Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 15, 2017
PAKIKINIG AT PAGIGING MABUTING LUPA: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 16, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ayaw man nating aminin, isang kapansanan nating mga tao ay ang pagiging KSP. Hindi "Kulang Sa Pansin" kundi "KULANG SA PAKIKINIG" ang tinutukoy ko. Karamihan kasi sa atin ay mas gusto ang magsalita kaysa makinig. Ang problema nang kakulangan sa pakikinig ay kapag sabay-sabay lahat na nagsasalita. Sa mga taong ito ang pakikipagtalastasan ay "more talking... less listening" Pero kung iisipin mo, tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang bibig at dalawang tenga upang mas makinig kaysa magsalita, kaya nga ang dapat ay "less talking more lsitening!" Mahalaga ang pakikinig sapagkat makapangyarihan ang salita. Bagamat natural na sa atin ang magsalita ngunit hindi natin napagtatanto ang epekto nito sa taong ating kinakausap. Kung minsan ay nakapagpapasaya tayo ng mga tao kapag ang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri o pasasalamat sa kanila. Kung minsan naman ay nakapagbibigay tayo ng loob dahil sa ating pangungutya at paggamit ng mga nakapipinsalang salita sa ating kapwa. Kung ito ay totoo sa mga salitang lumalabas sa ating bibig ay mas malaki ang inaasahan sa atin kapag ang ipinapahayag sa atin ay ang SALITA NG DIYOS. Sa unang pagbasa, sa Akalat ni Propeta Isaias ay inilalarawan ang Salita ng Diyos na parang ulan at niyebe na bumaba sa lupa upang ito ay pagyamanin at nagpapakita ito ng kapangyarihan ng Salita na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga nilikha ng Diyos. Sa ebanghelyo naman ay ikinumpara ang Salita ng Diyos sa binhi na inihasik sa iba't urin ng lupa. Wala ang problema sa binhi o maging sa manhahasik ng binhi. Hindi nanghihinayang ang manghahasik sa mga binhing bumagsak sa hindi magandang lupa sapagkat alam naman niyang may mga mabubuting lupang tatanggap sa binhi at dahil dito ay magbibigay ng masaganang bunga. Ang talinhaga ng maghahasik ay nagsasabi sa ating maging "mabubuting lupa" na nagbibigay ng pagkakataon sa "binhi" (Salita ng Diyos) upang tumubo, lumago at mamunga ng marami sa ating buhay! Ang pagiging mabuting lupa ay nasa "pakikinig" natin at pagtupad sa kalooban ng Diyos. Sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos ay hindi lamang tenga ang ating ginagamit. Pansinin ninyo na sa salitang hEARt ay napapaloob ang salitang EAR. Upang lubos na mamunga ang binhi ng Salita ng Diyos, dapat ay handa nating buksan ang ating puso sa kanyang pagmamahal. Naglalaan ba ako ng sandali upang itahimik ang aking sarili at hayaang pagharian ng Diyos ang aking buhay? Sa pagdiriwang ng mga sakramento, lalo na sa Santa Misa, ay direktang nakikipag-usap ang Diyos sa atin. Sa mahiwgang paraan ay nakikipag-usap din siya sa atin sa pamamagitan ng ating mga mahal sa buhay, sa ating pamilya, kamag-anak, kaibigan at maging sa ating mga kaaway. Ginagamit ko ba ang mga pagkakataong ito upang mapakinggan ang Salita ng Diyos na ipinahahayag sa akin? Sana ay matuto tayong makinig gamit ang ating puso. Sana ay matuto tayong tumahimik . Sana ay hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating ginagawa araw-araw at mamunga ito ng maraming biyaya upang maibhagi natin sa ating kapwa. Tama ang sabi ni Jesus sa katapusan ng talinhaga: "Ang may pandinig ay makinig!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento