Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 1, 2017
MAKA-TAO... MAKA-KRISTO: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year A - July 1, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Isang tatak ng ating pagiging Pilipino ang pagiging MAKA-TAO. Karaniwan nating naririnig kapag may kumakataok sa ating pintuan ang ang mga katagang: "Tao po... may tao po ba?" Hindi ko alam kung may nakarinig na sa inyo ng "Hayop po..." o kaya naman, "Multo po..." Nais kasi natin na iparating sa kanila na dapat ay maayos at bukas-palad ang kanilang pagtanggap dahil "tao" ang nakatayo sa kanilang harapan. Kaya nga't kung tao kang tinanggap sa isang bahay ay dapat asal tao rin ang isusukli mo sa kanila. Sa Lumang Tipan ay may mas malalim pang dahilan ang kanilang pagtanggap bukod sa pagiging maka-tao. Ang kanilang paniniwala ay may mga pagkakataong ang mga sugo o alagad ng Diyos, tulad ng mga anghel, ay nag-aanyong tao kaya dapat ay laging malugod at bukas-palad ang kanilang pagtanggap kung may dumarating na bisita sa kanilang tahanan. Tulad na lamang ng panahon ni Abraham na s'ya sy bisitahin ng mga anghel upang iparating sa kanya na gugunawin na ang mga lungsod ng Sodom at Gomorra. Sa ating Unang Pagbasa, ay malugod na tinaggap si propeta Eliseo ng mag-asawang taga-Sunem sapagkat naniniwala silang siya ay lingkod ng Diyos. Dahil dito sila ay pinangakuaan ni Eliseo ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Ngunti para sa ating mga Kristiyano, may mas malalim na dahilan kung bakit dapat ay bukas-loob ang ating pagtanggap sa mga taong kumakatok sa ating puso. Hindi lang sapagkat maka-tao tayo. Hindi lang sapagkat naniniwala tayong lingkod ng Diyos ang nasa pintuan ng ating tahanan. Bukas-palad ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat nakikita natin si Jesus sa mukha ng bawat isa sa kanila. Ang pagiging Kristiyano ay MAKA-KRISTO! Nung si St. Mother Theresa ng Calcutta ay tinanong ng isang reporter kung paano niya nagagawang yakapin at halikan ang mga taong may sakit at namamatay sa lansangan ay isa lang ang kanyang tugon: "Sapagkat nakikita ko ang mukha ni Jesus sa kanila!" Sa ating Ebanghelyo ay ito ang ipinapaalala sa atin ni Jesus: "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin... At sinumang magbigay ng kahit isang baosng tubig na malamig sa isa sa maliit na ito dahil sa ito'y alagad ko - tinitiyak ko sa inyong tatanggap siya ng gantimpala." Isa lang sinasabi sa atin ng mga pahayag na ito, na buhay si Kristo sa ating kapwa! Sa panahon ngayon na tila baga naghahari ang karahasan sa ating paligid, na kung minsan ay hindi nabibigyang halaga ang paggalang sa karapatan at dignidad ng tao dahil sa pang-aabuso at pagkitil ng buhay ng iba, ay mas kinakailangan nating isabuhay ang turo ni Kristo. May kaabihan tayong mga Pilipino na "kapag binato ka ng bato ay batuhin mo naman siya ng tinapay!" May mga iba na ang tinapaty na pambato ay nakalagay pa sa loob ng garapon. Sapagkat hindi naman talaga madaling suklian ng kabutihan ang kasamaan. Kapag minura ka, ang natural na reaksyon ay murahin mo rin ang ang nagmura sa sa iyo. Hindi ko alam kong mayroong sa inyong pagkatapos siyang murahin ay nakangiti pa at nagsasabi ng "thank you!" Ngunit ito ang aral ni Kristo. Suklian mo ng kabutihan ang anumang kasamaang ibinayad sa iyo. Ang sukatan ng ating pagiging Kristiyano ay si Kristo na nagmahal at nagpatawad sa ating mga pagkkukulang at pagkakasala. Kaya't nararapat lang na sikapin nating makita ang mukha ni Kristo sa ating kapwa lalong -lalo na sa ating mga kaaway at mga taong may kaamaan tayo ng loob. Ito ang susi kung nais nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa. Hindi armas ang makapagtatahimik sa mga terorista o mga rebelde. Ang sandata ng isang Kristiyano ay paggalang at pagpapatawad. Ito ay magagawa lamang ng isang taong nakikita ang mukha ni Jesus sa iba. Tayo ay hindi lamang dapat maging maka-tao, Tayo ay dapat maging MAKA-KRISTO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento