Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Hunyo 18, 2017
SAKRIPISYO NG SUPERHERO: Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year A - June 18, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ano nga ba ang katangian ng isang Superhero? Sa isang commercial add sa tv ng isang sikat na fast food chain na pinamagatang "Superhero", ay ipinakita ng pangunahing tauhan, ang tatay ng bata na labis na iniidolo ang kanyang ama at binansagan niyang superhero, na ang isang natatanging katangian ay ang kakayahan niyang magsakripisyo! Hindi lakas, bilis, galing mag-isip ang nagbibigay ng pagka-superhero sa kanya kundi ang kanyang pagtitiis, paghihirap, pagpapakapagod upang maitaguyod ang kapakanan ng kanyang anak. Kung ito ay totoo sa isang superhero ay mas lalo itong totoo sa ating pinaka-superhero bilang mga Kristiyano. Ang kakayahang magsakripisyo ang nagbigay daan sa atin upang makamit natin ang ating kaligtasan. Ang sakripisyong ginawa ng Anak ng Diyos na nag-alay ng kanyang buhay sa krus ay sakripisyong nangyari at nagpapatuloy sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa. Sa katunayan ang Banal na Misa ay tinatawag ding Holy Sacrifice. Mas mauunawan natin ito kung ikukumpara ang sakripisyo sa panahon ng Lumang Tipan at ng Bagong Tipan. Sa Lumang Tipan ang ginagamit na sakripisyo ay ang mga susunuging handog tulad ng kordero o batang tupa. Sa Bagong Tipan, sa pamamagitan ng pag-aalay ng buhay ni Jesus ay naihandog na ang natatanging sakripisyo. Siya ang "Kordero ng Diyos" na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan! Ang sakripisyong ginawa ni Jesus sa krus ay katulad din ng sakripisyo ng Lumang Tipan, isang madugong pag-aalay ng sarili. Nais ni Jesus na ipagpatuloy natin ang paggunita sa sakripisyong ito ngunit sa paraan na hindi madugo. Sa huling hapunan ay isinagawa ito ni Jesus, ang pag-aalay ng kanyang sarili sa isang paraan na hindi madugo! "Ito ang aking katawan" at pianghati-hati niya ang tinapay at ibinahagi sa mga alagad. "Ito ang aking dugo, ang dugo ng walang hanggang tipan" at gayun din ang kanyang ginawa, ibinigay ang kalis sa kanyang mga alagad. At ito ay nagpapatuloy sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng Santa Misa. Muli nating isinasabuhay sa kasalukuyan ang sakripisyong minsan ng ginawa ni Jesus sa krus ngunit hindi sa madugong paraan. Ang Banal na Eukaristiya (pasasalamat) ay naging "selfless sacrifice" na ipanararanas sa atin at nagiging daluayan ng biyaya ng ating kaligtasan! Nais ni Jesus na tayo rin ay maging Eukaristiya sa isa't isa at magpakita ng hindi makasariling pag-aalay ng sarii o "selfless sacrifice". At ngayong Father's Day ay isang magandang paala-ala sa atin ang pagsasakripisyong ibinibigay sa atin ng ating mga magulang lalo na ng ating ama. Hindi ko makalilimutan ang kuwento ng isang amang nag-viral minsan sa facebook. Nakunan siya ng litrato sa Jolibee kasama ang kanyang dalawang maliit na anak na babae at masaya silang pinapanood silang kumakain. Kapansin pansing hindi kumakain ang tatay, iyon pala ay sapagkat sapat lang ang kanyang pera para sa dalawa upang ibili sila ng simpleng chicken joy! At ng usisain ang buhay ng taong ito ay napag-alamang siya pala ay paralisado pagkatapos ma-stroke at iniwan ng kanyang asawa dahil sa hirap ng pag-aalaga sa kanya. Mag-isa niyang itinaguyod ang kanyang mga anak kahit na siya ay hirap sa pagsasalita at paggalaw bukod sa kawalan niya ng hanap-buhay. Ngunit hindi niya hinayaang maging hadlang ang kanyang kapansanan upang tuparin ang kanyang tungkulin sa kanyang mga anak. Isang larawan at magandang halimbawa ng selless sacrifice! Nawa ang bawat isa rin sa atin ay magpakita nito sa ating kapwa. Mga magulang ipakita at ipadama ang inyong pagmamahal sa mga anak sa mabuting pagpapalaki sa kanila. Maglaan ng oras at panahon para sa inyong mga anak. Magsakripisyo para sa kanila. Ang mga mga anak naman ay dapat magsakripisyo para sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti at pag-aalaga sa kanila sa kanilang katandaan. Ang selfless sarifice ay dapat maging self-less giving! Mangyayari lamang ito kung tayo ay paghaharian ng pag-ibig ni Kristo sa ating pag-isip, pananalita at pagkilos. Maging mga buhay tayong sakripisyo ng Banal na Eukaristiya!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento