Sabado, Mayo 21, 2022

KAGANAPANG HANDOG NG KAPAYAPAAN: Reflection for 6th Sunday of Easter Year C - May 22, 2022 - EASTER SEASON / YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa panahon ngayon na laganap ang karahasan tulad ng terorismo, pagpatay sa ngalan ng idolohiya at paniniwala,  pagpaslang na hindi makatarungan tulad ng nagpapatuloy na mga "extra-judicial killings",  paglaspatangan sa mga karapatang pantao at pagyurak sa dignidad nito, ay maitatanong natin ang mga katanungang: Saan nga ba matatagpuan ang tunay na kapayapaan? Paano ba natin ito makukuha? Posible ba natin itong makamit ang kapayapaan sa ating sarili o ang tinatawag "inner peace?"     

Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon.  Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan.  Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan.  Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili.  At pinakawalan niya ang kalapati.  Nagpalipad-lipad ito.  Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa.  Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan.  Hanggang sa makalabas ang kalapati.  Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan."  Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na  "kalapati ng kapayapaan"  upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili.  

KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo!  Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo.  Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan."  Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito.  At kung mayroon mang lugar na may tinatawag na perfect peace ay wala na sigurong papantay pa sa sementeryo na knng saan lahat ay nahihimlay sa kapayapaan.  Kaya nga't nasabi minsan ni Martin Luther King na "True peace is not merely the absence of war, it is the presence of justice, equity and non-violent social order." 

Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo.  Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos.  Ito ang handog ng muling nabuhay na si Jesus:  "... my peace I give to you." (John 14:27)  Ang kapayapaang handog ni Hesus ay ang muling nagbuo sa mga takot at duwag na mga alagad upang lumabas sa kanilang lungga at ipahayag ang katotohanan ng kanyang muling pagkabuhay.  Kaya nga ang kapayapaan ay  "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili at nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob upang ipahayag ang katotohanan ng buong tapang at lakas.

Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay.  Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan"  ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran.  Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus. 

Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos.  Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo:  “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya."  Ibig sabihin, mananatili ang Diyos sa atin kung mananatili tayo sa kanya sa pamamagitan ng masusing pagtupad sa kanyang mga pinag-uutos.  At ano ba ang ipinag-uutos niya sa atin? 

Ito naman ang pangalawa, ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin.  Ang pag-ibig ni Jesus ay pag-ibig na walang pinipili.  Ibig sabihin, mahalin natin hindi lang ang kaibig-ibig sa atin ngunit maging ang taong may sama tayo ng loob o hindi natin mapatawad.  Ang tawag sa uri ng pag-ibig na ito ay radikal na pagmamahal.  Ito ay pagmamahal na handang tumanggap sa lahat kahit na sa mga pagkakataong mabigat ang ating kalooban at puno ang ating puso ng galit at sama ng loob.  Ito ay ang pagmamahal na handang umunawa at magpatawad.  

Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang sa kanyang pagkatao.  Ingatan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos.  Ito ay regalo galing sa kanya kaya't pahalagahan natin.  Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makakasira sa ating katawan tulag ng pagkakalulon sa mga bisyo at mga gawaing bumababoy sa dignidad ng ating pagkatao.  Matuto rin tayong magpatawad sa ating mga sarili lalo na sa ating mga kakulangan at karupukan bilang tao.

At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin.  Ito marahil madali nating makaligtaan.  Masyado kasi tayong "entitled" sa mga ibinibigay sa atin ng Diyos tulad mga biyaya ng kalikasan kaya't binabale wala natin ito.  Kung pakikinggan natin ay maririnig natin ang pag-angal ng kalikasan sa maraming pagsasamantala at pagsira ng tao sa mga ito.  Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang pagdiriwang ng Laudato Si Week na kung saan ay muli tayong papaalalahanan ng kahalagan ng ating kalikasan at ng mundo na itinuturing nating ating nag-iisang tahanan o "common home".   Ito ay nakasabay sa Synodal Process na pinagdaraanan ngayon ng Simbahan kaya't nangangahulugan ito ng sama-samang pakikinig at paglalakbay upang makamit natin ang mundong masagana at mapayapa.  Pahalagahan, alagaan, at pagyamanin natin ang kayamanang ipanagkaloob sa atin ng Diyos!   

Natapos na ang eleksiyon.  May mga naiproklama ng kandidato.  Ipagdasal natin na sana ay makamit natin ang kaganapan ng buhay na dulot ng tunay na kapayapaan sa mga taong naihalal sa pamumuno sa gobyerno.  Na sana sila rin ay maging mga taong MAKA-DIYOS na nanatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos.  Na sana sila rin ay maging MAKATAO may pagmamahal sa iba at paggalang sa sarili.  At huli sa lahat, na sila ay MAKAKALIKASAN na marungong magpahalaga, mag-alaga, at magpayaman sa mga biyaya ng nilikhang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ang kaganapan ng buhay ng tunay na kapayapaang handog ni Kristo! Mangyayari ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay sa kanya at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay.  Kaya nga siya ang ating huling baraha. Hindi man natin naiboto ang mga tamang kandidato na mamumuno ay buo pa rin ang ating loob na makakamit natin ang kaganapan ng buhay bilang isang bayan.  "I am a Filipino and my country's hope is Jesus!"

Sabado, Mayo 14, 2022

KATARUNGAN AT RADIKAL NA PAGMAMAHAL: Reflection for 5th Sunday of Easter Year C - May 15, 2022 - EASTER SEASON

Natapos na ang halalan 2022.  May mga nagbunyi.  May mga nagluksa.  May mga masaya. May mga nadismaya.  May mga nanghinayang. May mga "wala lang!" at tila walang pakialam.  Sa mga nagkabuhol-buhol ang damdamin at tila nalugmok ng pagkabigo ang kanilang dating masiglang puso ito ang paalala sa inyo: "Payagan ang sariling lumuha. Pero 'pag handa nang pahiran ang luha, pagpagin ang sarili.  Tibayan ang puso.... dahil may trabaho pa tayo!"

May mga ilan na hindi pa rin kuntento at humihingi ng pagpapaliwanag sa mga ilang aberyang nangyari.  Pero sabi ko nga sa isang post ko sa FB: "Hindi man nanalo ang mga binoto ko, masaya pa rin ako dahi sa puso tama ang ginawa ko!"  Kaya nga anuman ang kalalabasan ng halalang ito, matutulog akong masaya at mapayapa dahil sinasabi ng konsiyensiya ko na ginawa ko ang tama!  Sana kayo rin! Makakatulog kayo ng mahimbing dahil alam ninyo na ang ibinoto ninyo ay tama at sila ang magiging daan sa tunay na PAGBABAGO.  

Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan.  Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin?  Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao.  Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa pagdaraos ng Halalan Mayo 9.  Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na PDP. NUP, NPC, Lakas CMD, PFP.   Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng mga letrang ito.  Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, LP at PDP." Lalong naguluhan si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan.  Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang napagtanungan.  Sagot ng binata:  'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang na hanggang ngayon ay hindi matapos ang bangayan at away!"  At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated."   

Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang, pandaraya ang nangyayari sa ating halalan.  Totoo nga naman, ang mga partido ay wala ng pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters.   Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal.  Kapag may katarungan ay walang paninira, walang pamimilit at walang pandaraya.  

Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang.  Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may radikal na pagmamahal.  Ang radikal na pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano.  Ang radikal na pagmamahal ay may malasakit, may pagggalang, may pagpapakumbaba sa kabila ng galit na nadarama ng ating mga puso.  Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos.  "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin.  Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba kahit na iba ang kanilang paniniwala.  Kaya nga marahil ay ito rin ang habilin niya sa kanyang mga alagad: "Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo. Kung kayoÊy mag-ibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko."

Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag:  "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!"  (Pahayag 21:5)  Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin?  Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik.  Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili.  

Sabi nga ng isang post sa Facebook:  "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!"  Ibig sabihin hindi ang ating iniidolo ibinoto ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan.  Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex.  Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina!  Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan,  naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili.  Kahit anung galing pa ang ilagay mo sa puwesto ng pamumuno... walang pagbabagong mangyayari.  Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!"  

Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato.  Hayaan nating pagharian tayo ng katarungan at radikal na pagmamahal sa ating pakikitungo sa iba.  Ito ang maka-Kristiyanong sagot natin sa mundong magulo at marahas.  Nanganak ang alaga kong pusa.  Natuwa ako sa kuting nung makita ko syang nakapikit pa at nakalabas ang ulo sa kanyang munting cat-house.  Tila baga sinasabi niyang: "One day I will open my eyes and see the beauty of God's creation!"  Totoo naman talaga, ang mundong ibingay ng Diyos sa atin ay maganda at mabuti. Tayo lang talaga ang nagpapasama dito!  Maganda ang ating bansang Pilipinas.  Tayo lang ang nagpapangit nito.  Ibalik natin ang kagandahan at kabutihan ng mundo sa harap ng maraming kasamaaan sa ating paligid.    

Sa mga taong dama pa rin ang panghihinayang dahil tila baga hindi natupad ang inaasam-asam na abot kamay na sanang pagbabago ay panghawakan natin ang sabi ng isang kandidato:  "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Masasayang lang ang ating pinagsikapan kung titigil tayo at babalik sa dating kalakaran.  Gaya ng sabi ko: ang namulat, hindi na muling mapipikit."


Sabado, Abril 30, 2022

RADIKAL MAGMAHAL: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year C - May 1 - EASTER SEASON

Nauuso ngayon ang mga "hugot lines" kung tawagin.  Katulad ng mga "pick-up lines" na sumikat nitong nakaraang mga taon, ang mga banat na "may hugot"  ay nakakatuwang pakinggan sapagkat nakakarelate sila sa maraming katotohanan ng ating buhay.  Halimbawa, sa isang jeep habang naghihintay na makapuno ng pasahero ay biglang may huhugot na: "Puno na nga sa jeep nagpapasakay pa, parang sa love may syota na nga, lumalandi pa!" 

Ngunit natutuwa ako sa mga taong nahihirapang mag-move on.  Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga.  Mahirap pero kailangan!"  "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!"  

Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on?  Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus.  Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano.  Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan".  Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus.  Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa.  Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus.  Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila.  At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro:  “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus.  Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa".  Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.”   

May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali.  Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin. Huwag tayong mawalan ng pag-asa.  Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin.  Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan. Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan.  Magmahal kahit na tayo pinakikitaan ng pagkamuhi.  Magpatawad kahit na hindi naman tayo ang mali.  Suklian ng pag-ibig ang pagkukulang kahit na ng mga taong hind kaiig-ibig.  Bakit natin gagawin ito bilang mga kristiyano?  Sapagkat... mas radikal ang magmahal.

Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo."  Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam.  Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!"  Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo.  Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas.  Maging tapat tayong mga Kristiyano sa pagmamahal ni Kristo sa atin. Sapagkat sa Krisitiyanong TAPAT ay aangat ang kabanalan ng lahat!  

Sabado, Abril 23, 2022

PAG-AALINLANGAN AT PAGTITIWALA: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year C - April 24, 2022 - Easter Season

Ngayong kasalukuyang panahon na laganap ang "fakenews" at mga maling impormasyon ay hindi masamang pairalin ang kaunting pagdududa bago natin paniwaalaan ang ating mga naririnig, nababasa at napapanood.  Lalo na't lumalapit na naman ang eleksiyon at may mga ilan-ilan na namang kandidato ang gagamit ng mga mabulaklak na pananalita at mga pangakong malayo sa katotohanan. May mga ilan-ilan na maninira ng pangalan at pagkatao ng kanilang katunggali maipanalo lamang ang sarili sa halalan.
Kaya nga't kinakailangan ang maging mapanuri, kilatisin ang kanilang mga salita, at bakit hindi, magkaroon ng kaunting pagdududa at hanapin ang katotohanan.  Dahil pasasaan ba't lalabas din ang katotohanan.  Makikita natin ang kanilang tunay na pagkatao sa huli.

May kuwento ng isang matandang pari na kinaiinisan ng kanyang mga kasama sa isang religious community. Lagi siyang naninigaw, nagagalit, namumumuna at aburido. Samakatuwid, isa siyang "pain in the ass" para sa kanila. Minsan, ang paring ito ay dumalo sa isang Retreat at doon ay naunawaan niya na kailangan niyang baguihin ang kanyang masamang pag-uugali.  Pagkauwi niya sa kanyang community ay agad siyang naglagay ng isang karatula sa labas ng pintuan ng kanyang kuwarto. Ito ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive! He is dead and was buried!" Hindi makapaniwala ang mga nakabasa nito. Marami sa kanila ang nagduda sa kanilang nabasa. Good news ba ito o fake news? Ngunit totooo nga, isang "bagong" pari ang nakita sa matandang iyon. Hindi na naninigaw. Hindi na aburido. Hindi na nagagalit. Ok na sana ang mga unang araw ngunit pagkatapos ng ikatlong araw ay laking pagkadismaya nila sapagkat unti-unti ay muling bumalik ang masamang pag-uugali ng matandang pari. Nanunumbat na na naman siya! Naninigaw! Aburido! Kayat sa inis ng isang niyang kasamang pari ay kumuha ito ng marking pen at may isinulat sa karatulang nakasabit sa kanyang pinto. Ganito na ngayon ang nakasulat: "The old man who once resided here is no longer alive. He was dead and was buried..." pero may karugtong "... and on the third day he rose again!" 

May katwiran ngang magduda ang kanyang kasama kung ganoon ang asal ng taong iyon. Natural lang ang magduda!  Kahit nga nga tayo ay laging naghahanap muna ng katibayan bago paniwalaan ang isang bagay. "To see is to believe!"  Maging ang mga alagad ay napuno ng pagdududa sa muling pagkabuhay ni Hesus. Lalo na si Tomas na wala noong si Hesus ay unang nagpakita sa kanila. Ngunit pinawi ni Hesus ang pagdududang ito at pinalitan ng isang malalim na pananampalataya: "Doubt no longer but believe!" 

Ito dapat ang bunga ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa atin: Isang malalim na pananampalataya!  Isang pananampalataya na hindi nababatay sa kung ano ang nakikita o ebidensiya.  Kapag nahaharap tayo sa matinding krisis sa ating buhay tulad ng kapag may namatay sa pamilya o may malubahang karamdaman ang ating mahal sa buhay, nawalan ng trabaho o bumagsak sa examination, iniwan ng mahal sa buhay o bigo sa pag-ibig... kapag nagdududa tayo sa pag-ibig ng Diyos sa atin ay alalahanin natin ang mga kataga ni Hesus: "Blessed are those who do not see and yet believe..." 

Kapag humaharap ang ating mundo sa maraming pagsubok tulad ng mga kalamidad, digmaan, karahasan, pag-aalipusta, pag-uusig, pagbaluktot sa mga katotohanang ating pinaniniwalaan at pinahahalagahan bilang mga Kristiyano at Pilipino, ay hinahamon tayo ni Jesus na huwag magduda sa Kanya.  Siya na nananaig sa kamatayan ay ang Diyos ng awa at habag na nagpapadama ng kanyang walang hanggang pagmamahal at nagsasabing hindi niya tayo pababayaan.  

Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang itinakda ring Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa o mas kilala sa ingles na "Divine Mercy".  Ang Kapistahang ito ay itinalaga ni St. Pope John Paul II noong taong 2000 sa okasyon ng pagiging santa ni St. Faustina Kowalska, isang madre na pinagkalooban ng natatanging biyayang pagpahayagan ni Jesus bilang Hari ng Banal na Awa. Kung isa ka sa mga nagdarasal ng 3 o' clock Habit ay isa ka rin sa mga nagpapalaganap ng debosyong ito sapagkat ang pinakalayunin naman ng debosyon ay upang ipahayag sa buong mundo ang isang mensahe: na ang Diyos ay maawain at mahal niya ang sangkatauhan.  Siya ang Diyos na may malasakit at nagmamahal sa ating lahat!  Kaya sa kapistahang ito ng kanyang Banal na Awa ay pairalin at ugaliin natin ang magtiwala sa kanyang kabutihan.  Sa maraming pagdududa sa ating buhay lagi nating sambitin: "Lord Jesus, I trust in you!" 

Sa halip na pagharian tayo ng takot at pag-aalinlangan, sikapin nating palalimin ang ating pagtitiwala sa Diyos.  Tayo ay tinatawagan ng ating Panginoong Hesus na maging tagapaghatid ng awa at pagmamahal ng Diyos sa iba.  Ang isang Kristiyano ay nagsasalamin ng mukha ni Kristo sa kanyang kapwa.  "A Christian is one who mirrors God's goodness and mercy."  Ito ang dahilan kung bakit tayo dapat magdala ng awa at malasakit ng Diyos.  Ito ang ibig sabihin ng pagiging tulad ni Kristo!


Linggo, Abril 17, 2022

EASTER GOOD NEWS: Reflection for Easter Sunday Year C - April 17, 2022 - EASTER SEASON

HAPPY EASTER! Isang maligayang pagbati ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa inyong lahat!
Tunay ngang ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay! Hindi ito fakenews ha? Isa ka na rin ba sa mga nabibiktima ng FAKE NEWS?  Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook, Tiktok, YouTube at nakagawian mong magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda. Mag-ingat ka! Baka isa ka na sa mga nabiktima nila!

Isang fakenews din ay ang sabihing matatalo ng kadiliman ang liwanag.  Kailanman ay hindi magagapi ng kadiliman ang liwanag.  Hindi magagapi ng masama ang mabuti.  Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay!  Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Si Hesus ang liwanag na sumakop sa dilim!  

Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan.  Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila ni Maria Magdalena ay ninakaw ang katawan ni Jesus ng makita niyang nabuksan ang pinto ng libingan.  Tumakbo si Pedro ang alagad na minamahal ni Jesus.  Bagamat naunang pumasok si Pedro sa libingan ay ang alagad na minamahal ni Jesus ang nakakita at nanampalataya a siya ay muling nabuhay! Hindi siya nagpadala sa fake news at pinaniwalaan niya ang GOOD NEWS ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon!  

Ang libingang walang laman ay dapat magpaalala sa atin na Siya ay buhay!  Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? 

Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon.  Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. 

Linggo, Abril 10, 2022

MAHAL AT BANAL NA ARAW: Reflection for PALM SUNDAY - PASSION SUNDAY - Year C - April 10, 2022 - HOLY WEEK 2022

Sinisimulan natin ngayon ang SEMANA SANTA o ang MGA MAHAL NA ARAW.  Nagsisimula ito sa pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas o Palm Sunday na kung saan ay gingunita natin ang marangyang pagpasok ni Jesus sa Jersalem at ang mainit na pagtanggap ng mga tao roon kay Jesus bilang "Anak ni David" o ang kanilang tagapagligtas.  Tinatawag din itong "Passion Sunday" sapagkat sa araw na ito ay sinisimulan natin ang "Passion Week" na kung saan ay pagninilayan natin sa buong linggong ito ang misteryo ng paghihirap at pagkamatay ni Jesus.  Sa katunayan ay binasa na natin ng maaaga ang pasyon ng kanyang paghihirap sa ating Ebanghelyo.  

Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin?  Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal".  May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw.  Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito.  Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo.  Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!  

Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin".  Hindi na nabibigyang halaga.  Kapag sinabi mong "mahal"  maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo!  

Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito!  Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito.  Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay.  Sa halip na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine. Kapag ganito ang ginagawa natin ang mahal ay ginagawa nating mumurahin!  Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. 

Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang! Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."

Sabado, Abril 2, 2022

MAPANGHUSGA: Reflection for 5th Sunday of Lent Year c - April 3, 2022 - 500 YEARS OF CHRISTINANITY - LENTEN SEASON

Ang ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din sa ingles na "Passion Tide."  Kung papasok kayo sa simbahan sa panahong ito ay makakakita kayo ng kakaiba... mga estatwang nababalutan ng telang kulay lila (violet).  Ang mga estatwang ito, maliban sa krusipiho, ay mananatiling nakatakip hanggang bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Bakit dapat silang takpan? 

Ginagawa ang pagtatakip sa mga estatwa upang bigyan tayo ng kakaibang pakiramdam sa nalalapit na mahahalagang araw na ating ipagdiriwang.  Hindi lang kakaibang pakiramdam ang ibinibigay nito kundi pati na rin ang pag-aasam na sana ay dumating na agad ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Jesus upang muli nating masina6an ang mga imahaeng nagtataas ng ating pananampalataya sa Diyos.  Ngunit higit sa lahat ay upang mas higit nating maituon ang ating sarili sa paghihirap ni Jesus lalo na sa mga pagbasang ating maririnig habang lumalapit na ang mga Mahal na Araw.  Katulad na lang ng magandang pagbasa ngayong Linggo. Kung paanong noong nakaraang Linggo ay hinikayat tayong maging maawain katulad ng ating Ama, ngayon naman ay hinihikayat tayong maging "maunawain" sa ating kapwa at iwasan natin ang agad-agad na panghuhusga.  

May nakakatuwang kuwento tungkol sa mag-amang lumuwas sa bayan kasama ang kanilang alagang "patpating" kabayo.  Natural na pinasakay ng tatay ang anak sa kabayo dahil may kalayuan ang paglaalkabay.  Ngunit ng makita sila ng mga tao ay agad nakarinig sila ng pagpuna.  "Wala namang utang na loob at paggalang ang batang ito sa kanyang ama.  Nakita na niyang matanda na ang kanyang ama at pinaglalakad niya ito.  Bakit hindi niya pasakayin sa kabayo?"  Nang marinig ito ng dalawa ay agad nagpalit sila ng puwesto.  Ngunit nakarinig uli sila ng pagpuna.  "Tingnan mo ang matandang ito. Walang pagmamalasakit sa anak!  Bakit hindi siya ang maglakad? Kawawa naman ang bata!"  Sa huli, nagdesisyon silang pareho na lang silang sumakay sa kabayo.  Ngunit ng makita ito ng mga tao ay awang-awa nilang sinabing: "Kawawang kabayo... masyadong pinahihirapan ng mag-ama!  Ang payat-payat na nga pareho pa nilang sinasakyan!" At ang sumunod na eksena... buhat-buhat ng mag-ama ang kabayo!  

Kung minsan ay napakadali nating pumuna at manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala!  May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology".  Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan.  Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali.  Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran.  Tayong mga tao nga naman!  Lagi nating napupuna ang pagkukulang at pagkakamali ng ating kapwa.  Ang masaklap pa ay ito ang nagiging paboritong laman ng ating mga usapang "Tolits" at "Marites".

Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon". Hinusgahan rin nila ang babaeng nahuling nakiapid na makasalanan na dapat mamatay ayon sa batas ni Moises.  Nais nilang siluin si Jesus upang may maiparatang sila sa kanya.  Kapag ipinagtanggol niya ang babaeng makasalanan ay malinaw na nilalabag niya ang kautusan.  Kapag hinayaan niya naman itong batuhin ay wala huwad ang kanyang pagmamahal sa mga inaapi. 

Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isa ang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis.  Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. Ang sabi ni Jesus sa babae noong nagsilisan na ang mga taong umaakusa sa kanya ay: "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!"  

Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga.  "Who am I to judge?"  ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis.  Lahat naman tayo ay makasalanan.  Sinasabi ng ating pananampalataya na matuto tayong tumanggap at hindi nagtataboy sa iba.  Na dapat tayo ang lumalapit sa kanila at hindi nagkokondena!

Huwag nating sanayin ang ating sarili na laging nakaturo ang daliri sa pagkakamali ng iba sapagkat hindi nakikita kung minsan na tatlong daliri pala ang nakaturo sa atin.  Huwag na huwag nating aakuin ang pagkatao ng mga mapagmataas na nagagawang manalangin sa Diyos habang hinuhusgahan ang kanilang kapwa: "Salamat, Panginoon... hindi ako katulad nila!"  Ano ang sabi ni St. Mother Teresa: "If you judge people, you have no time to love them."

 Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa sa ating kapwa.  May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan.  May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala.  

Katulad ng ipinakita ni Jesus, ang Simbahan ay para sa mga taong ito.  Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao.  Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos.  Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus.  Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain.  Magmahal upang tayo rin ay mahalin.  Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa sa mga taong kawawa at kaawa-awa.   

Sabado, Marso 26, 2022

ANG BUTIHING AMA: Reflection for 4th Sunday of Lent Year C - March 27, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - LENTEN SEASON

Ang ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag na Laetare Sunday.  Ang "laetare" ay salitang Latin na ang ibig sabihin ay MAGSAYA.  Nararapat lang na tayo ay magsaya sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa atin ng kanyang malaking pagmamahal sa pamamagitan ng pagsusugo ng kanyang bugtong na Anak para tayo ay mailigtas sa pagkakaalipin ng kasalanan.  Sa gitna ng malamlam na panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Simbahan na magalak sapagkat ang pagliligtas ng Anak ng Diyos ay malapit na!  Kaya nga't kulay ROSAS ang kulay ng Kuwaresma sa Linggong ito.

Sa bawat kuwento o telenobela ay parating may tinatanghal na bida at kontrabida.  Ang mga bida ay karaniwang ang mga taong may mabuting kalooban at ang mga kontrabida naman ay ang may masamang pag-uugali.  Hindi ito naiiba sa ating kuwento ngayon sa Ebanghelyo, ang talinhaga ng ALIBUGHANG ANAK.  Siya ba ang bida sa kuwentong ito o isa siyang kontrabida?  Kung hindi siya ang bida ay sino? Pakinggan ninyo ang isa pang kuwentong ito:  

Naassign sa "Bario Sirang-Tulay" si Padre Kuliling. Yun ang tawag sa kanya ng mga tao sapagkat sa tuwing siya ay nagpapa- kumpisal ay gumagamit siya ng ng maliit na "bell" at pagkatapos mong sabihin ang kasalanan mo ay makakarinig ka ng "kuliling... kuliling..." ng maliit na bell depende sa bilang ng iyong kasalanan. Nagkataong nangumpisal ang kinikilalang pinakamakasalanan sa bayan. Parang may shooting ng mga artista na dinagsa ng mga tao ang simbahan upang marinig kung ilang kuliling ng bell ang gagawin ng pari. Dalawampung minuto na ang nakalipas... walang kuliling. Tatlumpu... apatnapu... wala pa rin. "Hinimatay na ata si Fr. Kuliling sa dami ng kasalanang kanyang narinig" sabi ng mga tao. Pagkatapos ng isang oras ay patakbong lumabas si Fr. Kuliling. Nagtungo sa kampanaryo ng Simbahan at hinila ang tali... "boom! boom! boom!...." Ganyan kalaki ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lang "kuliling ng maliit na kampana" ngunit "boom ng kampanaryo" ang nakalaan sa isang makasalanang tunay na nagsisisi. 

Sa aking palagay, ang talinhaga ay mas angkop na pamagatang "The parable of the Good Father" sa halip na "Prodigal Son" sapagkat ang bida ay ang tatay hindi ang anak. Hindi naayon sa tamang pag-iisip ang kanyang ginawa sa kabila ng maraming pagkakamali ng kanyang anak. Hindi siya nirespeto, pinagsamantalahan ang kanyang kabaitan, nilustay ang kanyang kayamanan ngunit sa huli ay nakuha niya pa ring magpatawad. Ganyan kabuti ang ating Diyos... Kahit halos abusuhin na natin Siya sa dami at paulit-ulit nating kasalanan ay nakahanda pa rin Siyang magpatawad at tanggapin muli tayo bilang kanyang mga anak!  

Hindi natapos ang kanyang pagiging mabuti sa kanyan bunsong anak.  Mas ipinakita niya ito sa kanyang panganay na isang ring "alibugha".  Totoong siya ay nagsilbi sa kanyang ama ngunit pagsisilbi na walang tunay na pagmamahal.  Ipinakita pa rin nya ang kanyang pagiging makasarili sapagkat hindi niya matanggap ang kapatid niyang nagsisisi at ang kabutihan ng kanyang ama.  Siya rin ay nangangailangan ng pang-unawa at pagpapatawad at hindi iyon ipinagkait ng kanyang ama.  

"Open-ended" ang kuwento.  Walang ending.  Hindi natin alam kung pumasok ba ang panganay sa bahay.  Hindi pa tapos ang kuwento sapagkat mayroon pang ikatlong alibughang anak at iyon ay walang iba kundi... TAYO!  Ikaw ang gagawa ng katapusan sa talinhangang ito. Tatanggapin mo ba ang kabutihang patuloy na ipinapakita sa iyo ng Diyos?  

 "Laetare Sunday" ang tawag sa araw na ito.  "Laetare" na ang ibig sabihin ay ay magsaya! Bagamat ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa pagsisisi ay inaanyayahan tayong magbalik-loob na may kagalakan sa ating puso sapagkat may Diyos tayong mahabagin at magpagpatawad.  Pasalamatan natin ang kabutihan ng ating Diyos ngunit isapuso rin natin ang tungkuling mahalin Siya ng lubos kahit na tayo ay kanyang mga alibughang anak.  1

Sabado, Marso 19, 2022

OUR PATIENT GOD: Reflection for 3rd Sunday of Lent - March 20, 2022 - Lenten Season

Ang Panahon ng Kuwaresma ay pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang manalangin, magnilay, at magsisisi sa ating mga kasalanan.  Kaya nga ang kulay ng Kuwaresma ay "violet" na sumasagisag sa "repentance" o pagsisisi sapagkat tayong lahat ay mga makasalanang nangagailangan ng pagbabalik-loob sa Diyos.  Ako, ikaw, tayong lahat ay may tulay na kinalalaglagan sa ating buhay.
May isang batang nagtanong sa akin sa kumpisal: "Father, mapapatawad po ba talaga ako ng Diyos?" Ang kanyang tanong ay tanong din ng marami sa atin:  "May hangganan ba ang awa ng Diyos?"  Sa paulit-ulit nating pagkukumpisal at patuloy din nating paggawa ng kasalanan ay hindi natin maiiwasang itanong ito.  Pakinggan ninyo ang kuwentong ito:  

"May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay  sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na.  Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery".  Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan.  Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!"  Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay.  Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag rin sa tulay!" hehehe... 

Marami tayong tulay na kinalalaglagan: mga kasalanang paulit-ulit, masamang pag-uugali, mga bisyo tulad ng sugal, pag-inom, paninigarilyo, pambabae, sa mga kabataan pagbababad sa computer games at marami pang iba. Ang "Good News" maari pa tayong umahon sa ating pagkakalaglag. Sa Diyos lagi tayong may second chance upang bumawi at patunayang sa kabila ng ating kahinaan ay kaya nating bumangong muli at ituwid ang ating pagkakamali.  Hindi siya nagsasawa at bumibigay sa ating kahinaan. 

Para tayong puno ng igos sa Ebanghelyo, walang bunga... ngunit ang Panginoon ay nagtitiyaga sa atin.  Inaalagaan niya tayo upang makapamunga. Siya ang namamanhikan sa Ama upang bigyan ng pagkakataong makaahon ang kanyang mga anak at "mamunga ng sagana! "Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti, ngunit kung hindi, putulin na natin. " Ngunit mag-ingat din tayo na huwag nating aabusuhin ang kabutihan ng Diyos sapagkat ang lahat din ay may hangganan. Kung taos ang ating pagsisisi ay gagawin natin ang lahat ng paraan upang maituwid ang ating baluktot na pamumuhay at tahakin ang landas ng pagbabago. 

Sa ating pagbabago tandaan natin na may Diyos na tapat sa atin.  At sapagkat may Diyos na mapagpasensiya at matiyaga sa atin ay dapat din tayong maging mapagpasiyensiya at matiyaga sa ating mga sarili.   Yung batang nagtanong sa akin kung mapapatawad ba tayo ng Diyos sa ating mga kasalanan ay marahil nagdududa sa kabutihan ng Diyos.  "Father, paulit-ulit lang naman ang kinukumpisal ko! Pagkatapos kung magkumpisal, mamaya magkakasala na naman ako! Para saan pa ang pagkukumpisal?"  ang tanong niya sa akin.  Ito ang sagot ko sa kanya: "Nagsipilyo ka ba kanina pagkagising sa umaga?"  "Siyempre naman Fads!  Mabaho ang hininga ko pagkagising eh!" sagot niya sa akin. Sinabi ko sa kanya: "Bukas, pagkagising mo, huwag ka ng magsisipilyo! Kasi babaho din naman ang hininga mo! At ganun din sa susunod na araw!"  Pareho rin sa pagkukumpisal.  Hindi kailanman mawawala ang "baho ng hininga" natin,  Babalik at babalik yan.  Ang kasalanang ating nagawa ay maaring bumalik muli.  Kung minsan nga paulit-ulit.  Kaya nga't mas kinakailangan natin ang pagkukumpisal sapagkat sa paglapit dito ay pinahahayag natin ang pag-amin sa ating kahinaan at ang pangangailangan natin sa kalakasan ng Diyos!  Ang paglapit sa Sakramento ng Kumpisal ay ang pagtugon natin sa mga "warning signs" dahil kung hindi ay maari itong ikapahamak ng ating kaluluwa.  

Kung minsan ay kulang tayo sa pagtitiyaga kung kaya't hindi natin magawang magbago. Ang paulit-ulit nating paggawa ng kasalanan ay parang nagiging kalyo na sa ating pagkatao at nawawalan na tayo ng pag-asang umahon pa sa ating pagkakasadlak sa masamang pamumuhay.  Magtiwala tayo sa kabutihan ng ating Diyos.  Our God is a patient God.  Ang ating Diyos na puspos ng awa ay nagtitiyaga sa ating masasamanag pag-uugali at hindi Siya magsasawang hintayin ang ating pagbabalik-loob. Kaya wag tayong masiraan ng loob. 'wag tayong mawalang ng pag-asa.  Ang sabi nga ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Come back, says the Lord, ang I will frown on you no more, since I am merciful and I shall not keep my resentment for ever.  Come back, disloyal children, says the Lord."  (Jer 3:12,14)  

Kaya nating magbago.  Kaya nating maging tapat sa Diyos!  "Be patient because God is patient with you!"

Sabado, Marso 12, 2022

MAG-ANYONG KRISTO: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year C - March 13, 2022 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - LENTEN SEASON

Ang panahon ng Kuwaresma ay pagkakataon para sa ating magbalik-loob, magbagong buhay... magbagong-anyo.  Hinihikaya't tayong sa isang pagbabago na hindi lamang sa ating panlabas na kaanyuan, ngunit higit sa lahat, isang pagbabago na kung saan ay nawawala ang ating pagiging makasarili at nagiging katulad tayo ni Kristo.  Sa panahon ngayon ay napadali ang magbagong anyo.  Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ay napakadali mong baguhin ang iyong itsura.  Kung may budget ka ay naririyan ang plastic surgery ka kung saan ay puwedeng patangusin ang pango mong ilong, pakinisin ang bako-bako mong pisngi,  lagyan ng hugis ang iyong at gawing kahali-halina ang iyong katawan.  Kung wala ka namang budget ay makuntento ka na lang sa "image filtering" ng facebook o ng instagram!  

May kuwento na minsan ay may isang matandang dalaga, tipikal na "manang ng simbahan" na napasaisip tungkol sa kanyang kasalukuyang katayuan.  Matanda na siya.  Halos buong buhay n'ya ay ibinuhos niya sa paglilingkod sa simbahan. Sa katunayan, ay nagmimistulang antigo imahen na ang kanyang anyo at nangangamoy kandila na ang halimuyak ng kanyang katawan. Pag-uwi sa bahay ay humarap siya salamin at sa kauna-unahang pagkakataon naglakas loob siyang lumabas, pumunta sa isang derma clinic upang magpabanat ng mukha, magpaayos ng buhok sa isang parlor at mamili ng mga modernong damit at kasuotan. Sa madaling salita, isang total make-over ang kanyang ginawa kaya't sa muli niyang paglabas ng bahay ay isang bagong nilalang na ang naglalakad sa lansangan. Hindi mo na sya makikilala.  Nagbagong-anyo ang manang ng simbahan!  Yun lang nga sa pagtawid niya sa kalsada ay hindi niya napansin ang rumaragasang sasakyan. Siya ay nabangga at namatay.  Sa kabilang buhay ay galit na galit siyang humarap kay San Pedro.  "Hindi ito makatarungan San Pedro.  Nagsisimula pa lang akong mag-enjoy at kinuha mo na agad ako sa mundo!"  Napatingin si San Pedro sa kanya at agad-agad tinanong ang kanyang pangalan. Hinanap niya ito sa listahan ng mga dapat nang magsulit ng kanilang buhay sa araw na iyon.  At laking pagpapaumain na sinabi ni San Pedro kay manang na: "Pasensiya na po lola, abay hindi namin kayo namukhaan... sobrang NAGBAGONG ANYO kayo!"  

Ang anumang uri ng pagbabago ay hindi madali sapagkat ito ay nangangailangang dumaan sa isang proseso.  Change is a process and it takes time... Ibig sabihin ay hindsi ito minamadali.  Kung ito ay totoo sa ating panlabas anyo ay mas lalo itong totoo sa ating buhay espirituwal. Kung may pagbabago mang inaasahan sa atin ang Panginoon sa panahong ito ng Kuwaresma ay ang pagbabagong totoo na dapat magpatulad sa atin kay Kristo!  Ang pagbabagong ito ay hindi agaran at isang sandali lamang.  Ito ay pinagsusumikapan at pinaghihirapan.  Ang pagbabago ay isang proseso na dapat nating daanan bilang Kristiyano.  Pagbabagong dumadaan sa paghihirap, sakripisyo at pagkamatay sa ating lumang sarili upang makamit natin ang bagong anyong katulad ng kay Kristo.

Natural sa ating mga tao na iwasan ang paghihirap kung maari nga lamang.  Ngunit hindi ito ang dapat na nangyayari sa isang kristiyanong nagnanais ng tagumpay.  Ang paghihirap na pinagdaanan ni Jesus upang makamit ang kaluwalhatian ng muling pagkabuhay ang parehong daan na dapat tahakin ng kanyang mga tagasunod.  Sa isang Kristiyano, walang Linggo ng Muling Pagkabuhay na hindi dadaan sa Biyernes Santo.  Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay!  

"Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang ipaunawa sa kanila ni Jesus na dapat nilang harapin ang mapait na katotohan na ang kanilang kinikilalang "Panginoon" ay nararapat maghirap at mamatay sa krus. Kailangan daanan muna ni Jesus ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay.  "No cross... no glory!"

Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin lalo na sa pagnanais nating magbago. Huwag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. "A Christian without a Cross is a contradiction!"  Ang pagbabago ay isang krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus.  Madali ba ito?  Bakit mahirap ang pagbabago?  Una, sapagkat ito ay isang proseso na sabi natin kanina ay hindi minamadali.  Pangalawa, ito ay nangangahulugan na may dapat tayong ibigay mula sa ating lumang sarili. Tatanggalin mo ang iyong masamang pag-uugali.  Iiwanan mo ang masama mong pamumuhay.  Mahirap ito kung ang titingnan lamang natin ay ang mga dapat nating tanggalin o iwanan.  Bakit hindi natin pagtuunan ng pansin kung ano ang ating makukuha sa halip na kung ano ang mawawala sa atin?  Ang sabi nga: "One reason people resit change is because they focus on what they have to give up, instead of what they have to gain."  Hindi ba't walang katumbas na kaligayahan ang naghihitay sa atin kung mababago natin ang ating masamang pag-uugali?  Isipin natin ang pagnanais nating magbago ay mas higit sa nating pagnanais na manatiling kapareho ng dati nating sarili.  

May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad sa kanyang pagbbagong anyo ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin.  Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang magandang paalala sa atin na huwag panghinaan ng loob kapag nahaharap tayo sa malalaking problema at suliranin sa buhay at sa pagnanais nating baguhin ang ating sarili.  Huwag tayong mawalan ng pag-asa kapag sa harap ng maraming pagkabigo.  Huwag tayong masadlak sa kadiliman sapagkat may liwanag na naghihintay sa Muling Pagkabuhay ni Kristo!  Magbagong anyo tayo katulad ni Kristo.  Ang magbagong-anyong tulad niya ay maging katulad niya!