Sabado, Mayo 19, 2018

BANAL NA KULASISI : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 20, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon ano kaya? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa). Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e.. dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga! " Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! At batid din naman natin na ang "kulasisi" ay dahilan ng pagkasira ng pamilya at relasyon.  Ang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito."  Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan.  Ang hatid ng Banal na Espiritu ay KATOTOHANAN at hindi kalituhan!  At ito ang napapanahong pangangailangan ng ating mundo, ang mabuhay sa katotohanan at hindi kasinungalingan.  Ang ating mahal na Cardinal ay nagpapaalala sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag sapagkat nakararanas tayo ngayon ng "krisis ng katotohanan" dahil sa mga nagdaang pangyayari sa ating lipunan.  Kung babasahin natin ang mga kasalukuyang pangyayari gamit ang mata ng pananampalataya ay sasang-ayon tayo na talagang may krisis tayo sa katotohanan.  Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu!  Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay.  "Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking lipunan?  Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa.  At higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo ay KABANALAN.  Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan.  Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak.  Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang mapuspos tayo ng pagkakaisa, katotohanan at kabanalan.

Sabado, Mayo 12, 2018

LANGIT ANG ATING TUNAY NA TAHANAN: Reflection for The Solemnity of the Ascension

Nagdarasal ka ba pagkagising sa umaga?  Marahil nararapat lang! Dapat lang na tayo ay magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay.  Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... buhay ka pa! Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong:  "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't isang taon na buhay! "  Ngunit naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan!  Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin:  na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY. Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay!  Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari.  Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit.  Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos.  Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!"  Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay?  Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay.  Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila."  Ilan sa inyo ang gustong pumunta sa langit?  Marahil lahat tayo ay magtataas ng kamay.  Ngunit kapag sinabi kong NGAYON NA... magtataas ka pa rin ba ng kamay?  Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap sa gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay pandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Lagi nating pakatatandaan: May langit na ating hantungan at inaasahan. Ito ang ating TUNAY NA TAHANAN!

Linggo, Abril 29, 2018

KUWENTO NG PANANATILI: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - April 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Sa darating na Mayo 1, 2018 ay ipagdiriwang namin ang TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO.  Ito ang ika-50 taong anibersaryo na sunod sunod na ipagdiriwang ng aming Youth Center (1968-2018),  Parish Church (1969-2019)  at TVET o Technical Vocational Educational Training Center (1971-2021).  Pagkatapos ng limampung taon ay maraming kuwento ng hirap, tagumpay, pagkabigo at pag-asa ang aming naipon at siyang naging dahilan kung anung mayroon kami ngayon dito sa kanlurang bahagi ng Tundo.  Ang kasalukuyang saganang bunga ng misyon na sinimulan ng ilang dayuhang Salesyanong Pari ay maitutukoy natin sa malalim na pagkaugat ng kanilang gawain sa Diyos.  Sa katunayan, ang Don Bosco Youth Center ay sinimulan sa simpleng katesismo o pagtuturo ng pananampalataya na may kasamang kasiyahan sa pamamagitan ng palaruan.  Ang sikreto ng tagumpay ay nakasalalay sa "pananatili" ng gawain ni Don Bosco sa Diyos!  Kaya nga't akmang-akma ang imaheng ginamit ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon... ang puno ng ubas.  Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinatutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao.  Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila.  Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..."  Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento.  At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa!  Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga.  Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala.  Ito rin ang naging kuwento ng Don Bosco Youth Center sa nakalipas na limampung taon.  Maraming pagsubok mula sa usaping materyal at pinansiyal hanggang sa personal na suliranin na dulot ng hindi pagkakaunawaan o ng hindi magandang halimbawa ng mga namumuno.  Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon.  Tunay nga ang salitang binitawan Niya:  "Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin."  Kaya nga't mahalaga para sa atin na manatili sa pagtupad ng kalooban ng Diyos kung nais nating makatanggap pa ng maraming pagpapala.  Hindi ang straktura ng mga gusali o pasilidad ang magbibigay tingkad sa ikalimapung taon ng pagdiriwang na ito kundi ang katapatan at sigasig nating manartili kay Jesukristo!  Sapagkat kung wala Siya ay wala naman tayong magagawa. "Without Christ we are nothing!"  Maligayang pagdirawang sa pagsisimula ng TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO!  

Sabado, Abril 21, 2018

PAKIKIALAM NG MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - April 22, 2018- YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Nitong nakaraang Linggo ay nasa Don Bosco Batulao ako para sa aming taunang Spiritual Retreat.  Ito ay limang araw na paglalaan ng oras para sa pagdarasal at pagninilay upang mapanibago namin ang aming pagtawag bilang isang relihiyosong pari o lay brother.  Binibigyan din naman kami ng oras para magpahinga at personal na gawain kasama na rin ang maikling oras ng paggamit ng "internet"  upang hindi naman kami maiwanan sa mga pangyayari sa ating mundo.  Isa sa nakatawag sa aking pansin, sa aking pagbabasa ng balita, ay ang tungkol kay sa isang madre na ang pangalan ay Sister Patricia Fox.  Siya ay isang matandang madre na kabilang sa Congregation of Reliogious Sisters of Our Lady of Sion o Sisters of Sion.  Hinuli siya noong April 16 ng anim na miyembro ng Bureau of Immigration sa pag-aakusang siya ay isang "undesirable allien" - isang dayuhang hindi dapat naririto sa ating bansa.  Ito ang unang paratang sa kanya ngunit kinalaunan ay inamin ng mga opisyal ng ating gobyerno na siya ay hinuli sapagkat siya ay isang dayuhan na nakikisali sa mga protesta ng mga raliyista at akbista... na siya raw ay lumalaban sa gobyerno at dahil dito ay nagiging banta ng seguridad.  May katotohanan ba ito?  Hindi ko lubos na maisip kung paanong ang isang matandang madre, 71 na taong gulang, payat at may iniindang sakit ay isang banta sa seguridad!  Sa aking maikling pagsasaliksik ay napag-alaman ko na ang madreng ito ay nagsimula ng kanilang gawain dito sa Pilipinas noon pang 1990.  Sila ay tinanggap ng dating obispo ng Infanta, Quezon na si Bishop Labayen.  Ang kanilang misyon ay upang tulungan ang mga maralitang magsasaka at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa mga mapang-abuso sa lipunan.  Ito naman talaga ang misyon ng Simbahan kaya nga't hindi pamumulitika ang ginagawa ng madreng ito.  Sa katunayan, ang paninidigan nga ng kanilang kongregasyon ay ito: "Following the mandate of the church mission of proclaiming the Good News to the poor, she has since given her life as a religious to the service of the poor and those in need on the peripheries of society."  Noong siya ay tinanong ng isang reporter kung may kinatatakutan ba siya ay ito ang kanyang tugon: "I am scared of being deported or denied entry" back into the country. "If I will die, I should die in the Philippines," she declared.  "I can't die and be buried in Australia while my heart is left here."  Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol ay ito rin ang paalala ng ating Panginoong Jesus sa atin. "Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa."  Si Jesus ang ating huwaran sa pagiging Mabuting Pastaol.  Siya na naglaan ng kanyang buhay para sa atin na kanyang kawan ay nagsasabi sa atin na maging mabuting pastol din sa ating kapwa.  Ang mga misyonerang tulad ni Sister Patricia Fox ay tapat na halimbawa ng isang pagiging mabuting pastol.  Sila ang mga taong handang maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagtulong sa mga nasa laylayan ng lipunan.  Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay ipanalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng maraming mabuting pastol sa ating Simbahan, mga pari, madre, relihiyoso at relihiyosang handang talikuran ang lahat at maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod.  Ipanalangin din natin ang mga nasa misyong magpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo na kasalukuyang dumaranas ng pagpapahirap at pag-uusig na sila ay maging matatag sa pananampalataya at sa kanilang pagsaksi sa katotohanan.  Magsilbing inspirasyon din nawa para sa atin ang buhay ng mga taong tulad ni Sister Patricia Fox na manindigan at ipagtanggol ang ating kapwa Pilipinong nasisiil ang karapatan at naruruyakan ang dignidad bilang tao.  Hindi ito politikal na pakikialam.  Ito ay KRISTIYANONG PAKIKIALAM ng isang taong nagtataglay ng puso ng Mabuting Pastol.

Sabado, Abril 14, 2018

MULTO NG NAKARAAN: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year B - April 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang magparamdam at magpakita dahil takot ako sa kanila!  At sino nga ba ang hindi? Bukas ako ay pupunta na naman sa Don Bosco Batulao para sa aming taunang Retreat.  Sa tuwing magpupunta ako lugar na ito ay lagi akong pinapangunahan ng takot.  Paano ba naman ay sinasabing may nagpaparamdam daw sa isa sa mga kuwarto ng Retreat House na tinutuluyan namin.  Tinanong ko yung kuwartong kung saan may nagpaparamdam at ang sabi sa akin ay Room 1206 daw!  Kaya hinihingi ko ang dasal ninyo na huwag ko sanang makuha ang numero ng kuwartong ito at ang mga kalapit nito.  Siguradong hindi ako matutulog ng limang araw!  Natural naman talaga sa atin ang matakot kapag may nagpaparamdam sa ating multo o kaluluwa.  Kahit ang mga alagad nga ay nakaramdam din ng pagkatakot sa inaaakala nilang multo.  Si Jesus, pagkatapos na muling mabuhay, ay hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Tama lang na pangunahan matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam sa kanila. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalik-mata lamang o isang multo ang nasa kanilang harapan? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay!  May mga "multo" rin tayong kinakaharap sa ating buhay at ito rin kung minsan ay nagdadala ng takot sa atin.  Ang tawag ko dito ay ang mga "multo ng nakaraan" o "ghosts of the pasts".  Kung minsan ay may mga pangyayari sa atin sa nakaraan na hanggang ngayon ay hinahayaan nating multuthin tayo sa kasalukuyan.  Minsan ay may mga sugat na kung tutuusin ay magaling na naman ngunit ang peklat ay nagbibigay pa rin ng kirot sapagkat hindi natin tanggap na naghilom na ito.  Sabi nila "forgive and forget" pero hindi pala totoo yun!  Kailanman ay hindi tayo maaaring makalimot sapagkat mayroon tayong pag-iisip na laging ibinabalik sa atin ang mga masasakit na ala-ala ng nakaraan.  Marahil mas tamang sabihing "Forgive then remember... with healed memories!  Wala ng sugat! Magaling na!  Ang peklat ay kabahagi na ng nakaraan.  Wag nating hayaang multuhin pa rin tayo nito.  Dapat ay matuto tayong mag "let go and let God!"  Hayaan nating ang Diyos na magtrabaho sa atin.  Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos at ang lahat ay maaayon sa Kanyang kalooban. May mga sandali sa ating buhay na kailangan talaga nating dumaan sa paghihirap at pagdurusa.  Ito ang nilinaw ni Jesus sa kanyang mga alagad, na ang "Anak ng Diyos ay dapat magbata ng hirap, mamatay, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay!"  Sa ating buhay, kinakailangan din nating maramdaman ang "pagkamatay" kung nais nating madama ang biyaya ng "Muling Pagkabuhay!"   Ang pagbati ni Jesus ay sapat na upang panatagin ang ating mga takot at pangamba.  "Peace be with you!"  Ang kapayapaang hatid ni Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at pag-asa upang mapagtagumpayan ang mga "ghosts of the past" sa ating buhay.  Hayaan nating hilumin nito ang takot sa ating mga puso.  Ang kapayapaan ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at sa mga pangyayari sa ating buhay.  Sumainyo ang kapayapaan ni Kristo!  Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili.  Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang malaking pagmamahal sa atin! Aleluya si Jesus ay buhay!

Sabado, Abril 7, 2018

KAPAYAPAAN, AWA AT MALASAKIT: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year B - April 8, 2011 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Ano ba ang biyaya na dala ng muling pagkabuhay ni Jesus?  Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!"  Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito.  Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan.  Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus.  Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad.  Ito ang sumakop sa kasamaang dulot ng kasalanan.  Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kamatayan.  Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan.  Ngunit paano ba natin maibibigay ang kapayapaan?  May kuwento ng isang lalaking umuwi sa kanilang bahay na di mapakali at galit na galit.  Ang kanyang suot na damit ay punit at may mga marka ng kalmot ang kanyang mga braso at leeg.  Nakita siya ng kanyang kumpare at tinanong: "Pare, saan ka galing anung nangyari sa 'yo? " Sumagot naman ang lalaki, "Ah, inilibing ko ang kumare mo.  Binigyan ko s'ya ng kapayapaan!" "Mabuti naman,"  sabi ng kanyang kumpare, "Ngayon ay payapa na ang kumare, e teka... bakit punit ang damit mo at may kalmot ang mga braso at leeg mo?"  Sagot ang mister, "Pare, nanlaban kumare mo eh!" hehehe...  Kung minsan,  may pagbibigay ng kapayapaan na hindi tama!  Ngunit paano ba natin nakakamit ito?  Posible nga bang maranasan ang kapayapaan?  Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na.  Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace!  Patay na siya... payapa na siya!  Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan.  Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin sa Mindanao.  Kaya nga pilit na isinusulong ang pagpapasa ng BBL o Bansangmoro Basic Law sa pag-aakalang ito ang kasagutan sa kapayapaan sa mga kapatid nating nasa Mindanao, pero ito nga ba ang solusyon?  At naririyan din ang problema sa usaping pangkapayapaan ng pamahalaan sa mga NPA na hanggang ngayon ay wala pa ring maliwanag na katugunan.  Lalo nasigurong hindi kasagutan ang "All Out War" sa mga taong ito para makamit natin ang kapayapaan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit?  Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may nais ipahayag sa atin kung papaano natin ito makakamit at maibabahagi sa iba.  Ang kapayapaang hatid ni Kristo sa mga alagad ay kapayapaang naghahatid ng awa at habag.  Sa halip na sumbatan ni Jesus ang mga alagad sa kahinaan ng kanilang pananampalataya ay pagpapatawad ang kanyang hatid sa kanila.  Ang mga katagang "Sumainyo ang kapayapaan" ay nagpapakita ng pagmamahal at pagpapatawad ni Jesus sa kanilang kahinaan at kakulangan ng pananampalataya.  Kahit kay Tomas na may katigasan ang puso at dumating pa sa paninindigang "to see is to believe", ay hindi nagalit si Jesus.  Bagkus ay pinaalalahanan Niya si Tomas na "Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na... Naniniwala ka na ba sapagkat nakita mo ako? Mapapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita!"  Ngayon ang ang kapistahan ng "Divine Mercy".  Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy and Compassion, o Awa at Malasakit.  Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung una sa lahat ay naranasan natin ang awa at malasakit ng Diyos.  Siya ang bukal ng awa at habag at ito ang Kanyang alok sa atin upang mapuno ang ating puso ng Kanyang pagmamahal.  Pangalawa, pagkatapos nating maranasan ito ay dapat na makapagpakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa.  Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso.  Naniniwala ako na ang kapayapaan ay dapat muna na nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili.  Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo?  Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili?  Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba?  Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap?  Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo.  Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan.  Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi... "Lord, make me a channel of your peace!"  Ang kapayapaang nasa ating sarili at naibabahagi natin sa iba ang katibayan ng Muling Pagkabuihay ni Kristo! 

Sabado, Marso 31, 2018

BE BEARERS OF GOOD NEWS NOT FAKE NEWS: Reflection for Easter Sunday Year B - April 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS?  Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda.  Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..."  Papayag ka bang totoo ang survey na ito.  Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe...  Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag.  Kailanman ay hindi magagapi ng liwanag ang kadiliman.  Hindi magagapi ng masama ang mabuti.  Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay!  Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. Kailangan lang nating maging mga taong may paninidigan sa katotohanan at maging mga men and women of integrity.  Ito ang paalala ni Cardinal Tagle noong Chrism Mass sa Manila Cathedral: “Let us put a stop to fake news! We are not called and consecrated to bring fake news, only Good News, especially through the integrity of our lives,”  At binigyang diin nya ang kahalagahan ng pagiging buhay na saksi ni Kristo sa ating pang-araw-araw na buhay.  “That’s why many people don’t listen to the Good News because they don’t see it [in] the one talking,” said Tagle. “They are looking for people of integrity whose words will match their action.”
“The Good News is not just to be proclaimed through words, in most instances it is better proclaimed in life, in deeds. That’s integrity,”  Ang ibig sabihin lang ng ating butihing Cardinal ay magpakatotoo tayo sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano.  Iwaksi ang mali at gawin ang tama. Isabuhay natin ang ating mga pangako sa binyag.  Kung magiging totoo tayo sa ating mga sarili ay madali na lang magpahayag ng katotohanan sa iba.  Hindi tayo manlilinlang ng kapwa.  Hindi natin lalamangan sila.  Hindi natin ipapahamak ang isa't isa.  Maging mga buhay tayong tagapagdala ng Mabuting Balita ni Kristo.  Let us be bearers of GOOD NEWS not FAKE NEWS!  

Huwebes, Marso 29, 2018

THE GOOD IN GOOD FRIDAY: Reflection for GOOD FRIDAY Year B - March 30, 2018

May bumati sa akin:  "Good morning Father!"  pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin.  At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!"  At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!"  hehehe...  What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY?  Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating mahihirap.  Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang karukhaan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos.  Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal.  Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal.  Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan.  Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito.  Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan.  God is good today and will always be good all the time! 

EUKARISTIYA, PAGPAPARI, PAGMAMAHAL: Reflection for Holy Thursday Year B - March 22, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday,  ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin".   Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34)  Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin.  Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao.  Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin.  Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo.  Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig.  Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo.  Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!

Sabado, Marso 24, 2018

SEMANA SANTA: Reflection for Palm Sunday Year B - March 25, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Tayo ay pumasok na sa ating pagdiriwang ng "Semana Santa" o Holy Week... ang MGA BANAL NA ARAW.  Ito rin ay maaaring tawaging LINGGO NG MILAGRO sapagkat sa mga araw na ito ay magaganap ang dakilang milagro.  May kuwento ng isang batang bumili sa isang botika.  Paglapit niya sa tindera ay agad syang nagtanong: "Ale, magkano po ang milagro?"  Napangiti ang tindera at sinabi: "Iho, gamot at hindi milagro ang tinitinda namin dito."  Sagot ng bata: "Ganun po ba?  Kasi sabi ng duktor: "Tanging milagro na lang ang makapagliligtas sa nanay ko... kaya nga gusyo ko sanang bumili ng gamot na sng tawag ay MILAGRO!"  Ang mga araw ng milagro na darating ay hindi natin binili.  Ito ay buong pagmamahal na ibinigay ng Diyos sa atin at hindi matutumbasan ng anumang halaga.  Isa-isahin natin ang mga ito:  Sa Huwebes Santo ay ang dakilang milagro ng "Katawan at Dugo ni Kristo" na ginawa Niya sa "Huling Hapunan".  Nariyan din ang milagro ng pag-aalay ng Anak ng Diyos ng Kanyang buhay sa krus upang tayo ay maligtas sa ating mga kasalanan.  At ang pinakadakilang milagro sa lahat ay ang Kanyang "Muling Pagkabuhay" pagkatapos ng tatlong araw na pananatili sa libingan.   At sinisimulan natin ito sa paggunita sa marangyang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem na kung saan ay tinaggap siya ng mga tao bilang "Anak ni David".  Ngunit panandalian lang ang mga ito dahil pagkatapos ay parehong mga tao rin ang sisigaw ng "Ipako siya sa krus!"  Si Jesus ay daranas ng paghihirap sa kamay ng mga Hudyo.  Kaya nga ang tawag din natin sa linggong ito ay PASSION SUNDAY o LINGGO NG PAGHIHIRAP.  Ang paghihirap na dinanas ni Jesus ay pagpapakita ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin.  Kaya nga, sa ating mga Pilipino ang tawag natin sa mga araw na darating ay MGA MAHAL NA ARAW.  Sa paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus ay tinubos Niya tyo sa ating mga kasalanan.  Kaya nga't nararapat lang na igalang at panatilihin natin ang pagiging mahal ng mga araw na ito.  Huwag nating gawing "cheap" o mumurahin.  Magdasal at magnilay sa mga darating na araw.  Ang tingin kasi ng ibang tao sa mga araw na ito ay araw ng pagrerelax at pagpunta sa beach o resorts.  Nawala na ang kabanalan ng mga Mahal na Araw!  Maraming gawain ang inilatag ang Simbahan para sa mga araw na ito upang mapanatiling banal at mahal. Naririyan na ang nakagawiang pabasa, pagpapalabas ng Senakulo, ang pagdalo sa Misa ng huling hapunan,Visita Iglesia, Daan ng Krus, Pagsamba sa Krus na Banal, pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay, Salubong at pagsariwa ng ating mga pangako sa Binyag.  sa Linggo ng Pagkabuhay.  Ngunit huwag nating kalimutan na ang tugatog ng mga pagdiriwang na ito ay ang pagdalo sa Misa ng Linggo ng Pagkabuhay ng Panginoon.  Diyo nangyayari ang tunay na milagro na kung saan ay tinatanggap natin ang Katawan ni Kristo sa anyong tinapay at alak at kung paanong tayo ay pinababanal nito sa ating pagtanggap.  Mga kapatid, samahan natin ang Panginoon sa kanyang paghihirap ng sa gayon tayo rin ay makasama sa Kanyang muling pagkabuhay at gagawa ng himala ang Panginoon sa ating buhay. Hindi na natin kinakailangang maghanap pa at "bumili" ng milaro.  Araw-araw ito ay nagaganap sa ating pagdiriwang ng Santa Misa na kung saan ay nakikiisa si Jesus sa atin sa patuloy na pag-aalay ng Kanyang sarili at pagmahahal sa atin.  Mahalin at pabanalin natin ang mga araw na darating!