Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Abril 9, 2017
MGA MAHAL NA ARAW AT BANA NA ARAW (Reposted) : Reflection for PALM SUNDAY OF THE LORD'S PASSION Year A - April 9, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
Mga Mahal na Araw na naman! Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba? Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal! Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Marahil ay mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin kung bakit Mahal na Araw ang tawag natin sa Semana Santa sa halip na Mga Banal na Araw. Bagama't mas tama ang pagsasalin na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN! Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas... Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Ngayong Taon ng Mga Layko ay sikapin nating ibalik ang salitang "MAHAL" sa mga Mahal na Araw at gawing "Banal" ang mga ito. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang!!!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento