Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Marso 7, 2014
TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - March 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Isang tatay na nagdiriwang ng kanyang ika-50 kaarawan ang masiglang gumising upang harapin ang mahalagang araw na ito ng kanyang buhay. Ngunit laking pagkagulat niya ng wala man lang bumati sa kanya sa bahay. Ang kanyang mga anak ay maagang nagsipasukan sa paaralan. Ang kanya namang asawa ay abalang-abala sa gawaing bahay at naghahanda sa pamamalengke. Nakadagdag pa sa kanyang kalungkutan ng pumassok siya sa opina at wala man lamang ni isa na bumati sa kanya. Halos patapos na ang araw at naghihintay pa rin siya ng kahit isa man lang na lalapit upang bumati. Sa wakas, ang kanyang magandang sekretarya ay pabulong na nagsabing: "Happy birthday po sir." Medyo may pagkamalandi ang kanyang tinig at idinugtong na" "Sir, baka naman gusto ninyong sa bahay ko na lang tayo magcelebrate ng inyong birthday?" "Bakit nga ba hindi?" tanong niya sa kanyang sarili. Siya lang naman sa lahat ang nakaalala na birthday nya ngayon. Kaya't sumama siya sa bahay ng kanyang sekretarya. Pagdating sa bahay ay laking pagkagulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lugar. May pagkadimlight ang sala, may two glasses of wine sa maliit na lamesa at may romatic background music na nagpapalamig sa apat na sulok ng bahay. Kinabahan siya at lalong pang lumakas ang kalabog ng kanyang dibdib ng sabihin ng sekretaryang hintayin lang siya at magpapalit lang siya ng mas kumportableng damit. Ilang sandali ang lumipas at narinig na naman niya ang malanding tinig nito: "Sir, nandyan na po ako ready na kayo..." At pagkatapos ay biglang bumukas ang mga ilaw at malakas na pagbati ang bumulaga sa kanya "HAPPY BIRTHDAY! SURPRISE!!!" Laking pagkagulat niya sapagkat naroroon ang kanyang asawa at mga anak, mga ka-opisina at kaibigan. Ngunit mas malaki ang pagkagulat ng lahat ng makita siyang nakababa na ang pantalon at wala ng damit pantaas! hehehe... ang tukso nga naman napakahirap iwasan lalo na't pag nasa iyo ng harapan. Kung ang malakas na super typhoon Yolanda ay nanira ng maraming bahay at kabuhayan, ang malakas na tukso namang 'YoLANDI" ay kayang sumira ng buhay at tahanan. Wala nang hihigit pa sa pinsalang idinudulot ng tukso sa pang-araw-araw nating buhay. Hindi lang bahay o buhay ang sinisira, ngunit higit ang ating buhay espirituwal ay isinasapanganib! Maari bang layuan tayo ng tukso? Hindi. Bagkus ito pa nga lapit ng lapit sa atin! Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi pinatawad na lapitan ng tukso. Marahil ang nag-iiba sa atin kay Jesus ay kailanman ay hindi nakapanaig sa kanya ang tukso. Bagkus ito pa nga ay kanyang napagtagumpayan. Ito ang laman ngayon ng Ebanghelyo, nanaig si Jesus sa tukso ng diyablo! Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ay binibigyan kaagad tayo ni Jesus ng halimbawa kung papaano nating mapagtatagumpayan ang maraming tukso sa ating buhay. Dalawang mabisang panalaban ang ginamit ni Jesus na siyang sinasabi ng Simbahan na atin ding magagamit ngayong panahon ng Kuwaresma: pagdarasal at pag-aayuno! Apatnapung araw itong ginawa ni Jesus. Hindi nangangahulugang ganoon din kahaba ang ating gagawin. Sinasabi lamang sa ating kung seryoso tayo sa pakikipaglaban sa diyablo ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang Diyos ba ang sento ng aking buhay o baka naman sa mga bagay na makamundo o mga tao umiikot ang buhay ko? Kailan ko masasabing nagdasal ako ng mabuti? Tandaan natin na ang tunay na panalangin ay pagkikikipag-ugnayan sa Diyos at hindi lang salitang lumalabas sa ating bibig. Ang pag-aaayuno naman ay hindi lamang para sa mga nakatatanda at hindi lamang nangangahulugan ng pagbabawas ng pagkain. Mas kinalulugdan ng Diyos ang ayuno ng pagbabawas ng ating mga masamang pag-uugali na nakakasira sa ating sarili at sa iba tulad ng mga bisyo, pagmumura, paninira sa kapwa, pagsisinungaling, tsismis at mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Sa apatnapung araw ng Kuwaresma ay sikapin nating madisplina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno. Sa ganitong paraan ay mapagtatagumpayan natin ang maraming tuksong darating sa ating buhay. Ngayong Taon ng Mga Layko ay piliin natin ang maging matapang: "Choose to be brave!" lalo na sa harapan ng maraming tukso sa ating buhay. Makakaya natin ito sapagkat sa ating kahinaan ang Diyos ang ating kalakasan!
Miyerkules, Marso 5, 2014
MIYERKULES NG ABO (Reposted) : Reflection for Ash Wednesday - March 5, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Sabado, Marso 1, 2014
ANG BOSSING NG BUHAY KO: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year A - March 2, 2014
Sino ba ang "bossing" mo? Ang itunuturing nating "boss" ay mga taong nagdidikta ng ating gagawin at mga ikinikilos. Sila ang "nagpapatakbo" ng ating buhay. Ngunit di lang naman tao ang tinatawag nating "boss". Kahit ang mga materyal na bagay ay maaring tawaging "boss". Ano ba ang ating mga pinagkakaabalahan sa buhay? Ano ba ang ating mga alalahanin? Saan ba nakatuon ang ating puso?
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi tayo malilimutan at tatalikuran ng Diyos kaya't dapat lang tayong magtiwala sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa ating pagpili. "Choose to be brave!" Matapang piliin ang "tunay nating Boss" at paglingkuran natin Siya ng may galak at katapatan. Sino ba ang" bossing ng buhay mo?
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi tayo malilimutan at tatalikuran ng Diyos kaya't dapat lang tayong magtiwala sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa ating pagpili. "Choose to be brave!" Matapang piliin ang "tunay nating Boss" at paglingkuran natin Siya ng may galak at katapatan. Sino ba ang" bossing ng buhay mo?
Sabado, Pebrero 22, 2014
"INAMORATA": Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year A - February 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Sino ang binigyan mo ng regalo noong nakaraang Valentines Day? Siguro nagbigay ka ng bulaklak sa iyong "inamorata"(my beloved, sweetheart). Siguro nagbigay ka ng cake sa mga magulang mo. Siguro nagbigay ka ng simpleng card sa 'yong mga minamahal na kaibigan. May ibinigay ka ba sa iyong kaaway? "At bakit naman ako magbibigay ng regalo sa aking kaaway? May saltik lang ang gumagawa nun!" sabi mo siguro. Marahil kung magbigay ka man ng rosas ay rosas na may bubuyog! Siguro kung pagkain naman ay pagkaing panis! Siguro kung ice cream ay ice cream na tunaw at puwede ng gawing juice! Totoo nga naman... mahirap mahalin ang kaaway. Mahirap magpakita ng pagmamahal sa taong nagbibigay sa iyo ng sama ng loob! May isang bilanggong pari noong World War II ang nakapiit sa isang concentration camp. Nalaman ng guwardia na siya ay isang Katolikong pari kaya't kinutya niya ito. Sinampal siya at sabay sabi: "Nakasulat sa inyong Bibliya na kapag sinampal ka sa kanang pisngi ay ibigay mo ang kaliwa!" Dahan-dahang hinarap ng pari ang kanyang kaliwang pisngi. Sinampal siya ng sundalo at sabay ngisi. "Kapatid" sabi ng pari, "natupad ko na ang sinasaad sa Banal na Kasulatan," sabay taas ng kanyang kamay at isang malakas na upper cut ang kanyang pinakawalan ng pari. "Mata sa mata... ngipin sa ngipin!" Ito ang batas na umiiral sa Lumang Tipan. Hindi lamang upang makapaghiganti ngunit upang makapagbigay ng hustisya sa taong naargabyado. Ngunit ano ang mangyayari kung patuloy nating paiiralin ang batas na ito? Ang sabi ng namayapang si Mahatma Gandhi na nikilala dahil sa kanyang adbokasiya sa "active non-violence": "Kung paiiralin natin ang batas na mata sa mata at ngipin sa ngipin, darating ang araw na ang ating mundo ay punong-puno ng mga bulag at bungi!" Totoo nga naman. Hindi kapayapaan ang iiral kundi paghihiganti! Kaya nga pinaging-ganap ni Jesus ang aral na ito ng Lumang Tipan ng sinabi niyang "Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo..." Maari bang ibigin ang kaaway? Mahirap ngunit posible! Maari sapagkat ang tunay na pag-ibig ay hindi pakiramdam. Sabi sa isang nabasa kong aklat: "Loving is willing not feeling!" Ginusto mo ang magmahal! Iniibig mo ang isang tao hindi sapagkat "feel" mo na mahal mo siya at mahal ka niya. E papaano kung hindi ka niya "feel"? Si Jesus ay namatay sa krus para sa atin hindi sapagkat "feel" niya tayong mahalin ngunit sapagkat ginusto niya na sundin ang kalooban ng Ama. Nagpapatawad ka hindi sapagkat "feel" mong magpatawad ngunit sapagkat nais mong magpatawad. Kung minsan kinakailangan nating turuan ang ating mga puso. Marami sa atin ang broken hearted sapagkat nasa feeling level lamang ang ating pagmamahal. Subukan mong magmahal katulad ng pagmamahal sa iyo ng Diyos. Magmahal ka hindi lamang sa mga taong mahal mo ngunit maging sa mga kaaway mo. Ang slogan ng Year of the Laity ay "Choose to Be Brave". Ang kabaliktaran ng LOVE ay hindi HATE kundi... FEAR! Totoo ito, takot lang tayong magmahal kung kaya't poot at pag-aalinlangan ang namamayani sa ating mga puso. Ang taong piniling maging matapang ay hinaharap at kinakalaban ang kanyang takot! Huwag tayong matakot na mahalin ang ating sarili. Huwag tayong matakot na mahalin ang ating kapwa. HUwag tayong matakot na mahalin ang Diyos. Tandaan natin na tayong ay kanyang "inamorata" (beloved). Minamahal Niya tayong lahat.
Sabado, Pebrero 15, 2014
ANG TUNAY NA MAS MAKAPANGYARIHAN SA DIYOS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 16, 2014
"Nanay, ano po ba ang sampung utos?" tanong ng isang bata sa kanyang ina. "Anak, " sagot ng nanay, "'Yan ang ibinigay ng Diyos kay Moises at ipinapakita nito na ang Diyos ay Makapangyarihan!" Bahagyang tumahimik ang bata at nag-isip. "Kung gayon nanay, mas makapangyarihan pa pala kayo sa Diyos!" Bulalas ng batang nakangiti. "Bakit naman? Sagot muli ng nanay. "Kasi ang dami-dami n'yong utos eh! Ang Diyos... sampu lang!" Noong panahon ni Jesus ay may mga taong "mas makapangyarihan" pa sa Diyos! Ang mga Pariseo at mga Eskriba na itinalagang tagapag-alaga ng Kautusan ay naging mas makapangyarihan pa sa Diyos - pinarami nila ang sampung utos! Kaya nga si Jesus ay malimit na maakusahang binabalewala ang batas. Dahil para sa kanila, ang literal na pagsunod sa kautusan ang naggagarantiya ng kanilang kabanalan! Ang matuwid na Israelita ay sumusunod sa Kautusan! Ngunit malinaw ang mga salitang binitawan ni Jesus sa kanila, dumating Siya "hindi upang pawalang bisa ang kautusan kundi upang gawin itong ganap!" At iyon nga ang nais ni Jesus na kanilang maintindihan: Hindi ang sinasabi ng batas kundi ang layunin kung bakit ito ibinigay ng Diyos ang higit na mahalaga! Kasalanan ang pumatay ngunit baka hindi natin nakikita na ang "pagkapoot" sa kapwa ay nagdadala dito. Masama ang maki-apid ngunti baka hindi natin namamalayan na ang pagtingin at pag-iisip ng mahalay sa isang babae ay nagdadala rin sa atin sa kasalanang ito. Kaya nga ang nais ni Jesus ay muli nating balikan ang ating mga sarili at tanungin natin ng tapat kung bakit ba natin sinusunod ang kautusan. Ano ba ang layunin ng aking pagtupad sa mga kautusan? Bakit ako nagsisimba tuwing Linggo? Bakit kinakailangan kong sumunod sa magulang? Bakit masama ang magnakaw? Mahalaga ang pagsunod sa batas. Totoong katibayan ito ng ating katapatan sa Diyos. Ngunit sana ang mamayani sa atin ay hindi ang literal na pagtupad dito kundi ang diwang dapat maghari sa ating puso. At ang tanging diwang dapat mamayani sa atin ay "pag-ibig." Sinusunod ko ang Kautusan sapagkat "mahal ko ang Diyos! Tama ang sinabi ni San Agustin: "Love and do what you want!" Siguradong hindi tayo magkakamali sa ating mga desisyon kung sasamahan natin ng pagmamahal ang ating pagsunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos! Ngayong Taon ng Mga Layko, ay binibigyan tayo ng pagkakataong pagyamanin at palalimin ang ating pakikilahok sa gawaing pagliligtas ng Panginoon. Magagampanan natin ito ng mabuti kung batid natin ang dahilan ng ating paglilingkod at pagsunod sa Kanya. Gawin natin ang hinihingi ng ating pagtawag ng may pagmamahal. Sa ganitong paraan, ang mamayani ay hindi ang ating taglay na galing o kakayahan kundi ang kapangyarihan ng Diyos na naghahari sa puso ng taong masunurin at mapagkumbaba. Sila ang mga tunay na "mas makapangyarihan" pa sa Diyos sapagkat ang kahinaan ng Diyos ay ang pagsusumamo ng taong mapagkumbaba at mapagmahal.
Sabado, Pebrero 8, 2014
TAYO AY ASIN AT ILAW: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year A - February 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Ang buwan ng Pebrero ay PRO-LIFE MONTH na kung saan ay inaanyayahan tayong ipagdasal, ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng tao, buhay na mula sa sinapupunan hanggang kamatayan nito. May isa akong estudayante na may ganitong "motto" sa buhay: "To live not only to exist!" Tunay nga naman na hindi lahat ng nag-eexist ay buhay! May mga nilalang na may buhay at mayroon ding walang buhay. Ngunit hindi sapagkat humihinga ay buhay na... baka nag-eexist lang sila at hindi naman talaga buhay! May mga ilan kasing tao na parang walang patutunguhan ang buhay. Hindi mo alam kung saan pupunta at parang walang direksiyon ang tinatahak na landas. May mga ilan naman na sinasayang ang buhay nila sa makamundong pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasisira sa kanilang katawan o kaya naman ay namumuhay na walang panggalang sa kanilang dignidad bilang tao. Hindi lang sapat na tayo ay humihinga. Dapat din na tayo ay nabubuhay na BUHAY! Sapagkat ang sabi nga ni San Ireneo: "The glory of God is man (and woman) who is fully alive!" Ito rin ang binibigyang diin ngayon sa ating Ebanghelyo. Ito ang ibig sabihn na maging ASIN at ILAW NG SANLIBUTAN. Ang asin na walang lasa ay walang kuwenta. Ngunit nawawalan ba ng alat ang asin? Noong panahon ni Jesus na kung saan ang aisn ay direktang kinukuha sa dagat at parang mga "rock crystals" na inilalagay sa maliit na supot at ibinababad sa lutuin, ay talagang maaring mawalan ito ng lasa. Kaya nga't ang mga latak nito ay itinatapon na lamang sa labas at inaapakan ng mga tao. Bilang "asin ng sanlibutan", pinapaalalahan tayo ni Jesus na "magbigay lasa" sa buhay ng iba. Katulad din ito ng mensahe ni Jesus ng sinabi niyang tayo ay ILAW NG SANLIBUTAN at dapat ay magliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba ang ating mabubuting gawa. Iisa lang ipinahihiwatig ng dalawang paghahambing na ibinigay ni Jesus, na dapat ang bawat Kristiyano ay maging "Mabuting Balita" sa kanyang kapwa! Ang pagiging "Mabuitng Balita" ay nangangahulugan ng isang MARANGAL at BANAL na pamumuhay nating lahat. Tandaan natin na ang kabutihan ay nakakahawa kung paanong ang kasamaan ay gayun din. Higit na nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung ginagamit niya ito para sa kabutihan. Ngayong Taon ng mga Layko ay hinahamon tayong gamitin ang ating talino, talento, oras at kung ano mang meron tayo upang makatulong sa pagpapalaganap ng kabutihan. Ikaw man ay nagtratrabaho, nag-aaral, o kahit nasa bahay lamang ay maari kang maging buhay na SAKSI ni Kristo. Ang katapatan at pagiging makatarungan sa ating pang-araw-araw na gawain ay mga konkretong paraa upang maging ASIN AT ILAW ng mundo. May alat at liwanag ka pa ba bilang Kristiyano?
Sabado, Enero 25, 2014
B.I.B.L.E. (Basic Information Before Leaving Earth) : Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 26, 2014
Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia? May isang lola na nagbabasa ng Bibliya at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka mamamatay lola?" Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Bibliya. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... hehe. Ang ikatlong Linggo ng Karaniwang Panahon ay parating inilalaan sa padiriwang ng National Bible Sunday! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong tapusin ang volumes ng Harry Potter bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Kanya. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating buhay.
Sabado, Enero 18, 2014
KABATAANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Sto. Nino Year A - January 19, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Kapistahan ngayon ng Sto. Nino! Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!" Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood". Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!" Ngunit din rin naman mapagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!" Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo! Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan." Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino. Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narining natin si Jesus na labis din ang pagpapahalaga sa kanila: "Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliit na ito." (Mt. 18:10) Ang hindi paghamak ay nangangahulugan din na huwag ipahamak. Ito ba ang nangyayari sa ating panahon ngayon? Nitong nakaraang mga araw ay headline sa mga pahayagan ang tungkol sa mga batang nasasangkot sa "cybersex". Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet. Ang nakakalungkot ay sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa! Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya. Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal". Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos. Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino. Labanan natin ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL! Ito ay kapistahan nating lahat! VIVA SENOR STO. NINO!
Sabado, Enero 11, 2014
BINYAGANG LAYKO...TAGASUNOD NI KRISTO: Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 13, 2014
Ang Taong 2014 ay Taon ng Mga Layko o Year of the Laity. Ang "LAITY" ay hindi ang mga dumarating sa Misa ng late! Ang "laity" ay ang mga hindi kabilang sa mga itinalaga o inordenahan bilang ministro tulad ng diakono, pari at obispo. Sa madaling salita sila ang mga "karaniwang binyagan" na nakikibahagi sa Misyon ni Kristo! Sino ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya.Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!
Sabado, Enero 4, 2014
REGALO (Reposted & Revised) : Reflection for the Feast of the Epiphany Year A - January 5, 2013
Nabigyan ka ba ng regalo noong nakaraang Pasko? Kung hindi pa ay huwag kang malungkot. May kasabihan tayong "huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin!" Mga kapatid puwede pang magbigayan ng regalo ngayon sapagkat ngayon ang huling Linggo ng kapanahunan ng Pasko. Sa ibang bansa ang Epipanya ay tinatawag na "Ikalawang Pasko" na kung saan ay araw ito ng pagbibigayan ng regalo. Dito rin kasi nakukumpleto ang mga tauhan sa Belen... sa pagdalaw ng mga "pantas" o sa mas kilala nating tawag na "Three Kings". May kuwento ng isang kura paroko na niregaluhan ng kanyang mga parokyano. Dahil sa liit ng kanyang parokya ay halos kilala niya lahat ang mga tao at ang mga kabuhayan nila. May isang batang lumapit na may bitbit na kahon na ang pamilya ay may "bake shop". Sabi ng pari: "Ah, alam ko yang dala-dala mo... cake yan 'no?" Sagot ng bata: "Ang galing mo Father, pano mo nahulaan?" "Obvious ba? e may bakeshop kaya kayo?" Sagot sa kanya ng pari. Lumapit ang ikawalang bata na may dala ring regalo na ang pamilya naman ay may pagawaan ng sapatos. "Alam ko yang regalo mo... sapatos yan!" Sabi ng pari. Laking gulat ng bata at tanong sa pari: "Pano mo nalaman Father?" "Obvious ba? May pagawaan kayo ng sapatos di ba? hehehe" Patawang sagot ng pari. Lumapit ang isa pang bata na may dalang kahon na medyo basa pa ang ilalim. May tindahan sila ng mga alak. Sabi ng pari: "Alam ko yan... alak yan." Hinipo ang basang bahagi ng kahon at tinikman. "Aha! Champagne ito... maasim!" Sabi ng pari. "Hindi po padre!" Sabi ng bata. "Mompo?" "Hindi rin po!" "E, ano ito...?" Sagot ng nakangiting bata: "Tuta po!" Kaya mag-ingat sa susunod na pagtanggap ng regalo! Ngunit kung titingnan natin ay kakaiba ang pagbibigayan ng regalo sa Pasko. Ang karaniwang paraan ay tayo ang nagreregalo sa may birthday. Ngunit sa pagdiriwang ng Pasko, ang may birthday ang nagbibigay ng regalo... tayo ang tumatanggap! Ang Epipanya ay nagsasabi sa atin na may Diyos na nagbigay ng dakilang regalo sa atin nang ibinigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak upang tayong lahat ay maligtas! Walang pinipili ang Diyos! Lahat ay nais Niyang maligtas. Wala tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili kung tinanggihan natin ang dakilang regalong ito mula sa Kanya. Kaya nga ang kahulugan ng Epipanya ay "pagpapakita". Dito ipinakita ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak bilang tunay na Diyos, tunay na tao at tunay na Hari sa pamamagitan ng tatlong regalo sa kanya: ang kamanyang, mira at ginto. Paano ko ba pinahahalagahan ang kaligtasang bigay sa akin ng Panginoon? Patuloy ba ako sa paggawa ng kasalanan? Sa pagkakahumaling sa mga bisyo? Sa pagpapa-iral ng masamang pag-uugali? May magandang ginawa ang mga pantas pagkatapos nilang makita ang sanggol at pagbawalan ng anghel sa panaginip, nag-iba sila ng landas. Hindi sila bumalik kay Herodes. Marahil oras na, na tulad ng mga pantas, na talikuran natin ang DATING DAAN at tahakin ang BAGONG DAAN! Huwag na nating balikan ang malawak na daan ng masasamang pag-uugali at pilitin nating tahakin ang daang makitid ng pagbabagong-buhay! Ang kaligtasang regalo ni Jesus ay para lamang sa mga "wais" tulad ng mga "wise men." "Wise" na Kristiyano ka ba? Tandaan mo na ang mga tunay na WISE MEN ay patuloy pa rin sa paghahanap kay Jesus. Natagpuan mo na ba Siya?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)









