Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 15, 2017
LIWANAG NG SAMBAYANAN: Reflection for Easter Vigil Year A - April 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Ito ang ipinahayag natin sa unang yugto ng ating pagdiriwang: ang Pagpaparangal sa Ilaw. Mula sa kadiliman ay sinindihan natin ang kandila Paskuwa at pagkatapos ay ang ating mga kandila. Sinasabi nitong hindi kailanman nagapi ng dilim ang liwanag! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus. S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka. Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal. Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog. Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita. Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal. Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki. Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!" Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin. Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Hindi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin? Kaya nga ito ang ipinahayag sa atin sa ikalawang yugto ng ating pagdiriwang: Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ito ay pagpapaala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos mula ng likhain niya tayo. Ito ay kuwento ng pag-ibig, pag-asa, awa at kapangyarihan na ipinamalas ng Diyos sa atin. Lumayo tayo sa Kanya ngunit tayo ay kanyang tinubos! Kaya ano ang tugon sa Kanyang dakilang pagmamahal sa atin? Ito naman ang ipinahayag ng ikatlong yugto ng ating pagdiriwang. Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng ating pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang mga anak tayo ng kaliwanagan. Ang mundo ngayon ay kasalukuyang binabalot ng kadiliman na tinatawag nating "kultura ng kamatayan" - ang unti-unting pagkawala ng pagkilala ng tao sa Diyos. Ngunit walang dapat ipangamba tayong mga "anak ng kaliwanagan." Kinakailangan lamang nating magliwanag, maging tapat kay Kristo at sa ating paninindigan bilang mga Kristiyano. Ang kamalian ay hindi kailanman magagapi ng katotohanan. Ang kasamaan ay hindi magtatagumpay sa kabutihan. Ang kadiliman ay hindi mangingibabaw sa kaliwanagan. Si Kristo ang liwananag ng sambayanan na tatanglaw sa mundong binulag na ng kadiliman. Si Jesukristo'y muling nabuhay... SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento