipagdarasal natin ang mga Pilipinong lalabas bukas upang bumoto upang ang kanilang pagpili ay pagpili ng isang Kristiyano at maayon sa kalooban ng Diyos ang pagpili ng mga kandidato na mamumuno sa atin. Simulan natin sa pagdiriwang ng Mothers' Day. Ang sabi ng isang post na nakita ko sa FB: "Tatalikuran at iiwan ka ng mundo, pero hinding-hindi ng nanay mo." Batid natin ang malaking sakripisyong ibinigay ng ating mga magulang para tayo mabuhay at maitaguyod sa ating paglaki. Lalong-lalo na ang mga tinatawag nating "Single Mothers" na mag-isang tinatagyod ang kanilang mga anak. May napanood akong commercial video sa YouTube na pinamagatang "Wala si Mama" at magandang pagnilayan natin ang hirap na ibinibigay ng mga nanay para sa kanilang mga anak. (Maaring ipalabas ang video.) Ipanalangin natin ang mga nanay na araw at gabi ay nagsisikap upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anal. Huwag sana tayong maging mapanghusga sa mga nanay na may "pagkukulang" sapagkat hindi natin batid ang hirap na kanilang pinagdaraanan. Ang ika-apat na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay laging inilalaan ng Simbahan upang ipagdasal din ang pagpapalaganap sa bokasyon ng pagpapari at pagiging relihiyoso (madre at lay brother). Ang ebanghelyo ay parating patungkol sa Mabuting Pastol upang paalalahanan tayo ng masidhing pangangailangan ng Simbahan ng mabubuting pastol na naayon sa halimbawa ni Jesus, ang ating Butihing Pastol. Siya ang Mabuting Pastol na talagang may malasakit para sa kanyang mga tupa. Ipananalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng mga pastol na may pusong katulad niya at hindi sila madala sa tukso ng kamunduhan. Kulang na kulang ang mga kabataang tumutugon sa panawagan ng ating Mabuting Pastol. Bagyuhin natin ng panalangin ang langit at hilingin natin sa Diyos na mas marami pa sanang kabataan ang tumugon sa ganitong buhay. Ngayong Taon ng Kabataan ay magandang pagkakataon upang hamunin ang maraming kabataang lalaki at babae na magbigay ng panahon upang pag-isipan kung sila ba ay may pagtawag mula sa Diyos. Wala namang mawawala kung sila ay mag-iisip at magninilay. Sa halip ay magiging mas maligaya pa nga sila kung mauunawan nila ng malinaw ang bokasyon ng Diyos para sa kanila. At kayo namang mga magulang ay huwag nawang magsilbing hadlang o sagabal upang maisakatuparan ang pagtawag ng Diyos para sa inyong mga anak. Ngunit hindi lang naman nalilimitahan sa mga "taong simbahan" ang pagiging Mabuting Pastol. Sa katunayan, ang mga taong namumuno at nangangalaga sa atin ay maituturing na "mabuting pastol". Napapanahon at akmang-akma ang pagdiriwang natin ngayon upang pagnilayan ang mga katangian ng mga taong naghahangad na maging "pastol" ng ating lipunan. Marahil hanggang ngayon ay nag-iisip pa rin tayo kung sino ba ang ating ihahalal sa pamumuno bukas. Maraming katangian tayong maaring pagbatayan, ngunit sa aking palagay, bilang mga Kristiyano, ay hindi maaring maisantabi ang pamatayang inihayag mismo ni Jesukristo, ang ating tunay na Mabuting Pastol. "Sa isang pagtitipon ay pinarangalan ang matandang pari ng isang parokya dahil sa katapatan niya sa pagilingkod ng limampung taon sa kanilang bayan. Binigyan sya ng pagkakataong makapagsalita at magpahayag ng kanyang saloobin. Magiliw niyang isinalaysay ang kanyang karanasan sa parokya: "Alam ninyo mga kapatid, noong unang araw na maitalaga ako dito bilang kura paroko ninyo ay may nagkumpisal agad sa akin. Siya raw ay isang lalaking babaero, nagtaksil sa kanyang asawa, mapagsamantala, mabisyo, sugarol at magnanakaw. Napakasama niyang tao ngunit natuwa ako sa pag-amin niya sa kanyang mga kasalanan." Sabay dating ng Mayor na nahuli sa programa at hingal na hingal na lumapit sa entablado upang umepal. Hinawakan niya ang mikropono at buong pagmamalaking sinabi: "Mga kapatid ko kay Kristo, ako ay lubos na nagpapasalamat at nabiyayaan tayo ng isang mabuting pari sa ating lugar. Tunay siyang mabuting pastol sapagkat sariwa pa sa aking ala-ala na noong bago pa siyang talaga dito bilang kura-paroko ay ako agad ang unang nagkumpisal sa kanya..." Patay! Buking si Mayor! Ano nga bang mga katangian ang nais nating makita sa ating mga pinuno bilang mabuting pastol? Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin ang larawan ni Jesus bilang isang Mabuting Pastol. Siya ang mabuting pastol na kilala ng kanyang mga tupa, nakikinig sa kanya at sumusunod sapagkat alam nilang handa siyang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanila upang hindi sila mailagay sa kapahamakan. Dito ay makikita natin ang magandang katangian ng isang nagnanais "magpastol sa kawan": katapatan sa paglilingkod, may malasakit at kapakumbabaan, may takot sa Diyos at tumutupad sa Kanyang utos. Marami na tayong nakitang lider na matatalino, bihasa sa sistema ng pamumuno, makarisma sa masa. Marami na rin ang nagbitaw ng magagandang pangako, plataporma at programa kung sakaling sila ay maihahalal. Ngunit sa aking palagay ay walang saysay ang kagalingan niyang ipinagyayabang kung hindi naman siya kinakikitaan ng mabuting halimbawa sa uri ng kanyang pagkatao at pamumuhay. "Leadership by example" ang nais nating makita sa isang lider at bilang isang kristiyano ang "example" o halimbawa ng Mabuting Pastol ang dapat makita sa kanya. Kaya nga hindi dapat natin pipiliin ang mga taong kwestiyonable ang pamumuhay: babaero, sugarol, lasinggero, palamura, hindi gumagalang sa karapatang pantao, magnanakaw, kurap! Bakit? Sapagkat, ipapahamak lamang nila ang kanilang mga tupa! Anung halimbawa ang maibibigay nila sa inyong mga anak? Pagnanakaw? Pagmumura? Pambabae? Karahasan? Tandaan natin na sa mata ng bata, ang mga gawaing masama kapag ginagawa ng matanda, ay nagiging tama! Kung minsan nakakalungkot isipin na tanggap na ng marami sa atin ang mga masamang pag-uugaling ito. Kaya nga't kung meron mang dapat na unang magbago ay walang iba kundi ang ating sariling pag-isiip. Makakapili tayo ng tamang mga pinuno kung isasapuso din natin ang mga katangian ni Jesus bilang Mabuting Pastol. Isapuso natin ang pagiging tapat sa paglikingkod. Tanggalin natin ang pag-iisip ng masama at panlalamang sa kapwa. Huwag tayong magnanakaw. Iwasan nating magmura. Iwasan ang karahasan. Igalang ang karapatan ng bawat isa. Magpakita tayo ng awa at malasakit sa ating kapwa. Tandaan natin na maipapakita lamang natin sa iba kung ano ang mayroon tayo sa ating sarili. Ang pagiging mabuting pastol ay dapat magsimula sa atin kung nais nating maibahagi ang pagiging mabuting pastol sa iba. Tayong lahat ay MABUTING PASTOL!
Sabado, Mayo 4, 2019
MAHAL TAYO NG DIYOS... MORE THAN 3,000 TIMES! : Reflection for the 3rd Sunday of Easter Year C - May 5, 2019 - EASTER SEASON & YEAR OF THE YOUTH
Marami tayong mga "hugot" sa buhay. Kung minsan dinadaan na lamang natin sa "hugot" ang bigat ng ating mga nararamdaman upang kahit paano ay maibsan ng kaunti ang sama ng loob o pagkadismaya sa ating buhay. Minsan sumakay ako ng jeep na halos punong-puno pero may isa pa raw kaya ayaw umalis. Nagtatawag ang barker ng "Isa na lang! Isa na lang! Aalis na!" Nang biglang may nagbitaw ng hugot sa loob ng jeep: "Puno na nga sa jeep nagpapasakay pa, parang sa love may syota na nga, lumalandi pa!" Eh di tawanan sa loob ng jeep ang sumunod na eksena! Nakalimutan na ang init at siksikan sa loob! Isa sa mga magandang lagyan ng hugot lines ay pagmomove-on!
Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga. Mahirap pero kailangan!" "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!" Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on? Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus. Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano. Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan". Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus. Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa. Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus. Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila. At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro na punong-puno ng hugot: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus. Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin. Noong isang Linggo ay ipinagduiwang natin ang "Divine Mercy Sunday" na kung saan ay sinabo nating ang Diyos ay lubos na mapagmahal at mapagpatawad. Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin. Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan. Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan. Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo." Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam. Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!" Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo. Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas. Kapag tayo ay nailagay sa sitwasyon na kung saan ay pinagdududahan natin ang pagmamahal ng Diyos ay humogot tayo sa Banal na Krus at maririnig mula kay Jesus ang mga pananalitang ito: "Anak, minamahal kita! Not once, nor twice but more than three thousand times!"
Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga. Mahirap pero kailangan!" "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!" Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on? Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus. Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano. Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan". Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus. Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa. Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus. Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila. At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro na punong-puno ng hugot: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus. Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.” May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin. Noong isang Linggo ay ipinagduiwang natin ang "Divine Mercy Sunday" na kung saan ay sinabo nating ang Diyos ay lubos na mapagmahal at mapagpatawad. Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin. Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan. Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan. Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo." Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam. Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!" Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo. Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas. Kapag tayo ay nailagay sa sitwasyon na kung saan ay pinagdududahan natin ang pagmamahal ng Diyos ay humogot tayo sa Banal na Krus at maririnig mula kay Jesus ang mga pananalitang ito: "Anak, minamahal kita! Not once, nor twice but more than three thousand times!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)