Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 3, 2017
SIMBOLISMO NG BANAL NA ESPIRITU: Reflection for the Solemnity of Pentecosts Year A - June 4, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng Banal na Espiritu. Paano nga ba natin mailalarawan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo? Madaling bigyan ng paglalarawan ang Diyos Ama at ang Diyos Anak, ngunit hindi ata ganito kadali kapag ang pinag-uusapan na natin ay ang Banal na Espiritu. Di tulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon o kalapati naman ay ang tagapaghatid ng kapayapaan. Kaya nga ang simbolo ay dapat nagpapakita ng katotohanang ipinapahayag nito sapagkat kung hindi ay magmimistulang "peke" o katawa-tawa ang ipapahayag nito. Halimbawa ay ang mga fake news na naglipana sa social media. Mayroong isang blog posting na humihingi ng panalangin sa para sa ating mga sundalong lumalaban sa Marawi, ngunit ang larawan namang kasama nito ay mga sundalo ng "Honduras". Hindi ba katawa-tawa ito? Lalo na't ang paliwanag ay isa raw itong "symbolism." Hindi maaring maging symbolism ang ganung maling paglalarawan sapagkat mali ang katotohanang ipinapakita nito. Isang napapanahong simbolismo ng Banal na Espiritu ay ang kalapati na simbolo ng kapayapaan. Sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating bansa ay marahil ito ang pinakamimithi nating inaasam, ang mapanumbalik ang kaayusan at mapanatili ang kapayapaan! Ang kagaganap lamang na kaguluhan sa Resorts World , ang patuloy na digmaan sa Marawi, ang halos araw-araw na mga karahasang nangyayari sa ating lipunan at banta ng terorismo ay mga halimbawa lamang na nagpapakita nang malaking pangangailangan natin ng biyaya ng tunay na kapayapaan. Hindi ito katulad ng kapayapaan inaalok ng mundo na pansamantala lamang na pinipigil ang kaguluhan at karahasan. Ito ay ang kapayapaang nagmumula mismo kay Kristo tulad ng kapayapaan ibinigay niya sa mga alagad na humilom sa kanilang pusong puno ng takot at pangamba. "Sumainyo ang kapayapaan!" ang bati ni Jesus sa mga alagad noong siya ay magpakita sa kanila. Pagkatapos ay hiningahan sila at sinabing "tanggapin ninyo ang Espiritu Santo!" Ang Espiriung bigay sa atin ni Jesus ay nagdadala ng kapayapaan sa ating puso. Ito rin ang nagbibigay daan sa pagkakaisa katulad ng nangyari sa unang pagbasa na pinag-isa ng Espiritu Santo ang pagkakaintindi ng mga tao sa pangangaral ni Pedro bagamat sila ay nagmula sa iba't ibang lupain. Ito rin ang Espritung nag-uugnay sa atin bilang isang katawan ni Kristo bagama't iba't iba ang kanyang mga biyayang kaloob sa atin. Wag tayong matakot tumawag sa Banal na Espritu upang pagbuklurin niya ang ating pagkakanya-kanya na naghihiwalay sa atin sa isa't isa. Hingin natin ang biyayang maging instrumento ng kanyang kapayapaan at pagmamahal upang humilom sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad na kinabibilangan at sa ating bayang sinisira ng karahasan, galit at pagkamuhi sa kapwa. Hayaan nating ang simbolong dala ng Banal na Espiritu na kapayapaan at pagkakaisa ay talagang mabigyang buhay at maibahagi natin sa iba. "Halina Banal na Espritu, pag-isahin mo kami sa pagmamahal!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento