Linggo, Abril 9, 2017

EUKARISTIYA AT PAGPAPARI (Reposted & Revised): Reflection for EVENING MASS OF THE LORD'S SUPPER Year A - April 13, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES

Bata pa lang ako ay tinuruan na akong maghugas ng kamay ng aking magulang bago kumain. Tinuruan akong sabunin ang aking mga kamay, sa palad, sa pagitan ng mga daliri, paikut-ikutin pa... Pero hindi ata ako tinuruan na maghugas ng paa bago kumain! Parang weird yun! ... Bago ganapin ni Hesus ang "huling hapunan" ay iniutos ito ni Hesus sa kanyang mga alagad!  Pero heto pa ang mas weirdo... si Jesus na kinikilala nilang Panginoon at Guro ang naghugas sa paa ng kanyang mga alagad. Haller...! Si Jesus ang bigboss nila no?  Bakit siya ang naghugas? May nais paratingin sa atin ang Panginoon... nais mong maging lider?... matuto kang maglingkod! Nais mong maging dakila?... Matuto kang magpakumbaba! Napakaganda na ibinigay ito ni Hesus sa kontexto ng Eukaristiya... Ano ba ang Eukaristiya...? Simple lang, tinapay na walang halaga na inialay, binasbasan, pinaghati-hati at ibinigay sa mga alagad... Ngunit tinapay din na naging katawan ni Kristo, pagkain ng ating kaluluwa, at siyang naging dahilan ng ating kaligtasan! Ang Huwebes Santo ay ang paggunita sa pagtatatag ng Sakramento ng Eukaristiya. Dito inialay at patuloy na iniaalay ni Hesus ang kanyang katawan at dugo upang maging pagkain natin tungo sa ating kaligtasan. Bukas, Biyernes Santo ay gugunitain din natin ang pag-aalay ni Jesus ng kanyang buhay ngunit sa "madugong paraan."  Bagamat sa huling hapunan ay walang dugong dumanak sa pag-aalay ni Jesus ng kanyang sarili, kakakitaan naman natin ito ng magandang aral tungkol sa paglilingkod. Ang tunay na lider ay handang mag-alay ng kanyang buhay sa paglilingkod... tulad ni Hesus!  Sa paghuhugas ng paa ng mga alagad at pag-aanyaya sa kanila na gawin din nila ito, "ang maghugasan ng paa", ay sinasabi ni Jesus na ang tunay na pinuno ay nag-aalay ng sarili sa pamamagitan ng paglilingkod.  Ako ba ay may pusong marunong maglingkod?  Ang panahon ng Kuwaresma ay dapat nagturo sa atin ng pag-aalay ng ating buhay sa paglilingkod.  Ang "Alay-Kapwa" tuwing Kuwaresma ay hindi lamang pagbibigay sa "second collection" ng Simbahan.  Kasama ang maliit nating tulong ay ang malaking puso na handang magbigay ng ating buhay para sa mga mahihirap at nangangailangan.  Mas makahulugan kung ang ating ibinigay ay bunga ng ating mga pagsasakripisyo sa panahong ito ng Kuwaresma.  Sa pagtatatag ng Eukaristiya ay itinatag din ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari.  Tandaan nating na walang Eukaristiya kung walang Kristo. Walang pag-aalay kung wala ang nag-aalay. Ang mga pari ay ang kinatawan ni Kristo. Katulad niya, sila ay mga pinunong lingkod, na nag-aalay ng kanilang buhay sa isang sakripisyong hindi madugo ngunit ganap na pag-aalay sapagkat kinatawan sila ni Jesus. Ipagdasal din natin ang ating kaparian na sana ay mahubog sila sa larawan ni Jesus na pinunong-lingkod!

Walang komento: