Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 1, 2017
MAGANDANG BUHAY! Reflection for 5th Sunday of Lent Year A - April 2, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES
"Magandang buhay!" Ito ang pagbating lagi kong binibitawan bago magsimula sa aking homiliya. Bakit ba "magandang buhay?" Ano ba ang maganda sa buhay? May mga tao kasing hindi makita ang kagandahan ng buhay! May mga taong mas pipiliin pa nila ang kamatayan kaysa mabuhay. Mayroong kuwento na sa India ay may isang Hindu na may kakaibang kakayahang manggamot. Kaya n'yang pagalingin ang lahat ng uri at sa maniwala kayo sa hindi ay kaya n;yang bumuhay ng patay! Para patunayan ito ay nagpunta siya sa mataong lugar ng siyudad. May nakita s'yang patay na nakaburol sa kalsada sa harap ng isang bahay. Maramaing tao ang naglalamay. Nilapitan niya ang patay na nasa loob ng kabaong at sinabi niya sa mga tao na huwag silang matakot at mamighati sapagkat kaya nyang buhayin muli ang patay. Pagkatapos ay bumulong siya ng ritwal na panalangin. Hinawakan ang patay at sinabing: "Tumayo ka!" Laking gulat ng mga tao ng makitang tumayo ang patay sa kanyang pagkakahiga. Ngunit mas lalo silang natakot ng magsalita ang patay: "Sino ang bumuhay sa akin!" Itunoro nila ang hindu at laking gulat nila ng makitang binugbog ng patay ang Hiindu at sabay sabing: "Bakit mo ako muling binuhay! Payapa na ang buhay ko sa kabila! Ngayon, makikita ko na naman ang labing dalawang anak na palalamunin ko! Maririnig ko na naman ang boses ng asawa kong bungangera! Hahabulin na naman ako ng mga inutangan ko! Gugulo na naman ang buhay ko!" Ibalik mo ako uli sa kabaong kung hindi ay ikaw ang ilalagay ko d'yan!" Kung minsan nga naman ay parang bagang mas maganda pang manatili sa kabilang buhay na tahimik at mapayapa kaysa mabuhay dito sa ating mundo na puno ng paghihirap at kaguluhan, Pansinin mo ang mga nangyayari ngayon sa ating paligid at makikita mo ang katotohanan ng aking sinasabi. Palasak ang kahirapan. Halos araw-araw ang patayang nangyayari. Nawawala na ang paggalang sa buhay at nagiging normal na ang masasamang pag-uugali tulad ng pagmumura, pagsisinungaling, pandaraya, pagnanakaw, pagpatay... at ngayon nga ay laman ng mga balita ang isyu na pambabae ng ilan nating mga tinitingalang pinuno. Hindi tama ang sabihing dahil ito ay ginagawa ng nakararami ay puwede na itong gawin ng lahat! Hindi sapagkat abugado ka, o kongresista ka o kahit presidante ka pa ng Pilipinas kaya mo ng gawing tama ang mali. Ang tawag ko dito ay ang unti-unting pagtanggap natin sa "kultura ng kamatayan!" Ang kultura ng kamatayan ay ang uri ng pamumuhay na wala nang kinikilalang Diyos ang isang tao at dahil diyan ay sinasantabi na niya ang katotohanan at tamang pamumuhay. Katulad ni Marta sa ating Ebanghelyo marahil ay masasabi rin nating "Panginoon, kung naririto ka lamang ay hindi lalaganap itong kultura ng kamatayan sa aming paligid." Sana ay hindi natin sinusukuan ang ganitong mga pangyayari sapagkat alam natin na ang ating Diyos ay ang "Diyos ng mga buhay at hindi Diyos ng mga patay!" Siya ang daan, ang katotohana at buhay! Kaya N'yang buhayin muli ang ating mundong nalugmok sa kultura ng kamatayan. Sapat lamang na tayo ay magtiwala sa kanyan at patuloy na manindigan sa katotohanan. Huwag nating isusuko ang tama! Huwag nating sang-ayunan ang mali at sabihing ito ay tama! Kailanman ay hinid magiging tama ang pagmumura, pandaraya, pagpatay... Kailanman ay hindi nagiging tama ang mali. Sikapin nating maging mapanuri sa ating mga naririnig. Salain natin ang mga maling halimbawa ng ating mga "pinuno" o mga taong nasa kapangyaraihan at 'wag gawing idolo ang mga taong alam naman natin ay baluktot ang pamumuhay at paniniwala sa buhay. Huwag nating piliin ang malugmok sa kultura ng kamatayan bagkus ay hilingin natin kay Jesus na tayo ay muling buhayin mula sa ating mga masasamang pag-uugali. Yakapin natin ang handog niyang buhay at gamitin ito upang mabuhay din ang iba. Magandang buhay sa inyong lahat!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento