Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 22, 2017
AMBASSADORS OF GOD'S MERCY AND LOVE: Reflection for 2nd Sunday of Easter - Divine Mercy Sunday - Year A - April 23, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang ikalawang Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Jesus ay ang itinakda ring Kapistahan ni Kristo, Hari ng Banal na Awa o mas kilala sa ingles na "Divine Mercy". Ang Kapistahang ito ay itinalaga ni St. Pope John Paul II noong taong 2000 sa okasyon ng pagiging santa ni St. Faustina Kowalska, isang madre na pinagkalooban ng natatanging biyayang pagpahayagan ni Jesus bilang Hari ng Banal na Awa. Sa araw na ito ay maaaring makatanggap ng biyaya ang mga deboto sa pamamagitan ng pagdarasal ng "Chaplet and Novena of the Divine Mercy", pakukumpisal at pagtanggap ng Banal na Komunyon sa araw ng kanyang kapistahan. Kung isa ka sa mga nagdarasal ng 3 o' clock Habit ay isa ka rin sa mga nagpapalaganap ng debosyong ito sapagkat ang pinakalayunin naman ng debosyon ay upang ipahayag sa buong mundo ang isang mensahe: na ang Diyos ay maawain at mahal niya ang sangkatauhan. Siya ang Diyos na may malasakit at nagmamahal sa ating lahat! Mahirap talagang magmahal kung walang malasakit. Sa loob ng isang LRT ay may isang binatang nakaupo at harap n'ya lang ay may isang matandang aleng nakatayo. Nang makita niya ito ay sabay pikit ng mata at nagkunwaring umidlip. Nang tinanong sya kung bakit siya umidlip ay sinabi n'yang: "Pumikit ako sapagkat sa tuwing nakikita ko ang matanda ay nadudurog ang aking puso! Kaawa-awa naman ang matanda. Parang nakikita ko ang lola ko sa kanya!" Ito ba ang ibig sabihin ng pagkaawa? Ang tunay na pagkaawa ay dapat may kasamang gawa! Ang tunay na malasakit ay pagdamay sa paghihirap ng iba at dahil diyan ay gagawa ka ng paraan para maibsan ang paghihirap ng iyong kapwa. Sa unang pagbasa, ito ay ipinakita ng mga unang komunidad ng mga Kristiyano na handang maglaan ng tulong sa kanyang kapwa: "Ipinagbibili nila ito (ang kanilang ari-arian) at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi
sa lahat ayon sa pangangailangan
ng bawat isa." Sa ating Ebanghelyo ay ipinadama naman ito ni Jesus sa kanyang mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pang-unawa at pagpapatawad sa kanila dahil sa kawalan ng kanilang pananampalataya lalo na kay Tomas na nag-alinlangan sa muling Niyang pagkabuhay." Ang bati ni Jesus ay "Sumainyo ang kapayapaan!" Nais paiwin ni Jesus ang kanilang pagkabalisa at pagkatakot na dala ng kanilang kawalan ng pananampalataya. Nais niyang ipadama ang kanyang pagmamahal sa kabila ng kanilang pagtatakwil at pag-iwan sa kanya noong siya ay maghirap at mamatay sa krus. Ito rin ang nais ni Jesus na madama at ipahayag natin lalo na sa panahon ngayon na tila marami na ang nakalilimot at hindi kumikilala sa Diyos! Marahil marami pa rin tayong mga Kristiyano kung bilang lamang ang pag-uusapan ngunit ilan kaya ang masasabing mga tunay silang Kristiyano na tagapagdala ng awa at pagmamahal ng Diyos. Sa maraming karahasang nangyayari ngayon at kawalan ng paggalang sa buhay at para bagang ipinahahayag natin na wala ng Diyos sa ating buhay! Ang ating paghuhusga sa ating kapwa na "sila'y mga taong masassama" ay nagpapakita ng kawalang malasakit at pagmamahal. Ano ang magagawa natin? Lagi natin sambitin ang mga katagang "Jesus, I trust in You!" Ang ating sagot sa mga kaguluhang nangyayari ngayon ay ang ating pagtitiwala sa Panginoon. Siya ang ang Panginong Muling Nabuhay at nagtagumpay sa kasamaan at kasalanan at dahil dito ay hindi Niya tayo pababayaan! Huwag lang nating ipikit ang ating mga mata sa maraming kaguluhan at kasamaang nangyayari sa ating lipunan. Huwag nating sang-ayunan ang pag-iisip ng mga taong walang takot sa Diyos at baluktot na ang pamantayan sa mabuting pamumuhay. Huwag tayong matakot magsalita at magpahayag ng ating pananampalataya. Ngunit gawin natin ito ng may malasakit at pagmamahal. Tayong lahat ay tagapagdala ng kanyang awa at malasakit sa iba. We are ambassadors of God's love and mercy!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento