Sabado, Setyembre 11, 2021

KRISTIYANONG WALANG KRUS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year B - September 12, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Ngayong panahon ng pandemya ay mas marami sa atin ang nakakababad sa panonood ng mga palabas sa Netflix, Youtube at iba pang social media channels.  Marahil ay nahuhumaling ang ilan sa atin sa mga pelikula at teleserye dahil sa mga kaabang-abang na kuwento ng mga ito.  Sa panonood ay nakasanayan na nating ang bida ang palaging panalo sa huli!  Ayaw natin ang bidang naaargabyado, kinakawawa at mamamatay. Kaya nga kapag namatay ang bida sa katapusan ng palabas ay madalas nating sabihing "pangit ang ending"... nakakalungkot sapagkat "namatay ang bida!" Halimbawa na lang ang teleseryeng "Ang Probinsiyano 4.0"  Aba... nawala na sa free TV ang ABS-CBN,  tinamaan na tayo ng pandemyang dala ng COVID19 at ang dami ng variant na lumabas, pero si Cardo ay nakatayo pa rin!  Isipin mo na lang ang ending ng "ANG PROBINSIYANO" kung mamamatay ang bida?  KILL JOY hindi ba?  Kaya nga siguro magtatagal pa ito ng maraming taon, hanggang uugod-ugod na ang mga tauhan ng tele-serye at buhay pa rin si Cardo!  

Ang bida hindi dapat nasasaktan at kung masaktan man, ang BIDA HINDI DAPAT MAMATAY! Ganito ang ating natunghayan sa Ebanghelyo. Ginawang "bida" ni Pedro si Hesus ng tanungin niya sila kung "sino ba siya sa mga tao." Ibinigay ni Pedro ang tamang kasagutan: "Ikaw ang Kristo!" Ngunit nang marinig mismo ni Pedro sa bibig ni Hesus na siya bilang bida ay maghihirap, itatakwil ng mga pinuno ng bayan at mamamatay ay agad niyang pinagsabihan si Hesus. Hindi niya matanggap na ang kanyang bida ay maghihirap at mamamatay! Dahil dito ay napagwikaan siya ni Hesus: “Lumayo ka, Satanas! Ang iniisip mo’y hindi sa Diyos kundi sa tao." 

Hindi ba't kung minsan ay ganito rin tayo mag-isip tungkol sa Diyos? Sino ba ang Diyos para sa atin? Para sa marami ang ating Diyos ay ang "Diyos ng kaginhawaan!"  Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kasiyahan at kaunlaran sa pamumuhay. OK ang Diyos kapag maganda ang takbo ng ating buhay. Ayaw natin ang "Diyos ng kahirapan!" Kaya nga't kapag nakaramdam na tayo ng kaunting kahirapan sa buhay ay nagbabago na ang ating pagtingin Diyos. Ang ating mga "aleluya" at "praise the Lord" ay napapalitan ng "Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako ginaganito? Mabuti naman akong tao. Nagdarasal naman ako. Nagsisimba. Nag-aabuloy sa simbahan..." 

Tandaan natin: Ang ating Diyos ay hindi lang Diyos ng kaginhawaan ngunit Siya rin ay Diyos ng kahirapan! Kung ang ating Diyos mismo ay dumaan sa paghihirap, dapat tayo rin ay handang magbata ng anumang kahirapan sa buhay... matuto tayong magpasan ng ating mga "krus." Kaya nga't ibinigay niya ang kundisyon sa mga nagnanais na maging kanyang alagad: "Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin." 

Paano ko ba tinatanggap ang mga paghihirap na dumarating sa aking buhay? Isa rin ba ako sa mga ayaw makaramdam ng sakit at paghihirap? May mga taong tinatawag nating "pabigat" sa atin, paano ko sila "binubuhat?" Minsan ay may lalaking umuwi sa kanilang bahay. Ang una niyang ginawa ay hanapin ang kanyang asawa. Nang makita niya ito ay agad-agad niya itong bihuhat at isinayaw. Nagulat tuloy ang babae at nagtanong: "Dear, anong nangyari sa iyo? Hindi ko naman birthday. Lalo namang hindi natin anniversary. Anung nakain mo?" Ang sagot ng lalaki: "Kasi dear... nagsimba ako kanina at tinamaan ako sa sinabi ng pari. Ang sabi niya: ang nagnanais daw na maging alagad ni Hesus ay dapat matutong magbuhat ng kanyang krus!" 

Sino ba ang mga pabigat sa buhay ko? Marahil ang asawa kong lasenggo, sugarol at babaero. Siguro ang kapatid kong mabisyo. Siguro ang anak kong pabaya sa pag-aaral. Siguro ang kapitbahay kong walang ginawa kundi ang mantsismis at manghimasok sa buhay ng iba. Siguro ang kaibigan kong traidor at mapagsamantala!  Ano ba ang mga krus na dapat kong buhatin ngayon lalo na't nagpapatuloy pa rin ang pandemya at ang maraming paghihirap na dala nito?  Marami pa rin ang walang hanap-buhay dahil sa walang katapusang lockdown at quarantinne classifications na nagpapagulo sa halip na nakatutulong sa buhay ng mamamayan, ang mga mentally at physically stressed dahil sa haba ng pagkakakulong sa loob ng bahay, ang mga medical frontliners na sa kabila ng kanilang pagpapakapagod ay hindi man lang nabibigyan ng sapat na sahod at nasusumbatan pa sa kanilang pagnanais na mapabuti ang kanilang kalagayan.  May mga iilan din na nagsasamantala pa sa tulong na dapat ay naibibigay sa iba, ninanakaw ang pondo o pera na dapat ay nagagamit sana upang makapagligtas ng buhay lalo na ng mga mahihirap nating kapatid!  

Ngayong ikalawang Linggo sa Panahon ng Paglikha ay tinatanong din natin ang ating sarili kung tayo ba ay nagiging pabigat din at nagiging sagabal sa pagtatayo at pagtataguyod ng ating mundo bilang ating iisang tahanan o common home.  Nais natin ng isang maunlad at maayos na mundo ngunit ang ating pamumuhay kung minsan ay hindi naman tumutugma sa ating nilalayon.  Patuloy tayo sa pang-aabuso sa ating inang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad ng antas ng ating pamumuhay.  Dahil dito ay nahaharap ang ating mundo sa isang ecological crisis na sabi nga ng mga scientists ay magiging "irreversible"  kung wala tayong gagawing hakbang.  Ibig sabihin ang kasagutan ay nasa atin din.  Baguhin natin ang ating uri ng pamumuhay.  Nananawagan ito ng pagbabalik-loob na ang tawag din natin ay "ecological conversion" na mangyayari lamang kung magkakaroon tayo ng ng malalim na "ecological spirituality", isang uri ng pamumuhay na kung saan ay isinasaalang-alang natin ang pag-aaruga sa ating mundo at pagmamahal sa ating inang kalikasan sa ating pang-araw-araw na buhay.  Ang ibig sabihin ng spirituality ay way of life, uri ng pamumuhay na tayo lamang ang maaring tumahak at gawin ang nararapat.  Huwag na sana nating dagdagan ang maraming pasaning binubuhat ng ating mundo.

Mga kapatid, napakarami nating tinuturing na pabigat sa ating buhay.  Huwag nating ipanalanging tanggalin ng Diyos ang mga ito. Kailanman ay hindi mawawala ang mga krus na ating dala-dala, sapagkat ang ating Panginoon mismo ay niyakap ang bigat ng krus hanggang makarating sa Kalbaryo ng kanyang kamatayan.  Tandaan natin na ang Kristiyanong walang krus ay isang malaking kontradiksiyon!  Sa halip ay ganito dapat ang laman ng ating panalangin: "Panginoon, hindi ko pinagdarasal na tanggalin mo ang mga pabigat na ito sa aking buhay, bagkus bigyan mo ako ng lakas upang mabuhat ko sila ng may pagmamahal..." 

Miyerkules, Setyembre 8, 2021

KAPANGANAKAN NG MAHAL NA BIRHENG MARIA - September 8, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES - SEASON OF CREATION

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Bilang isang "bayang sumisinta kay Maria" ay mahalaga para atin ang ipagdiwang ang Kapisthang ito.  Sa katunayan, marami sa atin ang nadismaya, dahil inaasahan nating makakapagdiwang na tayo ng Santa Misa pagkatapos ng mahigit isang buwang pagbabawal gawa ng Covid19 pandemya.  Marami ang natuwa noong Lunes ng ianunsiyo na tayo ay lilipat na sa mas maluwag na GCQ na kung saan ay pinapayagan na ang religious gathering.  Pero marami ang nalungkot, may ibang nagngitngit sa galit ng bawiin ito at ilagay uli tayo sa mas mahigpit na MECQ.  Ano ba talaga kuya?  Parang laban-bawi lang ano?  Tulad ng nabanggit ko na dati, marahil sapagkat hindi pa rin natin nakikitang "essential" ang pagsisimba! Nakakalungkot pero mas pinapayagan pa ang pagbubukas ng Casino kaysa simbahan, pagsusugal kaysa pagsisimba.  Wala ng pinagkaiba ang pagpunta sa parlor, sa gym, shoping mall, at iba pang lugar libangan sa pagpunta natin sa Simbahan!  Kaawaan nawa tayo ng Panginoon!

Gayunpaman ay hindi ito dahilan upang hindi tayo magdiwang ng Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria.  Kahit maraming pagdiriwang ng Misa ngayon ay on-line, tuloy pa rin ang kasiyahan at ang pag-agos ng biyaya mula sa Diyos, sa pamamagitan ng ating Mahal na Ina.  Kaya batiin natin siya ng isang maligayang kaaraawan:  "HAPPY BIRTHDAY MAMA MARY!"  


Bakit nga ba Septmeber 8 ang kanyang kaarawan?  Wala pa namang kalendaryo noong panahong iyon katulad ng kelendaryong mayroon tayo ngayon.  Ang simpleng kasugutan ay sapagkat tunay siyang tao na isinilang sa natural na paraan, siyam na buwan bago iniluwal sa sinapupunan ng kanyang ina.  "Paano natin nabatid ito?  Hindi naman ata ito nakasulat sa Bibliya!" Ang sasabihin sa atin ng ating mga kapatid sa ibang pananampalataya.  Ang simpleng sagot natin ay: Hindi sapagkat binanggit sa Bibliya ay hindi na totoong nangyari!  Kung tinataanggap natin tunay na tao si Maria ay siguradong ipinaglihi at ipinanganak siya ng kanyang mga magulang sa natural na proseso... siyam na buwan sa sinapupunan!  
mBilangin mo sa ating kalendaryo mula Dec. 8, ang araw ng kalinis-linisang paglilihi kay Maria (Immaculate Conception) hanggang Sept. 8, ang kanyang kapanganakan, at makikita mong siyam na buwan ang haba noon!  Dapat lang! Kasi nga ay siyam na buwan ang normal na inilalagi ng sanggol sa sinapupunan ng kanyang ina.

Hindi naman mahalaga ang eksaktong petsa ng kapanganakan ng Mahal ng Birhen. Ang mahalaga ay isinilang siya bilang tao dito sa lupa upang mabigyang daan ang katuparan ang plano ng Diyos.  Ang Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birhen ay dapat magpaalala sa atin ng kagandahang loob at katapatan ng Diyos. Sa simula palang na nagkasala ang tao ay ninais na ng Diyos na sagipin ang tao sa pagkakasala. Napakahabang paghahanda ang nangyari. Kasing haba ng tala-angkanan na nakasulat sa Ebanghelyo ni Mateo. Mahabang panahon ang hinintay ng sangkatauhan, ngunit gayunpaman ay hindi tinalikuran ng Diyos ang kanyang pangako. At sa kinalaunan ay pinili niya ang isang babaeng taga-Nazaret upang maging ina ng Kanyang Anak. 

Lubos ang kabutihan at katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay laging tapat sa atin. Sa kabila ng ating araw-araw na pagtalikod at paglimot sa kanya ay tuloy pa rin ang alok Niyang kaligtasan. Pinahahalagahan ko ba ito? O baka naman, binabalewala ko lang ang Kanyang kabutihan sa patuloy na paggawa ng kasalanan at pagpapairal ng masamang pag-uugali.  Ang  kapistahan ngayon ay nagpapaalala sa atin na seryosohin ang ating pagsunod kay Kristo.  Dapat ay may masusi rin tayong pagpaplano ng ating mga dapat gawin upang maging ganap ang ating pagiging Kristiyano.  

Kung ang Diyos nga ay pinaghandaang mabuti ang Kanyang planong kaligtasan ay dapat tayo rin,  may mga hakbangin at layunin upang ipakita ng seryoso tayo sa kahulugan ating binyag.  Ang kapanganakan ng Mahal na Birhen ay hindi lang dapat magpaalala sa atin ng katapan ng Diyos. Dapat ito rin ay magtulak sa ating maging tapat at radikal sa ating pagsunod kay Kristo. 

Ang katapatan ng Diyos na Manlilikha ay dapat magbunsod sa ating mga tao na maging tapat din sa Kanyang mga nilikha.  Ang Panahon ng Paglikha ay isang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Simbahan upang ipakita at patunayan ang katapatang ito.  Ang Mahal na Birheng Maria ay nagpakita ng kanyang katapatan sa pamamagitan ng pagsunod sa kalooban ng Diyos na maging Kanyang Ina at Ina rin ng Simbahan.  Tayo rin ay tinatawag sa katapatan sa pagsunod sa kalooban ng Manlilikha.  At ano ang Kanyang kalooban? Walang iba kundi ang pangalagaan at pagyamanin ang Kanyang mga nilikha! 

Isa sa isinasangguni ng Simbahan ay ating isabuhay ang "Less is More Spirituality." Kung may pinakamatingkad na katangian ang Mahal na Birhen, sa aking palagay, ay ang kanyang pagiging mapagkumbaba at kapayakan.  Kahit na siya ay hinirang ng Diyos na maging kanyang ina ay hindi niya ito ginamit upang magmalaki at maging mapagmataas sa iba.  Alam ng Mahal na Birhen na mas pinagpapala ng Diyos ang mga taong payak at mapagkumbaba kaysa sa mga palalo at mapagmataas:
  
 "Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
    nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
    at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
    at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman." (Lukas 1:51-53)

Maging payak at mapagkumbaba tayo sa ating pamumuhay. May maraming pagpapala kung mas simple, payak at mapagkumbaba ang ating buhay tulad ni Maria.  Salungat ito sa kultura ng mundo na laging nagnanais kumamal ng mga materyal na bagay at maghangad ng marangyang pamumuhay.  Ang paghahangad ng "mas marami pa" ay nagdadala sa ating pagiging makasarili at ganid na pag-uugali. Kung bakit maraming pagkasirang nangyayari sa ating kalikasan ay sapagkat pinaiiral ng tao ang kanyang pagiging makasarili. Maging mapagbigay nawa tayo at nagpapahalaga sa mga bagay na bigay sa atin ng Maykapal.  Less is more!  

O Maria... tulungan mo kaming maging tapat na katulad mo... Maligayang kaarawan sa iyo aming Ina!

Biyernes, Setyembre 3, 2021

LISTENING HEART: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year B - September 5, 2021 - SEASON OF CREATION - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Saan ba nakasalalay ang pananampalataya mo? Napakarami nating paniniwala na kung titingnan ay wala sa lugar o kung di naman ay wala sa tamang hulog. Halimbawa, isang basketball player na mag-aantanda ng krus bago i-shoot ang bola sa free throw line at kapag nagmintis magmumura ng malutong pa sa Lapid's Chicharon!  O kaya naman ay isang deboto ng Poong Nazareno na hindi mawawala sa Traslacion ngunit patuloy pa rin sa pagsusugal at paglalasing. O isang nanay na ipinamamanhik sa paring buhusan ng tubig ang kanyang sanggol sapagkat ibabiyahe daw papuntang probinsiya ngunit ayaw namang pabinyagan ang bata sapagkat wala pa raw panghanda! May isang kuwento para sa mga taong ang pananampalataya ay natatali lamang sa panlabas na pagpapakita nito. 

"Isang batang retarded na pipi at bingi ang umakyat sa isang mataas na puno ng niyog. Nakita siya ng maraming tao at pilit siyang pinabababa sa pangambang siya ay mahulog. Ngunit ayaw bumaba ng bata. Tumawag sila ng tulong sa mga baranggay tanod pero bale wala lang bata. Tinawag na nila ang kapitan ng baranggay ngunit nagmistulang tanga lamang ang kapitan... ayaw bumaba ng bata. Nagkataong napadaan ang parish priest ng lugar. "Father, kayo na nga ang magpababa. Baka sa inyo sumunod."  Napilitang sumunod ang pari. Lumapit sa puno. Tumingala sa itaas at iwinasiwas ang kamay na tila nagbabasbas sabay bulong ng ilang salita. Agad-agad ay bumaba ang bata. Laking gulat ng mga tao at manghang-mangha sa pari. "Ang galing mo talaga ni Father! Isa kang taong banal! Binasbasan lang ang bata napasunod na!" Tugon ng pari: "Anung binasbasan? Sinenyasan ko lang ang bata ng ganito, ikaw baba o putol puno... baba o putol puno!" Habang pakrus na iwinasiwas ang kamay!  hehehe.  

Kung minsan ay masyado tayong natatali sa panlabas na ritwal ng ating pananampalataya. Kung minsan ay may lumalapit sa akin na mga estudyanteng pinababasbasan ang kanilang lapis na gagamitin sa exam tapos hindi naman nag-aral ng mabuti.  Akala ata nila na kapag binasbasan ang kanilang panulat ay hindi na sila magkakamali sa pagsusulit.  Manghang-mangha tayo kapag naipagkakaloob sa atin ang ating kahilingan ngunit ayaw naman nating kilalanin ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng biyaya.  

Para tayong mga Hudyo na manghang-mangha sa kapangyarihan ni Jesus na nagpanauli ng pandinig ng isang bingi ngunit hindi naman nakilala kung sino Siya. Nakita nila ang ritwal na pagpasok ng daliri ni Jesus sa tainga at ang paglura at paghipo sa dila ng bingi ngunit hindi naman naintindihan ang ipinahihiwatig nito. Kaya nga ang sigaw ni Jesus ay "Effata!" Ibig sabihin ay "Mabuksan!" Hindi lamang ito para sa taong bingi ngunit ito rin ay para sa mga Hudyong nakapaligid sa Kanya. Nais ni Jesus na buksan ang kanilang mga pag-iisip at makitang Siya ang katuparan ng sinasabi ng mga propeta sa Lumang Tipan katulad ng panandang ibinigay ni Propeta Isaias sa pagdating ng Mesias, "Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang mga pipi." 

Nakilala ba Siya ng mga tao bilang Mesiyas? Hindi! Ipinagkalat lamang nila ang nangyari ngunit hindi ang kanyang pagdating sa kanilang piling bilang Panginoon. Mag-ingat din tayo sa ating pagiging Kristiyano. Baka katulad rin tayo ng mga Hudyong ang pagkilala kay Jesus ay panlabas lamang at nananatili pa ring mga pipi at bingi sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas. Mas masaklap ang lagay ng taong nakakarinig ngunit bingi naman sa panawagan ni Jesus na manindigan sa katotohanan at mamuhay na banal. Kasing saklap din ang lagay ng mga taong nakapagsasalita ngunit iba ang kanilang isinasagawa sa kanilang ipinahahayag!  

Mamuhay tayong tapat bilang mga Krisitiyano. Buksan natin ang ating puso at isipan sa mga aral ni Jesus na makikita sa Bibliya at ipinapaliwanag naman sa atin sa mga turo ng Simbahan.  Isabuhay nating ang tunay na "Effata!"  Hilingin natin sa Panginoon na buksan ang tainga ng ating puso upang makita ang pangangailangan ng ating mga kapatid na mga mahihirap.  Kung may mabuting naidulot ang panahong ito ng pandemya ay dapat mas nabuksan ang ating puso at isip sa panaghoy ng mga taong naghirap at patuloy na naghihirap sa kanilang pang-araw-araw na buhay.  Ang boses ng ating mga health workers at frontliners, na tinagurian nating mga bagong bayani, ay patuloy na umaalingaw-ngaw ngunit tila baga nagbibingi-bingihan ang pamahalaan sa kanilang kalagayan.  Ang mga nawalan ng trabaho at dahil diyan ay nagdadala ng pagkagutom sa kani-kanilang pamilya, ay patuloy na kumakatok sa ating mga puso upang mas maging sensitibo sa kanilang kalagayan at magbigay ng ayon sa ating makakayanan.  

Ngayong unang Linggo ng Panahon ng Paglikha ay hinihikayat din tayong maging mulat at mapagmatyag sa maling paggamit at patuloy na pagsasamantala o pang-aabuso sa ating "inang kalikasan."  Hinikiyat tayong itayong muli ang "oikos" (tahanan) na ibinigay sa ating Diyos na Manlilikha sa pamamagitan ng tamang "ecological education" na naglalayong linangin at ating kaalaman sa tamang pagpapahalaga at pagpapayaman ng mga nilikhang ibinigay sa atin ng Diyos.  Hindi lang sapat mayroon tayong kaaalaman tungkol dito.  Mas makabubuti kung ang ating kaalaman ay mailalagay natin sa mga praktikal na gawain at adbokasiya upang mas higit nating maalagaan ang ating nag-iisang tahanan.   Ang Panahon ng Paglikha ay hindi lamang upang papurihan ang Diyos para kanyang mga nilikha ngunit ito ay upang ipaalala sa atin na tayo ay ginawa niyang mga responsableng katiwala upang pamahalaan ng may pananagutan at hindi upang sirain at yurakan ang dangal ng tahanang ibinigay niya sa atin.  

Kung ating titingnan ay hugis puso ang ating dalawang tainga.  Kapag pinagkabit mo ang kanan at kaliwang tainga mo ay magkakaroon ka ng hugis puso.  Sa katunayan sa gitna ng salitang hEARt ay mayroong saitang EAR.  Kaya pala mayroong salitang LISTENING HEART sapagkat ang ginagamit natin sa tunay na pakikinig ay ang ating puso!  Gamitin natin ang ating puso sa pakikinig sa mga hinanaing ng ating mga kapatid na mahihirap lalo na ngayong panahon ng pandemya.  Huwag tayong magbingi-bingihan sa kanilang pagdaing.  Hindi naman kinakailangang malaki ang ating pagtulong na gagawin.  Sabi nga ng Pondo ng Pinoy: "Anumang magaling, kahit na maliit, kapag ginagawa ng malimit ay patungong langit!"  Gawin nating malimit ang pagtulong at paggawa ng kabutihan. Hilingin din natin ang biyayang buksan ng Panginoon ang ating mga tainga ng ating puso at ng magawa rin nating buksan ang puso ng iba sa isang tunay na pakikinig.  EFFATA! 

Sabado, Agosto 28, 2021

TOTOONG KATOLIKO: Reflection for 22nd Sunday In Ordinary Time Year B - August 29, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Paano ba nasusukat ang pagiging relihiyoso ng isang tao? Sapagkat nagsisimba ba ang isang katoliko ay maituturing na siyang relihiyoso? Ngayong tayo nasa panahon ng pandemya at napipilitan tayong magsara ng mga simbahan at gawing "on-line" na lamang ang ating pakikibahagi sa Misa, masasabi ba nating relihiyoso pa rin  ba tayong mga Katoliko?  Kung pagbabasihan ang bilang ng mga viewers ng ating mga on-line masses ay siguradong mapapailing ka na lang.  May ilan-ilan sa ating may pinanghahwakang debosyon o panata katulad ng pagsisimba tuwing Miyerkules sa Baclaran o Biyernes naman sa Quiapo, ngunit sapat ba ang mga ito para tawagin tayong mga tapat a na Katoliko?

May nakakatuwang kuwento ang makasasagot nito.  Nakagawian na ni "Pepeng Mandurukot" ang dumaan sa Simbahan ng Quiapo at magdasal sa kanyang paboritong patrong Poong Nazareno pagkatapos ng maghapong pagtratrabaho. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng matalas na mata! Nakadukot ako ng cellphone sa katabi ko kanina sa bus na walang kahirap-hirap!" Bigla siyang may narinig na mahiwagang tinig: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulat siya sa sagot na kanyang tinanggap. Hindi niya ito gaanong binigyang pansin. Kinabukasan pagkatapos ng kanyang "trabaho" ay muli siyang dumaan sa simbahan. "Poong Nazareno, maraming salamat po at binigyan mo ako ng mabilis na kamay at paa. Hindi ako inabutan ng pulis na humahabol sa akin!" Muling lumabas ang mahiwagang tinig na ang wika: "Mapalad ka Pepe... mapalad ka!" Nagulumihanan si Pepe at sa puntong ito ay di na napigilang magtanong. "Panginoon, ikaw ba yan? Anung ibig sabihin mong mapalad ako?" At sumagot ang tinig: "Mapalad ka Pepe at mabigat itong krus na pasan-pasan ko. Kung hindi ay ibinalibag ko na ito sa iyo!" hehehe... 

Marahil ay kuwento lamang ito ngunit may inihahatid sa ating mahalagang aral: Ang tunay na relihiyon ay wala sa panlabas na pagpapapakita ngunit nasa panloob na paniniwala at panlabas na pagsasabuhay nito.  Ibig sabihin, ang tunay na relihiyon ay hindi lang ang mga pandebosyong panalangin, pagsisimba tuwing Linggo, pagbisita sa simbahan, o maging ang ating relihiyong kinabibilangan.  

Linawin nga natin ang ibig sabihin ng salitang relihiyon.  Ang relihiyon ay mas malawak pa sa ating nakasanayang pag-intindi.  Halimbawa, ako ay kabilang sa relihiyong Kristiyano Katoliko.  Siya ay kabilang sa relihiyong Muslim. Kung titingnan natin sa ethymological meaning nito, ang relihiyon ay tumutukoy sa "pagtataling muli" ng naputol na relasyon ng Diyos at tao. (Ang ibig sabihin ng "re" ay muli, at ang "ligare" naman ay itali. Kung pagdurugtungin ay "italing muli". )  Kaya nga masasabi rin natin na ito ay ang ating personal na pakikipag-ugayan sa Diyos.  

Kung ating pagbabasehan ang ating mga pagbasa ngayon ang relihiyon ay hindi lang ang pagpapakita na tayo ay mga taong maka-Diyos.  Hindi lamang ito natatali sa mga ritwal o panlabas na pagpapahayag ng ating pananampalataya.  Ano ang sabi ni Hesus tungkol sa mga Pariseo? “ Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat: ‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal." 

Paano ko ba ipinapakita ang pagiging Kristiyano? Baka naman natatali lang ako sa mga ritwal na panlabas na pagsamba at nakakalimutan ko ang higit na mahalaga?  Mahalaga ang pagrorosaryo, pagsama sa prusisyon, pagdedebosyon sa mga santo, pagsisimba tuwing Linggo.  Mahalaga ang mga ito, lalo na ang pagsisimba sapagkat ito dapat ang magbigay sa atin ng motibasyon upang lumago sa ating pananampalataya.  Ngunit dapat nating tandaan na hindi lamang ito ang ibig sabihin ng relihiyon.  May mas mahalagang hinihingi si Hesus sa atin.  Ang sabi nga ng isang sikat na mangangaral na obispo: "Kung paanong ang pumapasok ng talyer ay hindi nagiging kotse... ganun din ang pumapasok ng simbahan ay hindi agad matatawag na Kristiyano."  Hindi sapagkat nagsimba ka ay Kristiyano ka na!  Hindi garantiya ang litanya ng mga debosyon, ang paulit na ulit na pagsambit ng panalangin, ang araw-araw na pagtitirik ng mga kandila kung ang lumalabas naman sa ating bibig ay paglapastangan sa kapwa, masasamang salita, paninira, paghuhusga sa kamalian ng iba.  Sapagkat kung ang mga ito lamang ang ating pagtutuunan ng pansin ay tunay na para sa atin ang sinabi ng Panginoon sa mga pariseo:  "Pagpuri't pagsambang ginagawa nila  ay walang kabuluhan!" (Marcos 7:6)  

Tandaan natin ang kabanalan ay hindi lamang personal na pagpapakabuti. Ang tunay na kabanalan ay dapat ibinabahagi.  Ang pakikinig na may pagkilos ang tunay na pagpapakita na tayo ay sumusunod sa Kanya.  Sikapin nating magpakatotoo sa ating pagiging Kristiyano! Unawain natin at sundin ng matapat ang mga utos ng Diyos.  Ang sabi nga ni apostol Santiago: "Kung ito’y pinakikinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili."  Kaya huwag tayong maging mga Kristiyanong Doble-kara! Huwag maging mapag-imbabaw sa ating pananampalataya tulad ng mga Pariseo.  Mag-ingat tayo sa huwad na pagsasabuhay ng relihiyon.  Upang sa sandali mang may magtanong sa iyo kung ano ang relihiyon mo ay masasabi mong: Ako ay KATOLIKO na nagsasabuhay ng aking pananampalataya!  I am a Catholic and I am proud of it!  ITO ANG TOTOONG KATOLIKO!

Sabado, Agosto 21, 2021

FIAT VOLUNTAS TUA: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 22, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Bakit nga ba ganito tayong mga Katoliko? Bakit parang pinipili lang natin ang gusto nating pakinggan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating marinig?  Marami sa atin na ang pakikinig ay "selective listening."  Parang may switch ang ating tenga kung ano ang dapat nating pakinggan at kung ano ang hindi dapat nating pansinin. Bakit maraming Katoliko ang sumasalungat sa aral ng Simbahan tungkol sa usapin ng divorce, same sex marriage, death penalty, contraception at marami pang mga usapin na may kinalaman sa moralidad?  Bakit may mga Katolikong  hindi sumasang-ayon kapag ipinaglalaban ng Simbahan ang karapatang pantao para sa mga taong mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto! Ito ay salungat sa kanilang baluktot na paniniwala. Para sa kanila isa itong panghihimasok sa kanilang personal na pamumuhay! 

May kuwento ng isang pari na nagbibigay ng homiliya at nangangaral siya tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!"  

Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos. At kung mahirap maintindihan ang Kanyang pag-iisip ay mas lalong mahirap isabuhay ang Kanyang kalooban.  Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?"  Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita.  At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?"  Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" 

Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang divorce, same sex marriage o kahit death penalty ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" At tanging ang katotohanan lamang ang maaring magpalaya na magpapasaya sa atin.    

Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan.  Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!"   

Ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay nasaksihan ng marami at marahil ay personal na naranasan ng iilan ang sakit ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay ay mas higit nating kinakailangan ang ganitong pag-iisip.  Marahil ay mahirap para sa atin na maunawaan ang kalooban ng Panginoon at mas madali ang magduda at mag-alinlangan sa kanyang karunungan at pagmamahal.  Dito sinusukat ng Panginoon ang katatagan ng ating pananalig sa kanya.  Katulad ng Mahal na Birheng Maria na nagpakita ng katatagan sa paanan ng krus at minamasdan ang kanyang nag-aagaw buhay na anak ay maipahayag nawa natin ang kanyang "fiat voluntas tua!"  "Mangyari nawa ang iyong kalooban Panginoon."  Lagi lamang nating tandaan na ang Diyos ay kasama natin sa mga madilim na pahina ng ating buhay.  Hindi niya tayo iniiwan at pinababayaan. 

Ang taong tunay na malaya ay ang taong sumusunod sa Kanyang kalooban!  Ang pagpapahayag ng AMEN ay pagpapahayag ng ating paninindigan sa ating sinasampalatayan.  "Oo, naniniwala ako. Oo nananalig ako!"  Nawa ay maisapuso natin ang pagsasabi nito sa tuwing humaharap tayo sa pag-aalinlangan at sa tuwing sumasalungat ang ating pag-iisip sa kalooban ng Diyos na pinapahayag sa atin ng ating Inang Simbahan.

Sabado, Agosto 14, 2021

ANG MAGAANG TUMATAAS (Revised) : Reflection for the Solemnity of the Assumption Year B - August 15, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ngayon ang Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Langit, Katawan at Kaluluwa.  Marahil ay palaisipan pa rin sa atin kung papaano ito nangyari.  Mayroon ba itong batayan sa Banal na Kasulatan?  Dapat ba natin itong paniwalaan bilang mga Katolikong Kristiyano?

"Paano nga ba nagawang maiakyat sa langit si Maria, katawan at kaluluwa? Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa mga batang kanyang tinuturuan. Nagtaas ng kamay ang isang bata at sumagot:  "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... super gaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!"  

Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas!  Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa."  Unawain nating mabuti ang itinuturo sa atin ng ating Inang Simbahan na si Maria ay hindi umakyat sa langit.  Sa ganang kanya, bilang isang tao, ay wala siyang kapangyarihan upang gawin iyon.  Ngunit sa kapangyarihan ng Diyos, ay INIAKYAT SIYA SA LANGIT, KATAWAN at KALULUWA.

Mayroon ngang isang nakakatuwang kuwento tungkol dito.  Alam natid na kapag tayo ay namatay at inilibing, ang ating katawan ay uuurin.  Noong namatay daw ang Mahal na Birhen ay may kababalaghang nangyari sa kaharian ng mga uod.  Kumalat ang balita na meron daw nakalibing sa sementeryo na isang babae na ang pangalan ay Maria.  "Tara, anupang hinihintay natin... uurin na natin siya!"  Excited na nagpuntahan sila sa sementeryo.  Ngunit laking pagkagulat nila ng makita nilang wala silang nakitang katawan ng babae sa pinaglibingan nito. "Napurnada! Walang katawan dito! Naglaho ang kanyang katawan!"  Sigaw nila.  Ang sabi ng kanilang pinuno: "Isa itong himala... paglabag ito sa batas nating mga uod!"  

Tunay nga naman na kapag tayo ay namatay ay dapat na mabubulok ang ating katawan.  Noong nagkasala ang ating mga unang magulang, ayon sa Banal na Kasulatan ay pinalayas sila sa Hardin ng Eden at nabigyan ng taning ang kanilang mga buhay.  Ibig sabihin ay pumasok ang "kamatayan" sa sangkatauhan.  Ang tao ngayon ay nakararanas na ng pagkabulok ng katawan! Ang kamatayan ang kinahantungan ng kanilang paggawa ng kasalanan.  Bagama't ang  lahat ay napasailalim sa batas na ito, sa biyaya at kalooban ng Diyos, ay hindi niya hinayaang mabulok ang katawan ng isang nilalang.  Isang espesyal na prebelihiyo ang ibinigay niya sa isang babae na inihanda Niya upang maging tagapagdala sa sinapupunan ng Kanyang Anak.  Ibig sabihin, walang kasalanan... walang pagkabulok ng katawan!  Walang pagkabulok ng katawan... walang kamatayan.  Kaya nga ang ginamit na kataga sa pagkamatay ng Mahal na Birhen sa ating tradisyon ay DORMITION.  Ang pakahulugan ng salitang ito ay "pagtulog".  Animo'y "natulog" lamang ang Mahal na Birhen sa kanyang paghimlay.  Ayon sa isang kuwentong "Apokripal" ng mga naunang Kristiyano ay ng dumalaw si Tomas upang bigyan ng huling pagsulyap sa labi ng Mahal na Ina, ay bumagsak mula sa langit ang isang "girdle" o balabal na pagmamay-ari niya.  Nasalo ito ni Tomas at sa kasalukuyang panahon ay nakapreseba sa isang simbahan sa Tuscany, na ayon sa ma taga-roon ay pinagdadaluyan ng maraming himala.

Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birheng Maria?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang bahid na kasalanan." Ito ang dogma ng "Immaculate Conception".  Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay.  Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan!  Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! 

Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan.  

Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay.  Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti.  Bawasan natin ang pagiging makasarali na siyang ugat ng kasalanan.  Ang gitna titik ng salitang kasalanan sa ingles ay letrang "I".  Ang ibig sabihin ng "I" sa Filipino ay "ako."  Tunay nga naman na kapag tayo ay gumagawa ng kasalanan ay inuuna natin ang ating sarili kaysa sa pagmamahal natin sa Diyos, inuuna rin natin ang ating sarili kaysa kapakanan ng ating kapwa.  Subukan mong tanggalina ng malaking-malaking "I" na iyong sarili at makikita mong maiiwasan mo ang maraming kasalanan.

Maging mapagbigay tayo sa halip na maging makasarili.  Wala ng ibang paraan pa kung nais talaga nating tanggalin ang kasalanan sa ating buhay.  Ngayong panahon ng pandemya ay marami tayong maaring gawin upang maging mapagbigay.  Marami ang naghihikahos ngayon sa buhay, walang makain, walang trabaho.  Ang pagsulpot ng maraming community pantries, malaki man o maliit, at ang iba't ibang uri ng pagkakawang-gawa ay nagpapakita na kaya nating kalabanin ang ating pagiging makasarili.  Matuto sana tayong magbahagi ng ating sarili sa iba lalong-lalo na sa mga higit na nangangailangan.  

Hindi madali ang magbigay.  Ang buhay ng Mahal na Birheng Maria ay taos pusong pagbibigay sa Diyos.  Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"

Sabado, Agosto 7, 2021

PAGKAIN SA PAGLALAKBAY: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Sa pagkakauso ng "selfie"  ay nauso rin ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera.  Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture.  Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kuhaan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan?  Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang.  Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan.  Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain?  

May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!"  

Ang pinakaunang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan.  Ngunit hindi lang naman ito ang dahilan.  Sa kuwento, bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nararamdaman! Ang pagkagutom pala ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos."

Totoo namang kinakailangan nating kumain para mabuhay.  "We eat to live!"  Kaya nga sa unang pagbasa ay sinabihan ng anghel ng Diyos si Propeta Elias na halos ayaw ng magpatuloy mabuhay at nahiga na lang para mamatay: "Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.”  At ng kainin nya ang pagkaing ibinigay sa kanya ay nakapagpatuloy s'ya sa kanyang paglalakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang marating niya ang bundok ng Horeb, ang bundok ng Diyos.  

Sa ebanghelyo ay batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”   Marami sa mga nakarinig sa kanya ang naguluhan at hindi matanggap ang kanyang pananalita.  Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?"  Hindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! 

Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya.  Lalo ngayong panahon ng pandemya na kung saan ay nararanasan natin hindi lang ang pagkagutom o kahirapan ng buhay ngunit maging ang pagkawala ng ating mga mahal sa buhay. Nitong nakaraang mga araw lang ay tatlong paring Salesyano ang namatay dahil sa Covid19.  Kilala ko sila at naging bahagi ng aking buhay at tila baga isang masamang panaginip ang kanilang pagkamatay.  Sa mga sandali ngayon na kung saan ay naka-lockdown ang maraming lugar sa ating bansa ay dama ng marami ang pagkalam ng sikmura at ang pangangailangan ng makakain.  Sa ganitong mga pagkakataon ay kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan.  

Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa.  "The family that eats together... stays together!"   Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.

Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa.  Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap.  Damayan natin ang kanilang pangangailan lalo na ngayong panahon ng pandemya.  Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. 

Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo."  Hindi natin kinakailangang  mag"food-selfie"  upang mapaalalahan tayo nito.  Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa habang tayo ay naglalakbay sa mundong ibabaw.

Sabado, Hulyo 31, 2021

TUGON SA KAGUTUMAN (pagninilay mula sa Episcopal Commission on the Clergy): Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time - Year B - August 1, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES

Ang araw ng Linggong ito ay inilalaan natin kay San Juan Maria Vianney, ang patron ng mga pari. Ipinagdarasal  natin ang mga pari, lalo’t higit ang mga naglilingkod dito sa ating parokya, gayundin ang mga paring maysakit, napapagod, natutukso, nagkasala at nasa bingit ng kamatayan. Ipinagdarasal din natin ang mga paring sumakabilang buhay na, lalo na ang mga  pumanaw dahil sa Covid 19. Nawa’y ang lahat ng pari ay maging masigasig sa paglilingkod nang may kagalakan dahil alam nilang ginagawa ito sa pangalan ni Jesus. Ayon sa napagkasunduan ng ating mga obispo sa Pilipinas ang ating second collection sa misang ito ay para sa on-going formation at renewal ng mga pari.

Sa unang pagbasa, ang mga Israelita ay nagreklamo kay Moises dala ng gutom na kanilang tinitiis sa gitna ng ilang matapos na sila ay umalis sa Egipto. Sinabi nila kay Moises: “Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng  Panginoon sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin.”

Tinugon sila ng Diyos. Sa tuwing umaga, ang lupa ay nababalot ng animo’y pinipig at yon ang kanilang naging tinapay. Tuwing hapon dumagsa naman sa kampo ang mga pugo. Doon galing ang karne.  Mula noon ay hindi na sila nagutom at ang sabi ni Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng Panginoon.”

Marami rin ang nagugutom ngayon dala ng pandemic. Sa kanilang puso ay naroon din ang pagtatanong, “Panginoon, bakit nangyayari ito? Kailan pa ito matatapos?” “Kailan darating ang tulong, ang ayuda? Meron kayang mga taong tutulong? Mamamatay kami sa gutom!”

Sa mga Israelita ang Diyos ay nagpadala ng makakain. Wala kasing ibang taong maaasahan dahil sila ay nasa gitna ng ilang. Sa ating panahon ngayon ang pagkain ay darating sa ibang  paraan. Sa mga nagugutom may mga taong nakapalibot na pwedeng mag-abot ng pagkain. Kaya tayo ay natutuwa at may mga taong nagbabahagi ng kanilang makakayanan upang may makain ang kapwa. May mga community pantries na sinimulan ng mga may pusong mapagkalinga.  Mayroon din namang tumutulong sa mga kapit-bahay, kasama sa trabaho at kaibigan.

Kung paanong sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Yan ang tinapay na bigay sa inyo ng Diyos.”  Maaaring sabihin din ito ng mga taong tumutulong at nag-aabot. Galing sa Diyos at pinadadaloy  lamang sa kamay ng nagkakaloob.

Sa panahon ngayon ng kahirapan, malakas ang tukso na pairalin ang pagka-makasarili. Eh paano naman ang mga nahihirapan at nagugutom? Hindi ba’t sila rin ay mga anak ng Diyos at may karapatan sa isang buhay na ligtas sa kagutuman at matinding pangangailangan? Sa mga mayroon, mananatili ba tayong manhid at ipagdaramot ang mga biyaya na galing din naman sa Diyos? Hindi ba ang mga ito ay ipinagkaloob hindi para sa sarili lamang kundi upang ipadaloy din sa kapwa? Mananatili ba tayong walang paki-alam?

Ang ikalawang pagbasa ay may paanyaya sa atin tungkol dito. Sinabi ni San Pablo sa mga taga Efeso: “Magbago na kayo ng diwa at isip, at ang dapat makita sa inyo ay bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at kabanalan.”

Ang patunay ng pagiging isang mabuting Kristiyano ay hindi sa haba ng pagdarasal, sa dami ng nalalaman, sa posisyon sa Simbahan. Ito ay nakikita sa gawa:  nagbabahagi tulad ng Diyos na mapagbigay; tumutulong tulad ng Diyos na nagmamalasakit.  Ang bawa’t isa ay inaanyayahan na maging larawan ng Diyos sa kapwa na nangangailangan. Mapalad ang sinumang nagpapakita ng  mukha ng Diyos sa kanilang pagmamalasakit.

Paano nga ba kumilos tulad ng  pagkilos ng Diyos? Kaya ba natin? Kung aasa lamang sa sarili ay talagang hindi. Kailangan natin ang lakas na galing sa Diyos. Kailangan natin ang pagkain ng kaluluwa: ang tinapay ng buhay na kaloob ni Jesus. Narinig natin sa ebanghelyo na sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom at ang nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” Ang pagkaing ito ang siya nating tinatanggap sa banal na komunyon sa misa. Sinasabi ng pari: “Ang katawan ni Cristo.” Sumasagot tayo: “Amen.”

Si Cristo na sumasaatin ang nagpapabago ng ating pagkatao. Binibigyan tayo ng lakas na tumulad sa kanya sa pag-aalay ng sarili para sa kapwa lalo na sa mga dukha ngayong panahon ng pandemic. Naitanong na ba natin sa sarili: “Sa pagtanggap ko ba ng katawan ni Cristo sa komunyon, ako ay nagiging mapagkalinga lalo na sa mga nangangailangan at nagugutom?” Kung hindi, walang epekto at sayang lamang ang pagtanggap ko ng katawan ni Jesus.

Paano natin natatanggap ang katawan ni Cristo? Diyan pumapasok ang paglilingkod ng mga pari. Kung walang pari, walang misa, at kung walang misa walang komunyon. Hindi natin matatanggap ang katawan ni Jesus.

Kayong mga magulang, naisip nyo na ba na magbigay ng isang anak na lalaki sa  pagkapari?  May mga pari tayo ngayon dahil ibinigay sila ng kanilang mga magulang. Pero ang pagpapari ay hindi tsamba. Ito ay bunga ng isang pamilya ng namumuhay ayon sa turo ni Jesus. Kaya tuloy naaakit ang anak na tumulad kay Jesus, at kung tinawag siya ni Jesus na maging pari, kaagad siyang tutugon. Kaya ito ay panawagan sa mga pamilya, isama ninyo si Jesus sa inyong pamilya. Gawin  siyang kasapi sa inyong mga ginagawang desisyon. Mapalad ang pamilya na ang anak na lalaki ay naging pari at kumikilos sa pangalan ni Jesus

Dalawa ang uri ang kagutuman: pang-katawan at pang-kaluluwa. Nawa’y maging katuwang tayo ng Diyos upang maibsan ang kagutumang pangkatawan ng ating kapwa sa ating pagbabahagi sa kanila. Nawa’y mabusog din ang ating kaluluwa ng katawan ni Jesus na tinatanggap natin mula sa paglilingkod ng mga pari. Sa pagiging busog sa katawan at kaluluwa, maging aktibo nawa tayong mga anak ng Diyos na nagbabahaginan ng kanyang mga biyaya. Sa gayon mararanasan natin ang paghahari ng Diyos sa ating gitna.  Pagpalain nawa tayong lahat ng Diyos!


Sabado, Hulyo 24, 2021

SA KAMAY NI HESUKRISTO: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 24, 2021 - YEAR OF MISSIO AD GENTES


Ano ang pagkakatulad ng mga salitang PABIBO, PABEBE at PABIDA?  Pare-pareho silang may sakit na ang tawag ay KSP.  Hindi lang "Kulang Sa Pansin" kundi sila rin ay ang mga taong "Kulang Sa Pagmamahal."  Sila ay ang taong laging gusto na sila ang sentro ng atensiyon na kung minsan ay dumarating na sa puntong nakikialam na sila sa buhay ng iba.  Maaring ito rin ay mangahulugan ng pagpapasikat, katulad ng isang estrudyanteng  umaaktong alam niya ang lahat, "know-it-all attitude" sa klase upang mapansin siya ng kanyang mga kapwa kamag-aral.  

Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay umaastang "pabibo".  Maaring mababa ang kanyang pagtingin sa sarili.  Maaring rin itong reaksiyon ng isang taong kulang sa pagmamahal.  Ngunit maaari rin itong reaksyon sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay.  Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o may kuwenta!  Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala.  Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang magpabibo, magpabebe at magpabida!  Kaya nga sa mga pabibo, pabebe at pabida ang tanging pangontra ay ang mga katagang: "Eh di ikaw na!"

Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi?  Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe...  

Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta.  Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga.  Huwag kang magpabibo, pabebe o pabida kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo.  Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda, pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta!  Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata.  Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus?  Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla.  

Ang Panginoon nga naman kung minsan ay mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila, kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa!  Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta!  Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan!  

Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad tulad ng pagbaha o pagsabog ng bulkan. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan at mahirap na sitwasyon ng pandemyang dala ng COVID19.  Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila? Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta!  Wala akong magagawa!"  

Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka!  Una, simulan mo silang isama sa iyong panalangin.  Hindi naman siguro nangangailangan ng pera para ipagdasal mo sila.  Libre ang pagdarasal!  Araw-araw bago matulog ay ipagdasal mo sila. Pangalawa, pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan.  Natutuwa malaman na may mga ilang taong nagboboluntaryo at naglaan ng kanilang oras at panahon upang mag-impake ng mga relief goods at tulungan ang mga nabiktima nitong nakaraang malalakas na pag-ulan.  Nakakataba ng puso ang malamang may mga nagpaaptuloy pa rin ng community pantry na nagbibigay ng pagkakataong magpakita ng kabutihan ang kahit karaniwang mamamayan.  Pangatlo, ipalaganap mo ang "kultura ng pagbibigay" upang labanan ang pagiging makasarili ng isang tao.  Sa makabagong pamamaraan ay maari mo itong gawin sa pagpopost sa facebook o iba pang social media platform.  Sa halip na paninira at mga walang saysay na post ang gawin mo ay ipaalam mo ang kagandahan ng pagbibigay lalo na sa mga taong higit na nangangailangan.

Marahil maliit na bagay ang kanilang ginagawa ngunit para sa mga taong kanilang natulungan ay nagiging malaking bagay ito.  Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay.   Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano.  Ito ang paalala sa atin ngayon ng ika-limandaang taon ng ating pananampalatayang Kristiyano: "We are gifted to give!" kayat nararapat lamang na ibahagi natin ang ating mga biyaya sa mga taong nangangailangan pa ng pagkalinga ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Mayroon.  Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan.  Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan.  

Tandaan mo... tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda", walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa!  Makagagawa tayo ng himala!  Hindi totoong wala tayong silbi, walang kuwenta at walang magagawa! Mayroon tayong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.  Ilagay natin ito sa kamay ni Kristo!  

Sabado, Hulyo 17, 2021

MALASAKIT NG PASTOL: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 18, 2021 - YEAR OS MISSIO AD GENTES

Ayon sa paniniwala nating mga Katoliko ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! 

May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... 

"Keep calm..."  Isang kuwento lamang po ito na kathang-isip lamang at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan.  Mabubuting tao at kagalang-galang ang mga obispo natin!  Pero ang sabi nga aalagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!"  Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna!  May nagsabi nga ng ganito: "Three things will surprise me in Heaven: Who's there, Who's not there. And that I am there." (Reine Riah)  Hindi sapagkat ikaw nakasutana ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas.  Hindi sapagkat ikaw ang namumuno ay ligtas ka na sa anumang kaparusahan. 

Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sa unang pagbasa ngayong Linggo:  "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1)  Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan.  Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34) At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga.  Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad.  

Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol.  Totoo na sila ang dapat manguna sa pagpapakita nito ngunit kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod.  Noong nakaraang linggo ay pinaalalahanan tayo na tayong lahat au isinugo ng Diyos na na magpalaganap ng Kanyang mabuting balita at gumawa ng mabuti sa ating kapwa. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa ating lahat na mga Kristiyano.  Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak?  Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo?  

Ang nais ipaalala sa atin ng Panginoon na dapat ay magpakita tayo ng isang "malasakit na paglilingkod ng isaang mabuting pastol.   At kapag sinabing malasakit ay nangangahulugan ito na dama natin ang sakit o ang paghihirap ng iba.  Sa panahong ito ng pandemya na kung saan ay mas maraming pagkakataong makasama ng mga magulang ang kanilang mga anak ay magandang makita ang malasakit na paglilingkod na ibinabahagi nila sa kanilang mga anak.  At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan din ng malasakit sa kanilang paglilingkod. Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan?  

At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno at mangasiwa sa "Kanyang kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon.  Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal.  Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod.  

At ngayong ngang ipinagdiriwang natin ang ika-500 anibersaryo ng ating pagiging Kristiyanong bansa ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag paglingkuran."  Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol. Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod.  Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod.  Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit!  Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.