Kasalukuyan ngayong idinaraos ang
PCNE 4 (Philippine Conference on New Evangelization) na may temang
"Of One Heart and Soul" na hango sa Gawa ng mga apostol (Acts 4:32). Ipinagdririwang din ng ngayong araw ang
Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay ating ipinagdarasal ang gawing misyon ng ating mga Pilipinong misyonero. Ang dalawang pagdiriwang na ito ay nagpapaalala sa ating ng
kahalagahan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon sa kasalukuyang panahon. Isa sa mga nakakaantig ng damdaming programa ng PCNE ay ang "Heart to Heart with the Cardinal" sa unang araw, hindi sapagkat naging pannauhin niya sina Alden Richard at si Dingdong Dantes kundi sa pagbabahagi ng isang miyembro ng Couple for Christ sa Zamboanga. Isinalaysay nito ang kuwento ng kanyang buhay na punung-puno ng trahedya at karahasan, poot at galit, pagpapatawad at pagmamahal. Nasaksihan niya ang pagpatay sa kanyang tatay noong siya ay siyam na tagong gulang. Tinaga ng itak sa kanyang harapan ang kanyang tatay at dahil dito ay naghari ang poot at galit sa kanyang puso na makaganti. Kinalaunan ay nakapag-asawa siya at nagkaroon ng anak na naging biktima naman ng hazing, na naging sanhi ng kanyang kamatayan, sa paaralang kanyang pinapasukan. Lalong nadagdagan ang galit at poot sa kanyang puso sa pagnanais na makapaghiganti. Sa mga trahedyang ito ay nakialam ang Diyos sa kanyang buhay. May nag-imbita sa kanilang mag-asawa na sumali sa CLP ng Couples for Christ. Sa mga pagbabahagi at paguturo na kanyang narinig, lalong -lalo na tungkol sa kahalagahan ng pagpapatawad at pagmamahal sa kapwa, ay parang may liwanag na pumukaw sa kanyang pagkabulag na dala ng poot at galit sa kanyang puso. Nagpatuloy siya sa pagiging Couples for Christ, naitalagang leader ng isang "household" at laking pagkagulat niya ng malamang ang isa sa magiging miyembro ng kanyang grupo ay ang pumatay sa kanyang ama. Sa maniwala kayo't sa hindi, ang naghaharing poot at galit sa kanyang puso ay napalitan ng pagpapatawad at pagmamahal! Nagpakilala siya sa taong iyon at nagpatawad! At ganoon din ang ginawa niya sa mga nakapatay sa kanyang anak. Ibinahagi niya ang pagpapatawad sa kanila. Dahil dito ay naranasan niya ang tunay na kapayapaan at tunay na naghari ang Diyos sa kanyang puso. Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinhaga ng Kaharian ng Diyos o Paghahari ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang taong nakatagpo ng kayaman sa bukid at mamahaling perlas. Kapuwa nila isinakripisyo ang kanilang mga pag-aari upang mabili lamang ang mga kayamanang iyon. Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar.
Ang kaharian ng Diyos ay ang plano ng Diyos sa sangkatauhan at ang kanyang paghahari ay ang ating pakikiisa sa palanong ito. Ang plano ng Diyos sa atin ay mabuhay tayo ng masayang kasama siya dito sa mundong ito at sa kabilang buhay na kung saan ay makakapiling natin Siya magpakailanman sa kaluwalhatian. Ang pagpapatawad at pagmamahal ay pakikiisa sa plano ng Diyos para sa atin. Mahirap mauwaan at ipaliwanag ng isang taong nabubuhay sa batas ng "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin". Tanging mga tao lamang na may karunungang tulad ng kay Solomon ang makakaunawa nito. Sa unang pagbasa ito ang hiniling ni Solomon kay Yahweh sa halip na kayamanan at kapangyarihan:
"isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling." Hingin din natin sa Panginoon ng ganitong puso upang tayo ay pagharian niya.
Ang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ay pananagutan nating lahat, hindi lamang ng mga misyonerong pari, brother o madre. Lahat tayo ay misyonero na tinatawag na magmahal. Lahat tayo ay mga misyonero sa makabagong panahon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento