Sabado, Agosto 18, 2018

BECOME WHAT YOU EAT, BECOME LIKE CHRIST: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 19, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa pagpasok ng taong 2018 ay gumawa ako ng aking sariling #fitnessgoal.  Isa sa mga lines of action na kinuha ko para sa aking sarili ay "less rice... more exercise!"  Aaminin ko na hanggang ngayon ay mas marami ang aking rice keysa exercise!  Paminsan-minsan ay nag-eexercise naman ako.  Yun lang nga pag ako ay tinatanong kung bakit ko ba ito ginagawa ay ito ang sagot ko:  "I exercise to support my eating habit!"  Ang sarap naman kasi talagang kumain hindi ba?  Ang sabi ng isa kong kaibigan:  "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same, so why not EAT and DIE!" Puwede rin itong gawing motto ng mga taong ang tanging kahulugan ng buhay ay "kumain." Ang kumain ang isa sa mga mahahalagang gawain natin bilang tao. Lalo na tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may bonggang kainan!  Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili.  Pero meron akong babala.  Mag-ingat tayo sa ating kinakain.  Naniniwala ako sa prinsipyo na nagsasabing: "You are what you eat!" kasi nga ay nagiging katulad tayo ng ating kinakain.  Kung mahilig kang kumain ng baboy, ay magmumukhang baboy ka rin!  Kung laging kambing ang kinakain mo ay mag-aamoy kambing ka rin!  Kung panay ang kain mo ng "junk food"  ay di malayong makasama ka sa mga tinaguriang "fat and furious!"  Ngunit kung healthy ang ating kinakain ay siguradong magiging maganda at malusog ang ating pangangatawan!  Anuman ang ating kainin maniwala tayo na nagiging kabahagi natin ang ating kinakain.  Alam n'yo bang may misteryong nangyayari sa tuwing tayo ay kumakain?  Kapag tayo ay kumakain ay pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay!  At ang buhay na iyan ay depende sa kung anung uring pagkain ang ipinapasok natin sa ating katawan.  Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang kinain mo!  Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! BECOME WHAT YOU EAT... BECOME LIKE CHRIST!

Lunes, Agosto 13, 2018

ANG MAGAANG MADALING TUMAAS: Reflection for the Solemnity of the Assumption Year B (Reposted) - August 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!" Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 11, 2018

FOOD SELFIE: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 12, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa pagkakauso ng "selfie"  ay nauso rin ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera.  Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture.  Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kuhaan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan?  Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang.  Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan.  Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain?  May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!"  Ang pinakaunang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan.  Ngunit hindi lang naman ito ang dahilan.  Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nararamdaman! Ang pagkagutom pala ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan.  Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa.  "The family that eats together... stays together!"   Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa.  Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo."  Hindi natin kinakailangang  mag"food-selfie"  upang mapaalalahan tayo nito.  Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.

Sabado, Agosto 4, 2018

BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year B - August 5, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ngayong Linggong ito ang itinalagang Parish Priest's Sunday.  Kahapon, August 4, ang Kapistahan ni St. John Mary Vianney.  Siya ang itinalagang patron ng mga Kura Paroko ni Pope Pius XI noong 1929.  Ngunit kinalaunan ay itinanghal na rin siyang pintakasi o patron ng lahat ng mga pari ni Pope Benedict XVI noong 2009.  Kaya puwede rin sabihing ngayon ang araw na kung saan ay pinaparangalan natin, hindi lamang ang mga kura paroko, kundi ang lahat ng mga pari.  Ano nga ba ang mayroon sa ating mga pari at dapat natin silang alalahanin at parangalan?  May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan.  Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan.  Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan.  "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LCD TV para sa ating simbahan."  Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili.  "Tanga di ba? "  Sabi ng unang pari.  Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan.  Luma na kasi ang service natin sa parokya!"  Agad ding sumunod ito at umalis.  "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko...   Hoy, halika nga.  Pakitingin nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?"  Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! hehehe"   Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas?  Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LCD TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..."  Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga pari kaysa kanilang mga sakristan!  Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon?  Hindi naman siguro katangahan.  May ilan siguro!  Pero higit sa lahat ay mayroon sila ay ang "kakulangan."  Inaamin naming mga pari na kami ay may kakulangan sa aming mga sarili bilang lingkod ng Panginoon at dahil d'yan ay nangangailangan ng inyong pang-unawa at panalangin.  Wala namang paring hindi nagkakamali ngunit bakit parang may mga taong panay mali na lang ang nakikita sa kanilang mga kaparian katulad ng nabasa kong artikulong "The Priest is alwayas wrong!"   Kapag nagmisa siya on time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father!  Kapag nalate naman ng kaunti... pinaghihintay niya ang mga tao!  Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring! Kapag maikli, hindi siya naghanda.  Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre.  Kapag laging kasama naman ay lalaki,  hmmmm nangangamoy paminta si Padre!  Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan.  Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire!  Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!"  Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ?  NO PRIEST...  NO EUCHARIST!  Kaya nga't sa halip na hanapan ng kamalian ay dapat suportahan ng mga layko ang kanilang mga kaparian!  Lalo na ngayong panahong ito na nababatikos ang mga ilang dahil sa kanilang masamang halimbawa at mga eskandalong kanilang kinasasangkutan.  Totoo na dapat ay mabahala tayo bilang Simbahan, ngunit tandaan natin na mas maraming pari ang nagsisikap at nanatiling tapat sa kanilang pagtawag bilang mga alagad ni Kristo.  Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paanong hindi pinabayaan ng Diyos ang kanyang bayan.  Pinadalhan niya ang mga Israelita ng "manna" sa ilang upang maging kanilang pagkain.  Sa kasalukuyang panahon ay patuloy ang pag-aaruga ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga paring kanyang hinirang na tumutugon sa kanilang espirituwal na kagutuman.  Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." At ito rin dapat ang ginagawa ng mga pari sa kanilang nasasakupan:  ang bigyan ang mga tao ng "pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan!"  Kaya nga't mahalaga ang papel na ginagampanan naming mga pari sa pagpapatuloy ng misyon ni Jesus.  Walang pari... walang Eukaristiya.  Walang Eukaristiya... walang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan!  Ang mga pari, lalong-lalo na ang mga Kura-Paroko, ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya.  Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na mga pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo.  Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian.  Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan!  Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay binibigyang pansin natin hindi lang kaming mga kaparian o relihiyoso, kundi pati na rin ang mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno sapagkat nakikibahagi tayong lahat sa iisang pagkapari ni Kristo.  Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan.  Banal na pari... banal na Simbahan!  Banal na Simbahan... banal na mamamayan! Ibig sabihin BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN! Maraming salamat po sa inyong suporta at  mga panalangin! 

Sabado, Hulyo 28, 2018

KRISTIYANONG PABIBO: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Karaniwang maririnig ngayon ang salitang "PABIBO".  Hindi naman ito bago sapagkat maririnig na ito noon pa mang taong 2007 kasama ng mga salitang PABEBE at PABIDA.  Ang PABIBO ay ang taong laging gusto na siya ang sentro ng atensiyon na kung minsan ay dumarating na sa puntong nakikialam na siya sa buhay ng iba.  Maaring ito rin ay mangahulugan ng pagpapasikat, katulad ng isang estudyanteng umaaktong alam niya ang lahat, "know-it-all attitude" sa klase upang mapansin siya ng kanyang mga kapwa kamag-aral.  Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay umaastang "pabibo".  Maaring mababa ang kanyang pagtingin sa sarili.  Maaring rin itong reaksiyon ng isang taong kulang sa pagmamahal.  Ngunit maaari rin itong reaksyon sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay.  Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o may kuwenta!  Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala.  Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang mag PABIBO!  Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi?  Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe...  Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta.  Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga.  Huwag kang magpabibo kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo.  Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda, pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata.  Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus?  Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla.  Ang Panginoon nga naman kung minsan ay mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila, kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa!  Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta!  Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan!  Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad.  May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?"  Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta!  Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka!  Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan.  Natutuwa akong malaman na may mga ilang guro at mag-aaral ng aming paaaralan na naglaan ng kanilang oras at panahon upang mag-impake ng mga relief goods at tulungan ang mga nabiktima nitong nakaraang malalakas na pag-ulan.  Marahil maliit na bagay para sa kanila ang kanilang ginawa ngunit para sa mga taong kanilang natulungan ay malaking bagay!  Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay.   Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano kayat nararapat lamang na ibahagi natin ito sa mga taong nangangailangan pa ng liwanag ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Mayroon.  Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan.  Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan.  Tandaan mo... tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda"… walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa!  Makagagawa tayo ng himala!  Kaya nga huwag nating piliing maging "Kristiyanong Pabibo".  Mayroon tayong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.

Sabado, Hulyo 21, 2018

MALASAKIT SA PAGLILINGKOD: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time - Year B - July 22, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ayon sa paniniwala nating mga Katoliko ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... Huwag po sanang magalit ang ating mga minamahal na obispo.  Kathang-isip lang po ito at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan.  Ang babait kaya at kagalang-galang ang mga obispo natin!  Talagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!"  Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna!  Hindi sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1)  Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan.  Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34} At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol.  Kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod.  Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano.  Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo?  Ngunit hindi lamang ang magulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang.  Mga kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo kaysa sa kanila?  Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa pag-aaral?  At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan sila ng malasakit sa kanilang paglilingkod.  Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan?  At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal.  Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod.  At ngayong ngang Year of the Clergy and Consecrated Persons ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag pagingkuran."  Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol.  Isang mabagbag damdaming pagbabahagi sa dinaluhan kong Philippine Conference for New Evangelization nitong nakaraang mga araw ay ang sinabi ni Bishop Ambo David ng Caloocan sa kanyang homiliya:  "Today, I declare I have not been a good shepherd to my flock.  The wolves have been hunting in the streets... I have not been able to protect them with my life."  Nasabi niya ito pagkatapos niyang mabalitaan na isa na naman sa kanyang mga nasasakupan ang naging biktima ng karumaldumal na pagpatay,  Ang diyosesis ng Caloocan ay isa sa mga may maraming bilang ng extra-judicial killings!  Ang tunay na pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa!  Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod.  Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod.  Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit!  Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.

Sabado, Hulyo 14, 2018

SENT AS DISCIPLES: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ano nga ba ang larawan ng ating "Lumang Simbahan?"  Marahil babalik sa ating alaala ang mga kastilang prayle na laman ng nobelang Noli Me Tangere o kaya naman ang pagmimisang nakatalikod ang pari sa altar at mga panalanging latin na siya lang ang nakakaintindi!  Marahil ang nakikita natin ay mga "alagad ng Diyos" na laging may hawak na Biblia o rosaryo at laging nakadaup-palad na tila hindi humihinto sa pagdarasal.  Eh ano naman kaya ang paglalarawan ng pari sa "Bagong Simbahan?"  May kuwento na minsan daw ay may paring nagpunta ng "Boracay" (hindi pa sarado nun!) upang takasan sandali ang maingay niyang parokya at makapagpahinga naman ng kaunti.  Upang walang makakilala sa kanya ay sinadya niyang magsuot na damit na pangturista with matching shades at malabulaklak na polong tulad ng laging suot ni dating Mayor Atienza at beach short.  Laking gulat niya nang makasalubong siya ng isang matandang babaeng naka beach attire at binati s'ya ng  "Good morning Father!"   Hindi s'ya makapaniwala na may nakakilala sa kanya.  Kinabukasan, habang sya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay ay muli niyang nasalubong ang matandang babae na ngayon ay naka-swimsuit at muli siyang binati ng "Good morning Father!"   Sa puntong ito ay hindi na niya napigilang magtanong, "Miss, paano po ninyo ako nakilalang pari?"  Sumagot ang matanda, "Si Father naman, madalas ka kayang nagmimisa sa kumbento namin.... ako si Sister Mary Joy!"  Kaya huwag kayong magulat kapag nakita n'yo kaming mga pari na nasa beach resorts, sa mga restaurants, sa mga sinehan, o kahit lumalakad-lakad lang sa SM o mga malls.  Karaniwang tao rin naman kami na may karapatang mamasyal at magsaya!  Pagkatapos ng Vatican II ay talagang malaki ang pinagbago ng imahe ng mga pari at relihiyoso.  Ngunit kung minsan, kung hindi palagi, ay napupulaan ang mga pari at naihahalintulad kay Padre Damaso.  Para sa kanila, ang pari ay laging mali! Kapag nagmisa siya On time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father!  Kapag nalate naman ng kaunti... pinaghihintay niya ang mga tao!  Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring! Kapag maikli, hindi siya naghanda.  Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre.  Kapag laging kasama naman ay lalaki,  hmmmm nangangamoy paminta si Padre!  Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan.  Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire!  Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!"  Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ?  NO PRIEST...  NO EUCHARIST!  Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagsusugo sa labindalawang alagad ni Jesus.  Binigyan Niya sila ng kapangyarihang mangaral at magpagaling ng mga maysakit.  Sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi at mabubuting gawa ay naihatid nila ang Magandang Balita ng Panginoon na tinatawag din ni Pope Francis na Gospel of Joy!  Ngunit ang Taong ito ay espesyal sa para sa aming mga pari at hinirang na alagad ni Kristo.  Ngayon ay Year of the Clergy and Consecrated Persons kaya't binibigyang diin para sa amin ang pagiging lingkod.  Sa logo nito ay kapansin-pansin ang gawain ng "paghuhugas ng paa" na gawain ng isang alipin noong panahon ni Jesus.  Isang paalala ito sa amin na kami ay itinalaga hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod.  Ipagdasal ninyo kaming mga pari na sana ay magampanan namin ito ng buong katapatan at pagpapakumbaba.  Ang pagsusugo sa labindalawang alagad ay pagpapaalala rin sa ating lahat na tayo ay isinusugo bilang isang Misyonerong Simbahan.  Ibig sabihin, ang pagiging alagad ay hindi lamang naituturing sa mga pari at relihiyoso/relihiyosa.  Ito ay para sa lahat ng Kristiyano.  Article 6 ng Documents for the Laity ay nagsasaad ng ganito: "There are innumerable opportunities open to the laity for the exercise of their apostolate of making the Gospel known... The very testimony of their Christian life, and good works done in supernatural spirit, have the power to draw men to belief and to God."  Ang ibig sabihin ay lahat tayong mga Kirstiyano ay mga misyonero anuman ang ating kalagayan at katayuan sa buhay.  Ito ay ipinapahayag natin sa ating sari-sariling pamamaraan.  Kami bilang mga pari ay dapat mangaral at sumaksi kay Kristo.  Kayo bilang mga layko ay tinatawag din sa kabutihan at kabanalan ng pamumuhay bilang mga manggagawa, mga guro at tagapagturo, mga empleyadong namamasukan o may sariling ikinabubuhay, mga namumuno sa lipunan at posisyon ng pagiging pinunong-lingkod at kahit simpleng maybahay na abala sa pag-aaruga sa kanyang pamilya.  Iba-iba ang ating mga gawain ngunit iisa ang pagtawag.  Lahat tayo ay isinugo ni Jesus na magpahayag ng Kanyang paghahari,  Lahat tayo ay tapagdala ng Kanyang Mabuting Balita!

Sabado, Hulyo 7, 2018

PROPHETS OF GOODNEWS: Reflection for 14th Sunday n Ordinary Time Year B - July 8, 2018 - YEAR OF THE CLERGY & CONSECRATED PERSONS

Kapag may nagsabing "May goodnews at badnews ako sa 'yo!", ano karaniwan mong pinauuna?  Kung ako ang tatanungin ay nais kong marinig muna ang "goodnews" ng sa gayon, kahit papaano, ay matanggap ko ng mahinahon ang "badnews".  Isa pa ay ayaw kong pangunahan ako ng "bad vibes" kapag may ibinabalita sa akin.  May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng basketball.  Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa basketball kaysa sa kanilang mga gf. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila  ay ibalita kung may basketball din ba sa kabilang buhay.  Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo!  May goodnews at badnews ako sa 'yo!"  Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig.  "Ano ang goodnews?" tanong ni Pedro. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may basketball sa kabilang buhay!"  Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Ano naman ang badnews?"  Sagot ni Juan: "May laro tayo bukas, kasama ka sa first five!" hehehe...    Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews."  Sino nga ba naman ang may gusto nito?  Kaya nga sa Misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon at hindi ang masamang balita.   Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang magagandang balita balita kaysa masasamang balita. Kaya nga't kung araw-araw na lang ay patayan ang naririnig mo sa teleradyo o telebisyon ay para bagang ayaw mo ng manood! Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao.  Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila.  Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa.  "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon.  Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!"  Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay."  At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan.  Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos.  Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta.  Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo ay isinunod ang pagpapahid ng langis o "krisma".  Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ng ating Paninoong Jesukristo.  Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus.  Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa.  Ito ay tungkuling kaakibat ng ating pagiging Kristiyano na dapat nating gampanan.  Sa ating kasalukuyang panahon ay naangkop ang pagsasabuhay ng ating pagiging "propeta."  Maraming isyung lumalabas ngayon na nangangailangan ng ating paninindigan bilang Kristiyano.  Sa katunayan ay nagmimistulang kontrabida na nga ang Simbahan sa lipunan dahil sa mga pagsalungat nito sa maraming isyung moral.  Halimbawa, naririyan ang patuloy na pagsalungat ng Simbahan sa Diborsiyo na pilit na isinusulong ng ating mga mambabatas.  Naririyan din ang pagtutol ng Simbahan sa same sex marrriage.  Hindi pa rin tumitigil ang Simbahan sa pagtutol sa maraming "extra-judicial killings" at paglabag sa mga karapatang pantao o human rights.  Ang mga ito ay nangangailangan ng katapangan at katapatan ng pagiging isang PROPETA.  Marahil ay hindi popular ang paninindigan ng ating pananampalataya ngunit hindi ito batayan upang sabihing mali ang ating daang tinatahak.  Tandaan natin na ang mga propeta, at kasama na rin si Jesus, ay nakaranas ng pag-alipusta at hindi pagtanggap mula sa kanyang mga kababayan.  Huminto ba sila sa pagsasabi ng katotohanan?  Hindi.  Patuloy silang sumalungat sapagkat ang kanilang ipinapahayag ay ang kalooban ng Diyos!  Tayo rin bilang mga Kristiyano ay dapat hindi huminto sa pagsalungat kung ito ang hinihingi ng ating pananampalataya.  May isang kasabihan na nagsasabing "only a dead fish go with the flow!"  Ibig sabihin, buhay ang ating pagiging Kristiyano at pagiging Simbahan kung marunong tayong manindigan sa katotohanan at sa turo ni Kristo.  Sa katunayan, ang ating pagiging propeta ay hindi naman talaga tagapagdala ng "bad news".  Bad news sa mga taong mali at baluktot ang paniniwala.  Ngunit sa mga taong bukas ang pag-iisip, ang ating ipinapahayag ay GOOD NEWS!  Hindi dapat tayo maging badnews para sa iba.  Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!"  Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.

Sabado, Hunyo 30, 2018

DIYOS NA BUHAY AT NG BUHAY: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - July 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa kasalukuyang panahon ngayon na kung saan ay laganap ang krimen ay wala na atang pinipili ang masasamang loob.  Kahit nga kaming mga pari ay nalalagay na rin sa panganib kaya nga't lubos ang aming pag-iingat!  Sa kabila nito ay patuloy pa rin kaming mga pari sa pagtupad sa aming tungkulin at dapat naming gampanan ito ng buong katapangan.  May nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya."  Huwag nating isisi sa Diyos kung bakit tayo nagkasala at pumasok ang parusang kamatayan sa mundo.  GOD IS NOT STUPID!  Tayong mga tao ay pinagkalooban niya ng talino at kalayaan upang piliin ang mabuti sa masama.  Kailanman ay igagalang ng Diyos ang ating kalayaang magdesisyon sa buhay.  Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na "huwag kakainin ang prutas ng puno na nasa gitna ng hardin."  Ngunit dahil na rin sa pagnanais ng taong maging matalino at makapangyarihan "tulad ng Diyos", ay nilabag niya ang Kanyang utos.  Dahil dito ay pumasok ang parusang paghihirap at kamatayan na daranasain nating Kanyang mga nilalang.  Ngunit hindi naman tayo lubos na pinabayaan ng Diyos. Agad-agad ay ibinigay Niya ang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang Anak na si Jesus.  Bagamat tinubos tayo ng Kanyang bugtong na Anak na ating Panginoong Jesus ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng ating kaaarawan ay pinasasalamatan natin ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Ngunit 'wag nating kalimutang ang bawat pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit sa ating kamatayan.  Huwag tayong matakot sapagkat ang kamatayang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asang balang araw ay makakamit natin ang tunay na buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Ang ating Diyos ay Diyos na buhay at Diyos ng buhay.  Mabuhay ang Diyos ng buhay!


Sabado, Hunyo 23, 2018

ANG KABAITAN NG DIYOS SA ATING PANGALAN: Reflection for the Solemnity of the Birth of John the Baptist Year B - June 24, 2018: YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Siyam na taon akong naglingkod sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo at isa sa mga kinagigiliwan kong gawain ay ang pagbibinyag sa mga bata.  Isa sa mga nakakatuwang bahagi ng binyag ay ang pagsasabi ng pangalan ng batang bibinyagan. Doon ka kasi makakarinig ng iba-t ibang uri ng pangalan.  Karaniwan ay kinukuha ng mga magulang ang pangalan ng kanilang mga anak sa kanilang mga iniidolong artista o mga manlalaro.  Minsan naman ay kakaiba ang mga pangalan na tila "out of this world." Minsan daw ay may nagpabinyag ng kanyang anak at ang gusto niyang ipangalan ay "Toyota".  Ang dahilan ay sapagkat ang pangalan ng panganay ay Ford, at ang kasunod naman nito ay Mercedez kaya itong bunso dapat daw ay Toyota.  Ang sabi ng pari:  "Sige Toyota ang kanyang pangalan, anung gusto n'yong ibuhos natin sa ulo niya? Unleaded ba o diesel?"  Ngunit sana ay nag-iingat din tayo sa pagbibigay ng pangalan. Nauuso kasi ngayon ang pagdudugtong ng pangalan tulad ng Kath-niel, Ja-dine, Al-dub.  Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay.  Halimbawa: Jomar, kasi ang tatay ay Jose at nanay naman ay Maria. Ok lang naman kung ganito ngunit minsan kasi ay may nagpabinyag na ang pangalan ng bata ay hango sa pinagdugtong na pangalan ng mga magulang na ang pangalan ng tatay ay Conrado,  at ang nanay naman ay Dominga. Ang kinalabasang pangalan ng bata: CONDOM!  Hehehe. Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo?  Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga pangalan. Sa katunayan may isang pari kami, na pumanaw na, na binibigyan ng kahulugan ang aming pangalan ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga letra nito. Hindi ko alam kung ito ay totoo kasi masyado ng worldy o secular ang mga pangalan ngayon. Dati-rati ay kinukuha pa sa kalendaryo ang pangalang ibinibigay sa bata ayon sa kapistahan o santong ipinagdiriwang sa araw ng kanyang kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating tulad ng "Candelario" malamang ay ipinanganak ka ng February 2.  O kaya naman ay  "Immaculada" kung ipinanganak ka ng December 8.  Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng pangalan.  Laging kakambal nito ay ang misyon na iniaatang sa isang tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At "Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!"...mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila nang biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan.  Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa Kanyang pangakong kaligtasan sa tao.  Sa katunayan, sa sobrang kabaitan ng Diyos ay ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo maligtas!  Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin...dapat tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos. Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos ay patuloy pa ring mabait sa atin. Maging mabait din tayo sa iba. Bilang mga Kristiyano ay dapat na nasasalamin sa atin ang kabaitan ng Diyos. Maging mapagkumbaba, mapang-unawa at mapagpatawad sa maraming kakulangan ng ating kapwa sapagkat tayo rin naman ay may pagkukulang sa ating sarili. Maging mabait din tayo sa ating sarili. Maging mapagpasensiya tayo sa ating pagkakamali at kayang patawarin ang ating sarili sa ating masamang nakaraan. Si Juan Bautista ay nakalaan para maging dakila. Hindi lamang sapagkat siya ay hinirang na tagapaghanda ng daraan ng Panginoon ngunit sapagkat siya ay naging tapat sa kahulugan ng kanyang pangalan. Tayo rin, kung isasabuhay lamang natin ang kahulugan ng pangalang "Kristiyano" na ating taglay ay magiging dakila rin tayo sa harapan ng ating Diyos.