Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 24, 2017
SA KANYANG MGA KAMAY : Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year A - June 25, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNIION OF COMMUNITIES
May isang lalaking nagkumpisal sa pari: "Padre, patawarin mo po ako... ako'y nagkasala!" Sumagot naman ang pari: "Anung kasalanan mo iho? Huwag kang matakot sabihin. Papatawarin ka ng Diyos. Nag-aalangang sabi ng lalaki: "Father, isa po akong serial killer. Marami na po akong napatay at pakiramdam ko ay masusundan pa ito!" "At bakit ka naman pumapatay? Anung dahilan at nagagawa mo ito?" Kinakabahang tanong ng pari. "Padre...!" Pasigaw na sagot ng lalaki, "Sapagkat silang lahat ay naniniwala sa Diyos! Ikaw ba padre... NANINIWALA KA BA SA DIYOS???!!! Nanginginig na sumagot ang pari, "Naku iho... wag kang maniniwala sa sinasabi ng iba! Syempre HINDEEEE!" Tunay ngang madaling maging Kristiyano ngunit mahirap magpakakristiyano! Madaling magpahayag na "Kristiyano ako!" ngunit mukhang naiiba na ang usapan kapag hinihingi na ang ating buhay bilang kapalit nito. Maliwanag ang binitiwang salita ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon: "Huwag ninyong katakutan ang
pumapatay ng katawan ngunit
hindi nakapapatay ng kaluluwa." Naaalala ko tuloy ang mga ilang Kristiyanong bihag pa ng mga Maute terrorist sa Marawi. Marahil may iba sa kanilang sinubukan na ang katatagan ng kanilang pananampalataya. Marso 20, 2000 noong mabihag ng mga Abu Sayyaf ang isang paring Claretian na ang pangalan ay Fr. Rhoel Gallardo kasama ang ilang guro ng kanilang paaralan. "Ang Diyos ay naririto! Huwag tayong matakot!" ang lagi niyang paalala sa kanyang mga kasama sabi ng pinalayang prinsipal. Natagpuan siya pagkatapos ng 43 araw ng pagkakabihag kasama ang ilang lalaki na patay na. May tatlo siyang tama ng baril sa ulo at katawan at tinanggal ang mga kuko sa kanyang paa, tanda ng pagpapahirap na dinanas niya sa bandidong grupo. Ilang ulit palang pinapili siya kung handa niya bang itatwa ang kanyang buhay kapalit ng kanyang kalayaan ngunit naging matatag siya sa harap ng pagsubok ng ito. Pinili niya si Kristo ng buong tapang! Marahil ang mamatay para sa pananampalataya ay pagtawag lamang para sa iilan, ngunit ang isabuhay ang pananampalatay ng buong tapang ay pagtawag para sa lahat! Ito ang mukha ng pagiging bagong martir sa kasalukuyang panahon: ang manindigan sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano kahit na ito ay nangangahulugan ng hindi pagtanggap ng makamundong paniniwala at pagtuligsa ng mga taong nabubulagan sa katotohanan. Huwag tayong matakot sapagkat kapanig natin ang Diyos sa tuwing ating ipinapahayag ang totoo ng buong tapang! Kung tayo ay kapanalig Niya, wala tayong dapat ipangamba. Sa kasalukuyang panahon ngayon na paboritong laitin at lapastanganin ang ating Simbahan at ang mga namumuno nito ay huwag tayong masisiraan ng loob. Sa huli ay mananaig din ang katotohanan at mabubunyag ang kamalian ng mga sumisira sa imahe ng Simbahang itinatag ni Kristo. Sa mga sandaling nakasalalay ang ating karangalan at maging ating kabuhayan ay huwag nating panigan ang kasinungalingan. Wag tayong matakot sapagkat hindi tayo pababayaan ng Diyos kung paanong inaalagaan niya ang mga ibon sa himpapawid at hindi hinahayaang mapahamak ang mga ito. Kilalanin natin si Jesus sa harap ng mga tao upang tayo rin ay kilalanin niya sa ating pagharap sa Diyos Ama. Manindigan tayo para kay Kristo! Huwag matakot! Nasa kamay Niya tayo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento