Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 8, 2017
PASALORD: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year A - July 9, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Nasubukan mo na bang mag "PASALORD?" "Father, share-a-load po ang ginagamit ko. Pero ang alam ko ay ganito ang pag-pasaload. Tanggalin mo ang 0 sa unahan ng padadalhan mong mobile phone number at palitan mo ng 2 at magsend ka ng load sa kanya. Presto... nagpasaload ka na!" Pero hindi ito ang pagpapasa na tinutukoy ko. Marami ka bang dinadalang pasanin sa buhay? Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon? Paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw? Bakit di mo subukang magPASALORD? Kahapon, ay sinimulan ang PASALORD PRAYER. Ito ay ang sama-samang pagdarasal tuwing alas-dose ng tanghali para sa kapayapaan ng ating bansa. Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD". Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin. Kaya ang Panginoon ay nag-aanyaya sa ating "ipasa" sa Kanya ang mga nagpapahirap sa ating buhay. "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat ng napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo mababang-loob, at makakasumpong kayo ng kapahingaan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaaan ang pasaning ibibigayko sa inyo." Pansinin ninyo na hindi nangako si Jesus na tatanggalin niya ang ating paghihirap at siya na lang ang magpapasan nito para sa atin. Bagkus ibibigay niya sa atin ang kanyang "pamatok" upang ating gamitin upang mapagaan ang ating pasanin. Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito? Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na hindi natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Ganito dapat ang panalangin ng isang tagasunod ni Kristo kapag siya ay nahaharap sa mga pagsubok sa buhay: "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal." Sa pagdarasal natin ng PASALORD PRAYER para sa ating bansa ay ipinapasa natin kay Jesus ang mithiiin nating magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa. Siya lang naman talaga ang maaring bumago sa puso ng bawat tao. Kung paanong "walang matigas na tinapay sa mainit na kape" ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa init ng kanyang pagmamahal. Ipagdasal natin na maghari ang pag-ibig sa puso ng bawat tao upang malabanan ang karahasan at mapawi ang galit at poot sa puso ng bawat tao. Sa pagPASALORD naman natin ng ating mga suliranin, kahirapan at pagsubok sa buhay, hingin natin sa Panginoon na punuin niya ng pag-ibig ang ating mga puso upang ang lahat ng ating iisipin, wiwikain at gagawin ay bunga ng kanyang pagmamahal at siguradong mapapagaaan nito ang ating mga pasanin. Ano pang hinihintay mo? MagPASALORD ka na!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento